Wednesday, October 17, 2007

Maanumalyang Rehimen!

(Ako ay kabilang sa CEGP dahil ako ay Editor ng aming school paper. Madalas akong nakakarecieve ng mga e-mails mula sa kanila at ipopost ko ito. Buti na lang at walang martial law ngayon at kahit papaano ay malaya pa rin tayo para makapagsalita ng ating damdamin. May sinasabi naman ang mga editors at mababangis lang talaga. Kaya minsan natatawa ako apg nag-rereact ang mga instructors sa camopus namin dahil sa sarcastic na pagsulat ko, pero kumpara sa mga progresibong mga editor at school paper di hamak na maamong tupa pa kami.)



Sa gitna ng lumalalang kahirapan sa bansa, malaking dagok sa masang Pilipino ang pagsambulat ng isa na namang isyu ng korapsyon. Nakapagngangalit na habang ang mga batayang serbisyong panlipunan katulad ng edukasyon at kalusugan ay nabibigyan ng kakarampot na badyet mula sa rehimeng Arroyo, milyon-milyong kabang yaman ng bansa ang napupunta lamang sa bulsa ni Arroyo at mga alipores nito.

Noong nakaraang mga linggo, nagsilbing whistle-blower ang negosyante at anak ni House Speaker Jose de Venecia na si Joe de Venecia hinggil sa maanomalyang kontrata ng pamahalaan sa ZTE para sa pagtatayo ng broadband network sa bansa. Unang punto sa ZTE deal ay ang katotohanang mayroon ng broadband network sa bansa at hindi na kailangan pa ang nasabing proyekto.

Sa inilunsad na mga pagdinig sa Kamara, inamin ni dating NEDA Secretary at ngayo’y CHED Chairman na si Romulo Neri na siya ay inalok ni COMELEC Commissioner Benjamin Abalos ng P200M kaugnay ng pagpapasa ng ZTE deal. Nailantad din ang mga naganap na negosasyon sa pagitan ng ZTE officials, si Abalos at kasama si First Gentleman Mike Arroyo.

Kitang-kita ang malakas na kapit at kapangyarihan ni Abalos sa rehimeng Arroyo kung saan labas na sa kanyang pagiging COMELEC Commissioner ang paglahok sa mga business deals ng gobyerno. Lalo nitong pinapatibay ang bahid ng dayaan na naganap sa nakaraang 2004 presidential elections.

Sa pagkasangkot ni Mike Arroyo sa mga negosasyon at pagbigay ni Pang. Arroyo ng komento hinggil sa proposal ni Joe de Venecia para sa nasabing proyekto, malinaw ang pagiging sangkot ni Pang. Arroyo sa usapin. Ayon pa kay Neri, nabanggit niya kay Pang. Arroyo ang nasabing panunuhol sa kanya ni Abalos subalit walang naging karampatang aksyon kaugnay nito. Bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, marapat lamang na alam ni Pang. Arroyo ang mga pinapasukan ng kanyang pamahalaan na business deals.

Ngayon, nailantad din ang isa pang katulad na proyekto na may bahid din ng anomalya - ang Cyber-Education project.

Ang mga nagaganap na expose ay hindi na bago sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Sa dami ng mga isyu ng korapsyon na nailantad sa kanyang pamumuno, kasama na ang kontrobersya sa PIATCO deal at pagtayo ng Diosdado Macapagal Boulevard, malinaw na ang pagiging corrupt ng rehimeng Arroyo.

Sa harap ng iskandalo, sinuhulan at itinulak ng administrasyon ang ilang mga kongresista na maghain ng mahinang impeachment complaint kay Arroyo. Layon nitong i-preempt ang paghahain ng impeachment complaint ng mga nasa oposisyon laban kay Arroyo dahil sa muling pag-init ng usapin ng pagpapatalsik kay Arroyo at paglakas ng mga batayan dito sa pagsulpot ng ZTE deal.

Subalit hindi na kayang pagtakpan pa ng rehimeng Arroyo ang kabulukan ng kanyang pamumuno sa bansa – isang rehimeng ilehitimo, kurakot, at pasista. Habang patuloy na isinasantabi ang tunay na kaunlaran ng masang Pilipino kapalit ng pangangayupapa sa dayuhang interes, lumalakas ang matagal ng panawagan ng malawak na bilang ng masang Pilipino na patalsikin na si Arroyo.

PAPANAGUTIN ANG MGA OPISYAL NA SANGKOT SA ZTE DEAL!
LABANAN ANG KORAPSYON!
PATALSIKIN ANG PAPET, KURAKOT, AT PAHIRAP SA MASA NA SI GLORIA ARROYO!
ANAKBAYAN-Timog Katagalugan * October 17, 2007

No comments: