Friday, November 16, 2007

Ang Puno ng Mangga



Isang araw, ang hari, ng makatanggap ng isang buslo ng namimintog at matatamis na mga mangga ay humiling na magtungo sa hardin upang makita ang isang puno na nagbigay ng ganoong kagandang mga bunga. Nang dumating siya doon ay natanaw niya and dalawang puno ng mangga, isa ay may mayayabong na mga dahon ngunit walang bunga, ang isa namay puno ng bunga. Nilapitan ng kamahalan na nakasakay sa kanyang Maharlikang Elepante ang isang puno ng mangga, pumitas siya ng bunga, kinain niya at napatunayan niyang masarap. Makaraan ay nilibot niya ang hardin upang tanawin ang iba pang bahagi nito. Ang mga tagasunod at iba pang tao ay sumunod sa hari at pumitas din mula sa puno ng mangga na pinitasan ng hari. Sila ay nag-aagawan hanggang sa wala silang itinira kahit na dahon man lamang.

Pagbabalik ng hari ay nagulat siya sa tumambad sa kanyang harapan: ang puno na hitik na hitik sa bunga ay nakalbo sa dahon at sa bunga, samantalang ang isang puno na walang bunga ay matayog at mayabong pa ring nakatayo. At sinabi ng kamahalaan: “Ang kayamanan sa mundo ay palaging may kaaway; sinumang nagtataglay nito ay kahambing ng puno ng mangga na hitik na hitik sa bunga. Dapat nating bantayan ang mga bagay na nagpapapusok sa inggit, selos at galit. Kukuha ako ng aral mula sa walang bungang mangga upang maiwaglit ko ang mga kagulumihanan, galit at mga pag-aalala sa buhay. Iwawaksi ko lahat at aking yayakapin ang buhay ng isang Rahan (isang perpektong disipulo).”

(Isinalin mula sa “The Teachings of the Compassionate Buddha”)

No comments: