Wednesday, November 23, 2011

Isang sariling Leksyon sa Sining ng Pagpipinta


Habang ako ay nagtuturo ng mga kilalang pintor na Pilipino ay namulat ako sa katotohanan na ako pala ay isang mangmang sa kaalaman pagdating sa sining dito sa ating bansa. At natural, kung mangmang ang guro ay magiging mangmang din ang mga mag-aaral. Dahil na rin siguro na ngayon pa lamang ako nagturo ng musika, sining at PE. Dati kasi ay Ingles at Agham ang itinuturo ko.

Bilang pangunang pagtatalakayan ay hinamon ko ang aking mga mag-aaral na magbigay ng tatlong pangalan ng kilalang Pilipinong pintor. Anim na seksyon ang aking tinuturuan, nasa tatlong daang bata, isa lang ang nakapagbigay ng pangalan ni Amorsolo, Edades, at Manansala. Nakakalungko na halos lahat sa kanila ay si Juan Luna lamang ang kilala. Mas nakakalungkot na binababanggit pa nila ang mga pangalan ni Michael Angelo, Leonardo Da Vinci, Mona Lisa (akala nila si Mona Lisa ay pintor) at si Pablo Picasso...lahat sila kasama ni Juan Luna. Nakakalungkot...

Hindi ako mahilig sa painting dahil na rin inniisip ko na ito ay isang libangang pangmayaman. Ito ay libangan ng mga taong may mas malalim na panglasa pagdating sa kagandahan o aesthetics. Ngunit lahat ng ito ay nabago nang mapagmasdan ko ang mga larawan na iginuhit ng ating mga pintor.

Habang aking tinatalakay ang mga obra, ang mga buhay ng mga maestro,  kung anong istilo at kung papaano malalasap ang kagandahan ng mga larawan ay unti-unti kong naiintindihan ang aking mga sinasabi. Habang itnuturo ko, natututo rin ako.



Kitang-kita ang galing ni Manansala sa pagmamanipula ng ilaw. Tinanong ko ang klase: "Ano nakikita ninyo?" Klase: "Sir, magsasaka, kalabaw, puno..."  Sabi ko very good! Ano pa nakikita ninyo? Sabi nila, "Sir nakikita ko nahinahangin ang babae (nakikita nila ang paggalaw sa larawan!). Sinabi ko, "Nakikita ba ninyo ang mga anino?" Nakikita ba ninyo ang ulap...sa taas at sa tubig?" At ngayon ay hindi lamang nila nakikita ang mga tao, kalabaw at mga puno...nakikita nila ang galaw, anino...Ano nararamdaman ninyo? Tanong ko..."Sir, parang masarap mamuhay sa painting ni Amorosolo..."


Nasisiyahan ako sa mga genre paintings ni Amorosolo. Ngayon ko nabatid na sa lahat ng pintor sa Pilipinas o maari na rin sa buong mundo ay si Amoroslo ang aking nagugustuhan. Inilalarawan niya ang kamusumusan at kagandahan ng ating bayan. Tingnan ko pa lang ang kanyang mga larawan ay nararamadaman ko na ang kapayapaan, kahinahunan at kamusumusan.

Napakagandang karanasan na masasabi ang aking naging leksyon. Namulat ako sa kahusayan ng ating mga alagad ng sining.

Mag-ina ni Manansala, cubismo.




Mag-ina sa banig ni Nestor Leynes

Napakarami pang dapat kilalanin, napakarami pang dapat pag-aralan at higit sa lahat napakarami pang mga pilipinong alagad ng sining na dapat ipakilala at ipakita sa mga bata.


Friday, November 18, 2011

Kadramahan sa Buhay

Nahihilo o nalulula ako sa takbo ng mga pangyayari sa aking mahal na Pilipinas. Ang takbo ng mga pangyayari ay para bang halaw sa mga malasadong pagkakasulat na mga telenovela na pumapalaot ngayon sa mga istasyon ng telebisyon. Ang plot ay paiikot-ikot; ang kwento ay ang pag-iimbabaw, pang-aapi, paghihiganti at pag babalik ng ikot mula sa simula—walang katapusan.

Si GMA hindi ko alam kung maaawa ako. Siguro ganyan din ang feeling ng maraming tao--ambivalent. Kahit na umanoy binalasubas ni GMA ang kanilang karapatan, awa pa rin ang mananalo, at sa huli walang mananagot, iikot muli ang ganitong palakad sa buhay natin.  


Ang nangyayari ngayon kay dating pangulong GMA ay hindi kapanipaniwala dahil ito ay parang daig pa ang mga telenovela, hindi dahil sa kaganapan, ito ay dahil na rin sa bilis at sa dahas ng mga pangyayari.

Muntik nang makatakas, nanaamoy na ni GMA na maari na siyan aresuthi anumang oras kaya nagpupumilit itong makalabas ng bansa. Buti na lang naging matigas ang Justice Secretary.

Parang kailan lamang, ang dating pangulo ay pumapaimbabaw sa kapangyarihan. Isang bakal na paru-paro na matigas na nilalabanan ang mga sigalot at mga intriga na patuloy na bumabangga sa kanyang pagkapangulo. Matindi ang hawak sa kapangyarihan. Kung babae ang naging karakter ni Machiavelli sa kanyang aklat, siya siguro ang “The Princess.” Ang matitigas niyang mga pahayag; ang mahirap at mukhang napakatatag ba poker face sa harap ng mga nagkakapalang ebidensya sa mga umano’y kawalanghiyaan na ginagawa ng kanyang asawa, anak at mga cronies ay talaga naming nakapagngangalit sa harap ng mga kalaban niya.

Buti na lang at naaresto na, kung hindi tanggal ang isang bayag ni Topacio. Tabingi na lakad niya pag nagkataon.

Ngayon siya ay humaharap sa kamera na para bang humihingi ng awa sa taong bayan. Ang kanyang asawa na nanaba noong panahon ng kanyang pagkapangulo ay para bang anghel na napakaamo ng kanyang mukha. Naalala ko tuloy ang nangyari kay pangulong Erap kung saan ang mga eksena ngayon ay karugtong lamang.

Ang ginawa niya kay Erap ay parang nangyayari ngayon. Kung papaano ang pagtugis na ginawa niya sa dating pangulong Erap ay nangyayari naman ngayon. Ang problema ngayon ay mas mabigat at mas nakakalula ang mga kasong kinahahrap niya—paglapastangan sa boto ng taong bayan.

Isa mga paman ni GMA, Maguindanao Massacre.


Maraming galit kay Gloria. Hindi tulad ni Erap, wala siyang makukuhang simpatiya mula sa taong bayan dahil siya ang umapi kay Erap at halos siya na rin ang puumatay kay FPJ. Sa karaniwang tao, nakakamit lamang ni Gloria ang dapat sa kanya.

Sa akin…wala akong paki-alam. Nakaentertain lang.

Meron pang Revilla drama…truly ang bayan natin ay kapitolyo ng kadramahan sa buhay.




Saturday, September 17, 2011

Kwentong suicide



“Katawan, katawan, ingatan ang inyong katawan, katawan ingatan ang inyong” Nasa ibabaw kami ng pader ni Ka Tibang noon at nagsasayaw sa hit na kanta ng Hagibis. Nasa elementary pa kami noon. Hangang-hanga kami sa mga galaw ng Hagibis, isang local na banda na kinopya mula sa Village People ng Amerika.





Sagingan pa noon ang aming lugar at madalang pa ang mga squatter. Malamig ang si simoy ng hangin, amoy bukid, maraming mga puno at halaman. Mga awit ni Imelda Papin, Claire dela Fuente at Eva Eugenio ang pumapaimbabaw sa ere. Sikat pa ang Hagibis at Juan Dela Cruz Band.

Nagkakatuwaan kami ng biglang hinimatay si a Huling na nooy kasalukuyang kimukuha ang kanyang mga sinampay na damit..  Nagulat kami sa nangyari dahil si ka Huling, na parang isdang hinango sa tubig dahil bubuka sara ang bibig at nagingitm na,ay nakaturo sa bintana ng paupahang bahay ni Ka Tibang.




Tumingin kami sa bintana at nagulat kami sa aming nakita. May isang tao na nakasuot ng fatigue na pantalon, uniporme ng CAT, na nakabitin at dumuduyan. Lahat kami ay nagulantang sa aming nakita at makalipas lamang ang ilang segundo ay napuno na ng tao ang bakuran ni Ka Huling.

Natigil ang aming sayawan at kaming lahat ay natulala. Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang mga pulis at inilabas na ang bangkay. Kitang-kita ko na basa ng ihi ang kanyang pantalon. Siya ay isang dalagang babae, yaya ng mga anak ni Ka Paul na kasamahan sa trabaho ng tatay ng aking kababata.

Magmula noon ay kinatatakutan na namin ang lugar na iyon. May mga kwento nang lumabas na may white lady na gumagala sa sagingan. At kahit ano pa man ay iwas na iwas akong tumingin sa bintanang jalousie na kahoy ang blades dahil sa takot na baka makita ko ang isang bangkay na nakasuot ng fatigue na pants na dumuduyan at nakangiti sa akin. Paglumubog na ang araw, ito na ang oras ng katatakutan. Tuwing ako ay dumadaan sa bakuran na iyon, tumatakbo ako habang umaawit ng “Jesus loves me…” o kaya naman ay “Praise ye the Lord…” iniisip na ang mga awit na ito ay panlaban sa multo.




Naaala ko noon si Ka Tibang at ang kanyang asawa. Hindi ko sila malilimutan dahil kakaiba sila sa aming mga kapitbahay sapagkat sila ay matatas mag –kastila. Ayon sa mga kwentong narinig ko noon ay mga lahing kastila daw sila. Ngayon ang bahay nila ay tinibag na at napalitan na ng isang konkretong bahay na walang buhay, malamig at pangit. Ang sagingan at bahay kubo ni ka Huling na tindahan ng halu-halo noong maliliit pa kami ay wala na, tinibag na. Ang nakatayo ngayon dito ay isang sementong day care center.

Sa lahat ng pagbabago sa aming lugar, ang mga bagong gusali, ang pagsulpot ng mga squatter, ang hinahanap ko pa rin ay ang mga punong saging, mga puno ng kalachuchi, mga sampalok, bayabas, at mga white ladies. Mas maganda kasi noon, ngayon wala na ang mga whie ladies dahil ang gumagala ngayon ay mas nakakatakot kaysa mga white lady at mga multo…



Ang gumagala ngayong mga nilalang ng gabi ay mga addict sa bato, alcoholic, magnanakaw at mga bading na malakas sumipsip ng lakas.

Monday, September 12, 2011

Rizal, isang pagbubulay



Maaring sa ating mga kabataan ay nakikilala si Rizal bilang isang henyo, isang tao na pinagkalooban ng Diyos ng mga talento na ipinagkait sa karaniwang tao. Maaari rin naming nakikilala natin siya dahil sa mga estatwa, rebulto at mga busto na nagkalat sa ating mga mga parke at sa ating mga paaralan.

Hindi ko na kailangang itanong kung saan ipinanganak si Gat Jose Rizal dahil halos lahat ng kabataan mula sa unang baitang hanggang sa ikaanim na baitang ay alam kung saan siya ipinanganak. Alam ko rin naman na halos lahat tayo ay alam ang pinagmulang lahi ni Rizal; ang kanyang mga matatapang na magulang; ang kanyang mga mapagmahal na mga kapatid.

Nababasa natin si Rizal, nakikita natin si Rizal, ngunit tunay ba nating nakikilala si Rizal?


Ang aking tanong ay ititnutuon ko sa inyo upang malaman natin ang tunay na pagkakilanlan natin sa ating pambanasang bayani. Ano ang halaga na malaman ang kanyang kapanganakan, ano ang halaga na malaman ang kanyang pinagmulan, ano ang lahalagahan na malaman ang kanyang pamilya? Ang lahat ng mga bagay na iyan ay walang saysay kung hindi natin, mga kabataan, alam ang mga bagay na nagawa ng ating pambansang bayani upang maipanganak ang kamalayang Pilipino at isilang ang ating republika, ang kauna-unahan sa Asya.

Dalawang aklat ang bumago sa takbo ng kasaysayan ng ating bansa: Ang Noli me Tangere at El Filibusterismo. Mga aklat na nagmulat sa ating mga sina-unang mga kababayan sa kaapihan ng kanilang kalagayan. Napukaw ang kanilang mga damdamin sa pagkahimbing sa habag sa sarili at sa pagsakal ng tali ng pananakop ng mga dayuhan.  Gumising at nagpapiglas.

Ang rebolusyon na naganap noong panahon ng Kastila ay isa sa pinakaunang pagpapalag ng isang bansa laban sa kanyang mananakop dito sa Asya. At ang rebolusyong ito ay binigyang buhay ni Gat Andres Bonifacio matapos niyang mabasa ang mga aklat ni Dr. Rizal.


Tunay nga na masasabi natin ang panulat ay mas mabagsik kaysa sa mga sandata. Dahil kung hindi ginising ng mga kwento ng pang-aapi at kwento ng pag-asa ang ating mga kababayan, tulad ng kalamansi sa sugat sa kwento ng ibong adarna, hindi sila magigising sa katotohanan.

Ngunit hindi lamang po sa political at sa kaapihang militar tayo pinalaya ni Rizal. Higit sa lahat, dahil sa kanyang mga nagawa, dahil sa kanyang mga isinulat, dahil sa kanyang mga patimpalak na napagwagian ay kanyang pinalaya ang ating lahi, ang mga indiyo, ang mga mangmang sa makasariling paniniwala ng mga banyaga na ang ating lahi ay mga tamad at mga walang kakayahang itaguyod ang mga sarili para itaguyod ang ating mga sarili.

Ipinakita ni Rizal na ang mga Pilipino ay biniyayaan ng din ng maykapal ng mga kakayahang hindi naiiba tulad ng ibang lahi. Binasag niya ang kahon na pinagkulungan sa kaisipan at kaluluwa ng ating lahi.


Kasama ang ibang mga bayani, si Rizal ang nagbigay sa atin ng tiwala sa ating mga kakayahan at sa ating mga sarili.

 Ang buhay niya ay hindi lamang katalinuhan at talento ang inilalarawan. Ipinakita din niya na ang isang tao ay maaring magdulot ng malaking pagbabago sa lipunang kanyang ginagalawan sa mga simpleng pamamaraan. Sa lahat ng mga papuri at pagwawagi ni Rizal ay huwag nating kalimutan ang kanyang mga pinagdaanang pagsubok. Alisin natin ito at mawawala ang pagiging bayani ni Rizal, alisin natin at maglalaho ang alamat ng kanyang katapangan at kalatinuhan, alisin natin ito at maawala ang pagkatao ni Rizal.

Sa paghubog natin ng ating sariling kaaalaman ay nakikita natin na may pagkakahawig pala ang buhay natin kay Rizal. Hindi man sa lahat, ngunit may mga aspeto ng kanyang katangian na maari nating tularan. Hindi man tayo kasing talino ni Rizal, dahil ayon nga sa mga dalubhasa minsan lang sa isang daang taon lumalabas ang isang Rizal, ngunit makikita  naman natin ang ating mga sarili sa kanyang mga pagsisikap.

Hindi man natin matularan ang kakayahan niyang magsulat, ngunit maari naman nating Makita sa ating mga sarili na may mga saloobin din tayo na Malaya nating mapiahahayag na may katapangan at walang takot—tulad niya. Maging inspirasyon siya sa pagpapahayag ng katotohanan lalo na sa panahon ngayon na puro kasinungaligan at pagtatakip sa kabulukan ang napapanood natin sa telebisyon.

Maaring hindi tayo maging doctor tulad niya ngunit maaring maging tulad niya tayo na mapagmahal sa magulang, magalang sa kapwa, maginoo sa kababaihan, maawain sa nangangailangan. Mararamdaman na rin natin ang puso niya bilang doctor. Hindi man tayo makapanggamot ng katawan ngunit tulad ni Rizal, makapagbigay lamang tayo ng pag-asa sa ating mga magulang, at sa ating bayan ay marami na tayong magagamot na mga hinaing.


 Ang buhay ng ating bayani ay maging malaking hamon sa ating mga kabataan: Tayo ang pag-asa ng bayan. Lalo itong nagiging makatotohanan sa panahong ito. Alam naman natin na ang ating lipunan ay kinakain ng kabulukan na kahit tayong mga mura ang edad ay hindi inililigtas. Bawat bukas ng telebisyon ay mapapanood natin ang mga krimen at mga sakuna. Ano kaya ang mararamdaman ni Rizal, ano kaya ang gagawin ni Rizal?

Kung noong panahon ng mga kastila si Rizal ang naging haligi upang itayo an gating bansa, ngayong panahong ito iba naman ang mga pagsubok na humahamon sa katatagan ng ating bansa. Higit na kailangan ang mga tulad ni Rizal ngayon. At bilang mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino atin ngayong pagbulaybulayan ang mga turo ni Rizal.

Mula nating balikan ang kanyang buhay at tingnan kung papaano siya naging instrumento ng pagbabago sa kanyang lipunan.

Hindi ko naman inaasahan na maging kasing galing tayo ni Rizal, inaasahan ko lang ay maging kasing sigasig tayo ni Rizal.

Hindi ko naman inaasahan na mababago natin an gating lipunan, hindi po. Maging ang ating bayani ay hindi inaasahan na magiging haligi siya ng ating bayan ngunit dahil sa ginawa niya ang kanyang makakaya sa lubos ng kanyang kakayahan, nakita ng ating kababayan ang pagkakaroon niya ng pusong bayani.

Hindi ko inaasahan na mababago natin ang ating bansa, o mababago natin ang ating probinsya, o mababago natin ang ating bayan, o mababago natin ang ating paaralan. Tulad ni Rizal, ang pagiging bayani, ang pagiging haligi ng lipunan, hindi nagmumula sa malaki kung hindi ito’y nagmumula sa maliit.

Tulad ni Rizal, magiging bayani din tayo kung uunawain natin na ang simula ng isang Rizal ay nagsisimula sa musmos. Ngayon pa lamang, tahakin na natin ang mga simpleng bagay na gumawa sa isang Rizal.

 Tandaan natin ang wika ni Rizal na kabataan ang pag-asa ng bayan, tularan natin si Rizal, at tayo din ay magiging haligi ng bayan.

Tuesday, August 16, 2011

The Battle of Guavaville: Tunay na kasaysayan



“Coronel, ano ang gagawin natin?” Humihingal ng bulong ng kapitan. “Mukhang malulupig tayo ngayon ng mga kalaban.” Halos hindi na makatingala ang kapitan dahil sa pagod sa pagtakbo, pagdapa at paggapang sa mga pilapil. “Tiyaga lang kapitan at tiyak darating rin ang ating pagkakataon upang maundayan ang mga kalaban.” Nakangiting bulong ng coronel na nagpalakas ng loob sa kapitan. Matagal na silang magkasama at alam ng kapitan na si coronel ay para bang may agimat, mula simula pa ng mga labanan ay hindi pa nasusugatan ang kapitan tuwing kasama niya ang kanyang pinuno.




Gumagapang ang mga tauhan ni kapitan patungo sa mga kalaban. Hinihintay niya ang pagkakataong mabulaga ang mga kalaban. Sa kanyang pagbibilang ay tatlo na lamang ang natitira sa mga rebelde at nalagasan naman siya ng isang tauhan, isang sarhento. Kaya nilang ubusin ang mga rebelde pero pag ito ay nakatawag ng mga kasama, tiyak walang matitira sa kanila dahil sila ay nasa pugad ng mga kalaban.




Nakita ni kapitan si coronel na kumakaway sa kanya. Marahan siyang gumapang papalapit at nakita nila sa kabila ng pilapil ang mga rebelde, nag-uusap, nakababa ang mga baril, tumatawa pa ang iba. “Umikot ka sa kabila kapitan para pag nakita nila ako, mababanatan mo sila sa likod. Pag ikaw naman ang nakita nila, uupakan ko sila ditto. Bahala na kapitan kung sino ang masawi sa atin. Una-una lang iyan.” Gumagapang si koronel papalayo kay kapitan ngunit umaalingawngaw ang huling salita ng coronel, “una-una lang yan.”



“Nagtatawanan pa ang mga kumag,” bulong ni kapitan. Tumayo siya sa pilapil sabay kalabit sa kanyang riple, “Bang, bang, bang, bang…” Tumayo din si coronel at sabay haggis ng Granada, “Boooooommmmm.” Wala nang nakaporma, nakatakbo o nakaganti sa mga rebelde. Lahat sila ay nautas ng bala ni kapitan at ang pandiin ay ang granada ni coronel—ang nakaligtas sa baril ay niluray ng pagsabog ng granada.

“Coronel, ano ang gagawin natin sa bangkay ni sarhento?” Tanong ni kapitan. “Hindi natin pwedeng bitbitin ang kanyang katawan. Wala naman tayong panahon para siya ilibing. Hindi naman puwedeng iwan ang bangkay dahil ipagmamalaki ng mga rebelde na nakapatay sila ng sundalo. Sunugin na lamang natin ang kanyang bangkay upang hindi ito malapastangan ng mga rebelde.” Hinablot ni kapitan ang dogtag ng sarhento sabay tingin sa kanyang mga tauhan. Pito na lamang ang natira sa special forces: siya ang coronel, si major, kapitan, tenyente at ang dalawang sarhento.




Nakatayo si coronel kasama ang kanyang mga tauhan. Pinanunuod ang untui-unting paglamon ng apoy sa bangkay ng sarhento. Tinatanaw niya ang makapal na usok na umaakyat papunta sa kulay kahel na langit. Parang naghahalo ang kulay lupang usok sa kahel na langit at hindi lamang si coronel ang napatingala at naaliw sa tanawin. Matula ang pag-aagaw ng kulay ng langit at ng makapal na usok--dapit hapon na kinukulayan ng sokolate.

Halos mauubos na ang gatong ng makarinig sila ng isang sigaw. “Aray!” Kasabay ng isang malutong na tunog, “Plak,” sabay bagsak ng isa, dalawa... Nagkatinginan ang pitong magkakasama. Maya-maya ay may isa naming malutong na tunog “Plak…Aray!” Bagsak ang pangatlo.  Nang matauhan ang mga sundalo sa kanilang narinig, sabay-sabay silang nagtakbuhan upang iligtas ang mga sarili.

Tatlo ang nahuli sa kanila at sila ay pinahirapan. Hindi nagtagal ay natuntun ang mga Special Forces at nahuli. Napilitan slang sumuko at humarap sa mga pinuno ng mga rebelde.



“Kayong mga tinaman ng lintik kayong mga batang kayo! Bakit ninyo sinilaban ang dayami sa bukid. Alam ba ninyo na muntik ng magpanic ang mga tao dahil akala nila ay may sunog.” Ikaw Dude ano naman ang pumasok sa isip mo.
.
“Tonio, umuwi ka nga. Hayop kang Tang-ina ka! Dapat nag-iigib ka hindi yung naggagapang ka sa damuhan!

"Abet! Tarantado ka talaga, di ba sabi ko sayo alagaan mo si Mark! Toink!

"Dude! Anak, umuwi ka na!

Itchie at Alvin! Magagalit Daddy nyo!

Gerry! Uwi! PoinK.

George! Bakit ninyo sinilaban yung dayami ni ka Inong?!

Tinaman kayo ng lintik! Akala namin may sunog na! Huwag nga kayong manununood ng the A -Team!

(Note: Si Tonyo ay matagal ng patay. Papasok ako noon sa National Panasonic nang may nagkakagulo sa gasolinahan. Bumaba ako ng tricycle upang sumilip at nakita ang nakahandusay na bangkay ni pareng Tonyo. Basag ang ulo dahil hinataw ng bato at tadtad ng saksak sa tagiliran. Napaaway, kilala ko ang tapang ni Tonyo kaya alam kong lumaban siya ng husto bago siya namatay.)

Saturday, August 13, 2011

Saranggola ni Tatay at time paradox


Bukid ang likod bahay namin noon at ang libangan ko tuwing tag-araw ay magpalipad ng saranggola. Isa sa pinakamasayang parte ng kamusmusan ko noon ay ang pagsasaranggola dahil kasama sa paglipad ng saranggola ay ang paglipad ng imahinasyon.


Natutunan ko ang paggawa ng saranggola sa aking tatay. Ang pinto ng likod bahay namin noon, pagbinuksan ay bukid na ang tatambad. Naalala ko ang tatay ko noon na tinuturuan akong gumawa ng saranggola. "Anak, tingnan mo, ganito ang pagkiskis sa kawayan, " sai ng tatay ko. "Dapat ay pantay at walang  lamang kung hindi ay kekeleng ang saranggola," medyo nakangiti pa habang nagkakayas. Pinakita din niya ang pagdidikit ng balat. Ang pinakaimportante diyan ay ang pagtatali. "Dapat ito ay timbang, hindi lamang ang taas kung hindi ay yuyuko ito sa hangin, at huwag lamang sa ilalim kung hindi ay. kakawag kawag ito paglipad, dapat may tamang balanse," turo ng tatay. 

Kitang-kita ko pa ang diyaryong balat ng saranggola. Hindi ko malilimutan ang headline ng People's Journal, ang paboritong dyaryo ng tatay ko na araw-araw ay inaabangan ko dahil sa komiks na Tasyo at Dalamacio Armas. "Ninoy Aquino, Patay!" Sigaw ng diyaryo.

"Tay, sino si NInoy?" Tanong ko. "Huwag mo ng intindihin iyang balitang iyan. Halika na at magpalipad na tayo." Tumayo kami at sabay na pumunta sa bukid. Pinakita sa akin ng tatay kong paano magpalipad ng saranggola. "Anak, pag umiikot sa ere, alagwahan mo. Paglumulundo, kabigin para mamayong." Sabi ng tatay habang nakatingala.

Nalala ko noon, ang ganda ng sikat ng araw at malayag ang hangin ng biglang magdilim ang langit , lumakas ang ihip ng hangin at nag-ambang uulan. Sa lakas ng hangin ay naputol ang sinulid ng saranggola. Hindi ko alam kung naiyak ako noon pero nakarinig kami ng ilang kulog kaya tumakbo na kami pauwi.

"Sa susunod na lang anak." Hingal na sabi ni tatay. Pero ilang segundo lang, lumiwanag uli si haring araw,. Di natuloy ang kasal tikbalang.

Matagal ng yumao si tatay, katorse ako noon,  at ngayon ay may pamilya na rin ako. Pero hindi ko malilimutan ang mga turo sa akin ng tatay. Hindi lamang sa paggawa ng saranggola, natuto rin akong gumawa ng mga bitag, magkumpuni ng kaunti ng makina, mag motorsiklo, aba eh sampung taon pa lamang ako nagmamaneho na ako ng greyder, payloader at bulldozer. Iyan kasi ang trabaho ni tatay.


Nagbakasyon ang pamangkin kong si Bebong sa amin dito sa Cainta. At dahil naiinip, tinuruan ko siyang gumawa ng saranggola, tulad ng tatay. Pero sa halip na sa likod bahay namin kami nag saranggola, na ngayon ay pugad na ng mga informal settlers, naglakad pa kami papuntang Greenland sa may Highway 2000. Enjoy siya habang nagpapalipad ng saranggola.

Mayamaya ay sumabit ang saranggola namin sa puno ng sampalok. Wala akong magawa kung hindi umakyat sa puno na mukang halimaw na nanghahablot ng mga saranggola dahil sa dami na ng kanyang nabiktima. May mga saranggolang plastic, may saranggolang directory, may saranggolang diyaryo. Nasa puno ako at sinasagip ang aming saranggolang kakaway-kaway sa hangin ng tawagin ang mata ko ng isang naninilaw at tagulumining balat ng saranggola na sumsisigaw ng , "Ninoy Aquino, Pinatay!"

Bumababa ako sa puno at hindi na nakuha ang saranggola namin ni Bebong. Mataas, hindi ko na maabot. Pauwi na kami ng tinanong ako ni Bebong, "Tito George umiiyak ka ba?"

"Hindi ah! Napuwing ako ng hangin." Nakangiti kong sagot.

Thursday, August 11, 2011

Init story



Halos dalawang araw kaming nagtiis sa eskwelahan na walang kuryente dahil sumabog ang kuntdaor ng school. Ang diagnosis: overload. Kahit hindi tirik ang araw ay sadayng napakainit at nakakapagpawis ang panahon dahil sa kabasaan ng hangin o humidity. Ngayon ang mga panahon na kahit makulimlim ay mainit dahil naghahakot ng tubig si Ulap upang ibuhos sa mga hamak na nilalang sa ibaba.

Isa sa epekto ng mainit na mamasa-masang pakiramdam ay ang pag-init ng ulo. Ang init ng ulong ito ay samahan pa ng mga pasaway at makukulit na bata, ang resulta ay stress at high blood. Bumabagal kumilos ang mga mag-aaral at laging parang inaantok.

Noong isang araw ay napanood ko at narinig sa TV na may panukalang gawing tag-araw ang pasukan upang mabawasan ang pagkliban ng mga bata sa klase. Alam ko na ang gusto ng mga mambabatas na ito ay bakutihan at ang iba naman ay magpapampam. ngunit ang aking pinangangambahan ay ang init ng tag-araw. Ito ng lamang humidity ng tag-ulan, ano pa kaya ang tuyot at malalikabok na hangin kasama ang naglilisik ng tirik na haring araw, hindi nga bagyo ang kalaban heatstroke naman.


May suggest akot, sa mga mambabatas na gustong ilipat ang pasukan sa tag-araw, magturo po kayo ng isang linggo sa isang pampublikong paaralan na walang aircon at may mahinang electric fan (kung meron) bago po kayo magpanukala.

Subukan nyo munang maheatstroke, try nyo lang.


Monday, August 8, 2011

Edad

Dati, pag ikaw ay nagkakaedad
Ikaw ay tinitingala
Dahil sa iyong tanda ay naglalahad
Na ikaw ay sa dunong pinagpala

Bawat puti ng buhok at kalyo sa palad
Ipinagdiriwang ang pagtitiyaga at pagkabihasa
Na hanggang ngayoy di kayang itulad
Sa basta-bastang gawa

Dumating ang panahon
Iba na ang edad
Ngayoy ang tinitingala
Mga gadgets na


Ngayon ang pagkakaedad
Ay ngangahulugan...
Upgrade ang iyong kailangan

Tuesday, July 26, 2011

Lois Lane natagpuang patay sa Boracay


Isang bangkay ng di makilalang babae ang natagpuan patay sa silong ng sa isang kubo sa beach resort sa Boracay. Ayon sa imbestigasyon  ang babae ay  nagtamo ng tama ng isang matigas na bagay na tumagos sa kanyang ulo nagresulta sa pagkasabog ng kanyang bumbunan. Nalaman din sa imbestigasyon na tuklap ang nguso, bali-bali ang mga braso at durog ang mga hita ng babae. Bumagsak din ang sahig ng na nagresulta sa pagkabaon ng biktima sa lupa sa ilalim ng kubo.
Ayon sa imbestigasyon, nagcheck-in sa resort na masayang-masaya at sweet na sweet ang bagong kasal. Makalipas ang ilang oras ay nakarinig na lamang ng isang malakas na pagsabog ang mga taga Boracay. Nagtakabuhan sila papalayo sa pinangyarihan sa pagaakalang mga terorista ang may kagagawan. Nung mapansin nilang wala namang usok o apoy, sila ay nagbalikan sa kanilang mga dating gawain. Kinumpirma naman ng PHIVOLCS na nagkaroon ng isang malakas na pagyanig sa Boracay ngunit hindi nila maipaliwanag ang dahilan nito. "This is not a volcanic tremor nor a tectonic movement," ayon kay Dr. Milo O. Himlo ang regional head ng Phivolcs sa Visayas.


Isang malaking palaisipan ang nangyaring ito sa di pa nakikilalang babae. Agad na pinakuha ng Pulisya ang guest record ng resort upang malaman ang identity ng di-panakikilalang babae at ganoon din upang makilala ang kanyang kasamang lalaki na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Hindi pa maipalagay kung nasawi din ang lalaki o kung siya ay suspect.

Ayon sa findings, ang pangalan ng nasawing babae ay si Mrs. Lois Lane Kent at ang pangalan ng lalaki na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan ay si Mr. Clark Kent.




Sunday, March 13, 2011

Kwentong punso

"Pare, iniwan ako ng kumare mo! Sumama sa ibang lalaki!," Atungal ni Julio habang langong-lango sa alak. Matagal na silang nagkakaroon ng problema sa kanilang pagsasama ng kanyang asawa. Ang palagiang sinisisi niya ay ang maliit niyang pagkalalaki. Ngunit alam ng lahat na ang dahilan kung bakit iniwan ng kanyang asawa si Julian ay dahil siya ay isang lasinggero at iresponsableng asawa. Pero, ayaw niyang aminin ito. Pilit niyang isnisisi sa kanyang asawa ang problema. Ibinibintang niya sa pagkakaroon ng kalaguyo ng kanyang asawa.

'Pare," Pag-aamo ni Lando, ang kanyang matalik na kaibigan. "Huwag kang mag-alala, maraming ka pang makikitang mas magmamahal sa iyo. (Ngunit sa loob-loob ni Lando, "tama lang na iwanan ka ni kumare dahil ikaw ay isang makasariling asawa.) "Hindi!" Pasigaw na sabi ni Julio, "alam ko na hindi lamang siya nasisiyahan sa akin. Nalilitan siya sa pagkalalaki ko!" (Sa isip ni Lando, "talagang maliit ang pagkalalaki mo pare dahil maliit ang pananaw mo sa mga babae!) Ngunit ang kanyang pananaw ay kanyang lamang sinasaloob dahil ayaw niyang masaktan ang matalik niyang kaibigan.

Langong-langong umuwi ang magkaibigan. Sumisipol at pasuray-suray sila habang malungkot na paulit-ulit na nagpapalipad hangin si Julian, walang saysay ang kanyang mga sinasabi. Biglang nakaramdam ng kabigatan sa kanyang pantog si Lando. "Pare, iihi muna ako. Diyan ka lang," Sumipol si Lando at sabay ihi, "habi-habi po," sabi ni Lando. Maya maya pa ay narinig ni Julian ang pagsuplit ng ihi ni Lnado. "Habi-habi po, salamat po!" Sabi uli ni Lando habang kinikilig.

"Pare...hikhikk..." sabi ni Julian. Bakit ka pa nag papaalam eh wala namang tao. "Ikaw naman pare, komo lumaki ka sa Maynila ay nalimutan mo na. May mga nuno sa punso dito sa Pinagtampuhan, at alam mo namang kilala ang pinagtampuhan sa mga hiwaga dito. Naalala mo ba noong maliliit pa tayo. Si Pedro, itinuro niya ang isang punso at namaga ang kanyang daliri na kasinlaki ng patola." Storya ni Lando, "kasi hindi inusog niya ang mga nuno!" Palinga-lingang kwento ni Lando.

Nag-isip si Julian, "aba pare, kung ganoon ito ang solusyon sa problema ko! Iihian ko ang mga punso nang lumaki ang pagkalalaki ko! Hindi ko na kaliangan gumastos pa kay Dra. Vicky Bello sa pageenhance!" Lasing at pakutyang sabi ni Julian. "Pare naman, alam mo naman na may paniniwala ang mga tao dito. Igalang mo na lamang." Pakiusap ni Lando.

"Pare....tumigil ka. Alam ko namang pamahiin lang iyan at hindi ako naniniwala. Pero nasaan ba ang mga punso. Luminga-linga si Julian at ng makita niya ang pinakamalaking punso ay ibinababa niya ang kanyang salawal at bigay todong inihian ang punso. 'Sige...pamagaiin mo ang ari ko at matutuwa pa ako!" Lapastangang sigaw ni Julian. Napailing na lamamng is Lando.

"Pare, tulog ka na...", Wika ni Lando habang inihatid niya sa pintuan ng bahay ang kanyang matalik na kaibigan.

Tatlong araw muli ng makita ang magkaibigan. Laking gulat ni Lando ng makita niya si Julian na nakapalda. Parang itik kung lumakad at bakat na bakat ang malapakwan na kabilugan sa pagitan ng kanyang hita.

Friday, March 11, 2011

25 sentabos


Bumibili ako ng puto bungbong ng may makita akong isang eksena na hindi ko makakalimutan. Isang napakagandang dalaga ang tumatatawid sa kalsada kasama ang kanyang huklubang lola. Nasa kalagitnaan na sila ng biglang tumigil ang huklubang lola, yumuko at dinampot ang isang bentesingko sentimos. Halat sa mukha ng magandang dalaga ang kaunting pagkayamot. "Ano ba naman si lola! Bentesingko lang magdadahilan pa ng trapik!," Bulong siguro sa sarili ng babae.

Bakit nga ba napatigil ang lola?

Naala ko noong maliit ako, noong nag-aaral pa ako sa elementarya. Sabi ng tatay ko ang halaga daw ng pantalon noong maliit siya ay dalawang piso. Hindi ako makapaniwala dahil kinukwento niya ito sa akin noon habang binibigyan niya ako ng baon na singkwenta sentimos. Ito yung baon ko noon sa grade 1 para sa maghapong klase. May isang pera pa noon Lapu-lapu. Hindi ko noon pinapansin ang isang pera, pero ang tatay ko dinadampot iyon.

Ano ba nabibili nung singkwenta sentimos ko noon.
Una ang sopas sa eskwelahan noon ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos at ang tinapay naman ay nagkakahalaga ng diyes sentimos. Sa totoo lamang ang tinapay noon ay singko lang, dinagdagan lang ng singko pa dahil may palaman na matamis na bao o kaya naman ay star margarine kaya nagiging diyes sentimo. Ang hindi ko nalilimutan ay ang laki ng tinapay noon. Ito ay mga nutribuns na talagang malalaki at mga siksik na tinapay. Para maibenta ito noon ay inilalagay namin sa plastic na sako at nilalako namin na para kaming si santa claus.

Ang singkwenta sentimos ko noon ay kayang bumili ng isang maliit na softdrink at isang pirasong tinapay. Sa totoo lang, pag binigyan ako ng tatay ko noon ng limang pisong aguinaldo, hindi ko maubos sa kabusugan.

Ang Texas na buble gum noon lima singko, ang tiratira lima singko, ang tae ng kalabaw lima singko, ang kendi lima singko, kaya noon ang salitang lima singko ibig sabihin mumurahin noong mga panahong ang isang sentimo ay nakakabili pa.


Ngayon pag ang anak ko ay hindi na pinapansin ang bente singko. Ang baon niya ay singkwenta pesos...kwentahin mo ang pagtaas...

Kaya noong tinitningnan ko si lola....naiintindihan ko....ano kaya ang halaga ng bentesingko noon. Isang kilong gulay, isang kilong bigas, isang balot na tinapay....ilang taon mula ngayon ang isang daang piso ay hindi na papansinin.

Thursday, March 10, 2011

Ang talisay


Ang talisay
Mayabong ang dahon
Masarap maglaro
Sa ilalim ng kanyang lilong


Sadyang masamyo ang hangin
Sa ilalim ng lilim
Ngunit ingat ka lamang
Baka ikaw ay malibang

at....

Akala mo ikaw ay binungang araw
Dahil sa kating parang mga singaw
Di mo lang napansin
May nilalang na nakabitin

Ikaw pala ay naging victim
Ng higad na itim!