Magkasamang umuwi ang asawa at anak ko galing sa bahay ng hipag ko. Pagkaupong-pagkaupo nila ay bumanat agad ang asawa ko, “Anak sabihin mo yung sinabi ni titser.” Nakita ko ang mata ng asawa at nanduon na naman yung mga matang nang-aalaska. “Ano naman yan Faith. Sige na sabihin mo na yung sinabi ng titser mo.” (Ang mga titser ng anak ko ay mga kasimbahan ko at yung isa ay pinsang buo ko. Kaya hindi sila mga iba sa akin.) “Sige na sabihin mo na at naiintriga naman ako.” Pilit ko sa anak ko. “’Tay sabi ni titser dapat daw lalaki ang nagtatrabaho.” Nakangiting bulalas ng anak ko. Napakamot ako sa ulo at biglang nangati mga tagyawat sa muka ko. Namumulat na ang mata ng anak ko sa hindi na normal na sitwasyon namin sa bahay. Ako ang madalas umatend ng PTA meeting. Sa katunayan ako ang pangulo nito. “”Tay bat ikaw ang umaatend ng meeting. Yung mga kaklase ko eh kung hindi nanay o lola e mga tiya.” Kamot na naman ako sa ilong. Nangangati buong mukha ko sa katatanong ng anak ko. May mga tatay din naman kaya lang ako lang ang consistent na tatay ang umaatend ng PTA meetings at kumukuha ng card.
“’Tay sabi ni titser dapat daw lalaki ang nagtatrabaho. Dapat hindi nagtatarabaho si nanay.” Kulit ng anak ko.Inang ko po! Paano ko ba ito ipaliliwanag. “Anak nagaaral si tatay. Kahit naman nag-aaral si tatay ay kahit papaano ay may nakukuha naman siyang income. Ang nanay mo naman eh nagtatarabaho para sa inyo lang naman. Para may pera siya sa mga gusto niyang bilhin at pambaon mo na rin. Hindi naman hirap ang nanay mo. Kita mo naman nagtitinda lang siya sa mini grocery at patungko tungko lang sa estante.” Pang-uuto ko sa anak ko. “Isa pa anak pag hindi nagtrabaho yang nanay mo, ano gagawin niyan sa bahay? Makikipagtsismisan sa mga tsismosa nating kapitbahay. Baka matuto pa ng mahjong at tong its yan.” Natatawa ang asawa ko habang nagpapaliwanag ako.
Ewan ko kung naniniwala ang anak ko. Pero sa totoo lang mas gusto ko at gusto ng asawa ko ang andoon siya sa tindahan ng boss niya kasi doon na din siya lumaki. Maliit pa siya ng magtrabaho siya sa nanay nung may-ari ng minigrocery kaya parang pamilya na rin ang trato sa kanya . Sabi ko sa anak ko, “Anak tama na tatay talaga ang nagtatrabaho. Dapat malaman yan lalo ng mga lalaki mong kaklase. Kaya lang iba ang sitwasyon natin.” Ipinaliwanag din naman ng titser niya ito, sabi na rin ng anak ko, kaya lang talagang, kasama ng nanay niya e, madalas akong pagtripan. Iba talaga sitwasyon namin. Kaya ang asawa ko madalas magpaliwanag sa mga nakikisimpatiya sa kanya. “Kawawa ka naman dalawa pinag-aaral mo.” Sagot ng asawa ko “Hindi ko po pinag-aaral ang asawa ko at anak ko. Kahit papaano ay may income naman siya. Nanay po at mga kapatid niya ang tumutulong sa kanya .”
“’Tay bakit ang bahay natin ang tahimik. Samantalang yung mga bahay ng kakalase ko ang daming mga tao, may mga palabas-labas.” Kulit na naman ng anak ko. “Gusto mo ba ng ganoon, gusto mo ba ng may maraming tao na palakad-lakad sa gitna ng bahay natin?” Sabi ko. “Oo” sagot ng anak ko. “Nakupo.” Bulong ko sarili ko. “Naghahanap na ng kalaro!” Ipinaliwanag ko na, “Anak mas maganda sa isang bahay yung tahimik, yung may privacy .” “Malungkot,” ang sabi ng anak ko. Kasi naman nag-iisa ang anak at dati ay nasa bahay lamang. Para bang kaming magkakapatid na kayang magkulong sa kwarto na nagbabasa o nanunood lamang ng TV maghapon. Ang anak ko kasi ngayon e nababarkada na kaya na-eexpose sa ibat-ibang klase ng pamilya. Apat lang kami sa bahay, kadalasan nasa eskwela ako, ang asawa ko nasa trabaho, ang kapatid kong isa nasa barkada, kaya walang laman madalas ang bahay.
Ewan ko, kami noon, nung maliliit pa kami, hindi ko matandaan na nakakausap ko ang nanay at tatay ko na para bang kabarkada. Natatandaan ko pa nga madalas akong makutusan pero ngayon di na uubra ganuong style. Diplomasya na ngayon kaya kadalasan di ko alam kung ako nakakauto o kung ako nauuto.
Sabi ng anak ko, “Tatay lahat po (nagpopo lang yan pag exaggerated ang ‘wento) ng titser ko nanagsisimula sa letter ‘J’ ang pangalan masungit.” Parang gusto kong tumawa, “Sino-sino ba yun?” Tanong ko. “Si teacher Janice, si Teacher Jenny Sungit (Sulit kasi apelyido ni Ma’am Jenny)” “Oh, eh dalawa lang naman yun ah” Sagot kot. “Meron pa si teacher Jilma (Vilma), si teacher Jolly (Dolly), si sir Jisaac (Isaac), si Pastor Jariel (Ariel)… Meron pa pala, si teacher Jenn at Joann…” Natulala ako doon kasi tawa ng tawa ang kumag.
Madalas kaming magdebate ng anak ko na para bang matanda ang kausap ko. Siguro pag matatanda at makaluma ang nanunood sasabihin bastos ang anak ko, pero parang mas masaya yung ganoon yung parang barkada lang ang anak. Ewan ko lang ha, baka himatayin yung ibang matatanda pag nakita yung anak ko na minsan ginagawang pagbati sa akin yung pagsundot sa puwet ko.
Thursday, August 2, 2007
Bakit Tatay? Ang mga “Pilosopikal” na mga Kumento ng aking anak.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment