Matagal ng ipinaliwanag ang maligamgam ng ulan. Sabi ng mga taong agham wala daw mahiwaga ditto. Ito ay likha lamang ng singaw ng mga bukal ng init galling sa natutulog na bulkan, ang Bundok ng Pinagtampuhan. Dahil daw sa malamig na ang paligid at ang singaw naman ng mga bukal ng init ay nahagip ng mga ulan na pababa sa bayan ng pinagtampuhan, ang resulta ay ulan na maligamgam.
Ngunit alam ng mga taga Pinagtampuhan ang dahilan kung bakit may maligamgam na ulan tuwing papasok ang Disyembre.
Limang daan taon na ang nakakaraan ngunit hindi malilimutan ang kwento ng pagsabog ng Bundok ng Pinagtampuhan. Ang kwento ay isinalin sa pamamagitan ng mga ukit sa kawayan na ipinasa-pasa ng isang pamilya na tinatawag na Pamilya Bugodno.
Ang pamilyang ito ay kakaiba dahil sa sila ay pinagsisilbihan
Para silang mga batang musmos na walang ginawa kundi umutal ng umutal. Ang kakaiba nga lamang ay walang mga pagbabago ni naibang letra sa kanilang mga pinagpasahan. Ito ay subok na sa pag-aaral ng mga matatandang tagaroon. Ultimong mga hikbi, pahinga, at mga hinhin at gulat ng kwento ay tunay na walang pinagkaiba sa pinagpasahang nuno. Kaya sabi ng mga taga Pinagtampuhan ay tunay na mga kasaysayan ang laman ng mga wari moy walang sa tamang pag-iisip na mga Bugodno, walang binawas o dinagdag ang panahon.
Minsang dumayo ang isang banyaga upang isulat ang alamat ng mainit na ulan. Innimbitahan niya ang mga matatanda sa Pinagtampuhan upang ipagsadya ang pakikinig sa kwento ng pamilyang Bugodno. Inihanda nila ang pagkakataon dahil ang pagkukuwento ng mga Bugodno ay nagaganap lamang tuwing kabilugan ng buwan. Dito ay nakapalibot ang mga taga-Pinagtampuhan sa pamilya Bugodno na nakapalibot naman sa isang maliit na apoy.
Habang ang buwan ay papalubog, ang mga Bugodno ay nagtatawanan. Ang dayuhan ay masusing nanunuod hinihintay ang mga kwento, mga salitang lalabas sa mga bibig ng mga Bugodno. Ang mga Bugodno ay tumatawa at paminsan-minsan ay naririnig ang maliit na tawanan, mga boses ng nag-ussap na pabulong na hindi na maulinagan ang sinasabi. Ultimong tahol ng aso ay may naririnig mula sa labi ng mga Bugodno, may umuungol, ano pa at ang batang Bugodno ay nagboboses iyak ng sanggol. Halo-halong ingay ang naririnig ng mga tagapakinig, ingay ng isang masayang nayon.
Nang humusto na ang bilog ng buwan ay nagulat ang dayuhan ng bigla na lamang siyang nakarinig ng pagsabog. Laking gulat niya ng Makita niyang ito ay lumalabas mula sa lalamunan ng mga Bugodno. Mga pagsabog na kulang na lamang ay yanigin sila. Ang mga Bugodno ay nagtatakbo, naglulupasay, at marririnig mula sa bibig nila ang nakakapanindig balahibong ungal, iyak, at hiyaw ng sakit, daing at kamatayan. Ang apoy sa gitna ng mga Bugodno ay namatay, at sumunod nito ay isang katahimikan na binabasag lamang ng mga hikbi, mga iyak na pigil at mga daing na binabasa ng mga luha.
Walang malay na inayos ng mga pinagtampuhan ang mga Bugodno. Sila ay mga pagod na inihiga sa kawayang papag at sinapinan ng mga unang gawa sa kapok. Matahimik na umuwi ang mga tiga-Pinagtampuhan dadala ang kuwento ng alamat ng mainit na ulan.
Ang dayuhan na nakinig ay walang naisulat at walang nagawang lathala tungkol sa lamat ng mainit na ulan ngunit ramdam niya at alam niya kung saan pinaniniwalaan ng mga taga-Pinagtampuhan nagmula ang mainit na ulan.
Alam niya ang kuwento ngunit kailanman ay hindi niya ito naisulat dahil ang kapangyarihan ng paglalahad ng mga Bugodno kailanmay hindi kayang hulihin ng mga salita.