Friday, March 11, 2011

25 sentabos


Bumibili ako ng puto bungbong ng may makita akong isang eksena na hindi ko makakalimutan. Isang napakagandang dalaga ang tumatatawid sa kalsada kasama ang kanyang huklubang lola. Nasa kalagitnaan na sila ng biglang tumigil ang huklubang lola, yumuko at dinampot ang isang bentesingko sentimos. Halat sa mukha ng magandang dalaga ang kaunting pagkayamot. "Ano ba naman si lola! Bentesingko lang magdadahilan pa ng trapik!," Bulong siguro sa sarili ng babae.

Bakit nga ba napatigil ang lola?

Naala ko noong maliit ako, noong nag-aaral pa ako sa elementarya. Sabi ng tatay ko ang halaga daw ng pantalon noong maliit siya ay dalawang piso. Hindi ako makapaniwala dahil kinukwento niya ito sa akin noon habang binibigyan niya ako ng baon na singkwenta sentimos. Ito yung baon ko noon sa grade 1 para sa maghapong klase. May isang pera pa noon Lapu-lapu. Hindi ko noon pinapansin ang isang pera, pero ang tatay ko dinadampot iyon.

Ano ba nabibili nung singkwenta sentimos ko noon.
Una ang sopas sa eskwelahan noon ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos at ang tinapay naman ay nagkakahalaga ng diyes sentimos. Sa totoo lamang ang tinapay noon ay singko lang, dinagdagan lang ng singko pa dahil may palaman na matamis na bao o kaya naman ay star margarine kaya nagiging diyes sentimo. Ang hindi ko nalilimutan ay ang laki ng tinapay noon. Ito ay mga nutribuns na talagang malalaki at mga siksik na tinapay. Para maibenta ito noon ay inilalagay namin sa plastic na sako at nilalako namin na para kaming si santa claus.

Ang singkwenta sentimos ko noon ay kayang bumili ng isang maliit na softdrink at isang pirasong tinapay. Sa totoo lang, pag binigyan ako ng tatay ko noon ng limang pisong aguinaldo, hindi ko maubos sa kabusugan.

Ang Texas na buble gum noon lima singko, ang tiratira lima singko, ang tae ng kalabaw lima singko, ang kendi lima singko, kaya noon ang salitang lima singko ibig sabihin mumurahin noong mga panahong ang isang sentimo ay nakakabili pa.


Ngayon pag ang anak ko ay hindi na pinapansin ang bente singko. Ang baon niya ay singkwenta pesos...kwentahin mo ang pagtaas...

Kaya noong tinitningnan ko si lola....naiintindihan ko....ano kaya ang halaga ng bentesingko noon. Isang kilong gulay, isang kilong bigas, isang balot na tinapay....ilang taon mula ngayon ang isang daang piso ay hindi na papansinin.

No comments: