Thursday, July 26, 2007

Ang Kaso ng Nawawalang Fafa at Bulgarian Peanut Butter

(Hango sa Karanasan ni Detective Pedro Pouetmo na sinasabing malayong kamaganak ng Detective ni Agatha Christie na si Detective Hercule Poirot)



“Detective Pouetmo kumusta ang huling kaso na nasolve mo?” Nakangiting bati ni Captain Cruz na hepe ng Bulik-Bulik Crime Detection Unit.
“Madugo Hepe, madugo. Ngayon lang ako nakaranas ng ganoong klase ng krimen.”
Sagot ni Detective Pouetmo habang ito ay nakataas ang paa sa ibabaw ng kanyang mesa at nagbabasa. Maya maya ay nautot si Captain Cruz. Natawa si Det. Pouetmo at sumigaw,
“Ano ba yan Hepe! Sintunado ang utot mo!” Si Captain Cruz ay kilalang magaling sa fluta sa kanilang lugar, siya ay madalas maimbitahan sa mga okasyon kaya’t hindi mapigilan ni Captain Cruz na matawa pa. “Ha, ha, ha…nakakatawa naman ang comment mo Detective. Kulang kasi ako sa practice! Ha, ha, ha…” Natawa rin si Detective Pouetmo kaya sila ay nagtwanan ng bigay todo. Maya maya namay nautot din si Det. Pouetmo. Tumayo si Capt. Cruz at binuksan ang binatana para pumasok ang fresh air.

Hindi nila napansin na may papalapit sa opisina nila. Napansin na lamang nila na nakaupo na sa isang bakanteng upuan ang isang lalaking nasa edad singkwenta.




“Uhhhmmm ang bango ah, amoy imported na Bulgarian peanut butter,” Wika ng bisita.
Nagkatinginan si Captain Cruz at Detective Pouetmo at bigla silang naghalakhakan ng malakas. “May nakakatawa po ba sa peanut butter?” Tanong ng bisita.
“Wala!” Koro ng dalawa. “May pinagkukuwentuhan lang kaming nakakatawa kanina ng pumasok ka. Pasensya ka na. Ako si Captain Cruz at ito si Detective Pedro Pouetmo.” Abot kamay ni Captain Cruz sa bisita at Detective Pouetmo.

“Ako si Carla, Charles Macabugnay ang tunay kong pangalan. Ako po ay isang pusong babae at sana po ay huwag nyo itong mamasamain.” Malumanay na sinabi ni Charles. “Serbisyo Publiko po kami ditto Mr. Macabugnay. Wala po kaming diskriminasyon.” Paliwanag ni Capt. Cruz.

“Uhmmm ang bango talaga dito amoy Bulgarian peanut butter.” Ngiti ni Mr. Macabugnay. Nagkatinginan si Capt. Cruz at Det. Pouetmo at muntik na naman silang sumabog sa tawanan. “Mr. Macabugnay, iiwan na kita kay Det. Pouetmo at ako ay may meeting pa sa munisipyo.” Tumayo si Captain Cruz at kinamayan si Mr. Macabugnay sabay kindat kay Det. Pouetmo. “Det. Pouetmo, bahala ka na.” Namumula na ang mata ng dalawa sa kapipigil sa tawa.


“Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Tungkol po ito sa boyfriend ko, si Mahogany.” Namimintig ang matang sagot ni Mr. Macabugnay. “Ang tunay niyang pangalan ay Johnny Mendoza pero ang tawag ko sa kanya ay si Mahogany. Di pa po bumabalik si Mahogany!” Hikbi ni Mr. Macabugnay. “Ano po ba ang nangyari kay…err…Pine Tree…” “Mahogany Po” Pagwawasto ni Mr. Macabugnay. “…Err kay Mahogany pala?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Tatlong araw na po siyang hindi umuuwi. Pumunta po siya ng Maynila upang dalawin ang kapatid niya pero di pa po siya umuuwi. Nangangamba po akong baka siya ay napahamak o anu man.” Lumuluha na si Mr. Macabugnay sa pag-aala-ala. “Hmmmm….tatanungin kita. Ilang taon na ba kayong hindi nakakaluwas ng Maynila?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Ako po ay hindi pa nakakaluwas ng Maynila sa tanang buhay ko. Si Mahogany po ay halos dalawampung taon ng hindi nakakaluwas ngunit kabisado pa rin niya ang patungo sa lumang bahay nila. Alam nyo naman na hindi hagip ng cellphone itong lugar natin kaya wala akong balita Detective.”

“Sandali lang,” sabi ni Det. Pouetmo

Nakunot ang noo ni Det. Pouetmo. Tumayo ito at kumuha ng libro, calculator, papel at lapis at tumahimik sandali at nagbasa at nagsusulat na para bang nagkukuwenta. Nakatingin sa kanya si Mr. Macabugnay. Maya-maya ay tumayo ang detective at lumapit kay Mr. Macabugnay. “Charles umuwi ka na. Tawagan mo ako bukas ng umaga pag hindi pa dumating si Mahogany mamayang alas dose ng gabi. Maghain ka ng pagkain at tiyak ko gutom iyon pag-uwi niya.” Ngiti ni Det. Pouetmo. “Detective akala ko ba tutulungan nyo ako. Wala ka namang ginawa ah.” Pakiusap ni Mr. Macabugnay. “Sige na Charles, bukas na tayo mag-usap.”

Kinabukasan pagpasok ni Det. Pouetmo sa opisina ay nagulat siya dahil may malaking kahon sa kanyang la mesa. Lumapit si Captain Cruz kay Det. Pouetmo at sinabi, “Pumunta ditto ng maaga si Mr. Macabugnay. Tuwang-tuwa dahil dumating na daw si Mahogany kagabi bago mag-alas dose. Tulad ng sinabi mo. Manghang-mangha siya sa iyo. Iniwan niya yan mamahalin daw yan. Napaga-alaman niya kasing paborito mo yan kaya ibinigay niya sa iyo.”

“Paano mo ba nasolve yung kaso nang hindi man lamang umaalis sa pagkakaupo mo.” Tanong ni Capt. Cruz. “Simple lang naman Capt. Cruz. May nabasa akong short story ni O. Henry na ang pamagat ay ‘A Strange Story’ na para bang may kahintulad sa kaso. Tapos ay kumuha ako ng calculator at nagcompute. Ang problema kasi ay dalawang dekada ng hindi nakakaluwas ng Maynila si Mahogany. Ang estimado niyang balik ay nakaestima noong panahon na wala pang trapik sa Maynila. Kaya kinompute ko lang yung trapik ngayon laban sa trapik noon at ang biyaheng walong oras noon ay aabot na ng halos apat na araw ngayon dahil sa trapik. Nakakagulat di ba Capt. Cruz, habang pabilis ng pabilis ang mga sasakyan ay pabagal ng pabagal ang biyahe. Simple mathematics lang friend” Kindat ni Det. Pouetmo. “Ang galling mo talaga Detective” Bati ni Capt. Cruz

“Buksan na natin yung kahon.” Excited na sabi ni Capt. Cruz. “Mamahalin daw yan ah. Baka alak!” Pagbukas ng kahon ay sinipat nila ang malaking bote at ang nakasulat ay, “BULGARIAN PEANUTBUTTER.” “Buksan mo na,” sabi ni Capt. Cruz habang tumatawa.

Tuesday, July 24, 2007

Pagluhod

At ngayon ay naitalaga Namin kayo sa wastong daan. Sundan ito, at huwag paakit sa mga pagnanasa ng mga taong mangmang; sa kadahilanang kailanman ay hindi nila kayo maikukubli sa puot ng Panginoon. Ang mga may maling gawa ay tumatangkilik sa mga maling gawa; ngunit ang matuwid ay ang Diyos, Siya mismo, ang tagatangkilik nila.
Ito’y isang babala sa sangkatauhan; isang giya at biyaya para sa tunay na naniniwala.
Akala ba ng mga may maling gawa sa Ating paningin ay kapantay sila ng mga naniniwala at gumagawa ng mabuti upang ang kanilang buhay at kamatayan ay magiging tulad? Mali ang kanilang husga!
Nilalang ng Diyos ang langit at lupa upang isiwalat ang katotohanan at gawaran ang bawat kaluluwa ayon sa kanyang gawa. Walang sinuman ang maimamali.

Kuran 45:18 (Mula sa English na bersyon)

Friday, July 20, 2007

ICCT Colleges Foundation scandal part 2 of 2

Ang problema ng commercialized eduction sa pinas

ICCT Colleges Foundation scandal part 1 of 2

Kilala ang eskwelahang ito dahil sa taas ng standard. Ang mga kaklase kong iba galing dito. Sabi nila basta bayad ka hindi babagsak. Nakakatuwa ang video kasi totoo.

Friday, July 13, 2007

Silent Running-TV Flashbacks

(Wala po kaming Cable TV kaya ang mga kwentong ito ay tungkol sa Free TV)


Noong ako ay elementary pa lamang ako ay mahilig ako sa TV, ang madalas ko noong pinanunood ay mga fillers. Ang TV kasi noon ay di tulad ng TV ngayon na masyado ng commercialized, noon karamihan ng palabas e English, ala masyadong lokal na palabas at pag hapon pa karamihan ng TV stations ay nakasign off, kay tulog kami--arang may usapan ang mga nanay ta managers ng TV station noon--at karamihan sa kanila nagbubukas lang pagprimetime ewan ko lang kung economics o dahil hindi pa active ang mga local TV producers na gumagawa ng TV shows. Wala pa kasi noong pakialam ang mga stations, di sila gumagawa ng mga shows.

Nahilig ako sa mga shows na filler tulad na lamang ng mga palabas ng British na mahahaba ang mga tao. Talagang nagtataka ako noon kasi ang mga action film na ipinalalabas pag hapon na ay mga palabas na kung saan ang mga tao, mga sasakyan, mga hayop ay puro pahaba. Kaya pagnagbabakbakan ay parang mga tikling ang mga kumag na nagsusuntukan at nagsisipaan. Minsan nagkakwentuhan kami ng Kumpareng Toyax ko eh, napunta kami diyan sa TV at naala-la din niya yang mga taong mahahaba sa TV. Di ko lang alam kung bakit ganun sila—mga pahaba, siguro sa film yun o kung anuman. Nasaan na kaya itong mga palabas na ito.

Nauso noon sa Channel 7 ang Early, Early Movies, di pa “Kapuso” ang 7, ang kakilalanlan sa kanila ay “The Rainbow Network”at tuwing umaga pagnagbukas ka sa kanila ang maririnig mo ay “Ha-le-lu-ya, haleluya, Kings of Kings and Lords of Lords, Hale luya haleluya” ng Ellinwood Christian Church Choir. Eh ngayon pagbukas mo ang makikita mo a ang malamunay na mukha ni Arnold Clavio na dala ang mga balitang pambaligtad ng sikmura. Eniway, maaga akong gumigising noon upang abangan ang Early, Early Movies ng channel 7. Kung baga fans ako dahil magaganda ang palabas dito karamihan classics kaya pag pinalalabas ang schedule ng palabas inaabatan ko ito at tinatandaan. Mga cult classic (ngayon ko lang ito nalaman ng malaki na ako at nagbabasa basa na ng mabibigat na lathalain) pala nag mga pinalalbas nila tulad ng Soylent Green at The Omega Man ni Charleston Heston, apocalyptic-science fiction na mga movies ito na cult na ang status ngayon. Dito ko rin napanood ang The Silent Running na isang nakakapang kalimagmag (pakiramdam mo kung matatae ka, yung parang, basta yun na yun) dahil ang pelikula ay tungkol sa isang saceship na may kargang mga halaman na may dalawang (o tatlo) crew at mga robot. Tamang tahimik ang movie at habang pinanunood ko ito noon ang piling ko ay para bang walang pag-asa, kalungkutan kasi ang mga halaman sa spaceship na lang ata ang natitirang halaman sa mundo noon. Ewan ko lang kasi limut ko na angkwento nito (para ngang walang kwento itong pelikulang ito eh). Dito ko rin napanood ang H.G. Wells Classic na War of the Worlds, Jules Verne’s 20,000 League Under the Sea atbp. Mga palabas na hindi ko na masulyapan sa TV ngayon.
Ang mga palabas noon na pambata ay Sesame Street, The Elecric Company, The Wonderful World of Disney na kung saan ang cute cute ni Kurt Russel bilang isang Whiz Kid.

Andiyan din yung Life on Earth ni David Attenborough na minsan ay pinangarap kong maging biologist dahil sa kanya.
…Battlestar Galactica, Buck Rogers in the 21st Century, Star Trek, Twilight Zone, Fantastic Voyage, Fox Mystery Theater, Wednesday Shockers kung saan twuning prayer meeting ay inaabangan namin sila Christopher Lee, Peter Cushing, mga dracula….etc. mga palabas na nagiistir ng imagination.


Wala lang namimiss ko lang ang TV noon.


Ang Alamat ni Botvinnik at ang naunsyami kong Chess Career

Botvinnik

Noong high school ako ay nahilig ako sa chess. Ang mahirap sa akin ay medyo may pagka obsessive ako. Pagnapagtripan ko hindi ko titigilan hanggat hindi ko natutunan ang isang bagay. Kaya noong nahilig ako sa chess ay talaga namang nagresearch ako kung paano ito laruin. May mga books ang kuya tungkol sa chess at nabasa ko dito ang mga opening principles, middle game attacks at endgames. Pinagbuhusan ko talaga ito ng panahon, obsessive nga ako eh. Hanggang sa hiniram ko ang libro ng kakalase nung high school na mahusay sa ches ang pamagat ng libro ay “Mikhail Botvinnik’s 100 Best Games.” Matinik itong si Botvinnik na player. Electrical engineer siya kaya pagupo niya sa championship naging sobrang scientific and larong ito.


Nawala na yung mga deadly combinations nila Jose Raul Capablanca ng Cuba, tinatawag na pinakamagaling na natural player at naging world champion noong 1921-1927. Walang theory sa katawan itong si Capablanca. May kwento pa na habang ang mga katunggali niya sa chess ay nagsusunog ng kilay sa pag-aaral ng atake at depensa, itong si Capablanca ay nakikipaginuman ngunit pagnaupo sa lamesa ay mabangis pa rin. Matindi and intuitive powers ni Capablanca ngunit ng upuan siya ng theoretical player na si Alexander Alekhine ay hindi siya umubra. Yun nga lang ay asar na asar si Alekhine dahil siya ay talagang naghirap sa preparasyon samantalang si Capablanca ay patagay-tagay lamang. Maraming anecdotes si Capablanca at isa lang talaga ang hindi maalis na titulo sa kanya, ang one of the best, if not the best, “natural player.” Tinuruan siya ng tatay niya ng chess ng apat na taon pa lamang siya at ng dose anyos siya ay naging kampeon ng Cuba. Malupit ika nga.

Pinag-aralan ko ang mga moves ni Botvinnik at gayundin ay nagbasabasa ako ng iba pang mga literatuire sa chess. Nahiligan ko ang Sicilian Defense Dragon Variation (English Opening kung puti) at hanggang ngayon ay ito pa rin ang favorite opening ko pag-naglalaro ako ng chess sa lamayan ng patay.

Third year high school na ako nung napagisipan kong sumali sa intrams ng school namin. Dlal ang aking mga theory at history of chess ay buo ang loob at buo ang mukha (confident ako) na wala na sigurong uubra sa akin at sa aking Sicilian Defense Dragon Variation (sa tunog pa lang ng opening ko ay parang kung fu style na!). Kaya ng maupo ako sa lames at makaharap ko ang isang uhuging fiurst year ay para bang nainsulto ako. At ang nakakatawa pa ay ang opening niya ay yung tinatwag na Orangutang Opening o yung mga irregular opening na wala sa dictionary ng mga opening dahil walang matinong mag-oopen ng kanyang piyesa na gamit ang pawn ng rook kasi una walang centralization, walang space, walangg development (o di nagbukas ng dadaanan ng piyesa), wala lahat! Kaya sabi ko sa sarili ko, “patay kang bulilit ka!” Inupakan ko siya ng Sicilian Defense ngunit napapansin ko na habang tyumatagal ay nagiging cramp ang posisyon ko, at hanggang sa ako ay napilitang mag-resign.

Para akong binuhusan ng laman ng arenola sa muka. Sisinghot singhot pa kalaban ko samantalang ako ay pawisang umayaw.

Tapos na ang chess career ko. Tunaw sa kayabangan, puro hangin kasi ako. Actually mahirap ang chess kung seseryosohin. Time consuming yung analysis at kailangan mag-exert ka talaga ng effort sa pag-aaral nito.

Yung Orangutang opening pala, ang tawag pala dito ay delayed centralization, ay malupit na opening sa malupit na player. Mukha kang lamang sa umpisa pero pag bumanat na tepok na ang weaker player kasi ang lakas ng delayed center opening ay pagnaover extend ang mga pawn ng kalaban --di na maibabalik pa ang pawn moves. Kaya lang kung di magaling ang gagamit nito ay opening pa lang di na magsusurvive dahil sa cramp position.

Si Botvinnik ay ipinangalan ko sa alaga kung puting daga. Sa pets na lang ako babawi. Itong si Botvinnik ay babaeng dagang puti at siguro ay natukso siya sa sex appeal ng mga dagang itim sa bahay namin kaya bigla siyang nawala, dati-rati lumalapit sa akin pagsumisitsit ako. Maglaon nakita ko na lang siya sa imbakan namin ng mga magazine na nagpapasuso ng mga maliliit na mulatong daga. Naging wild si Botvinnik at hanggang ngayon pag may nagtatakbuhang mga dagang itim sa amin ay tinitingnan ko kung may mga light colored sa kanila.

Tamad na kong maglaro ng chess ngayon. Pag may patay na lang ako napapaupo sa mesa, kadalasan talunan pa ko.

Thursday, July 12, 2007

Autumn Leaves

Duet ito ng Hill-Witchinsky duo. Madali ang melody kaya naareglo ko para sa solo guitar. Sabit-sabit kasi nahihiya ako sa asawa ko na nagvivideo. Naasar na kasi sa akin.

Tango in D

Sa wakas medyo nakuha ang Tanggo in D ni pareng Isaac Albeniz. Medjo alang went pagkakatipa kasi gurang na mga daliri at isa pa mas sanay ako sa bass guitar, pero okay lang naman konting tiyaga may kalyo na uli ako. Practice lang siguro uli.

Tuesday, July 10, 2007

The Godfathers - Birth School Work Death: Punk at Existensiyalismo

Ang punk ay ang isa sa mga musika na may saysay at may sinasabi. Ang punk ay likha ng mga taong sawa na sa establisiemnto, sa relihiyon at kultura. Ang musika ay anitestablishment at anti everything. Ngunit sa likod ng mga mabibilis na tyempo, mabababaw na salita, nagngangalit na guitara, at kakaibang mga pananamit ay ang malalim na patama tungkol sa katanunga ng saysay ng buhay dito sa mundo.

Thursday, July 5, 2007

Ang Kalayaan



Naala ko ang wika ng isang theologo, “Sa aking paglalagalag, hanggang sa makahalubilo ko ang mga Unitarians. Ay babalik rin pala ako sa pundamental na paniniwala.” Ang sinasabing Unitarians ay isang iglesya na sinasabing Kristiyano ngunit ang tunay na hinahalughog ng samahang ito ay ang humanidades at hindi ang spirtwal na lakbay—o kaligtasan. Kaya walang pinanghahawakang ganap na sandigan ng pananampalataya ang mga Unitarians, bukas sila sa lahat maging Buddhist, pilosopo, Muslim at anu pa man. Manapat dapat lamang silang tawagin isang relihiyong walang diyos.

Sa pagbubukas na aking devotional blog ay sinimulan ko ito sa mga salitang “God is Sovereign”. Diyos ay Kasarinlan.”

Isa sa pinakamalaking balakid ko sa pang-unawa ng Diyos ay ang tinatawag na kalayaan ng tao. Hanggang sa mga pag-aaral namin sa Sunday school ay ito ang malaking katanungan. Paano ang kalayaan ng tao? Nasaan ang kalayaan ng tao?

Sa kaligtasan ang tanong ay papaano ito dahil pili lamang ng Diyos ang ililigtas niya?

Ito ay isang malaking bagabag lalo na sa mga nagsasaliksik tungkol sa kaligtasan at kadalasan pakiramdam ng mga taong nagtatanong ukol dito ay sila lamang ang nagtatanong nito, nalulungkot sila dahil ang mga kasagutan ay ang paikot-ikot na pagbabato sa kanila ng mga bersikulo sa Bibliya, na kayang tapatan ng iba pang bersikulo sa Bibliya na para bagang tumututol naman. Malaking bagabag, malaking kalituhan.

Panahon pa ni Agustino at ng kanyang katunggali na si Pelahiyo ang katanungan na ito. Sinabi ni Pelahiyo na gawa ng tao ang kanyang kaligtasan na mariin namang napabulaanan ni Agustino gamit ang banal na kasulatan at mga sulat ni Pablo at ang matinik niyang pangngatwiran. Noong repormasyon ay muli itong nabuklat ng mabuo ni John Calvin ang isang sistema ng theologiya na nakabase sa mga pagbubuklat ni Agustino at ibinase nama ni Agustino sa mga aral ni Pablo tungkol sa kaligtasan at ang kasarinlan ng Diyos dito. “Isang nakahintakot na katotohanan.” Ito ang wika ni John Calvin ng mahuli ng kanyang pas-iisp at puso ang katotohanang ang kaligtasan ay karapatan lamang ng Diyos. Ito ay kinontra ni Jacob Arminyo at ngayon nga ay umosbong ang dalawang magkatunggali (ngunit sa katotohanan lamang sa aking pang-unawa ito ay di tunggalian kundi magkaibang tanaw sa mgakaibang posisyon lamang) paniniwala sa kaligtasan. Isa ay nakabannga sa kasarinlan ng Diyos and isa ay nakabangga sa kalayaan nga tao.

Ngunit ano nga ba ang kalayaan ng tao? Sa mga tao na nag-aaral ng Bibliya ito ay napalaking tanong. Ngunit para sa akin ay napakalaking tulong ang pagbubuklat ng mga sulating pilosopiya at ganun din sa agham lalo na sa sikolohiya upang mabuo ang aking pagkaunawa sa hinggil sa hinihingi nating kalayaan.

Una sa pilosopiya ang tinatwag na determinismo. Sa toto lamang ang mga katwiran ng determinismo ay mababaw lamng kumpara sa pangngatwiran na ang kalayaan ng tao ay nasa ilalim ng kasarinlan ng Diyos.

Malaya ba ang tao?

Ayon kay B.F. Skinner, “ang lahat ng galaw ng tao ay dikta ng kanyang kapaligiran, sikolohiya at edukasyon.” Lahat ng kilos ng tao ay kinondisyong kondisyon. Ang kalayaang tinatawag natin, tulad ng pagpili ng ulam, paghpili ng asawa, pagpili ng softdrinks lahat ito ay di malayang gawa, kahit naba isipin nating ito ay Malaya, dahil lahat ng motibasyon natin dito ay dikta ng kapaligiran, ng katawan, ng mga patalastas.


Sagot naman ni Sartre sa determinismo ay, “Ang tao ay Malaya. Siya ay nagiging siya sa gusto niya.” Hindi ba ito ay isang pagamin na ang tao hindi Malaya, dahil siya nasasaloobin pa ng pagktao niya.

Isang sigurong magandang halimbawa ng pag-amin ng walang kalayaan ng tao at ng pagsuko niya sa anumang bagay na bumabalot sa pagkatao niya ay ang mga salita ni Martin Heidegger ang sabi niya, “ang tao ay ibinato sa mundong hindi naman niya ginawa.” Katotohanan lamang na sa paglagapak ng tao sa isang mundong wala naman siyang kinalaman sa paglalalang ay isang sapat na patunay na siya ay hindi Malaya. Siya ay nakakulong sa mga bagay na wala siyang kapangyarihan. Isang kulungan na ang magagawa na lamang niya ay mabuhay ng ayon kay Albert Camus, “Isang kaganapng tulad ng alamat ni Sissyphus. Magaakyat ng bato, na gugulong pababa at mag-aakyat uli nito. Masaya sa ganitong buhay.” Habang tayo ay nakakaranas at ang ating karanasan ay dumdikta sa ating mga kilos, ang paligid natin ay paligid na uudyok sa ating mga galaw, ang ating kinakain ay magdidikta n gating pag-uugali --hindi Malaya ang tao.

Binanatan nga ni Heidegger and phenomenlohiya ni Husserl na sinasabing dapat ihiwalay ng tao ang kanyang karanasan sa kanyang pagklasirili. Ang sigaw ni Heidegger ay impossible dahil ang tao ay ang kanyang karanasan.” Walang obhektibo lahat ay subhektibo. Kulong tayo sa ating pagkatao, sa ating pagiging walng malayang pag-iisp na lalabas sa ating mga karanasan at mga prehudisya.

Nasaan ang kalayaan ng tao? Wala pa ito sa kaligtasang espiritwal, ito ay sa paglalakbay pa lamang ng isip ng tao ngunit litaw na ang katotohanan.

Ang kalayaan daw ay nasa ating karanasan, sabi ng tagapagtanggol ng kalayaan. Kalayaan at kalayaan maraming argumento ngunit sa huli ang kanilang pagtatanggol sa kalayaan ay hindi ba patunay lamang na sila ay bilanggo ng kanilang katwiran, bilanggo ng kanilang paghahanap ng kalayaan, bilanggo na pinilit winawasak ang tanikala upang lumaya.

Sa agham napatunayan ng mga pananaliksik na ang karamihan nating inaakalang mga malayang desisyon ay mga opersayon lamang ng mga hormones.

Sabi ni Freud tayo ay ang iba nating mga kilos ay dikta ng mga subliminal na pangyayari sa atin.

Sa Physics, hindi ba’t lahat ng bagay ay sa ilalim ng gobyerno ng batas ni Newton.
(Sa pag-aaral ng quantum mechanics ay lumalabas na indeterminado lahat ng kilos ng sub-atomic particle—di uubra ang Newtonian laws. Ngunit sa obserbasyon ng mga physicist ay para bang may nagdidikta sa kilos ng mga sub-atomic particles na ito—wala pa ring kalayaan.)

Ano ba ang sinasabi ko?

Siguro may katiyakan ako sa pangunawang wala akong kalayaan dahil ang Diyos ay Diyos. Lahat ng sinabi ko sa itaas ay kayang baligtarin ng mga taong alipin ng kanilang talino upang patunayan na sila ay Malaya. Pero suko ako sa paghahanap ng kalayaan ng tao dahil ako ay mamahinga na sa kasarinlan ng Diyos.

Paano ang eternal security, paano ang sanctification, papaano ang merit, papaano ang sinasasabi ng bersikulong ito, bersikulong ito…l! Isa lang ang pundasyon ng pananampalataya na dapat matagal na tayong pinagkasia sa pagkaunawa na dahil ang Diyos ay Diyos makapangyarihan sa lahat ang kalayaan na hinahanap ng tao sa suko dito.

Basahin ninyo ng paulit ang ulit ito…

Genesis 1:1 Nang pasimula ay Diyos…


Saan ang kalayaan ng tao? Manapat dapat pa ba itong mauna sa manlalang, lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng manlalang dahil sa pasimula ay Siya na. Malinaw ito sa akin.

Mas nakakatakot ang malayang tao at limitadong diyos.

Tuesday, July 3, 2007

Isang Sulat para kay Pangulong Pierce ng America, 1855


(Isinulat ni Chief Seattle, isang mabangis na hepe ng Suquamish, Duwamish, at iba pang Salish na tribong indiong Amerikano. Noong 1830 ay naging Kristiyano at naging tagapagtaguyod ng kapayapaan. Bilang pag-alala ay pinangalan sa kanya ang bayan ng Seattle.)


Alam namin na ang mga Puti (Mga kano) ay hindi nauunawaan ang aming mga pamamaraan. Ang isang bahagi ng lupa, para sa kanya, ay katulad lamang ng isa pang bahagi dahil siya ay isang banyaga na dumarating sa gabi at kinukuha mula sa lupa ang anumang kailangan niya. Ang lupa ay hindi niya kapatid, ito ay kaaway, at kung ito ay nasupil na niya, hahayo na siya. Iniiwan niya ang libingan ng kanyang ama, ang mana ng kaniyang mga anak ay nililimutan na. Ang tanawin ng inyong mga lungsod ay masakit sa mata ng mga Pulang Tao (mga indiong Amerikano). Ngunit siguro ito ay sa kadahilanang ang mga Pulang Tao ay mga tarantado at di nakauunawa.

Walang tahimik na lugar sa lungsod ng mga Puti. Walang lugar kung saan madidinig ang pag-usbong ng mga dahon tuwing tagsibol o ang mga pagaspas ng mga pakpak ng mga kulisap. Ngunit siguro, ito ay dahil ako ay isang tarantado at hindi nakakaunawa, ang mga kalantog ay panglalait sa mga tainga. Ang mga Indio ay mas pili ang malambot na pag palaso ng hangin sa tubigan, ang samyo ng hangin na nalinis ng makatanghaling ulan o kabanguhan ng mga bunga ng punong pino. Ang hangin ay mahalaga sa mga Pulang Tao. Kasi lahat ng bagay ay iisa ang hinga—ang hayop, ang puno, ang tao. Katulad ng isang taong naghihingalo ng matagal, di niya alintana ang sangsang. (Mga Puti)

Ano ba ang tao kung walang hayop? Kung lahat ng hayop ay mawala, ang mga tao ay mamamatay sa kalungkutan ng diwa, dahil anumang mangyari sa mga hayop ay nagaganap din sa tao. Lahat ng bagay ay magkakasanib. Anuman ang kahantungan ng daigdig ay hahantungin ng kanyang mga anak.

Di mahalaga kung saan natin palilipasin ang ating mga araw, kakaunti na lamang ito. Kaunting oras, kaunting taglamig, at wala ng matitirang mga anak ng mga dakilang tribo na minsang namuhay dito sa daigdig, o iyong mga malilit na mga lupon na gumala sa kahuyan, wala ng matitirang magluluksa sa mga libingan ng mga taong minsan ay naging makapangyarihan at mapang-asa tulad ninyo.

Ang mga Puti, sila rin, ay lilipas—maaring mas maaga kaysa sa ibang tribo. Ipagtpatuloy ninyo ang pagdumi sa inyong higaan, at kayo, isang gabi, ay magigisng na lamang na nalulunod sa inyong dumi. Kung lahat ng kabakahan ay nakatay na, ang lahat ng ligaw na kabayo ay naturuan na, ang lihim na mga sulok ng mga kagubatan ay lunod na sa amoy ng tao, ang tanawin ng hinog na kabundukan ay batik ng mga nagsasalitang mga sinulid, nasaan ang mga puno? Wala. Nasaan ang mga agila? Naglaho. Ano nga ba ang pagpapaalam sa mga matutulin at sa pangangaso, ang wakas ng nabubuhay at ang simula ng pagkabuhay? Mauunawaan namin kung alam namin ang pangarap ng mga Puti, ano ang kanyang inilalarawan sa kanyang mga anak sa mahabang gabi ng taglamig, ano ang pangitain na nagliliyab sa kanilang mga isipan, upang hilingin nila ang bukas.

Ngunit kami ay mga tarantado. Ang mga pangarap ng mga Puti ay nakatago sa amin.

____________________________________
Ipinahiram sa akin ng aking kapitbahay ang kopya ng VCD ni Al Gore tungkol sa global warming. Maganda ang presentasyon, high-tech ititch kung baga. Ngunit alam naman natin na may halong politika ito, may halong prustrasyon, may halong sama ng loob at may halong eksaherasyon. Makapangyarihan ang mga apparatus na ginamit ni Al Gore, ang mga datos ay nakakagambala, ang mga eksperto ay puting-puti sa awtoridad ngunit ang sinasabi niyang mga alingasngas ay mga bulok na—balik tanaw lang tayo sa kasaysayan at alam na natin ang magaganap . Mga panis na ito dahil noon pa man ang mga manunulat at ang mga tagalupa na tulad hi Chief Seattle ay natatanaw na ang kagunawan ng mundo dahil sa pagkahaman ng konsumerismong kultura ng mga Puti na bukang hita na tinanggap nating mga kayumanggi.

Sa kahulihan sino ba ang tarantado? At sino ang tumarantado? At sino ang may pananagutan?

Nakakainggit si Chief Seattle dahil inabot pa niya ang donselyang mundo at nakakalungkot din dahil inabot niya ang lapastangang pagkakagahasa dito.

Sa mga tula na lang…

Monday, July 2, 2007

Wonder Woman (70's TV)

Si Wonderwoman at ang Bikini niya

Nanunood ang anak ko ng reruns ng Wonderwoman na binibidahan ni Lynda Carter, dating Binibining Amerika ayon sa aking nanay. At ngayon ko pa lang naapreciate ang ganda ng babaeng ito. Kasi nuong maliit ako, mga unang parte ng dekada otsenta, ay madalas ko na ring panoorin ang Wonderwoman, kaya siguro puro uhog ang laman ng isip ko, mga pantasya, mga kartoons, mga imahinasyon, ay dahil na rin sa panunood ko ng mga palabas na ito.

Ang ganda pala ni Lynda Carter, noon ang naala-la ko pagnapapanood ko si Lynda ay nanay ko. Tingin ko sa kanya matanda na, adult, para ngang nanay ko. Ganito rin noon naala-la ko pag nanunood ako ng wrestling, naiisip ko ang tatay ko yung naglalarong nakamaskara na nag-bobondying-bondying ang tiyan.

Sinisipat ko ang mukha ni Lynda Carter at ito ay malambot di tulad ng mga pangkaraniwang puti na matatalas ang ilong, matatalas ang baba at batik ang balat. Si Lynda iba ha, malambot ang feature ng muka at maamo pa, talagang Wonderwoman.

Napanuod ko si Lynda na nakikipag-usap sa computer nila na papunch card pa at yung computer screen ay Christmas lights na patay sindi. Nakakatuwa ang balik tanaw na ito.

Nung linggo ang pamagat ng episode ay “The Man who Would not Die.” Habang pinakikinggan ko ang theme ng Wonderwoman na nilikha ni Charles Fox (naala-ala mo ba ang theme ng “The Love Boat”, “The Greatest American hero”? Sana may time machine ano) ay talaga namang enjoy ako dahil litaw na litaw yung grove ng 70’s sound, yung wah-wah ng guitara, yung horn section na nagbibigay lakas sa bawat chords, yung bass na para bang tumatalbog na bola na hinahabol-habol ng hagod at yung boses na may back up na choir. The sound of the 70’s and early 80’s before the attack of the New Wave and all that Grunge Metal Stuff.

Ang kwento ng “The Man Who Would Not Die” ay tungkol sa isang atleta na pumayag na maging bahagi ng pagsasaliksik tungkol sa pag-aaral ng pagtanda o geriatrics. Siya ay nagpaineksyon ng isang pormula na kung saan lingid sa kanyang kaalaman, ay mapipigil ang pag kasira ng mga cells ng katawan niya, kaya siya ay di nakararamdam ng pagod, sakit, gutom naging immortal at invincible siya. Hangad niya na mabalik siya sa dati ngunit ang propesor na kapartner ng may gawa ng pormula ay naging sakim at hinangad na makalikha ng mga supersundalo na immortal na tao upang sakupin ang mundo at ito ang pinigilan ni Wonderwoman.

Lumalambot ang puso ko habang nakikita kong nakikipagbakbakan si Wonderwoman at talagang namang kahit ipaghagisan niya ang kanyang mga kalaban ay ni minsan ay wala ata akong nakitang tumilamsik na dugo, o bukol na tumubo. Nakita ko nga yung isang karakter na nagtanim ng bomba at ng sumabog ay ulingan lamang ang mga biktima ni walang dugo sa ilong o sunog na buhok, wala, para lamang silang naputukan ng kanyong di kalburo. Tumalon si Wonderwoman, sinuntok ang kalaban, pagkatapos ng laban ayos pa mga buhok nila at ang mga kalaban ay parang maamong tuta na binibitbit ng pulis. Ang naririnig ko lang mura ay “darn”, “darn”, “how disappointing” darn.”
Naku po pag nanunuod ako ngayon ng pelikula at mga bagong series ay talaga namang pagnagsuntukan ay icoclose up yung mukha, i-isklow motion tapos ipakikita yung kamao na dahan-dahang lalanding sa mukha, pagtama sa mukha makikita ko yung balat sa pisngi na makukunot, tapos tatama sa ilong, tatalsik mula sa ilong ang dugo, uhog, kulangot, pawis at buhok, tapos lulubog yung eyeballs tapos, tatalsik yung luha, tapos tatalsik yung tao, pagtama sa dingding yayanig yung ulo…talaga namang detalyado ang pananakit. Eh kay Wonderwoman basta lamang tatalsik, nahihiya pa siyang sumipa dahil nga lady siya.

The times they are a changing, ika nga ni Bob Dylan. Mahalaga ngayon detalye hindi yung ‘wento.

Habang yung propesor ay nasa laboratoryo…nakakatawa yung laboratoryo nila parang sari-sari store. Sabi nung propesor “this is the serum that I invented. It will stop the disintegration of the human cells.” Simpleng simple lang ang kanyang naimbento at ditto na umikot ang kwento. Manuood ka ng palabas ngayon at pustahan to make the show more realistic gagamit sila ng mga salitang unrealistic. “This is the time-shifting-modulator –annhilator-rectum tranquilizer--booger equalizer-dehumidifier-extrasensory activities NSTP, ROTC…bwa..ha, ha, it will annihilate that kryptonian scum…prepare the anti superflaginascious computer—anomalous—lupus con carne de yelo…” Kasi mas maganda sa panahon ngayon ang techno, pag tunog techno in ang show.

Maganda ang reruns ng Wonderwoman binabalik ako sa panahon na kung saan nanunood kami sa bahay nila ate Minda Albania habang ang mga tatay ay nagpaprayer meeting sa church na ngayon ay Rempson na. Nakakatuwa na nakakaiyak dahil noon iba ang mundo.

Isa lang ang tanong ko noong maliit pa ako kay Wonderwoman at hanggang ngayon tanong ko pa rin siguro: Bakit ganun ang style ng bikini niya? Panuorin nyo ng Makita nyo, ang sagwa, peksman, parang diaper ng asawa ko nung bagong panganak.

Sabi ng anak ko may bagong palabas si Batman at ng masulyapan ko ay….tannanananananananan….Batmaaaaan….taananananananaan…Batman! Pow! Pow! Bang! Boom! Naku po batman pa ito ng panahon ng tatay ko ah. Eniway, mapanood nga at ng ako ay masiyahan

Sunday, July 1, 2007

Si Uncle Tito Sotto, Auntie Tessie Aquino Oreta, Bill Gates at ang mga Transformers



Walang humpay ang labanan ng magkatunyaging grupo ng mga taga Cybertron sa daigdig, ang mag Autobots at ang mga Decepticons. Dahil na rin sa naging global ang digmaan ay napilitan ang mga transformers na umapila sa mga bansa upang makaalyado. Nauubos na kasi ang mga energy sources at nababahala na ang magkabilang panig dahil paunti na ng paunti ang nagagawa nilang energon cubes. Si Soundwave, ang Decepticons na nagiging cassete player, na inupgrade ni Megatron na maging CD player, makalipas ang ilang taon ay inupgrade uli para maging VCD player, at makalipas uli ang ilang taon ay inupgrade upang maging MP3 player, at inupgrade na naman upang maging MP4...., ay nakatanggap ng ulat na may nadiskobreng malawakang energy source sa Pilipinas galing sa biogas ng mga nakaimbak na diapers at pasador sa mga lansangan. Natanggap din ni Optimus Prime ang ulat at si Bumblebee ay abala sa pagkalap ng mga intelehensya upang magawan ng plano ang pagnenegosasyon sa gobyerno ng Republika ng Pilipinas.

Alam ng mga transformers na ang Pilipinas ay isang bansa na puno ng matatapang at maparaang mga tao. Alam din nila na hindi uubra ang digmaan sa Pilipinas dahil unang-una ay wala namang pasasabugin dahil ponsabog na ng mga Abu Sayyaf, at kung mayron man ay sayang ang mga laser at missiles nila dahil ang mga structure sa Pilinas ay mga ampaw. Nagkaroon ng feasibility ang dalawang grupo. “Punong Decepticons, ang hari ng bakal, o punong Megatron,” Pagpupugay ni Starscream, alalay ni Megatron. “Lugi tayo pag ginera natin ang Pilipinas, ang pinakamabuting paraan upang masakop natin ang energy source nila ay sa pamamgitang ng pulitika!” Ipinakita ni Starscream, na dating Mig29 Fulcrum Supersonic Interceptor- Fighter-Bomber, na inupgrade na sa F117A Stealth Fighter, ang study niya. “Hmmmm…ngunit paano tayo makakapasok sa pulitika ng Pilipinas mga aliens tayo.” Tanong ng dating dalawang metrong habang baril ala Sten Gun na si Megatron, na ngayon ay inupgrade na sa five inches na super-high-explosive-reactor-beam na laser gun. “Madali lang yan boss.” Sagot ni Starscream kay Megatron na nakaupo sa tasa ng kape, “Dummy! Gagamit tayo ng dummy.”

Lingid sa kaalaman ni Megatron ay umaandar na ang political machinery ni Optimus Prime. Nakakuha na siya ng labingdalawang kandidato pagka senador.

Medyo nahuli man si Megatron ay nakapag tatag na rin siya ng partido at umaandar na ang makinaryang politikal niya.

Mahigpit ang laban ng dalawang grupo ng mga dummy.

Makalipas ang ilang buwan ay natapos ang eleskyon.

Tuwang-tuwa si Optimus ng malaman niyang nakuha niya ang mayorya.

Nalungkot si Megatron. Ngunit may lumapit sa kanya na dalawang politiko na nagpakilalang mga transformers din!
Si Sen. Tito Sotto at si Tessie Aquino Oreta, tinuruan nila ng techniques si Megatron. Laking tuwa ni Megatron ng malaman niya ang technique na kung tawagin ay ang transforming balimbing. “Madali lang yan, itatransfrom lang natin yang mga kalaban sa pamamagitan ng balimbingan.” Di alam ni Megatron ang pinagsasabi ng dalawang ito dahil walang balimbing sa Cybertron, ngunit dahil siya ay may computer logic, nakuha nya ang logic, ng logicality ng illogicality ng logicality ng balimbingan.

Nagwagi si Megatron at nakuha niya ang mayorya ng senado.

Nalungkot si Optimus Prime.

Nagulat si Megatron ng bigla na lamang napunta ulit ang mayorya ng senado kay Optimus Prime.

Nagulat din si Optimus Prime ng mapunta naman ang mayorya ng senado kay Megatron.

Nagulat si Optimus ng makita niya si Tito Sotto at Tessie Aquino Oreta na kasama ni Megatron.

Nagulat si Megatron ng makita niya si Tto Sotto at Tessie Aquino Oreta na kasama ni Optimus.

Nagpulong si Optimus at Megatron, “Peace in the name of Cybertron, sabi ng dalawa.” “Panahon na siguro para tayo ay sumuko. Napatunayan ko na ang mga Pilipinong politiko ay di lamang pala mga transfromers, sila pala ay mga adaptors din, converter din, universal jack din, multi processor din…at higit sa lahat amorphous. Aba itong dalawang nakuha nating advisers ay iisa lang pala. Maski saang channel pumunta uubra, at kukubra!”

Nagkaroon ng crisis ang mga transformers. Dahil sa kanilang nakitang kaguluhan sa Politika ng Pilipinas ay nagsimula silang magtanong ng mga existentialist na mga tanong. Nagkaroon sila ng mga repeleksyon at nagsimula ang krisis sa kanilang pagkatao. Narealize nila ang absurdities ng kanilang existence, ang hopelesness, ang helplessness, ng kanilang buhay dahil sa landakang pagkadismaya nila sa mala makinang kabalimbingan ng mga politiko sa Pilipinas, ay nalukuban ang kanilang mga sparks (katumbas ng esperitu sa mga organikong nilalang at utot para sa mga pulitikong balimbing) ng kalungkutan. Sa unang pagkakataon ay naging organic ang damdamin ng mga transformers. Hanggang sa makilala nila si Bill Gates and the rest is history.

Umuwi ang mga transformers dala ang bagong pag-asa, ang bagong simulain upang itatag ang panibagong Cybertron malayo sa supervillains na mga Filipino, dala ang kaligtasan, dala ang bagong relihiyon—Ang Iglesya ni Bill Gates v. 01.