Wednesday, November 23, 2011

Isang sariling Leksyon sa Sining ng Pagpipinta


Habang ako ay nagtuturo ng mga kilalang pintor na Pilipino ay namulat ako sa katotohanan na ako pala ay isang mangmang sa kaalaman pagdating sa sining dito sa ating bansa. At natural, kung mangmang ang guro ay magiging mangmang din ang mga mag-aaral. Dahil na rin siguro na ngayon pa lamang ako nagturo ng musika, sining at PE. Dati kasi ay Ingles at Agham ang itinuturo ko.

Bilang pangunang pagtatalakayan ay hinamon ko ang aking mga mag-aaral na magbigay ng tatlong pangalan ng kilalang Pilipinong pintor. Anim na seksyon ang aking tinuturuan, nasa tatlong daang bata, isa lang ang nakapagbigay ng pangalan ni Amorsolo, Edades, at Manansala. Nakakalungko na halos lahat sa kanila ay si Juan Luna lamang ang kilala. Mas nakakalungkot na binababanggit pa nila ang mga pangalan ni Michael Angelo, Leonardo Da Vinci, Mona Lisa (akala nila si Mona Lisa ay pintor) at si Pablo Picasso...lahat sila kasama ni Juan Luna. Nakakalungkot...

Hindi ako mahilig sa painting dahil na rin inniisip ko na ito ay isang libangang pangmayaman. Ito ay libangan ng mga taong may mas malalim na panglasa pagdating sa kagandahan o aesthetics. Ngunit lahat ng ito ay nabago nang mapagmasdan ko ang mga larawan na iginuhit ng ating mga pintor.

Habang aking tinatalakay ang mga obra, ang mga buhay ng mga maestro,  kung anong istilo at kung papaano malalasap ang kagandahan ng mga larawan ay unti-unti kong naiintindihan ang aking mga sinasabi. Habang itnuturo ko, natututo rin ako.



Kitang-kita ang galing ni Manansala sa pagmamanipula ng ilaw. Tinanong ko ang klase: "Ano nakikita ninyo?" Klase: "Sir, magsasaka, kalabaw, puno..."  Sabi ko very good! Ano pa nakikita ninyo? Sabi nila, "Sir nakikita ko nahinahangin ang babae (nakikita nila ang paggalaw sa larawan!). Sinabi ko, "Nakikita ba ninyo ang mga anino?" Nakikita ba ninyo ang ulap...sa taas at sa tubig?" At ngayon ay hindi lamang nila nakikita ang mga tao, kalabaw at mga puno...nakikita nila ang galaw, anino...Ano nararamdaman ninyo? Tanong ko..."Sir, parang masarap mamuhay sa painting ni Amorosolo..."


Nasisiyahan ako sa mga genre paintings ni Amorosolo. Ngayon ko nabatid na sa lahat ng pintor sa Pilipinas o maari na rin sa buong mundo ay si Amoroslo ang aking nagugustuhan. Inilalarawan niya ang kamusumusan at kagandahan ng ating bayan. Tingnan ko pa lang ang kanyang mga larawan ay nararamadaman ko na ang kapayapaan, kahinahunan at kamusumusan.

Napakagandang karanasan na masasabi ang aking naging leksyon. Namulat ako sa kahusayan ng ating mga alagad ng sining.

Mag-ina ni Manansala, cubismo.




Mag-ina sa banig ni Nestor Leynes

Napakarami pang dapat kilalanin, napakarami pang dapat pag-aralan at higit sa lahat napakarami pang mga pilipinong alagad ng sining na dapat ipakilala at ipakita sa mga bata.


No comments: