(Hango sa Karanasan ni Detective Pedro Pouetmo na sinasabing malayong kamaganak ng Detective ni Agatha Christie na si Detective Hercule Poirot)
“Detective Pouetmo kumusta ang huling kaso na nasolve mo?” Nakangiting bati ni Captain Cruz na hepe ng Bulik-Bulik Crime Detection Unit.
“Madugo Hepe, madugo. Ngayon lang ako nakaranas ng ganoong klase ng krimen.”
Sagot ni Detective Pouetmo habang ito ay nakataas ang paa sa ibabaw ng kanyang mesa at nagbabasa. Maya maya ay nautot si Captain Cruz. Natawa si Det. Pouetmo at sumigaw,
“Ano ba yan Hepe! Sintunado ang utot mo!” Si Captain Cruz ay kilalang magaling sa fluta sa kanilang lugar, siya ay madalas maimbitahan sa mga okasyon kaya’t hindi mapigilan ni Captain Cruz na matawa pa. “Ha, ha, ha…nakakatawa naman ang comment mo Detective. Kulang kasi ako sa practice! Ha, ha, ha…” Natawa rin si Detective Pouetmo kaya sila ay nagtwanan ng bigay todo. Maya maya namay nautot din si Det. Pouetmo. Tumayo si Capt. Cruz at binuksan ang binatana para pumasok ang fresh air.
Hindi nila napansin na may papalapit sa opisina nila. Napansin na lamang nila na nakaupo na sa isang bakanteng upuan ang isang lalaking nasa edad singkwenta.
“Uhhhmmm ang bango ah, amoy imported na Bulgarian peanut butter,” Wika ng bisita.
Nagkatinginan si Captain Cruz at Detective Pouetmo at bigla silang naghalakhakan ng malakas. “May nakakatawa po ba sa peanut butter?” Tanong ng bisita.
“Wala!” Koro ng dalawa. “May pinagkukuwentuhan lang kaming nakakatawa kanina ng pumasok ka. Pasensya ka na. Ako si Captain Cruz at ito si Detective Pedro Pouetmo.” Abot kamay ni Captain Cruz sa bisita at Detective Pouetmo.
“Ako si Carla, Charles Macabugnay ang tunay kong pangalan. Ako po ay isang pusong babae at sana po ay huwag nyo itong mamasamain.” Malumanay na sinabi ni Charles. “Serbisyo Publiko po kami ditto Mr. Macabugnay. Wala po kaming diskriminasyon.” Paliwanag ni Capt. Cruz.
“Uhmmm ang bango talaga dito amoy Bulgarian peanut butter.” Ngiti ni Mr. Macabugnay. Nagkatinginan si Capt. Cruz at Det. Pouetmo at muntik na naman silang sumabog sa tawanan. “Mr. Macabugnay, iiwan na kita kay Det. Pouetmo at ako ay may meeting pa sa munisipyo.” Tumayo si Captain Cruz at kinamayan si Mr. Macabugnay sabay kindat kay Det. Pouetmo. “Det. Pouetmo, bahala ka na.” Namumula na ang mata ng dalawa sa kapipigil sa tawa.
“Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Tungkol po ito sa boyfriend ko, si Mahogany.” Namimintig ang matang sagot ni Mr. Macabugnay. “Ang tunay niyang pangalan ay Johnny Mendoza pero ang tawag ko sa kanya ay si Mahogany. Di pa po bumabalik si Mahogany!” Hikbi ni Mr. Macabugnay. “Ano po ba ang nangyari kay…err…Pine Tree…” “Mahogany Po” Pagwawasto ni Mr. Macabugnay. “…Err kay Mahogany pala?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Tatlong araw na po siyang hindi umuuwi. Pumunta po siya ng Maynila upang dalawin ang kapatid niya pero di pa po siya umuuwi. Nangangamba po akong baka siya ay napahamak o anu man.” Lumuluha na si Mr. Macabugnay sa pag-aala-ala. “Hmmmm….tatanungin kita. Ilang taon na ba kayong hindi nakakaluwas ng Maynila?” Tanong ni Det. Pouetmo. “Ako po ay hindi pa nakakaluwas ng Maynila sa tanang buhay ko. Si Mahogany po ay halos dalawampung taon ng hindi nakakaluwas ngunit kabisado pa rin niya ang patungo sa lumang bahay nila. Alam nyo naman na hindi hagip ng cellphone itong lugar natin kaya wala akong balita Detective.”
“Sandali lang,” sabi ni Det. Pouetmo
Nakunot ang noo ni Det. Pouetmo. Tumayo ito at kumuha ng libro, calculator, papel at lapis at tumahimik sandali at nagbasa at nagsusulat na para bang nagkukuwenta. Nakatingin sa kanya si Mr. Macabugnay. Maya-maya ay tumayo ang detective at lumapit kay Mr. Macabugnay. “Charles umuwi ka na. Tawagan mo ako bukas ng umaga pag hindi pa dumating si Mahogany mamayang alas dose ng gabi. Maghain ka ng pagkain at tiyak ko gutom iyon pag-uwi niya.” Ngiti ni Det. Pouetmo. “Detective akala ko ba tutulungan nyo ako. Wala ka namang ginawa ah.” Pakiusap ni Mr. Macabugnay. “Sige na Charles, bukas na tayo mag-usap.”
Kinabukasan pagpasok ni Det. Pouetmo sa opisina ay nagulat siya dahil may malaking kahon sa kanyang la mesa. Lumapit si Captain Cruz kay Det. Pouetmo at sinabi, “Pumunta ditto ng maaga si Mr. Macabugnay. Tuwang-tuwa dahil dumating na daw si Mahogany kagabi bago mag-alas dose. Tulad ng sinabi mo. Manghang-mangha siya sa iyo. Iniwan niya yan mamahalin daw yan. Napaga-alaman niya kasing paborito mo yan kaya ibinigay niya sa iyo.”
“Paano mo ba nasolve yung kaso nang hindi man lamang umaalis sa pagkakaupo mo.” Tanong ni Capt. Cruz. “Simple lang naman Capt. Cruz. May nabasa akong short story ni O. Henry na ang pamagat ay ‘A Strange Story’ na para bang may kahintulad sa kaso. Tapos ay kumuha ako ng calculator at nagcompute. Ang problema kasi ay dalawang dekada ng hindi nakakaluwas ng Maynila si Mahogany. Ang estimado niyang balik ay nakaestima noong panahon na wala pang trapik sa Maynila. Kaya kinompute ko lang yung trapik ngayon laban sa trapik noon at ang biyaheng walong oras noon ay aabot na ng halos apat na araw ngayon dahil sa trapik. Nakakagulat di ba Capt. Cruz, habang pabilis ng pabilis ang mga sasakyan ay pabagal ng pabagal ang biyahe. Simple mathematics lang friend” Kindat ni Det. Pouetmo. “Ang galling mo talaga Detective” Bati ni Capt. Cruz
“Buksan na natin yung kahon.” Excited na sabi ni Capt. Cruz. “Mamahalin daw yan ah. Baka alak!” Pagbukas ng kahon ay sinipat nila ang malaking bote at ang nakasulat ay, “BULGARIAN PEANUTBUTTER.” “Buksan mo na,” sabi ni Capt. Cruz habang tumatawa.
No comments:
Post a Comment