“Coronel, ano ang gagawin natin?” Humihingal ng bulong ng kapitan. “Mukhang malulupig tayo ngayon ng mga kalaban.” Halos hindi na makatingala ang kapitan dahil sa pagod sa pagtakbo, pagdapa at paggapang sa mga pilapil. “Tiyaga lang kapitan at tiyak darating rin ang ating pagkakataon upang maundayan ang mga kalaban.” Nakangiting bulong ng coronel na nagpalakas ng loob sa kapitan. Matagal na silang magkasama at alam ng kapitan na si coronel ay para bang may agimat, mula simula pa ng mga labanan ay hindi pa nasusugatan ang kapitan tuwing kasama niya ang kanyang pinuno.
Gumagapang ang mga tauhan ni kapitan patungo sa mga kalaban. Hinihintay niya ang pagkakataong mabulaga ang mga kalaban. Sa kanyang pagbibilang ay tatlo na lamang ang natitira sa mga rebelde at nalagasan naman siya ng isang tauhan, isang sarhento. Kaya nilang ubusin ang mga rebelde pero pag ito ay nakatawag ng mga kasama, tiyak walang matitira sa kanila dahil sila ay nasa pugad ng mga kalaban.
Nakita ni kapitan si coronel na kumakaway sa kanya. Marahan siyang gumapang papalapit at nakita nila sa kabila ng pilapil ang mga rebelde, nag-uusap, nakababa ang mga baril, tumatawa pa ang iba. “Umikot ka sa kabila kapitan para pag nakita nila ako, mababanatan mo sila sa likod. Pag ikaw naman ang nakita nila, uupakan ko sila ditto. Bahala na kapitan kung sino ang masawi sa atin. Una-una lang iyan.” Gumagapang si koronel papalayo kay kapitan ngunit umaalingawngaw ang huling salita ng coronel, “una-una lang yan.”
“Nagtatawanan pa ang mga kumag,” bulong ni kapitan. Tumayo siya sa pilapil sabay kalabit sa kanyang riple, “Bang, bang, bang, bang…” Tumayo din si coronel at sabay haggis ng Granada, “Boooooommmmm.” Wala nang nakaporma, nakatakbo o nakaganti sa mga rebelde. Lahat sila ay nautas ng bala ni kapitan at ang pandiin ay ang granada ni coronel—ang nakaligtas sa baril ay niluray ng pagsabog ng granada.
“Coronel, ano ang gagawin natin sa bangkay ni sarhento?” Tanong ni kapitan. “Hindi natin pwedeng bitbitin ang kanyang katawan. Wala naman tayong panahon para siya ilibing. Hindi naman puwedeng iwan ang bangkay dahil ipagmamalaki ng mga rebelde na nakapatay sila ng sundalo. Sunugin na lamang natin ang kanyang bangkay upang hindi ito malapastangan ng mga rebelde.” Hinablot ni kapitan ang dogtag ng sarhento sabay tingin sa kanyang mga tauhan. Pito na lamang ang natira sa special forces: siya ang coronel, si major, kapitan, tenyente at ang dalawang sarhento.
Nakatayo si coronel kasama ang kanyang mga tauhan. Pinanunuod ang untui-unting paglamon ng apoy sa bangkay ng sarhento. Tinatanaw niya ang makapal na usok na umaakyat papunta sa kulay kahel na langit. Parang naghahalo ang kulay lupang usok sa kahel na langit at hindi lamang si coronel ang napatingala at naaliw sa tanawin. Matula ang pag-aagaw ng kulay ng langit at ng makapal na usok--dapit hapon na kinukulayan ng sokolate.
Halos mauubos na ang gatong ng makarinig sila ng isang sigaw. “Aray!” Kasabay ng isang malutong na tunog, “Plak,” sabay bagsak ng isa, dalawa... Nagkatinginan ang pitong magkakasama. Maya-maya ay may isa naming malutong na tunog “Plak…Aray!” Bagsak ang pangatlo. Nang matauhan ang mga sundalo sa kanilang narinig, sabay-sabay silang nagtakbuhan upang iligtas ang mga sarili.
Tatlo ang nahuli sa kanila at sila ay pinahirapan. Hindi nagtagal ay natuntun ang mga Special Forces at nahuli. Napilitan slang sumuko at humarap sa mga pinuno ng mga rebelde.
“Kayong mga tinaman ng lintik kayong mga batang kayo! Bakit ninyo sinilaban ang dayami sa bukid. Alam ba ninyo na muntik ng magpanic ang mga tao dahil akala nila ay may sunog.” Ikaw Dude ano naman ang pumasok sa isip mo.
.
.
“Tonio, umuwi ka nga. Hayop kang Tang-ina ka! Dapat nag-iigib ka hindi yung naggagapang ka sa damuhan!
"Abet! Tarantado ka talaga, di ba sabi ko sayo alagaan mo si Mark! Toink!
"Dude! Anak, umuwi ka na!
Itchie at Alvin! Magagalit Daddy nyo!
Gerry! Uwi! PoinK.
George! Bakit ninyo sinilaban yung dayami ni ka Inong?!
Tinaman kayo ng lintik! Akala namin may sunog na! Huwag nga kayong manununood ng the A -Team!
(Note: Si Tonyo ay matagal ng patay. Papasok ako noon sa National Panasonic nang may nagkakagulo sa gasolinahan. Bumaba ako ng tricycle upang sumilip at nakita ang nakahandusay na bangkay ni pareng Tonyo. Basag ang ulo dahil hinataw ng bato at tadtad ng saksak sa tagiliran. Napaaway, kilala ko ang tapang ni Tonyo kaya alam kong lumaban siya ng husto bago siya namatay.)
No comments:
Post a Comment