Nanunood ang anak ko ng reruns ng Wonderwoman na binibidahan ni Lynda Carter, dating Binibining Amerika ayon sa aking nanay. At ngayon ko pa lang naapreciate ang ganda ng babaeng ito. Kasi nuong maliit ako, mga unang parte ng dekada otsenta, ay madalas ko na ring panoorin ang Wonderwoman, kaya siguro puro uhog ang laman ng isip ko, mga pantasya, mga kartoons, mga imahinasyon, ay dahil na rin sa panunood ko ng mga palabas na ito.
Ang ganda pala ni Lynda Carter, noon ang naala-la ko pagnapapanood ko si Lynda ay nanay ko. Tingin ko sa kanya matanda na, adult, para ngang nanay ko. Ganito rin noon naala-la ko pag nanunood ako ng wrestling, naiisip ko ang tatay ko yung naglalarong nakamaskara na nag-bobondying-bondying ang tiyan.
Sinisipat ko ang mukha ni Lynda Carter at ito ay malambot di tulad ng mga pangkaraniwang puti na matatalas ang ilong, matatalas ang baba at batik ang balat. Si Lynda iba ha, malambot ang feature ng muka at maamo pa, talagang Wonderwoman.
Napanuod ko si Lynda na nakikipag-usap sa computer nila na papunch card pa at yung computer screen ay Christmas lights na patay sindi. Nakakatuwa ang balik tanaw na ito.
Nung linggo ang pamagat ng episode ay “The Man who Would not Die.” Habang pinakikinggan ko ang theme ng Wonderwoman na nilikha ni Charles Fox (naala-ala mo ba ang theme ng “The Love Boat”, “The Greatest American hero”? Sana may time machine ano) ay talaga namang enjoy ako dahil litaw na litaw yung grove ng 70’s sound, yung wah-wah ng guitara, yung horn section na nagbibigay lakas sa bawat chords, yung bass na para bang tumatalbog na bola na hinahabol-habol ng hagod at yung boses na may back up na choir. The sound of the 70’s and early 80’s before the attack of the New Wave and all that Grunge Metal Stuff.
Ang kwento ng “The Man Who Would Not Die” ay tungkol sa isang atleta na pumayag na maging bahagi ng pagsasaliksik tungkol sa pag-aaral ng pagtanda o geriatrics. Siya ay nagpaineksyon ng isang pormula na kung saan lingid sa kanyang kaalaman, ay mapipigil ang pag kasira ng mga cells ng katawan niya, kaya siya ay di nakararamdam ng pagod, sakit, gutom naging immortal at invincible siya. Hangad niya na mabalik siya sa dati ngunit ang propesor na kapartner ng may gawa ng pormula ay naging sakim at hinangad na makalikha ng mga supersundalo na immortal na tao upang sakupin ang mundo at ito ang pinigilan ni Wonderwoman.
Lumalambot ang puso ko habang nakikita kong nakikipagbakbakan si Wonderwoman at talagang namang kahit ipaghagisan niya ang kanyang mga kalaban ay ni minsan ay wala ata akong nakitang tumilamsik na dugo, o bukol na tumubo. Nakita ko nga yung isang karakter na nagtanim ng bomba at ng sumabog ay ulingan lamang ang mga biktima ni walang dugo sa ilong o sunog na buhok, wala, para lamang silang naputukan ng kanyong di kalburo. Tumalon si Wonderwoman, sinuntok ang kalaban, pagkatapos ng laban ayos pa mga buhok nila at ang mga kalaban ay parang maamong tuta na binibitbit ng pulis. Ang naririnig ko lang mura ay “darn”, “darn”, “how disappointing” darn.”
Naku po pag nanunuod ako ngayon ng pelikula at mga bagong series ay talaga namang pagnagsuntukan ay icoclose up yung mukha, i-isklow motion tapos ipakikita yung kamao na dahan-dahang lalanding sa mukha, pagtama sa mukha makikita ko yung balat sa pisngi na makukunot, tapos tatama sa ilong, tatalsik mula sa ilong ang dugo, uhog, kulangot, pawis at buhok, tapos lulubog yung eyeballs tapos, tatalsik yung luha, tapos tatalsik yung tao, pagtama sa dingding yayanig yung ulo…talaga namang detalyado ang pananakit. Eh kay Wonderwoman basta lamang tatalsik, nahihiya pa siyang sumipa dahil nga lady siya.
The times they are a changing, ika nga ni Bob Dylan. Mahalaga ngayon detalye hindi yung ‘wento.
Habang yung propesor ay nasa laboratoryo…nakakatawa yung laboratoryo nila parang sari-sari store. Sabi nung propesor “this is the serum that I invented. It will stop the disintegration of the human cells.” Simpleng simple lang ang kanyang naimbento at ditto na umikot ang kwento. Manuood ka ng palabas ngayon at pustahan to make the show more realistic gagamit sila ng mga salitang unrealistic. “This is the time-shifting-modulator –annhilator-rectum tranquilizer--booger equalizer-dehumidifier-extrasensory activities NSTP, ROTC…bwa..ha, ha, it will annihilate that kryptonian scum…prepare the anti superflaginascious computer—anomalous—lupus con carne de yelo…” Kasi mas maganda sa panahon ngayon ang techno, pag tunog techno in ang show.
Maganda ang reruns ng Wonderwoman binabalik ako sa panahon na kung saan nanunood kami sa bahay nila ate Minda Albania habang ang mga tatay ay nagpaprayer meeting sa church na ngayon ay Rempson na. Nakakatuwa na nakakaiyak dahil noon iba ang mundo.
Isa lang ang tanong ko noong maliit pa ako kay Wonderwoman at hanggang ngayon tanong ko pa rin siguro: Bakit ganun ang style ng bikini niya? Panuorin nyo ng Makita nyo, ang sagwa, peksman, parang diaper ng asawa ko nung bagong panganak.
Sabi ng anak ko may bagong palabas si Batman at ng masulyapan ko ay….tannanananananananan….Batmaaaaan….taananananananaan…Batman! Pow! Pow! Bang! Boom! Naku po batman pa ito ng panahon ng tatay ko ah. Eniway, mapanood nga at ng ako ay masiyahan
No comments:
Post a Comment