Thursday, May 8, 2014

Agua de Mayo at ilang kwento

Dati, iniinom namin ang tubig ulan. Iniipon namin sa galon
ng langis at inilalagay sa fridgidaire. Ang baha noon ay
kulay brown na may dalang mga ahas, pagong,
dalag, at hito.

Mahiwaga at mapagpala ang unang patak ng ulan sa buwan ng Mayo. Ito ang paniniwala ng ating mga nakakatanda noon. Sa katunayan, iniipon sa mga tapayan ang tubig na ito upang ipaligo sa mga sanggol sa paniniwalang makapagbibigay ito sa kanila ng mga malulusog at malalakas na mga pangangatawan.

Ang mga alamat at kwentong
katatakutan, sa aming isipan
ay makatotohanan.
Ganoon din naman, pinagtatampisaw kami ng mga nakakatanda sa aming purok dahil sa kanilang paniniwala na ang agua de Mayo ay gamot sa bungang araw, na pahirap sa aming mga bata noon;.taghiyawat, an-an at iba pang mga sakit sa balat. "Maligo kayo sa ulan at ng gumaling ang inyong mga bungang-araw!" Wika nila na tila mga nakangiti at hindi namin alam kung nagbibiro o makatotohanan ang kanilang mga usap.

Ang pagsabog sa Chernobyl, Russia
na nagkalat ng Radiation sa hangin, lupa
at kalawakan.
May paniniwala din kaming mga bata noon na ang tubig mula sa unang ulan ng Mayo ay ang tubig na ginagamit ng mga pari bilang kanilang agua vendita, panlaban sa mga aswang, tikbalang, mananangal, puting babae, santelmo, mga paring pugot, at iba pang mga kampon ng kadiliman na buhay na buhay at makatotohanan sa amin at kaya kaming gawan ng kapahamakan kung kami ay hindi mag-iingat.


Naalala ko noong 1986, tuwang-tuwa ako at tumakbong palabas ng bahay upang salubungin ang unang ulan ng Mayo. Ngunit pinigilan ako ng aking ama, "Anak, huwag kang maligo sa ulan," sabi ng tatay ko. Napatingin ako at natigilan, "Dahil ba ito sa balita sa TV, sa Chernobyl?" sabi ko. Napangiti ang tatay ko at sinabi, "hintayin muna natin ang balita tungkol sa radiation..."

Makalipas ang ilang buwan pumanaw ang aking ama sa sakit na Leukemia.

No comments: