Maaring sa ating mga kabataan ay nakikilala si Rizal bilang isang henyo, isang tao na pinagkalooban ng Diyos ng mga talento na ipinagkait sa karaniwang tao. Maaari rin naming nakikilala natin siya dahil sa mga estatwa, rebulto at mga busto na nagkalat sa ating mga mga parke at sa ating mga paaralan.
Hindi ko na kailangang itanong kung saan ipinanganak si Gat Jose Rizal dahil halos lahat ng kabataan mula sa unang baitang hanggang sa ikaanim na baitang ay alam kung saan siya ipinanganak. Alam ko rin naman na halos lahat tayo ay alam ang pinagmulang lahi ni Rizal; ang kanyang mga matatapang na magulang; ang kanyang mga mapagmahal na mga kapatid.
Nababasa natin si Rizal, nakikita natin si Rizal, ngunit tunay ba nating nakikilala si Rizal?
Ang aking tanong ay ititnutuon ko sa inyo upang malaman natin ang tunay na pagkakilanlan natin sa ating pambanasang bayani. Ano ang halaga na malaman ang kanyang kapanganakan, ano ang halaga na malaman ang kanyang pinagmulan, ano ang lahalagahan na malaman ang kanyang pamilya? Ang lahat ng mga bagay na iyan ay walang saysay kung hindi natin, mga kabataan, alam ang mga bagay na nagawa ng ating pambansang bayani upang maipanganak ang kamalayang Pilipino at isilang ang ating republika, ang kauna-unahan sa Asya.
Dalawang aklat ang bumago sa takbo ng kasaysayan ng ating bansa: Ang Noli me Tangere at El Filibusterismo. Mga aklat na nagmulat sa ating mga sina-unang mga kababayan sa kaapihan ng kanilang kalagayan. Napukaw ang kanilang mga damdamin sa pagkahimbing sa habag sa sarili at sa pagsakal ng tali ng pananakop ng mga dayuhan. Gumising at nagpapiglas.
Ang rebolusyon na naganap noong panahon ng Kastila ay isa sa pinakaunang pagpapalag ng isang bansa laban sa kanyang mananakop dito sa Asya. At ang rebolusyong ito ay binigyang buhay ni Gat Andres Bonifacio matapos niyang mabasa ang mga aklat ni Dr. Rizal.
Tunay nga na masasabi natin ang panulat ay mas mabagsik kaysa sa mga sandata. Dahil kung hindi ginising ng mga kwento ng pang-aapi at kwento ng pag-asa ang ating mga kababayan, tulad ng kalamansi sa sugat sa kwento ng ibong adarna, hindi sila magigising sa katotohanan.
Ngunit hindi lamang po sa political at sa kaapihang militar tayo pinalaya ni Rizal. Higit sa lahat, dahil sa kanyang mga nagawa, dahil sa kanyang mga isinulat, dahil sa kanyang mga patimpalak na napagwagian ay kanyang pinalaya ang ating lahi, ang mga indiyo, ang mga mangmang sa makasariling paniniwala ng mga banyaga na ang ating lahi ay mga tamad at mga walang kakayahang itaguyod ang mga sarili para itaguyod ang ating mga sarili.
Ipinakita ni Rizal na ang mga Pilipino ay biniyayaan ng din ng maykapal ng mga kakayahang hindi naiiba tulad ng ibang lahi. Binasag niya ang kahon na pinagkulungan sa kaisipan at kaluluwa ng ating lahi.
Kasama ang ibang mga bayani, si Rizal ang nagbigay sa atin ng tiwala sa ating mga kakayahan at sa ating mga sarili.
Ang buhay niya ay hindi lamang katalinuhan at talento ang inilalarawan. Ipinakita din niya na ang isang tao ay maaring magdulot ng malaking pagbabago sa lipunang kanyang ginagalawan sa mga simpleng pamamaraan. Sa lahat ng mga papuri at pagwawagi ni Rizal ay huwag nating kalimutan ang kanyang mga pinagdaanang pagsubok. Alisin natin ito at mawawala ang pagiging bayani ni Rizal, alisin natin at maglalaho ang alamat ng kanyang katapangan at kalatinuhan, alisin natin ito at maawala ang pagkatao ni Rizal.
Sa paghubog natin ng ating sariling kaaalaman ay nakikita natin na may pagkakahawig pala ang buhay natin kay Rizal. Hindi man sa lahat, ngunit may mga aspeto ng kanyang katangian na maari nating tularan. Hindi man tayo kasing talino ni Rizal, dahil ayon nga sa mga dalubhasa minsan lang sa isang daang taon lumalabas ang isang Rizal, ngunit makikita naman natin ang ating mga sarili sa kanyang mga pagsisikap.
Hindi man natin matularan ang kakayahan niyang magsulat, ngunit maari naman nating Makita sa ating mga sarili na may mga saloobin din tayo na Malaya nating mapiahahayag na may katapangan at walang takot—tulad niya. Maging inspirasyon siya sa pagpapahayag ng katotohanan lalo na sa panahon ngayon na puro kasinungaligan at pagtatakip sa kabulukan ang napapanood natin sa telebisyon.
Maaring hindi tayo maging doctor tulad niya ngunit maaring maging tulad niya tayo na mapagmahal sa magulang, magalang sa kapwa, maginoo sa kababaihan, maawain sa nangangailangan. Mararamdaman na rin natin ang puso niya bilang doctor. Hindi man tayo makapanggamot ng katawan ngunit tulad ni Rizal, makapagbigay lamang tayo ng pag-asa sa ating mga magulang, at sa ating bayan ay marami na tayong magagamot na mga hinaing.
Ang buhay ng ating bayani ay maging malaking hamon sa ating mga kabataan: Tayo ang pag-asa ng bayan. Lalo itong nagiging makatotohanan sa panahong ito. Alam naman natin na ang ating lipunan ay kinakain ng kabulukan na kahit tayong mga mura ang edad ay hindi inililigtas. Bawat bukas ng telebisyon ay mapapanood natin ang mga krimen at mga sakuna. Ano kaya ang mararamdaman ni Rizal, ano kaya ang gagawin ni Rizal?
Kung noong panahon ng mga kastila si Rizal ang naging haligi upang itayo an gating bansa, ngayong panahong ito iba naman ang mga pagsubok na humahamon sa katatagan ng ating bansa. Higit na kailangan ang mga tulad ni Rizal ngayon. At bilang mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino atin ngayong pagbulaybulayan ang mga turo ni Rizal.
Mula nating balikan ang kanyang buhay at tingnan kung papaano siya naging instrumento ng pagbabago sa kanyang lipunan.
Hindi ko naman inaasahan na maging kasing galing tayo ni Rizal, inaasahan ko lang ay maging kasing sigasig tayo ni Rizal.
Hindi ko naman inaasahan na mababago natin an gating lipunan, hindi po. Maging ang ating bayani ay hindi inaasahan na magiging haligi siya ng ating bayan ngunit dahil sa ginawa niya ang kanyang makakaya sa lubos ng kanyang kakayahan, nakita ng ating kababayan ang pagkakaroon niya ng pusong bayani.
Hindi ko inaasahan na mababago natin ang ating bansa, o mababago natin ang ating probinsya, o mababago natin ang ating bayan, o mababago natin ang ating paaralan. Tulad ni Rizal, ang pagiging bayani, ang pagiging haligi ng lipunan, hindi nagmumula sa malaki kung hindi ito’y nagmumula sa maliit.
Tulad ni Rizal, magiging bayani din tayo kung uunawain natin na ang simula ng isang Rizal ay nagsisimula sa musmos. Ngayon pa lamang, tahakin na natin ang mga simpleng bagay na gumawa sa isang Rizal.
Tandaan natin ang wika ni Rizal na kabataan ang pag-asa ng bayan, tularan natin si Rizal, at tayo din ay magiging haligi ng bayan.
No comments:
Post a Comment