Saturday, August 13, 2011

Saranggola ni Tatay at time paradox


Bukid ang likod bahay namin noon at ang libangan ko tuwing tag-araw ay magpalipad ng saranggola. Isa sa pinakamasayang parte ng kamusmusan ko noon ay ang pagsasaranggola dahil kasama sa paglipad ng saranggola ay ang paglipad ng imahinasyon.


Natutunan ko ang paggawa ng saranggola sa aking tatay. Ang pinto ng likod bahay namin noon, pagbinuksan ay bukid na ang tatambad. Naalala ko ang tatay ko noon na tinuturuan akong gumawa ng saranggola. "Anak, tingnan mo, ganito ang pagkiskis sa kawayan, " sai ng tatay ko. "Dapat ay pantay at walang  lamang kung hindi ay kekeleng ang saranggola," medyo nakangiti pa habang nagkakayas. Pinakita din niya ang pagdidikit ng balat. Ang pinakaimportante diyan ay ang pagtatali. "Dapat ito ay timbang, hindi lamang ang taas kung hindi ay yuyuko ito sa hangin, at huwag lamang sa ilalim kung hindi ay. kakawag kawag ito paglipad, dapat may tamang balanse," turo ng tatay. 

Kitang-kita ko pa ang diyaryong balat ng saranggola. Hindi ko malilimutan ang headline ng People's Journal, ang paboritong dyaryo ng tatay ko na araw-araw ay inaabangan ko dahil sa komiks na Tasyo at Dalamacio Armas. "Ninoy Aquino, Patay!" Sigaw ng diyaryo.

"Tay, sino si NInoy?" Tanong ko. "Huwag mo ng intindihin iyang balitang iyan. Halika na at magpalipad na tayo." Tumayo kami at sabay na pumunta sa bukid. Pinakita sa akin ng tatay kong paano magpalipad ng saranggola. "Anak, pag umiikot sa ere, alagwahan mo. Paglumulundo, kabigin para mamayong." Sabi ng tatay habang nakatingala.

Nalala ko noon, ang ganda ng sikat ng araw at malayag ang hangin ng biglang magdilim ang langit , lumakas ang ihip ng hangin at nag-ambang uulan. Sa lakas ng hangin ay naputol ang sinulid ng saranggola. Hindi ko alam kung naiyak ako noon pero nakarinig kami ng ilang kulog kaya tumakbo na kami pauwi.

"Sa susunod na lang anak." Hingal na sabi ni tatay. Pero ilang segundo lang, lumiwanag uli si haring araw,. Di natuloy ang kasal tikbalang.

Matagal ng yumao si tatay, katorse ako noon,  at ngayon ay may pamilya na rin ako. Pero hindi ko malilimutan ang mga turo sa akin ng tatay. Hindi lamang sa paggawa ng saranggola, natuto rin akong gumawa ng mga bitag, magkumpuni ng kaunti ng makina, mag motorsiklo, aba eh sampung taon pa lamang ako nagmamaneho na ako ng greyder, payloader at bulldozer. Iyan kasi ang trabaho ni tatay.


Nagbakasyon ang pamangkin kong si Bebong sa amin dito sa Cainta. At dahil naiinip, tinuruan ko siyang gumawa ng saranggola, tulad ng tatay. Pero sa halip na sa likod bahay namin kami nag saranggola, na ngayon ay pugad na ng mga informal settlers, naglakad pa kami papuntang Greenland sa may Highway 2000. Enjoy siya habang nagpapalipad ng saranggola.

Mayamaya ay sumabit ang saranggola namin sa puno ng sampalok. Wala akong magawa kung hindi umakyat sa puno na mukang halimaw na nanghahablot ng mga saranggola dahil sa dami na ng kanyang nabiktima. May mga saranggolang plastic, may saranggolang directory, may saranggolang diyaryo. Nasa puno ako at sinasagip ang aming saranggolang kakaway-kaway sa hangin ng tawagin ang mata ko ng isang naninilaw at tagulumining balat ng saranggola na sumsisigaw ng , "Ninoy Aquino, Pinatay!"

Bumababa ako sa puno at hindi na nakuha ang saranggola namin ni Bebong. Mataas, hindi ko na maabot. Pauwi na kami ng tinanong ako ni Bebong, "Tito George umiiyak ka ba?"

"Hindi ah! Napuwing ako ng hangin." Nakangiti kong sagot.

Thursday, August 11, 2011

Init story



Halos dalawang araw kaming nagtiis sa eskwelahan na walang kuryente dahil sumabog ang kuntdaor ng school. Ang diagnosis: overload. Kahit hindi tirik ang araw ay sadayng napakainit at nakakapagpawis ang panahon dahil sa kabasaan ng hangin o humidity. Ngayon ang mga panahon na kahit makulimlim ay mainit dahil naghahakot ng tubig si Ulap upang ibuhos sa mga hamak na nilalang sa ibaba.

Isa sa epekto ng mainit na mamasa-masang pakiramdam ay ang pag-init ng ulo. Ang init ng ulong ito ay samahan pa ng mga pasaway at makukulit na bata, ang resulta ay stress at high blood. Bumabagal kumilos ang mga mag-aaral at laging parang inaantok.

Noong isang araw ay napanood ko at narinig sa TV na may panukalang gawing tag-araw ang pasukan upang mabawasan ang pagkliban ng mga bata sa klase. Alam ko na ang gusto ng mga mambabatas na ito ay bakutihan at ang iba naman ay magpapampam. ngunit ang aking pinangangambahan ay ang init ng tag-araw. Ito ng lamang humidity ng tag-ulan, ano pa kaya ang tuyot at malalikabok na hangin kasama ang naglilisik ng tirik na haring araw, hindi nga bagyo ang kalaban heatstroke naman.


May suggest akot, sa mga mambabatas na gustong ilipat ang pasukan sa tag-araw, magturo po kayo ng isang linggo sa isang pampublikong paaralan na walang aircon at may mahinang electric fan (kung meron) bago po kayo magpanukala.

Subukan nyo munang maheatstroke, try nyo lang.


Monday, August 8, 2011

Edad

Dati, pag ikaw ay nagkakaedad
Ikaw ay tinitingala
Dahil sa iyong tanda ay naglalahad
Na ikaw ay sa dunong pinagpala

Bawat puti ng buhok at kalyo sa palad
Ipinagdiriwang ang pagtitiyaga at pagkabihasa
Na hanggang ngayoy di kayang itulad
Sa basta-bastang gawa

Dumating ang panahon
Iba na ang edad
Ngayoy ang tinitingala
Mga gadgets na


Ngayon ang pagkakaedad
Ay ngangahulugan...
Upgrade ang iyong kailangan

Tuesday, July 26, 2011

Lois Lane natagpuang patay sa Boracay


Isang bangkay ng di makilalang babae ang natagpuan patay sa silong ng sa isang kubo sa beach resort sa Boracay. Ayon sa imbestigasyon  ang babae ay  nagtamo ng tama ng isang matigas na bagay na tumagos sa kanyang ulo nagresulta sa pagkasabog ng kanyang bumbunan. Nalaman din sa imbestigasyon na tuklap ang nguso, bali-bali ang mga braso at durog ang mga hita ng babae. Bumagsak din ang sahig ng na nagresulta sa pagkabaon ng biktima sa lupa sa ilalim ng kubo.
Ayon sa imbestigasyon, nagcheck-in sa resort na masayang-masaya at sweet na sweet ang bagong kasal. Makalipas ang ilang oras ay nakarinig na lamang ng isang malakas na pagsabog ang mga taga Boracay. Nagtakabuhan sila papalayo sa pinangyarihan sa pagaakalang mga terorista ang may kagagawan. Nung mapansin nilang wala namang usok o apoy, sila ay nagbalikan sa kanilang mga dating gawain. Kinumpirma naman ng PHIVOLCS na nagkaroon ng isang malakas na pagyanig sa Boracay ngunit hindi nila maipaliwanag ang dahilan nito. "This is not a volcanic tremor nor a tectonic movement," ayon kay Dr. Milo O. Himlo ang regional head ng Phivolcs sa Visayas.


Isang malaking palaisipan ang nangyaring ito sa di pa nakikilalang babae. Agad na pinakuha ng Pulisya ang guest record ng resort upang malaman ang identity ng di-panakikilalang babae at ganoon din upang makilala ang kanyang kasamang lalaki na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Hindi pa maipalagay kung nasawi din ang lalaki o kung siya ay suspect.

Ayon sa findings, ang pangalan ng nasawing babae ay si Mrs. Lois Lane Kent at ang pangalan ng lalaki na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ay si Mr. Clark Kent.




Sunday, March 13, 2011

Kwentong punso

"Pare, iniwan ako ng kumare mo! Sumama sa ibang lalaki!," Atungal ni Julio habang langong-lango sa alak. Matagal na silang nagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama ng kanyang asawa. Ang palagiang sinisisi niya ay ang maliit niyang pagkalalaki. Ngunit alam ng lahat na ang dahilan kung bakit iniwan ng kanyang asawa si Julian ay dahil siya ay isang lasinggero at iresponsableng asawa. Pero, ayaw niyang aminin ito. Pilit niyang isnisisi sa kanyang asawa ang problema. Ibinibintang niya sa pagkakaroon ng kalaguyo ng kanyang asawa.

'Pare," Pag-aamo ni Lando, ang kanyang matalik na kaibigan. "Huwag kang mag-alala, maraming ka pang makikitang mas magmamahal sa iyo. (Ngunit sa loob-loob ni Lando, "tama lang na iwanan ka ni kumare dahil ikaw ay isang makasariling asawa.) "Hindi!" Pasigaw na sabi ni Julio, "alam ko na hindi lamang siya nasisiyahan sa akin. Nalilitan siya sa pagkalalaki ko!" (Sa isip ni Lando, "talagang maliit ang pagkalalaki mo pare dahil maliit ang pananaw mo sa mga babae!) Ngunit ang kanyang pananaw ay kanyang lamang sinasaloob dahil ayaw niyang masaktan ang matalik niyang kaibigan.

Langong-langong umuwi ang magkaibigan. Sumisipol at pasuray-suray sila habang malungkot na paulit-ulit na nagpapalipad hangin si Julian, walang saysay ang kanyang mga sinasabi. Biglang nakaramdam ng kabigatan sa kanyang pantog si Lando. "Pare, iihi muna ako. Diyan ka lang," Sumipol si Lando at sabay ihi, "habi-habi po," sabi ni Lando. Maya maya pa ay narinig ni Julian ang pagsuplit ng ihi ni Lnado. "Habi-habi po, salamat po!" Sabi uli ni Lando habang kinikilig.

"Pare...hikhikk..." sabi ni Julian. Bakit ka pa nag papaalam eh wala namang tao. "Ikaw naman pare, komo lumaki ka sa Maynila ay nalimutan mo na. May mga nuno sa punso dito sa Pinagtampuhan, at alam mo namang kilala ang pinagtampuhan sa mga hiwaga dito. Naalala mo ba noong maliliit pa tayo. Si Pedro, itinuro niya ang isang punso at namaga ang kanyang daliri na kasinlaki ng patola." Storya ni Lando, "kasi hindi inusog niya ang mga nuno!" Palinga-lingang kwento ni Lando.

Nag-isip si Julian, "aba pare, kung ganoon ito ang solusyon sa problema ko! Iihian ko ang mga punso nang lumaki ang pagkalalaki ko! Hindi ko na kaliangan gumastos pa kay Dra. Vicky Bello sa pageenhance!" Lasing at pakutyang sabi ni Julian. "Pare naman, alam mo naman na may paniniwala ang mga tao dito. Igalang mo na lamang." Pakiusap ni Lando.

"Pare....tumigil ka. Alam ko namang pamahiin lang iyan at hindi ako naniniwala. Pero nasaan ba ang mga punso. Luminga-linga si Julian at ng makita niya ang pinakamalaking punso ay ibinababa niya ang kanyang salawal at bigay todong inihian ang punso. 'Sige...pamagaiin mo ang ari ko at matutuwa pa ako!" Lapastangang sigaw ni Julian. Napailing na lamamng is Lando.

"Pare, tulog ka na...", Wika ni Lando habang inihatid niya sa pintuan ng bahay ang kanyang matalik na kaibigan.

Tatlong araw muli ng makita ang magkaibigan. Laking gulat ni Lando ng makita niya si Julian na nakapalda. Parang itik kung lumakad at bakat na bakat ang malapakwan na kabilugan sa pagitan ng kanyang hita.

Friday, March 11, 2011

25 sentabos


Bumibili ako ng puto bungbong ng may makita akong isang eksena na hindi ko makakalimutan. Isang napakagandang dalaga ang tumatatawid sa kalsada kasama ang kanyang huklubang lola. Nasa kalagitnaan na sila ng biglang tumigil ang huklubang lola, yumuko at dinampot ang isang bentesingko sentimos. Halat sa mukha ng magandang dalaga ang kaunting pagkayamot. "Ano ba naman si lola! Bentesingko lang magdadahilan pa ng trapik!," Bulong siguro sa sarili ng babae.

Bakit nga ba napatigil ang lola?

Naala ko noong maliit ako, noong nag-aaral pa ako sa elementarya. Sabi ng tatay ko ang halaga daw ng pantalon noong maliit siya ay dalawang piso. Hindi ako makapaniwala dahil kinukwento niya ito sa akin noon habang binibigyan niya ako ng baon na singkwenta sentimos. Ito yung baon ko noon sa grade 1 para sa maghapong klase. May isang pera pa noon Lapu-lapu. Hindi ko noon pinapansin ang isang pera, pero ang tatay ko dinadampot iyon.

Ano ba nabibili nung singkwenta sentimos ko noon.
Una ang sopas sa eskwelahan noon ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos at ang tinapay naman ay nagkakahalaga ng diyes sentimos. Sa totoo lamang ang tinapay noon ay singko lang, dinagdagan lang ng singko pa dahil may palaman na matamis na bao o kaya naman ay star margarine kaya nagiging diyes sentimo. Ang hindi ko nalilimutan ay ang laki ng tinapay noon. Ito ay mga nutribuns na talagang malalaki at mga siksik na tinapay. Para maibenta ito noon ay inilalagay namin sa plastic na sako at nilalako namin na para kaming si santa claus.

Ang singkwenta sentimos ko noon ay kayang bumili ng isang maliit na softdrink at isang pirasong tinapay. Sa totoo lang, pag binigyan ako ng tatay ko noon ng limang pisong aguinaldo, hindi ko maubos sa kabusugan.

Ang Texas na buble gum noon lima singko, ang tiratira lima singko, ang tae ng kalabaw lima singko, ang kendi lima singko, kaya noon ang salitang lima singko ibig sabihin mumurahin noong mga panahong ang isang sentimo ay nakakabili pa.


Ngayon pag ang anak ko ay hindi na pinapansin ang bente singko. Ang baon niya ay singkwenta pesos...kwentahin mo ang pagtaas...

Kaya noong tinitningnan ko si lola....naiintindihan ko....ano kaya ang halaga ng bentesingko noon. Isang kilong gulay, isang kilong bigas, isang balot na tinapay....ilang taon mula ngayon ang isang daang piso ay hindi na papansinin.

Thursday, March 10, 2011

Ang talisay


Ang talisay
Mayabong ang dahon
Masarap maglaro
Sa ilalim ng kanyang lilong


Sadyang masamyo ang hangin
Sa ilalim ng lilim
Ngunit ingat ka lamang
Baka ikaw ay malibang

at....

Akala mo ikaw ay binungang araw
Dahil sa kating parang mga singaw
Di mo lang napansin
May nilalang na nakabitin

Ikaw pala ay naging victim
Ng higad na itim!