Wednesday, May 30, 2007

Ang Piso-Andres Bonifacio!



Ang Piso

Naalala ko nung maliit pa ako
Ang piso paghiningi ko sa tatay ko
Di kayang tutupin ng kamay ko
Sa laki ng muka ni Rizal dito


Ngayon ang piso paghinihingi ng anak ko
Pang-asar, nilalagay sa mata niya ito
Tatawa na parang nanloloko
Kasi mas maliit pa sa eyeballs niya ito

Buweeeeeseeeet!

___________________


Andres Bonifacio!

Andres Bonifacio, A tapang a tao
A pitik a tenga, hindi a takbo
A tuntok a dibdib, hindi a takbo
A pitek a utin, a takbo a tulin.

Ang tatay ko bago naging pastor ay isang numero unong lasenggo, tirador ng mga pusa, at hari ng cha-cha. Hindi ko malilimutan itong tulang ito kasi napaiyak ako nito. May kainuman ang tatay ko kasama yung anak at pinatula itong tulang ito. Aba, ayaw padaig ng erpat ko at gusto patulain din ako. Eh, ayaw ko kasi pangbulol lang kasi ‘tong lintek na tulang ito eh. Ayaw ko talaga, inudyukan ako ng inudyukan at inasar ng inasar hanggang umatungal ako.

Andres Bonifacio, A tapang a tao
A pitik a tenga, hindi a takbo
A tuntok a dibdib, hindi a takbo
A pitek a utin, a takbo a tulin.

Medyo me pagkanaughty itong tulang ito pero nakakatuwa. Ngayon ala ng tulang alam mga bata.

Tuesday, May 29, 2007

Ang Alamat ni Dr. Bayabas/Bawang




Maaring walang maniniwala sa akin (kasi siguro naman walang magbabasa ng blog na ito kasi Filipino) pero ang pagkakaalam ko dahon lang ng Marijuana nakakaadik at ang nanay ko lang yata ang kaunaunahang kaso ng tao na naging sugapa sa dahon ng bayabas (Psidium guajava ). Oho, maniwala kayo naging malaking problema naming magkakapatid ito. ‘Pag ang nanay ko nahihilo papakuhain ako ng talbos ng dahon ng bayabas at sisinghutin niya ito na parang sugapa sa rugby. ‘Pag ang nanay ko sinikmura, ngangata ng talbos ng bayabas na parang sugapa sa brownies. ‘Pag may konting sugat, bayabas to the rescue. Hanggang ang nanay ko ay binansagan ng nasirang kong ama na Duktor Bayabas.

Buti na lang marami kaming puno ng bayabas nung mga panahon na yun. Takbuhan kami ng mga bagong tuli, at hanggang ngayon naman, kahit iisa na lang ang puno ng bayabas namin ay madalas pa ring me sumusulyap na mga nakapalda at humihingi ng dahon.

Ewan ko kung paano nawala sa sistema ng nanay ko ang talbos ng bayabas. Pero siguro, ewan ko lang ha, baka dahil nahigad ang lola ng ngatain niya ito one time.

Herbal kasi, herbal kasi.

Ewan ko kung ano naman ang trip ng nanay ko kasi nasa Baguio siya ngayon, I hope lang di naman dahon ng pine tree ano.

Super Advance Happy Mother’s Day!



------Bawang

“Ano tong mga maliliit na piraso ng bawang sa bintana?” Tanong ko sa asawa ko nung ito ay nagbubuntis pa lang sa anak namin.
“Pinanalagay ni Melda (kapatid niya) kasi daw baka may gumalaw sa baby natin. Wala naman daw masama kung susunod tayo sa pamahiin.” Sagot ng asawa ko.
Nakita ko yung bawang na inilagay niya ay yung bawang na Tagalog, yung maliliit. Ginawa ko nung bumili ako ng ulam ay bumili ako ng bawang na China o Taiwan kung tawagin, yung kasing laki ng kamatis. Inilagay ko ito sa bintana. Nung umuwi ang asawa galling sa trabaho at nakita ang bawang ay naasar at di nako pinansin. “O, diba mas powerful yang mga bawang na yan kasi malalaki!” Sinabayan ko ng tawa.

Naghapunan akong mag-isa.

Monday, May 28, 2007

Ang Mga Taga-akay


Sa Bayan ng Pinagtampuhan ay pinagkakapitagan ang mga tinatawag nilang taga-akay. Sila ang mga taong matagal ng kilala na nagdadala sa mga deboto sa bundok ng Pinagtampuhan. Mga deboto daw ng misteryo ng buhay, mga taong nagsisipag-aral kung ano ang kahulugan ng buhay, ito ang inaari nila. Ang mga taga-akay ay mga tahimik na tao, mga walang kibo, ni hindi nagugulat sa anumang pangyayari sa kapaligiran nila. May kwento pa tungkol sa isang taga-akay na hindi man lamang tuminag ng mabagsakan ng isang patay na puno. Ito ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay—misteryo ng kapayapaan.

May mga deboto na umuuwi ng luhaan, “wala namang katoohanan ang ari ng mga taga-akay! Wala silang misteryo pagkat sila’y mga pipi!” Mayroon din gustong pagbabatuhin hanggang mamatay ang mga taga-akay. “mga bingi, mga pipi mga walang silbi!” Ni hindi man lang pumasok sa isip ng mga taong ito na ni minsan ay di sila inakit ng mga taga-akay. Sa halip ang umakit sa kanila upang umakayat sa Bundok ng Pinagtampuhan ay ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay. Ang mga luhaang umuwi at galit sa mga taga-akay ay bumalik sa mundo nila na puno ng kasiyahan at puno ng ingay. Ngunit kahit anong galit nila sa mga taga-akay at kahit anong gusto nilang kasamaan na gawin sa mga taga-akay ay taon-taon bumabalik sila upang tikman ang katahimikan.

May mga naiiwan, tumatagal ng taon, at sa katagalan ng katahimikan ng pakikisama nila sa mga taga-akay ay namamatay na ang pandinig at bandang huli ay umuurong na ang dila. Mga taong sa huli ay nagpapatuloy sa alamat ng mga taga-akay.
-
May isang lalaki ang di tumagal sa kapulungan ng mga taga-akay. Siya ay bumalik sa kanyang dating maingay na buhay. Ngunit paminsan minsan siya ay nakikitang nakikinig sa bukas na radio pero sarado ang palakasan, nanunuod sa piping telebisyon, nagbabayad ng mga taong palausap upang tumabi sa kanya at manahimik…nagpapaandar ng mga plakang blanko… malungkot…gustong bumalik sa mundo ng taga-akay ngunit alam niyang kailanman ay di siya tatagal sa nakabibinging katahimikan.

Saturday, May 26, 2007

Betamax story


Nuong dekada otsenta kung saan papausbong pa lang ang aming mga hormones ay palagi na lamang kaming may naririnig na betamax. May betamax daw si Vilma Santos na nakikipagtalik kay ganire at ganito, may betamax daw si Coney Reyes na binanabanatan ni ganire ni ganito, may shower betamax daw si ganire at ganito. At dahil nung kapanahunang yaon na kaming magbabarkada ay kasalukuyang mainit pagdating sa mga usapang sekswal, ang aming kwentuhan ay umiikot sa pagpapantasya sa mga artista at siyempre kasama na rin ang aming mga dalagita pa noong mga kapitbahay. At talaga namang inaabangan naming ang mga trailer ng mga bold movies na pinangungunahan pa noong panahon na yon nina Sarsi Emmanuel, Pepsi Paloma, Coca Nicolas ang mga softdrinks beauty ng nasirang si Dr. Rey dela Cruz na hangang ngayon ay di ko alam kung bakit duktor ang tawag sa kanya at Maureen Mauricio. Sa mga hardcore na bold naman nandiyan si Vernie Sanders, si Didith Romero atbp. Sa mga kalalakihan pumapayagpag ang karera ni Gino Antonio, Ernire Reyes, at sa hardcore ay talaga namang walang makakalimot sa nasirang George Estregan. Talagang hinahangad namin ang makasulyap man lamang ng bold movies, kaya lang ang betamax nuon parang ginto kung tratuhin ng mga may-ari at lintik talaga ang kontrol ng mga magulang sa bata pagdating sa panunuod dito, kasi baka masira. Mantakin mo ang dating mo pag may betamax ka nuon, talaga namang hanggang bintana ay may nakasulyap para makinuod, kaya pagmay betamax ka noon in na in ka. Kami nuon hanggang 12” Nivico black and white TV lang.

Iba na ngayon.

Sa pag papanood ng mga programa sa TV ngayon, lalo na sa balita na dapat ay sandigan ng moralidad at di lamang ng katotohanan, ay halatang halata ang paggamit sa sex bilang pang akit. Ipinakikita sa TV ang stolen video kasama ng mala-kristo sa sabungan na pag-sasalaysay ng pangyayari kung paano nakuha ang video at kung paano pananagutin ang may sala. Ang gagawin pa ng mga balita sa TV na ito ay ihuhuli ang sex scandal para hanggang huli ay may manuod ng kanilang pagbabalita. Kinabukasan din mismo ng pagsasahimpapawid nitong balitang sex video na ito ay nandiyan na ang mga piratang naglalako at kung anuman ang naipalabas nung balita ay gayun din ang kanyang ibinebenta. Hindi na mapapansin ang umiiyak na biktima dahil sa katotohanan ay ang natulungan ay ang mga gumagawa ng sex video. Sino pa ba ang pinakamagaling na promoter kundi si Mike Enriquez.

Sa mga sex video na ito ay makikita na ang bikitima ay mga kababaihan. Karamihan ay mga kabit ng mga mapagpantasyang lalaki na gusto lang matupad ang pangarap na mapasama sa isang pronograpiya dahil na rin sa mga naitanim ng punla ng kalsawaan sa kaisipan nila (o namin). Karamihan naman ng mga biktimang babae ay sumasangayon na lamang sa ganito dahil na rin sa kapusukan ng pagkakataon at karamihan naman ay sadyang palihim na nilalasapatangan ng kanilang karelasyon. Ngunit paglabas ng video ay talaga namang wasak ang mundo ng mga biktima, may mga iba nagtangka pang magpakamatay. Pero hindi na ito nabibigyan pa ng halaga ng TV dahil wala namang gustong manuod ng mga ganitong bagay: ang mga luhaang biktima dahil walang video, walang sex. Ang paghihiwalay ng hinagpis ng mga biktima sa libog ng mga video ay dumadagdag at nagpapalakas sa pananaw na ang sex ay isang gawain na parang pampalakasan na lamang. Pero sa kababaihan ang sex ay isang bagay na hindi mahihiwalay sa pagkatao nila, sa pagiging babae nila, sa pakiramdam nila bilang tao. Di katulad ng mga kalalakihan na, lalo na yung may mga imahe na pinangangalagaan, ito ay isang uri ng palakasan. Nakagugulantang na kung papanuorin mo ang mga pornograpiya, kung papano ang hingal, ang salita, ang mga aksyon, iiisipin mo na ito ay isang normal na bagay lamang, isang pag-arte para sa mga kababaihan na kung saan game silang lahat. Pero sa isang banyagang TV magazine program kung saan ipiniture ang mga artistang babae sa pornograpiya, karamihan sa kanila ay umaatungal dahil sa labag sa kalooban nila ang gawain nila, halos lahat kaya ganuon ang arte ay dahil sabog sa droga. Si Linda Lovelace ang isa sa pinakadiyosa at nagpayanig sa mundo ng pronograpiya dahil sa kanyang pelikulang “Deep Throat” ng nakipagtalakayan sa isang tagahayag sa kanyang katandaan ay sinabing malaki ang kanyang pagsisi sa kanyang ginawa.

Siguro ang sekswalidad at ang mga pantasya at kung anuman ang ginagawa ng mag-asawa sa kanilang silid ay matatawag nating normal. Ito ay sa kadahilanang ang sex ay isang tunay na pangngailangan ng katawan. Si San Pablo mismo ay nagsabi na huwag ipagkait ang isat-isat (1 Cor 7:5). Ang paghuhusga sa moralidad ng sex ay isang bagay na napakhirap gawin dahil na rin sa panahon ngayon ang mga pamamaraan ng paghahayag ng sekswalidad ay marami na at karamihan naman ay katanggap-tanggap na rin. Ang mga hang-ups noon ay hind na hang-ups ngayon. Ultimo ang problema ng pornograpiya, dahil na rin sa kabulaksaan nito ay halos di na nanapansin. Tumigil na ang mga sensasyonal na mga sex scandal sa TV, laos na rin siguro ito.



Minsan sa panunood naming magbabarkada ng pornograpiya at matagal na natuon ang mata namin sa taas baba at labas pasok ay parang humahagip sa isip namin ang isang bagay—ang pagtaas-baba at labas pasok ng tubo ng isang poso.
-
Siguro tatapusin ko ang sanaysay na ito sa salita ni Prof. Hayakawa: “Ang pagbigay ng tuon ang sa mekanismo ng pagtatalik ay ang pagiisang tabi sa katauhan nito.”

Friday, May 25, 2007

Lakbay Diwa paukol sa mga Alamat

Genesis 1:1 “Nang pasimula ay Diyos…

Sa paghahanap ng isang matatag na tuntungan ng pagsasaliksik at paglalakbay ng katotohanan ukol sa pananampalataya, ang pag-tuntong sa pagiging ng sarili ang isa sa pinaka-matatag. Sa pagbabasa ng mga alamat sa Bibliya makikita natin na sa mga propeta, na kung saan nagmula ang Hudaismo, nakipag-usap ang Diyos—sa tao, at sa kaysayan ng Israel ay nagkaroroon ng pagii-sang dibdib at pagiisang-isip si Jehovah sa mga taga-Israelita. Bakit natatangi si Jehovah sa mga Israelita? At bakit itinangi ni Jehovah ang mga Isarelita? Ang kaagarang sagot dito ay ang tipan, tipan sa pagitan ni Jehiovah at ng mga taga Israelita. Ang tipanang mula sa direktang pakkitungo ni Jehovah sa mga propeta bago ang tipanan ni Jacob.

Unang dapat mapansin sa relasyong Jehovah at mga Israelita ay ang papel ng Propeta. Siguro isang ligtas na sabihin na ang mga propeta ay tagapamagitan ni Jehovah sa pakikitungo niya sa mga Israelita, maliban dito ay mahirap ng ipaliwanag ang gawain nila dahil na rin karamihan sa kanila ay labas sa pag-inog ng kanilang mga pamayanan. Sila’y mga tao na may kapangyarihan ay ang kakayahang makipag-usap kay Jehovah. Sila ang mga saksi ng mga sinaunang pakikipagtipanan ng ni Jehova.

Ang pananampalataya ng mga Israelita noon ay isang pananampalataya na tunay namang nakatindig sa mga karanasan ng mga tao-- sa mga propeta. Mula sa mga hari, ang propeta ay may isang mahalagang papel na tagapayo, tagapigil, tagasingil at tagaputong. Bakit nga ba napakalaki ng kapangyarihan ng mga taong ito gayong karamihan sa kanila ay napagkakamalang mga baliw--ang alamat na ang Diyos ay kumakausap lang sa taong nahigitan ang kanyang pagkatao.

Pumapaliwanag ang pakikipagugnayan ng mga Israelita at ang pagtatangi nila sa mga propeta sa katotohanang sa tao nagmumula ang pag-hango ng pagkaunawa sa Diyos. Ano nga ba ang propeta? Sa pag-aaral ng Matandang Tipan isa lang ang hindi maipagkakaila, lalo na sa buhay ng mga makakapangyarihang mga tagapagsalita na ito ni Jehovah, sila ang mga taong tunay na nakakikilala sa sarili nila, mga baliw, mga taong nalampasan ang kanilang mga sarili, mga taong mas mataas sa anyong katinuan ng nakararami. Mula sa mga pinakatanyag na propetang sila Elija, Elias hanggang kay Juan Bautista, labas sila sa tinatawag na katinuan ng pamayanan; mga kumakain ng kulisap at mga nagsusuot ng damit na sako at mga nakatira sa mga yungib.

Magkaiba ang papel ng mga pari at ng mga propeta. Para sa propeta si Jehovah ay isang tinig sa loob ng kanilang pagkatao, isang makapangyarihang tinig na ni minsan ay di nila tinangkang ipaliwanag at akuin at alipinin at isalarawan, ipinahahayag lang nila. Isang tinig na kasama ng kanilang pagkatao at kung minsan mang tumatahimik, kasama ito ng pagtahimik ng kanilang mga saloobin. Tumahimik at nangamatay ang mga propeta ng maganap ang isang katotohanan sa kasaysayan—iyan ay ng pasimulang isalin ang kalikasan ni Jehovah sa wika ng mga Israelita. Siguro dito ko buong tapang na sa balik tanaw ay sasabihing nagsimula ang kamatayan ng tunay na pagkakilala nila kay Jehovah.

Pagpasok ng Judaismo nung panahon ni Ezra at ng pasimulan ang pagliliwat kay Jehovah mula sa saloobin ng tao sa pagsasawika niya. Dito ay nagsimula ang isang malaking nilikhang katotohanan ng mga Israelita na nahuli na nila ang isip at kaluluwa ni Jehova sa mga inliwat na mga sulatin ng mga propeta, manunulat, at mga tagaturo. Hanggang ang kaisipan at kaluluwa ni Jehova ay nailiwat sa mga batas, na binakuran ng mga batas, na binakuran pa ng mga batas. Sa huli ay naihiwalay sa mga taga-Israelita si Jehovah. Nang hubugin ng mga taga-Israelita ang anyo ni Jehovah ayon sa kanilang wangis ay tumahimik ang mga propeta dahil saan ba ngayon makikinig ang mga Israelita, sa propeta o sa aklat—karunungan. Ang naging tagalinang ng mga wangis ng Diyos para mga taga-Israelita ay ang mga pari na malaki ang naging papel sa pagkabali ng kalikasan ng Diyos bilang isang Esperitu. Siguro ligtas na sabihin na ng simulang iliwat ang mga kautusan mula sa puso ng tao patungo sa titik upang mabantayan ito, ay dito nagsimula ang napakalaking kasalanan ng mga taga-Isaraelita—ang idolatriya. Sa pagbabantay nila upang mapanatili ang kakanyahan ng Diyos ay nawaglit sa isip nila na ginawaan na nila ng wangis ang Diyos sa wangis na likha na rin ng mga kamay nila.

Nang simulang ilabas ng tao ang Diyos sa kanilang sarili ay nagsimula na ang paghahanap ng tao sa Diyos sa labas ng kanyang sarili. Umusbong ang kaisipang emperesismo na kung saan kailangang patunayan ang Diyos labas sa kasarinlan at kalikasan ng tao. Andiyan din ang mga taong naghahanap sa Diyos sa pamamagitan ng katwiran, karanasan atbp. Wala namang mali sa paghahanap sa Diyos sa mga nabanggit na pamamaraan ang katinuan lamang at ang pangngatwiran ang minsan ay bumabalakid.

Ngunit ano nga ba at sino nga ba ang Diyos? Malaki nag papel ng mga alamat sa sa pagkaunawa natin sa Diyos dahil sa mga alamat nakita ng mga tao ang walang kapaimbabawang kilos ng Diyos na ipinahahayag nila na may pag-aming ito ay di-arok ng kanilang pang-unawa. Katawa-tawa ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na kailanman ay di-maaring maganap Kamangha-mangha ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na di kayang arukin ng katwiran. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito ay kasayasayang ng mga taong umaamin sa kanilang kapakumbabaan. Kamangha mangha ang alamat dahil ito ay kalipunan ng ugnayan ng tao at ng Diyos. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito lamang ang wastong panitikan na kayang ilarawan ang Diyos na walang pagkukunwari at limitasyon ng karunungan at katwiran at kasinungalingan ng pagiging maka-agham.

Ang mga alamat ang isa sa pinakamatibay na testamento ng Diyos ngunit ang alamat ay nasaisulat na rin, ibig ba sabihin ay isang narin itong idolatriya? Ang mga naisulat na mga alamat ay nag papahiwatig ng pagkamangha ng tao sa Diyos na ginamitan ng wikang hindi hiwalay sa kanyang karanasan at pagkatao di katulad ng mga batas na kung saan inihiwalay ang Diyos sa karanasan at sa pagkamangha sa Diyos at hindi mula sa kaibuturan ng kalikasan ng tao. Ang batas ay panglabas ang mga alamat ay pangloob. Ito ang hinigitan ni Kristo ang batas (Romans 10:4). Ano pat inako niya na siya ang kaganapan nito—isang tao, tunay na Diyos—ang tunay na imahe ng Diyos na hinigitan ang wangis na ginawa ng mga Israelita.
Ang kapanganakan ng isang bagong alamat! Ang bagong wangis ng Diyos na inukit ng Banal na Esperitu.

(Ang alamat po dito ay hindi iyong mga pangkaraniwang alamat na kung saan nagmula ang isang bagay. Anga lamat po na tinutukoy dito ay ang pagpapahayag ng pag-kaunawa at pananamplataya ng tao na hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang-nakasandal-sa-talinong uri ng panitikan.)

Thursday, May 24, 2007

Kaligtasan

Ako ay naligtas sa kasalanan noong ako ay maglalabingtatlong taong gulang. Ngunit di talaga naligtas. Ganito ang pangyayari. Mayroong isang malaking pamamahayag sa simbahan ng Tiya Reed ko. Gabi-gabi, makailang linggo ay maraming pagpapahayag, pag-aawitan, pananalangin, at sigawan, at maraming maksalanang may pusong bato ang nailapit kay Kristo, at ang kasapian ng iglesya lumago. Bago matapos ang pamamahayag, nagkaroon sila ng isang pagpupulong para sa mga bata, “upang ilapit ang mga musmos na kordero sa kawan.” Ang tiyahin ko ay mga ilang araw din akong kinausap tungkol dito. Nung gabing ‘yon ay inakay ako sa unang pila ng upuan at pinaupo sa bangkuan ng mga magsisisi kasama ang ibang mga batang makasalanan na hindi pa nailalapit kay Jesus.
Sinabi ng tiyahin ko na kapag ikaw ay naligtas ay makakakita ka ng liwanag, at may magaganap sa saloobin mo! At pumasok si Jesus sa iyong buhay! At ang Diyos ay mapapasaiyo magmula nuon! Sinabi niya na makikita mo at maririnig mo at mararamdaman mo si Jesus sa iyong kaluluwa. Pinaniwalaan ko siya. Narinig ko rin ito sa maraming matatanda na nagsasasbing ganoon nga, at para sa akin ay dapat lang nila itong malaman. Kaya, mapayapa akong naupo sa mainit, punong simbahan, naghihintay kay Jesus na lumapit sa akin.
Ang mangangaral ay naghayag ng isang kahanga-hangang maindayog na mensahe, may ungol at sigaw at mga lumbay na sigaw ng isang kahindik-hindik na larawan ng impyerno, at bigla siyang umawit ng awit na patungkol sa siyam na pu’t siyam na ligtas sa loob ng kawan, ngunit may isang munting kordero ang naiwan sa lamigan. At sinabi ng mangangaral: “Di ka ba lalapit? Di ka ba lalapit kay Jesus? Mga musmos na kordero, di ba kayo lalapit?” At ibinuka niya ang kanyang mga bisig patungo sa upuan naming mga munting makasalanan. At umatungal ang mga batang babae, at ang iba sa kanila ay agad lumukso at lumapit kay Jesus. Pero karamihan sa amin ay nakaupo lang.
Maraming mga matatanda ang lumapit at lumuhod palibot sa amin at nanalangin, mga may edad ng mga kababaihan na maiitim ang mga mukha at nakapusod ang buhok, mga matatandang kalalakihan na pinudpod ng trabaho ang mga kamay. At ang buong iglesya ay umawit ng isang himig patungkol sa mga kumbabang ilaw na mga nagliliwanag, mga abang makasalanan na mga ililigtas.
Gayon paman, hinihintay ko pa ring makita si Jesus.
Sa wakas ay nagtayuan na ang mga bata at tumungo sa altar at manganaligtas, maliban sa isang batang lalaki at sa akin. Anak siya ng isang batugan, si Westley. Si Westley at ako ay napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono na nananalangin. Ang init sa loob ng simbahan, at maggagabi na. Bandang huli tumayo si Westley at sinabi sa akin: “Parusa ng Diyos! Pagod nako sa kakaupo dito. Tumayo na tayo at mangaligtas.” Tumindig siya at naligtas.
Ano pa’t nagiisa na lamang ako sa upuan ng mga magsisisi. Lumapit ang tiyahin ko at lumuhod sa may paanan ko at umiyak, habang tuloy ang awitan sa loob ng maliit na simbahan. Ang buong iglesya ay nanalangin para sa akin lamang, mga naglalakasang hinakbi at bigkas. At ako ay buong taimtim na na naghihintay kay Jesus, naghihintay, naghihintay—ngunit di siya makapunta. Nais ko siyang Makita, ngunit walang naganap sa akin. Wala! Hinahangad kong may mangyari sa akin, ngunit wala.
Narinig ko ang mga awitan at ang mangangaral na sinasabi: “Bakit ayaw mong lumapit? Mahal kong anak, bakit ayaw mong lumapit kay Jesus? Hinihintay ka ni Jesus, hinihimok ka niya. Bakit ayaw mong lumapit? Kapatid na Reed anong pangalan ng batang ito?”
“Langston, po,” hikbi ng tiyahin ko.
“Langston, bakit ayaw mong lumapit? Bakit ayaw mong lumapit at maligtas? O, Kordero ng Diyos! Bakit ayaw mong lumapit?”
Talagang gumagagabi na. Nahihiya na ako, nagpapatagal. Nagsimula akong magtaka kung ano ang sasabihin ng Diyos sa ginawa ni Westley, na talaga namang hindi nakita si Jesus, ngunit ngayon ay taas noong nakaupo sa entablado, kumukuyakoy, at nakangiti sa aking napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono, nakaluhod at nanalangin. Hindi itinumba at pinaslang ng Diyos si Westley sa pamumusong sa pangalan Niya o sa pagsisinungaling sa loob ng simbahan. Kaya, nagpasya ako na upang maiwasan na ang pagtatagal, magsisinungaling na rin ako, at sabihing si Jesus ay dumating na; tumayo at maligtas.
Kaya tumayo na ako. Bigla na lamang bumaha ng sigawan ng makita nila akong tumayo. Mga alon ng pagpupuri ay pumaimbabaw sa simbahan. Nagtalunan ang mga kababaihan. Yinakap ako ng aking tiyahin. Ang mangangaral ay kinuha ang aking kamay at inakay ako sa entablado.
Nang huminahon na ang lahat, sa isang taimtim na katahimikan, binabasag ng rurok na mga “Amen,” lahat ng mga binagong kordero ay binasbasan sa pangalan ng Diyos. Ang simbahan ay nilunod ng mga masasayang awitan.
Nang gabing yun, sa huling pagkakataon sa buhay, maliban sa una—kasi ako ay isa ng mama, labing dalawang taong gulang—umiyak ako. Umiyak ako sa higaan, mag-isa, ‘di ko mapigilan. Tinabunan ko ng kumot ang aking muka, ngunit narinig ako ng tiyahin ko. Gumising siya at sinabi sa tiyuhin ko na akoy umiiyak dahil pumasok na ang Banal na Esperitu sa buhay ko, at nakita ko na si Jesus. Ngunit kaya ako lumuluha ay dahil di ko makuhang sabihin sa kanya na nagsinungaling ako, niloko ko lahat sila sa simbahan, hindi ko nakita si Jesus, at ngayon ako ay naniniwalang wala ng Jesus, mula ng hindi siya lumapit upang tulungan ako.




Langston Hughes, Salvation

Wednesday, May 23, 2007

Nietzsche:Patay na ang Diyos, Isang Pagmumunimuni

Siguro sa mga pangkaraniwang Kristiyano, isang kabalintinuan ang isang katulad ko na naghahayag ng kanyang taimtim na pananampalataya sa Diyos na humanga at magbigay pugay sa isang di-naniniwala sa Diyos, isang laban-kay-Kristo at higit sa lahat isang galit sa relihiyon na si Friedrich Nietzsche. Bakit nga ba? Isang lang ang katwiran ko: Si Nietzsche ay isang tao na may lakas ng loob na ibulalas ng walang takot ang kamatayan ng Diyos—ang katotohanan na pinatay na o pinapatay natin ang Diyos. Siguro ang pangkariniwang tao ay titindigan ng balahibo at sasabihing, “Hindi kailanman mapapatay ang Diyos. “Ngunit iyan ba ang kamatayang tinutukoy ni Nietzsche? Sabi nga ni Tillich, “ di maaring -maging ang Diyos dahil ang Diyos ay labas sa pagiging.” Papaano mo papatayin ang Diyos na kailanaman man ay di maaring maging? Pinatay natin ang Diyos dahil nakikita at naamoy ni Nietzshe ang pagkaagnas ng Diyos mula sa institusyon-ang simbahan. Katulad ni Kierkegaard na mulat sa simbahang Luterano, nasaksihan niya ang institusyong simbahan, dahil na rin sa kalikasan nito, ay isang banta sa kasarinlan at kalayaan ng tao. Dito naghiwalay ng landas si Kierkegard at si Nietzsche; si Kierkegard ipinayagpag ang ka-sarinlan o kasarilihan ng relihiyon at ibinaba ang institusyon, samantalang si Nietzsche ay tuluyang isinuka ang institusyon, simbahan, at lakas loob na itinaas, ipinayagpag ang kasarinlan mg tao hanggang umabot sa pagpapahayag niya ng kamatayan ng Diyos.


Bilang isang nihilista o tagawasak naniniwala si Nietzsche na tao ang responsible sa tao, sa kanyang sarili. Sa paniniwala ni Nietzsche ay paulit-ulit ang kasaysayan—isang kaotohanan. Sa pag-inog ng kasayasayan ay darating ang mga taong walang takot dahil darating ang panahon na ang katapangan at kapusukan ay kikilalanin uli; bilang paghahanda sa nakakahintakot na katotohanan na darating ang panahon na wala na ang Diyos—o dumating na nga ito, siguro. Kailangan ng humigit ang tao—kailangan ng mga taong-higit. Dito ay binanggit ni Nietszche ang pangangailangan at pag-usbong ng mga taong namamagitan, Mga taong maghahanda sa pagdating ng kawakasan, ng kamatayan ng Diyos. Mga taong, “magigiting…mga taong nakatutok sa paghahanap ng mga bagay na dapat higitan; mga taong masasayahin, matiyaga, walang pagkukunwari, yamot sa lahat ng kapalaluhan, mga taong may pagpapakumbaba sa pagwawagi at mapang-unawa sa mga maliliit na kapalaluhan ng mga gapi…” Mga taong higit—mga magpapalaya.

Sa simbahan kasi nakita ni Nietzsche ang paghubog ng mga tao na maging isang mahina, alipin, at patay na mga tao, di malaya at walang katuturan ang pagiging. Nakita ni Nietzsche ang mga kasalanan ng Kristiyanismo. Kasalanan ng Kristiyanismo ngunit di kasalanan ni Kristo. Kaya ang buhos ng kapusukan ng litanya ni Nietzsche ay nakabuhos sa simbahan dahil nakikita niya ang kapangyarihan ng simbahan ng magbigay ng mga pangako at pag-asa sa mga tao na ayon na rin sa kanya ay nagreresulta sa pagiging mahina nila—kawalan ng kasarinlan at kakayahang lampasan ang kanilang sarili. Darating ang panahon magigising ang tao, magigising ang tao sa sarili niyang kasarinlan at magigising siyang patay na ang Diyos--pinatay natin. Kamatayan ng simbahan ang inaabangan, kamatayan ng Kristiyanong moralidad.

Sa paginog ng kasaysayan ay darating at darating ang panahon ng pagbabago, ang paghahari ng kaalaman. Ito ang isang kasiguruhan na ayon kay Nietzsche ay magbabadya sa kamatayan ng Diyos.”Sa wakas, ang paghahabol sa kaalaman ay maniningil: gugustuhin nitong maghari at ariin, kasama ka rin!”

Marami, maraming sinasabi si Nietzsche na makatotohanan at mapanghamon sa kaisipan lalo na kung ikaw ay isang Kristiyano. Dapat ba siyang katakutan?

Siguro isang kakitiran at kamangmangan na ituring ang mga taong katulad ni Nietzsche bilang mga alagad at kampon ni Satanas at ni Baal. Mga tao na dapat na binibigyan ng panalanging emprekatoryo upang kuhanin ng mga demonyo at sunugin ang kanilang mga kaluluwa sa walang katapusang kumukulong asupre ng impyerno. Naala ko ang sinabi ng isa kong hinahangaan, ngunit di sinasambang, teologo, “ ang mga salita at sulatin ni Nietzsche ay nagpapatunay ng malalim niyang pagkaunawa sa Diyos. Mas malalim pa sa mga taong tinatawag ang sariling mga Kristiyano…” At marami ang nagsasabi, isa na ako doon, na si Nietzsche ay may malalim na pananampalataya sa Diyos—isang pananampalatayang inihayag niya sa kabaligtaran. Dapat bang katakutan si Nietzsche? Kung ako ang tatanungin dapat siyang pakinggan pero babala rin ng isang teolog si John Hick na ang mga tulad ni Nietzsche ay dapat pakinggan, at kapakipkinig ngunit maari ring di paniwalaan.

Isa lang naman ang buto at binhi ng kaisipan ni Nietzsche—kalayaan. Kalayaan sa mga tanikala ng simbahan at ng tanikalang iginapos nito sa kaisipan ng tao. “Ang mga simbahan ay libingan ng Diyos.” Ang pananampalatanya at litanya at mga sakramento, at mga alitaktak at mga gawa at mga deklarasyon at mga interpretasyon ng simbahan na ang nagiging Diyos—mamamatay nga ang Diyos pagganito! Kitang kita ito ni Nietzsche gaya ng isang baliw na nagsindi ng ilaw sa gitna ng katanghalian!

Nakakapagilabot sa nakita ni Nietzsche ay ang kamatayan ng Diyos ngunit buhay pa rin ang simbahan.

Siguro si Nietzsche ay nanawagan lamang sa pagbabalik ng pananampalataya sa tunay at tamang tirahan nito—sa kasarinlan ng tao, mula sa Diyos. Ang pagbabalik sa pananampalatayang nakatutok at umiinog sa kasarinlan ng tao sa paghawak at pagunawa sa Diyos—pagbabalik sa panahon ng kamusmusan, bago ang pagtatatag ng mga simbahan na naging at nagiging Diyos at naging at nagiging libingan ng Diyos.

Tulad ng pananampalataya ni Kristo at ng musmos, simple at banal.

(Maaring nagtatanong ang iba kung bakit ako nagsisimba kung ako ay tumatanaw sa katwiran ni Nietzsche. Baptist po ako at naniniwala ako na kung naging Baptist si Nietzsche ay maaring maging di siya ganito kamuhi sa simbahan, pangkalahatan.)
(Hindi po yung sanga ng Baptist na makikitid tulad ng mga Pundamentlistang Baptist na ang tingin ay sila lang ang aakayat sa langit at ang Diyos ay nakakulong sa King James Bible. Patay tayo dyan sa mga yan!)