Bukid ang likod bahay namin noon at ang libangan ko tuwing tag-araw ay magpalipad ng saranggola. Isa sa pinakamasayang parte ng kamusmusan ko noon ay ang pagsasaranggola dahil kasama sa paglipad ng saranggola ay ang paglipad ng imahinasyon.
Natutunan ko ang paggawa ng saranggola sa aking tatay. Ang pinto ng likod bahay namin noon, pagbinuksan ay bukid na ang tatambad. Naalala ko ang tatay ko noon na tinuturuan akong gumawa ng saranggola. "Anak, tingnan mo, ganito ang pagkiskis sa kawayan, " sai ng tatay ko. "Dapat ay pantay at walang lamang kung hindi ay kekeleng ang saranggola," medyo nakangiti pa habang nagkakayas. Pinakita din niya ang pagdidikit ng balat. Ang pinakaimportante diyan ay ang pagtatali. "Dapat ito ay timbang, hindi lamang ang taas kung hindi ay yuyuko ito sa hangin, at huwag lamang sa ilalim kung hindi ay. kakawag kawag ito paglipad, dapat may tamang balanse," turo ng tatay.
Kitang-kita ko pa ang diyaryong balat ng saranggola. Hindi ko malilimutan ang headline ng People's Journal, ang paboritong dyaryo ng tatay ko na araw-araw ay inaabangan ko dahil sa komiks na Tasyo at Dalamacio Armas. "Ninoy Aquino, Patay!" Sigaw ng diyaryo.
"Tay, sino si NInoy?" Tanong ko. "Huwag mo ng intindihin iyang balitang iyan. Halika na at magpalipad na tayo." Tumayo kami at sabay na pumunta sa bukid. Pinakita sa akin ng tatay kong paano magpalipad ng saranggola. "Anak, pag umiikot sa ere, alagwahan mo. Paglumulundo, kabigin para mamayong." Sabi ng tatay habang nakatingala.
Nalala ko noon, ang ganda ng sikat ng araw at malayag ang hangin ng biglang magdilim ang langit , lumakas ang ihip ng hangin at nag-ambang uulan. Sa lakas ng hangin ay naputol ang sinulid ng saranggola. Hindi ko alam kung naiyak ako noon pero nakarinig kami ng ilang kulog kaya tumakbo na kami pauwi.
"Sa susunod na lang anak." Hingal na sabi ni tatay. Pero ilang segundo lang, lumiwanag uli si haring araw,. Di natuloy ang kasal tikbalang.
Matagal ng yumao si tatay, katorse ako noon, at ngayon ay may pamilya na rin ako. Pero hindi ko malilimutan ang mga turo sa akin ng tatay. Hindi lamang sa paggawa ng saranggola, natuto rin akong gumawa ng mga bitag, magkumpuni ng kaunti ng makina, mag motorsiklo, aba eh sampung taon pa lamang ako nagmamaneho na ako ng greyder, payloader at bulldozer. Iyan kasi ang trabaho ni tatay.
Nagbakasyon ang pamangkin kong si Bebong sa amin dito sa Cainta. At dahil naiinip, tinuruan ko siyang gumawa ng saranggola, tulad ng tatay. Pero sa halip na sa likod bahay namin kami nag saranggola, na ngayon ay pugad na ng mga informal settlers, naglakad pa kami papuntang Greenland sa may Highway 2000. Enjoy siya habang nagpapalipad ng saranggola.
Mayamaya ay sumabit ang saranggola namin sa puno ng sampalok. Wala akong magawa kung hindi umakyat sa puno na mukang halimaw na nanghahablot ng mga saranggola dahil sa dami na ng kanyang nabiktima. May mga saranggolang plastic, may saranggolang directory, may saranggolang diyaryo. Nasa puno ako at sinasagip ang aming saranggolang kakaway-kaway sa hangin ng tawagin ang mata ko ng isang naninilaw at tagulumining balat ng saranggola na sumsisigaw ng , "Ninoy Aquino, Pinatay!"
Bumababa ako sa puno at hindi na nakuha ang saranggola namin ni Bebong. Mataas, hindi ko na maabot. Pauwi na kami ng tinanong ako ni Bebong, "Tito George umiiyak ka ba?"
"Hindi ah! Napuwing ako ng hangin." Nakangiti kong sagot.
No comments:
Post a Comment