Tuesday, August 16, 2011

The Battle of Guavaville: Tunay na kasaysayan



“Coronel, ano ang gagawin natin?” Humihingal ng bulong ng kapitan. “Mukhang malulupig tayo ngayon ng mga kalaban.” Halos hindi na makatingala ang kapitan dahil sa pagod sa pagtakbo, pagdapa at paggapang sa mga pilapil. “Tiyaga lang kapitan at tiyak darating rin ang ating pagkakataon upang maundayan ang mga kalaban.” Nakangiting bulong ng coronel na nagpalakas ng loob sa kapitan. Matagal na silang magkasama at alam ng kapitan na si coronel ay para bang may agimat, mula simula pa ng mga labanan ay hindi pa nasusugatan ang kapitan tuwing kasama niya ang kanyang pinuno.




Gumagapang ang mga tauhan ni kapitan patungo sa mga kalaban. Hinihintay niya ang pagkakataong mabulaga ang mga kalaban. Sa kanyang pagbibilang ay tatlo na lamang ang natitira sa mga rebelde at nalagasan naman siya ng isang tauhan, isang sarhento. Kaya nilang ubusin ang mga rebelde pero pag ito ay nakatawag ng mga kasama, tiyak walang matitira sa kanila dahil sila ay nasa pugad ng mga kalaban.




Nakita ni kapitan si coronel na kumakaway sa kanya. Marahan siyang gumapang papalapit at nakita nila sa kabila ng pilapil ang mga rebelde, nag-uusap, nakababa ang mga baril, tumatawa pa ang iba. “Umikot ka sa kabila kapitan para pag nakita nila ako, mababanatan mo sila sa likod. Pag ikaw naman ang nakita nila, uupakan ko sila ditto. Bahala na kapitan kung sino ang masawi sa atin. Una-una lang iyan.” Gumagapang si koronel papalayo kay kapitan ngunit umaalingawngaw ang huling salita ng coronel, “una-una lang yan.”



“Nagtatawanan pa ang mga kumag,” bulong ni kapitan. Tumayo siya sa pilapil sabay kalabit sa kanyang riple, “Bang, bang, bang, bang…” Tumayo din si coronel at sabay haggis ng Granada, “Boooooommmmm.” Wala nang nakaporma, nakatakbo o nakaganti sa mga rebelde. Lahat sila ay nautas ng bala ni kapitan at ang pandiin ay ang granada ni coronel—ang nakaligtas sa baril ay niluray ng pagsabog ng granada.

“Coronel, ano ang gagawin natin sa bangkay ni sarhento?” Tanong ni kapitan. “Hindi natin pwedeng bitbitin ang kanyang katawan. Wala naman tayong panahon para siya ilibing. Hindi naman puwedeng iwan ang bangkay dahil ipagmamalaki ng mga rebelde na nakapatay sila ng sundalo. Sunugin na lamang natin ang kanyang bangkay upang hindi ito malapastangan ng mga rebelde.” Hinablot ni kapitan ang dogtag ng sarhento sabay tingin sa kanyang mga tauhan. Pito na lamang ang natira sa special forces: siya ang coronel, si major, kapitan, tenyente at ang dalawang sarhento.




Nakatayo si coronel kasama ang kanyang mga tauhan. Pinanunuod ang untui-unting paglamon ng apoy sa bangkay ng sarhento. Tinatanaw niya ang makapal na usok na umaakyat papunta sa kulay kahel na langit. Parang naghahalo ang kulay lupang usok sa kahel na langit at hindi lamang si coronel ang napatingala at naaliw sa tanawin. Matula ang pag-aagaw ng kulay ng langit at ng makapal na usok--dapit hapon na kinukulayan ng sokolate.

Halos mauubos na ang gatong ng makarinig sila ng isang sigaw. “Aray!” Kasabay ng isang malutong na tunog, “Plak,” sabay bagsak ng isa, dalawa... Nagkatinginan ang pitong magkakasama. Maya-maya ay may isa naming malutong na tunog “Plak…Aray!” Bagsak ang pangatlo.  Nang matauhan ang mga sundalo sa kanilang narinig, sabay-sabay silang nagtakbuhan upang iligtas ang mga sarili.

Tatlo ang nahuli sa kanila at sila ay pinahirapan. Hindi nagtagal ay natuntun ang mga Special Forces at nahuli. Napilitan slang sumuko at humarap sa mga pinuno ng mga rebelde.



“Kayong mga tinaman ng lintik kayong mga batang kayo! Bakit ninyo sinilaban ang dayami sa bukid. Alam ba ninyo na muntik ng magpanic ang mga tao dahil akala nila ay may sunog.” Ikaw Dude ano naman ang pumasok sa isip mo.
.
“Tonio, umuwi ka nga. Hayop kang Tang-ina ka! Dapat nag-iigib ka hindi yung naggagapang ka sa damuhan!

"Abet! Tarantado ka talaga, di ba sabi ko sayo alagaan mo si Mark! Toink!

"Dude! Anak, umuwi ka na!

Itchie at Alvin! Magagalit Daddy nyo!

Gerry! Uwi! PoinK.

George! Bakit ninyo sinilaban yung dayami ni ka Inong?!

Tinaman kayo ng lintik! Akala namin may sunog na! Huwag nga kayong manununood ng the A -Team!

(Note: Si Tonyo ay matagal ng patay. Papasok ako noon sa National Panasonic nang may nagkakagulo sa gasolinahan. Bumaba ako ng tricycle upang sumilip at nakita ang nakahandusay na bangkay ni pareng Tonyo. Basag ang ulo dahil hinataw ng bato at tadtad ng saksak sa tagiliran. Napaaway, kilala ko ang tapang ni Tonyo kaya alam kong lumaban siya ng husto bago siya namatay.)

Saturday, August 13, 2011

Saranggola ni Tatay at time paradox


Bukid ang likod bahay namin noon at ang libangan ko tuwing tag-araw ay magpalipad ng saranggola. Isa sa pinakamasayang parte ng kamusmusan ko noon ay ang pagsasaranggola dahil kasama sa paglipad ng saranggola ay ang paglipad ng imahinasyon.


Natutunan ko ang paggawa ng saranggola sa aking tatay. Ang pinto ng likod bahay namin noon, pagbinuksan ay bukid na ang tatambad. Naalala ko ang tatay ko noon na tinuturuan akong gumawa ng saranggola. "Anak, tingnan mo, ganito ang pagkiskis sa kawayan, " sai ng tatay ko. "Dapat ay pantay at walang  lamang kung hindi ay kekeleng ang saranggola," medyo nakangiti pa habang nagkakayas. Pinakita din niya ang pagdidikit ng balat. Ang pinakaimportante diyan ay ang pagtatali. "Dapat ito ay timbang, hindi lamang ang taas kung hindi ay yuyuko ito sa hangin, at huwag lamang sa ilalim kung hindi ay. kakawag kawag ito paglipad, dapat may tamang balanse," turo ng tatay. 

Kitang-kita ko pa ang diyaryong balat ng saranggola. Hindi ko malilimutan ang headline ng People's Journal, ang paboritong dyaryo ng tatay ko na araw-araw ay inaabangan ko dahil sa komiks na Tasyo at Dalamacio Armas. "Ninoy Aquino, Patay!" Sigaw ng diyaryo.

"Tay, sino si NInoy?" Tanong ko. "Huwag mo ng intindihin iyang balitang iyan. Halika na at magpalipad na tayo." Tumayo kami at sabay na pumunta sa bukid. Pinakita sa akin ng tatay kong paano magpalipad ng saranggola. "Anak, pag umiikot sa ere, alagwahan mo. Paglumulundo, kabigin para mamayong." Sabi ng tatay habang nakatingala.

Nalala ko noon, ang ganda ng sikat ng araw at malayag ang hangin ng biglang magdilim ang langit , lumakas ang ihip ng hangin at nag-ambang uulan. Sa lakas ng hangin ay naputol ang sinulid ng saranggola. Hindi ko alam kung naiyak ako noon pero nakarinig kami ng ilang kulog kaya tumakbo na kami pauwi.

"Sa susunod na lang anak." Hingal na sabi ni tatay. Pero ilang segundo lang, lumiwanag uli si haring araw,. Di natuloy ang kasal tikbalang.

Matagal ng yumao si tatay, katorse ako noon,  at ngayon ay may pamilya na rin ako. Pero hindi ko malilimutan ang mga turo sa akin ng tatay. Hindi lamang sa paggawa ng saranggola, natuto rin akong gumawa ng mga bitag, magkumpuni ng kaunti ng makina, mag motorsiklo, aba eh sampung taon pa lamang ako nagmamaneho na ako ng greyder, payloader at bulldozer. Iyan kasi ang trabaho ni tatay.


Nagbakasyon ang pamangkin kong si Bebong sa amin dito sa Cainta. At dahil naiinip, tinuruan ko siyang gumawa ng saranggola, tulad ng tatay. Pero sa halip na sa likod bahay namin kami nag saranggola, na ngayon ay pugad na ng mga informal settlers, naglakad pa kami papuntang Greenland sa may Highway 2000. Enjoy siya habang nagpapalipad ng saranggola.

Mayamaya ay sumabit ang saranggola namin sa puno ng sampalok. Wala akong magawa kung hindi umakyat sa puno na mukang halimaw na nanghahablot ng mga saranggola dahil sa dami na ng kanyang nabiktima. May mga saranggolang plastic, may saranggolang directory, may saranggolang diyaryo. Nasa puno ako at sinasagip ang aming saranggolang kakaway-kaway sa hangin ng tawagin ang mata ko ng isang naninilaw at tagulumining balat ng saranggola na sumsisigaw ng , "Ninoy Aquino, Pinatay!"

Bumababa ako sa puno at hindi na nakuha ang saranggola namin ni Bebong. Mataas, hindi ko na maabot. Pauwi na kami ng tinanong ako ni Bebong, "Tito George umiiyak ka ba?"

"Hindi ah! Napuwing ako ng hangin." Nakangiti kong sagot.

Thursday, August 11, 2011

Init story



Halos dalawang araw kaming nagtiis sa eskwelahan na walang kuryente dahil sumabog ang kuntdaor ng school. Ang diagnosis: overload. Kahit hindi tirik ang araw ay sadayng napakainit at nakakapagpawis ang panahon dahil sa kabasaan ng hangin o humidity. Ngayon ang mga panahon na kahit makulimlim ay mainit dahil naghahakot ng tubig si Ulap upang ibuhos sa mga hamak na nilalang sa ibaba.

Isa sa epekto ng mainit na mamasa-masang pakiramdam ay ang pag-init ng ulo. Ang init ng ulong ito ay samahan pa ng mga pasaway at makukulit na bata, ang resulta ay stress at high blood. Bumabagal kumilos ang mga mag-aaral at laging parang inaantok.

Noong isang araw ay napanood ko at narinig sa TV na may panukalang gawing tag-araw ang pasukan upang mabawasan ang pagkliban ng mga bata sa klase. Alam ko na ang gusto ng mga mambabatas na ito ay bakutihan at ang iba naman ay magpapampam. ngunit ang aking pinangangambahan ay ang init ng tag-araw. Ito ng lamang humidity ng tag-ulan, ano pa kaya ang tuyot at malalikabok na hangin kasama ang naglilisik ng tirik na haring araw, hindi nga bagyo ang kalaban heatstroke naman.


May suggest akot, sa mga mambabatas na gustong ilipat ang pasukan sa tag-araw, magturo po kayo ng isang linggo sa isang pampublikong paaralan na walang aircon at may mahinang electric fan (kung meron) bago po kayo magpanukala.

Subukan nyo munang maheatstroke, try nyo lang.


Monday, August 8, 2011

Edad

Dati, pag ikaw ay nagkakaedad
Ikaw ay tinitingala
Dahil sa iyong tanda ay naglalahad
Na ikaw ay sa dunong pinagpala

Bawat puti ng buhok at kalyo sa palad
Ipinagdiriwang ang pagtitiyaga at pagkabihasa
Na hanggang ngayoy di kayang itulad
Sa basta-bastang gawa

Dumating ang panahon
Iba na ang edad
Ngayoy ang tinitingala
Mga gadgets na


Ngayon ang pagkakaedad
Ay ngangahulugan...
Upgrade ang iyong kailangan