Thursday, July 5, 2007

Ang Kalayaan



Naala ko ang wika ng isang theologo, “Sa aking paglalagalag, hanggang sa makahalubilo ko ang mga Unitarians. Ay babalik rin pala ako sa pundamental na paniniwala.” Ang sinasabing Unitarians ay isang iglesya na sinasabing Kristiyano ngunit ang tunay na hinahalughog ng samahang ito ay ang humanidades at hindi ang spirtwal na lakbay—o kaligtasan. Kaya walang pinanghahawakang ganap na sandigan ng pananampalataya ang mga Unitarians, bukas sila sa lahat maging Buddhist, pilosopo, Muslim at anu pa man. Manapat dapat lamang silang tawagin isang relihiyong walang diyos.

Sa pagbubukas na aking devotional blog ay sinimulan ko ito sa mga salitang “God is Sovereign”. Diyos ay Kasarinlan.”

Isa sa pinakamalaking balakid ko sa pang-unawa ng Diyos ay ang tinatawag na kalayaan ng tao. Hanggang sa mga pag-aaral namin sa Sunday school ay ito ang malaking katanungan. Paano ang kalayaan ng tao? Nasaan ang kalayaan ng tao?

Sa kaligtasan ang tanong ay papaano ito dahil pili lamang ng Diyos ang ililigtas niya?

Ito ay isang malaking bagabag lalo na sa mga nagsasaliksik tungkol sa kaligtasan at kadalasan pakiramdam ng mga taong nagtatanong ukol dito ay sila lamang ang nagtatanong nito, nalulungkot sila dahil ang mga kasagutan ay ang paikot-ikot na pagbabato sa kanila ng mga bersikulo sa Bibliya, na kayang tapatan ng iba pang bersikulo sa Bibliya na para bagang tumututol naman. Malaking bagabag, malaking kalituhan.

Panahon pa ni Agustino at ng kanyang katunggali na si Pelahiyo ang katanungan na ito. Sinabi ni Pelahiyo na gawa ng tao ang kanyang kaligtasan na mariin namang napabulaanan ni Agustino gamit ang banal na kasulatan at mga sulat ni Pablo at ang matinik niyang pangngatwiran. Noong repormasyon ay muli itong nabuklat ng mabuo ni John Calvin ang isang sistema ng theologiya na nakabase sa mga pagbubuklat ni Agustino at ibinase nama ni Agustino sa mga aral ni Pablo tungkol sa kaligtasan at ang kasarinlan ng Diyos dito. “Isang nakahintakot na katotohanan.” Ito ang wika ni John Calvin ng mahuli ng kanyang pas-iisp at puso ang katotohanang ang kaligtasan ay karapatan lamang ng Diyos. Ito ay kinontra ni Jacob Arminyo at ngayon nga ay umosbong ang dalawang magkatunggali (ngunit sa katotohanan lamang sa aking pang-unawa ito ay di tunggalian kundi magkaibang tanaw sa mgakaibang posisyon lamang) paniniwala sa kaligtasan. Isa ay nakabannga sa kasarinlan ng Diyos and isa ay nakabangga sa kalayaan nga tao.

Ngunit ano nga ba ang kalayaan ng tao? Sa mga tao na nag-aaral ng Bibliya ito ay napalaking tanong. Ngunit para sa akin ay napakalaking tulong ang pagbubuklat ng mga sulating pilosopiya at ganun din sa agham lalo na sa sikolohiya upang mabuo ang aking pagkaunawa sa hinggil sa hinihingi nating kalayaan.

Una sa pilosopiya ang tinatwag na determinismo. Sa toto lamang ang mga katwiran ng determinismo ay mababaw lamng kumpara sa pangngatwiran na ang kalayaan ng tao ay nasa ilalim ng kasarinlan ng Diyos.

Malaya ba ang tao?

Ayon kay B.F. Skinner, “ang lahat ng galaw ng tao ay dikta ng kanyang kapaligiran, sikolohiya at edukasyon.” Lahat ng kilos ng tao ay kinondisyong kondisyon. Ang kalayaang tinatawag natin, tulad ng pagpili ng ulam, paghpili ng asawa, pagpili ng softdrinks lahat ito ay di malayang gawa, kahit naba isipin nating ito ay Malaya, dahil lahat ng motibasyon natin dito ay dikta ng kapaligiran, ng katawan, ng mga patalastas.


Sagot naman ni Sartre sa determinismo ay, “Ang tao ay Malaya. Siya ay nagiging siya sa gusto niya.” Hindi ba ito ay isang pagamin na ang tao hindi Malaya, dahil siya nasasaloobin pa ng pagktao niya.

Isang sigurong magandang halimbawa ng pag-amin ng walang kalayaan ng tao at ng pagsuko niya sa anumang bagay na bumabalot sa pagkatao niya ay ang mga salita ni Martin Heidegger ang sabi niya, “ang tao ay ibinato sa mundong hindi naman niya ginawa.” Katotohanan lamang na sa paglagapak ng tao sa isang mundong wala naman siyang kinalaman sa paglalalang ay isang sapat na patunay na siya ay hindi Malaya. Siya ay nakakulong sa mga bagay na wala siyang kapangyarihan. Isang kulungan na ang magagawa na lamang niya ay mabuhay ng ayon kay Albert Camus, “Isang kaganapng tulad ng alamat ni Sissyphus. Magaakyat ng bato, na gugulong pababa at mag-aakyat uli nito. Masaya sa ganitong buhay.” Habang tayo ay nakakaranas at ang ating karanasan ay dumdikta sa ating mga kilos, ang paligid natin ay paligid na uudyok sa ating mga galaw, ang ating kinakain ay magdidikta n gating pag-uugali --hindi Malaya ang tao.

Binanatan nga ni Heidegger and phenomenlohiya ni Husserl na sinasabing dapat ihiwalay ng tao ang kanyang karanasan sa kanyang pagklasirili. Ang sigaw ni Heidegger ay impossible dahil ang tao ay ang kanyang karanasan.” Walang obhektibo lahat ay subhektibo. Kulong tayo sa ating pagkatao, sa ating pagiging walng malayang pag-iisp na lalabas sa ating mga karanasan at mga prehudisya.

Nasaan ang kalayaan ng tao? Wala pa ito sa kaligtasang espiritwal, ito ay sa paglalakbay pa lamang ng isip ng tao ngunit litaw na ang katotohanan.

Ang kalayaan daw ay nasa ating karanasan, sabi ng tagapagtanggol ng kalayaan. Kalayaan at kalayaan maraming argumento ngunit sa huli ang kanilang pagtatanggol sa kalayaan ay hindi ba patunay lamang na sila ay bilanggo ng kanilang katwiran, bilanggo ng kanilang paghahanap ng kalayaan, bilanggo na pinilit winawasak ang tanikala upang lumaya.

Sa agham napatunayan ng mga pananaliksik na ang karamihan nating inaakalang mga malayang desisyon ay mga opersayon lamang ng mga hormones.

Sabi ni Freud tayo ay ang iba nating mga kilos ay dikta ng mga subliminal na pangyayari sa atin.

Sa Physics, hindi ba’t lahat ng bagay ay sa ilalim ng gobyerno ng batas ni Newton.
(Sa pag-aaral ng quantum mechanics ay lumalabas na indeterminado lahat ng kilos ng sub-atomic particle—di uubra ang Newtonian laws. Ngunit sa obserbasyon ng mga physicist ay para bang may nagdidikta sa kilos ng mga sub-atomic particles na ito—wala pa ring kalayaan.)

Ano ba ang sinasabi ko?

Siguro may katiyakan ako sa pangunawang wala akong kalayaan dahil ang Diyos ay Diyos. Lahat ng sinabi ko sa itaas ay kayang baligtarin ng mga taong alipin ng kanilang talino upang patunayan na sila ay Malaya. Pero suko ako sa paghahanap ng kalayaan ng tao dahil ako ay mamahinga na sa kasarinlan ng Diyos.

Paano ang eternal security, paano ang sanctification, papaano ang merit, papaano ang sinasasabi ng bersikulong ito, bersikulong ito…l! Isa lang ang pundasyon ng pananampalataya na dapat matagal na tayong pinagkasia sa pagkaunawa na dahil ang Diyos ay Diyos makapangyarihan sa lahat ang kalayaan na hinahanap ng tao sa suko dito.

Basahin ninyo ng paulit ang ulit ito…

Genesis 1:1 Nang pasimula ay Diyos…


Saan ang kalayaan ng tao? Manapat dapat pa ba itong mauna sa manlalang, lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng manlalang dahil sa pasimula ay Siya na. Malinaw ito sa akin.

Mas nakakatakot ang malayang tao at limitadong diyos.

No comments: