Friday, August 30, 2013

Pinto


Tapos na ang eskwela
Tapos na ngumawa
Nakapangalumbaba sa la mesa
Sa pinto’y nakatunganga

Tanaw ang mga dahong sumasayaw
Sa ihip ng hangi’y umiindayaw
Para bang sinasabing, ikaw!
"Dika ba napapaigpaw!

Tapos na ang iyong araw
Boses di na kailangang ihiyaw
Paa moy sa ibabaw
Ng lamesa moy ipataw

Ipahinga mo ang iyong damdamin
At ang katawa'y alalahanin
Ang inis at pagod, alisin
Sandaling kapayapaa'y damhin"

Ngunit: 


May dadaan sa pinto
Mga mag-aaral naglalaro
May sisilip at tatango
Sir, pwede bang magtago

"Sige, sige sabi ko
Hindi ako kikibo
Pag may sumilip tatakutin ko
Tititigan, sisigawan ko"

Tatawa ang musmos
Sa likod ng pinto'y kukumos
Minsay sailalim ng mesa ko'y
Parang pilipit na suso

 Hindi ko alam kung ilan na
Mga batang lumabas pasok dito sa pinto
Ilang ala-ala ng kamusmusa'y dito nabuo
Ngunit naiisip ko'y

Masaya na rin ako
Dahil akoy naging kalahok
Sa mga ala-ala
Nung sila'y musmos