Monday, August 20, 2007

Walang Saling Cat





(Mensahe para sa pagkilala ng mga nagsipag tapos ng doctrinal class na mga juniors ng Evangelical Chritian Baptist Church. Ang pagtatapos ay isa ring pagkilala sa mga magulang ng mga bata para sa kanilang suporta sa programang ito ng Iglesya sa at ganoon din sa maga-asawang Joy at Noel Albaniana na ginawang instrumento ng biyaya ng Diyos ng kanilang pasimulang alagaan ang espiritwal na pag-aaral ng mga batang ito.)

1 Co 12:27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo at bawat isa’y bahagi nito.
1Co 12:28 Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa; ng mga propeta; at ikatlo ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga mag papagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita ng ibat-ibang wika.

I.
· Sino ang nakakaalam ng salitang salimpusa?

· Maganda ba ang pakiramdam ng saling pusa?

· Ang saling pusa ay madalas na gawin ng mga bata sa kapwa bata. Naala-la ko noon pag nag lalaro yung mga kapitbahay ko, pag may lumalapit na batang maliit at gustong sumali sa laro ay nagngingitian sila at nagkikindatan. Isinasasali nila yung batang maliit sa laro. Ngunit habang naglalaro sila ay napapansin ng batang maliit na takbo siya ng takbo ay walang humahabol sa kanya. Tago-siya ng tago ngunit walang bumubung sa kanya. Hindi siya natataya, hindi siya ang hinahabol, hindi siya binubong o kung bungin man ay hindi nasasave o naiiligtas ng kapwa nagtatago. Ang batang maliit na ito ay mapapagod. Makikita niya na ang mga mas malalaking bata sa kanya ay naglalaro ng masaya ngnit siya ay hindi talaga kasali, siya ay saling cat lamang. Makakahalata ang batang maliit at siya ay aalis na lamang sa laro, at mag lalaro mag-isa. Kasi naman karaniwan ang batang maliliit ay hindi masaya kung kaidaran nila ang kalaro, gusto nila yung laro nila kuya at ate. Gusto nila na pumantay sa kanilang mga ate at kuya na kanilang iniidolo o tinitingala o ginagalang. Gusto ng mga musmos ay talaga silang kasali.

· Ang saling pusa ay kadalasan ring ginagawa ng matatanda sa mga bata. Minsan makikita natin si tatay at si nanay na may ginagawa sa bahay, halimbawa naglalaba ang nanay. Ang gagawin ng anak ay lalapit at magtatanong kung ano ang ginagawa ni nanay o ni tatay. Hindi pa masisiyahan sa pagtatanong ay lalapit pa ito at sasabihing kung pwede din siyang mag-laba. Sasabihin ng nanay na hindi. Kukulitin si nanay. Makukulitan si nanay at maiinis. Kung malupit ang nanay ay pipingutin o papaluin ang bata. Pero kung ang nanay ay medyo pasensyoso, bibigyan ang bata ng maliit na batya o palanggana at paglalabahin din. Syempre tuwang-tuwa ang bata dahil naglalaba na siya. Pero mapapansin niya na ang kanyang mga nilabahan ay kinukuha uli ni nanay at nilalabhan uli. Sa banding huli ay mananawa ang bata at aayaw. Mahahalata niya na siya ay saling pusa.

· Ganyan din ba ang pakiramdam ninyo pag nasa church kayo? Sana naman huwag!

II. Sa Church walang saling pusa. Sa pagseserve sa Diyos walang saling pusa! Mga warrior kayo, sabi nga ni Bambi eh, kuya George pwede ba nating tugtugin yung “The Warrior is a Child?” Iniisp ko pa kung pwede.

Tingnan nga natin ang sinasabi ng Bibliya?

1 Samuel 17:41-43 Si Goliat ay lumakad ng papalapit kay David. Nang Makita niyang si David ay musmos ay hinamak niya ito, at pakutyang tinanong, “ Ano akala mo aso ang lalabanan mo?”

Hayun ta tinirador siya ni David at pinugutan ng ulo. Musmos pa si David ngunit mandirigma na siya ng Diyos.


2Ki 11:21 Si Joas ay pitong taon ng italaga bilang hari.
2Ki 12:2 Ang mga gawa niya ay kalugod-lugod sa kay Yahweh. Dahil sa pagsunod niya kay Joiada.

Musmos pa si Joas ngunit ginawa na siyang tagapamahala ng Jerusalem ng Diyos.

Lukas 2:42 ss

At nang labindalawang taon na si Jesus ay pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Hinanap siya ng kanyang mga magulang at kapatid. Makalipas ang tatlong araw ay nakita nila si Jesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang kaalaman.

Musmos pa, labing dalawang taon gulang pa lamang si Jesus ngunit siya ay aral na tungkol sa mga salita ng Diyos.

Iyan ang sinasasabi ng Bibliya tungkol sa mga bata, tungkol sa katulad ninyo.
May saling cat ba sa Diyos. Ang mga tulad ninyo ba ay hindi pinagkakatiwalaan ng Diyos?


Kayo ngayon ay nandito dahil sa halos apat na buwan ninyong pag-aaral tungkol sa mga katuruan ng Bibliya. Katulad ng ating panginoong Jesus, labing dalawang taong gulang pa lamang ay talaga namang hindi natin matatawag na saling cat o saling pusa dahil may pinagkatutunan na sya na hinangaan ng mga matatanda. Malaking bagay ang nagagawa ng pag-aaral lalo ng salita ng Diyos at iyan ay pakatatandaan ninyo.

Kayo ngayon ay nandito dahil kayo, katulad ni David ay mandirigma ng Panginoon. At ayon nga kay nanay Joy at tatay Noel ninyo ay susunod ninyong pag-aaralan ang kalasag ng Panginoon o yung Armor of God. Kayo ay mandirigma ng Panginoon at siguro sa susunod na buwan ay aaralin natin ang “the warrior is a child” kaya pag-aralan na ninyo ang tono. Kayo, katulad ni David na musmos pa lamang ay pinagktiwalaan na ng panginoon na gumapi ng higanteng kalaban na kahit na mga bihasa at mga beteranong mandirigma ni Haring Saul ay hindi hinarap o hindi nilabanan. Si David, isang batang pastol, pinagkatiwalaan at binigyan ng kakayahan ng Diyos. Kayo din ay ganoon may mga kaaway tayo na dapat bilang Cristiyano ay handa nating digmain at gapiin. Tulad ng batang pastol na si David.

Kayo ngayon ay narito dahil katulad ni Joas kayo ay tagapamahala ng Panginoon. Pinamamahala niya sa inyo ang kaalaman, talento, ang sigasig sa paglilingkod, at higit sa lahat ay ipinagkakatiwala ng Diyos sa inyo na kayo ay maging isang mahusay na ehemplo, mga batang katulad ni David, Joas at Jesus, ay tatanawin at gagawing huwaran ng mga susnod pa sa inyo. Ito ay dapat na ninyong malaman at dapat na ninyong maintindihan. Kayo ay may pinamamahalaan at yan ang larawan ng pag-ibig at kaligtasan ng Diyos sa inyo.


Kayo ay bahagi ng Iglesya at katawan ng Diyos sa ECBC. Hindi kayo future leaders! Hindi kayo Potential Leaders! Hindi kayo ang hinaharap ng church! Hindi kayo ang coming generation. Hindi kayo saling cat o saling pusa!

Kayo ay ngayon, the present, the today dahil pakatatandaan natin na sa Diyos, sa ating panginoong Jesu CRisto ay walang alipin at panginoon, walang slave o master, walang babae o lalaki, no male or female, lahat ay pantay-pantay—lahat ay bahagi ng kanyang katawan mapa bata, musmos, sanggol, matanda ta sobrang tanda dahil higit sa lahat sa Panginoon ay walang saling pusa.
-
(Ito yung outline ngunit pagdating sa pulpito ay hindi ko na nasabi lahat, may mga naiba. Medyo kabado ako kaya umuwi kaagad ako hindi na ako nakakain ng handa ng mga bata!)

No comments: