Tuesday, July 3, 2007

Isang Sulat para kay Pangulong Pierce ng America, 1855


(Isinulat ni Chief Seattle, isang mabangis na hepe ng Suquamish, Duwamish, at iba pang Salish na tribong indiong Amerikano. Noong 1830 ay naging Kristiyano at naging tagapagtaguyod ng kapayapaan. Bilang pag-alala ay pinangalan sa kanya ang bayan ng Seattle.)


Alam namin na ang mga Puti (Mga kano) ay hindi nauunawaan ang aming mga pamamaraan. Ang isang bahagi ng lupa, para sa kanya, ay katulad lamang ng isa pang bahagi dahil siya ay isang banyaga na dumarating sa gabi at kinukuha mula sa lupa ang anumang kailangan niya. Ang lupa ay hindi niya kapatid, ito ay kaaway, at kung ito ay nasupil na niya, hahayo na siya. Iniiwan niya ang libingan ng kanyang ama, ang mana ng kaniyang mga anak ay nililimutan na. Ang tanawin ng inyong mga lungsod ay masakit sa mata ng mga Pulang Tao (mga indiong Amerikano). Ngunit siguro ito ay sa kadahilanang ang mga Pulang Tao ay mga tarantado at di nakauunawa.

Walang tahimik na lugar sa lungsod ng mga Puti. Walang lugar kung saan madidinig ang pag-usbong ng mga dahon tuwing tagsibol o ang mga pagaspas ng mga pakpak ng mga kulisap. Ngunit siguro, ito ay dahil ako ay isang tarantado at hindi nakakaunawa, ang mga kalantog ay panglalait sa mga tainga. Ang mga Indio ay mas pili ang malambot na pag palaso ng hangin sa tubigan, ang samyo ng hangin na nalinis ng makatanghaling ulan o kabanguhan ng mga bunga ng punong pino. Ang hangin ay mahalaga sa mga Pulang Tao. Kasi lahat ng bagay ay iisa ang hinga—ang hayop, ang puno, ang tao. Katulad ng isang taong naghihingalo ng matagal, di niya alintana ang sangsang. (Mga Puti)

Ano ba ang tao kung walang hayop? Kung lahat ng hayop ay mawala, ang mga tao ay mamamatay sa kalungkutan ng diwa, dahil anumang mangyari sa mga hayop ay nagaganap din sa tao. Lahat ng bagay ay magkakasanib. Anuman ang kahantungan ng daigdig ay hahantungin ng kanyang mga anak.

Di mahalaga kung saan natin palilipasin ang ating mga araw, kakaunti na lamang ito. Kaunting oras, kaunting taglamig, at wala ng matitirang mga anak ng mga dakilang tribo na minsang namuhay dito sa daigdig, o iyong mga malilit na mga lupon na gumala sa kahuyan, wala ng matitirang magluluksa sa mga libingan ng mga taong minsan ay naging makapangyarihan at mapang-asa tulad ninyo.

Ang mga Puti, sila rin, ay lilipas—maaring mas maaga kaysa sa ibang tribo. Ipagtpatuloy ninyo ang pagdumi sa inyong higaan, at kayo, isang gabi, ay magigisng na lamang na nalulunod sa inyong dumi. Kung lahat ng kabakahan ay nakatay na, ang lahat ng ligaw na kabayo ay naturuan na, ang lihim na mga sulok ng mga kagubatan ay lunod na sa amoy ng tao, ang tanawin ng hinog na kabundukan ay batik ng mga nagsasalitang mga sinulid, nasaan ang mga puno? Wala. Nasaan ang mga agila? Naglaho. Ano nga ba ang pagpapaalam sa mga matutulin at sa pangangaso, ang wakas ng nabubuhay at ang simula ng pagkabuhay? Mauunawaan namin kung alam namin ang pangarap ng mga Puti, ano ang kanyang inilalarawan sa kanyang mga anak sa mahabang gabi ng taglamig, ano ang pangitain na nagliliyab sa kanilang mga isipan, upang hilingin nila ang bukas.

Ngunit kami ay mga tarantado. Ang mga pangarap ng mga Puti ay nakatago sa amin.

____________________________________
Ipinahiram sa akin ng aking kapitbahay ang kopya ng VCD ni Al Gore tungkol sa global warming. Maganda ang presentasyon, high-tech ititch kung baga. Ngunit alam naman natin na may halong politika ito, may halong prustrasyon, may halong sama ng loob at may halong eksaherasyon. Makapangyarihan ang mga apparatus na ginamit ni Al Gore, ang mga datos ay nakakagambala, ang mga eksperto ay puting-puti sa awtoridad ngunit ang sinasabi niyang mga alingasngas ay mga bulok na—balik tanaw lang tayo sa kasaysayan at alam na natin ang magaganap . Mga panis na ito dahil noon pa man ang mga manunulat at ang mga tagalupa na tulad hi Chief Seattle ay natatanaw na ang kagunawan ng mundo dahil sa pagkahaman ng konsumerismong kultura ng mga Puti na bukang hita na tinanggap nating mga kayumanggi.

Sa kahulihan sino ba ang tarantado? At sino ang tumarantado? At sino ang may pananagutan?

Nakakainggit si Chief Seattle dahil inabot pa niya ang donselyang mundo at nakakalungkot din dahil inabot niya ang lapastangang pagkakagahasa dito.

Sa mga tula na lang…

No comments: