Monday, August 6, 2007

Kwentong Double Dead








“Pareng Paeng, pabili nga ng sampung kilong karne ng baboy.” Nakangiting bati ni Aling Elsie kay Mang Paeng na matadero.


“Basta ikaw mare, ano ba gusto mong karne babae o lalake?” May kalokohang tanong ni Mang Paeng.


“Ikaw talaga Paeng umagang-umaga ay umaandar na naman ang kalokohan mo. Tingnan ko nga ang ibinebenta mo.Hmm…hindi ba ito double dead?” Iniinspeksyon ni Aling Elsie ang mga karne. Itinaas ang dalawang hiwa at inamoy-inamoy. Hindi pa ito nasiyahan at hinanap pa ang tatak ng inspector.


“Kitang-kita mo naman na may dugo pa! At ayan ang selyo ng inspektor.” Maasim ang mukha ni Mang Paeng na para bang insultado.


“Bakit ganito ang nakasulat ha Pareng Paeng, tingnan mo, “Inpected by” ang nakalagay. Mali ang spelling ah, baka pirated ‘to.” Seryosong tanong ni Aling Elsie.


“Mare naman!” Nakahalata na si Aling Elsie na napipikon na si Mang Paeng sa pang-aasar niya kaya pumili na ito ng mga bitak ng karne at ipinakilo na niya. “Sige na Pareng Paeng ibalot mo na yan at magluluto pa ako.



“Hoy Heidi, hiwain mo na yang mga baboy at ang menu natin ngayon ay sinigang at nilaga. Maghiwa ka rin para panggisa sa gulay.” Banat ni Aling Elsie sa katulong niya sa karinderya. “Ayusin mo paghiwa ha! Baka naman hiwang pang-hotel ang gawin mo at tayo ay malugi. Katamtaman lamang ang hiwa yung kasya lang sa isang kutsara.” Bitbit na ni Heidi ang mga karne at inilapag sa sangkalan at sinimulan na niya ang paghihiwa. Makatanghalian ay naluto na ang mga tinda nilang pagkain at nagsimula ng magpasukan ang mga customer nila.

“Hay naku Heidi, hindi naubos ang tinda natin.” Painis na sabi ni Aling Elsie. Matumal ang mga lutong baboy natin. Ang naubos lamang ay ang mga gulay at ang libreng sabaw! Naku hindi tayo makakabawi nito.” Sanay na si Heidi sa ganitong dialog ni Aling Elsie. Maubos at hindi ang tinda ang laging sinasabi nito ay lugi. Lugi na lang ng lugi, hindi kumikikita at minsan nakakahalata na si Heidi na nagpaparinig lamang sa kanya ang kanyang amo upang hindi siya manghingi ng umento. “Hay naku hate da’an da’an ka lang at baka ma ‘igh blood ka. ‘Indi ba sabi ng doctor mo na wag kang mag gagalit at baka ka ma’eart attack.” Paala-ala ni Heidi. Tunay na concern si Heidi dahil kahit papaano ay mabait naman sa kanya si Aling Elsie.
-

Hinango ni Heidi ang mga natirang tipak ng baboy mula sa sinigang at nilaga. Hinugasan niya ang iba dito at pagkatapos ay hiniwa ng mas maliliit pa at ibinabad sa sweet sauce. Pagkababad ay iniluto uli at naging hamonado. Yung iba naman ay nilagyan niya ng toyo at suka at niluto bilang adobo. Kinuha ni Heidi ang karton na may nakalagay na “Menu for Today: Sinigang at Nilaga” at pinalitan niya ito ng karatulang gawa mula sa kaha ng sigarilyo na may sulat na, “Menu for Today: Hamonado at adobo.” Maya-maya pa ay pumasok na ang mga customer.

“Hate ‘indi naubos ang tinda natin ngayon. May mga natira pa oh” Ipinakita ni Heidi ang halos nangangalahating kaldero at napailing si Aling Elsie. “Hindi naman natin ito pwedeng initin at ibenta uli kasi sasabihin ng mga regular customer natin ay nagpangat na naman tayo. (Ang ibig sabihin ng “pangat” ay pangat-long init at hindi pangat na isda.) “Sige na Heidi ang menu natin bukas ay binagoongan at menudo. Hinango uli ni Heidi ang tirang mga baboy at hinugasan. Yung hamonado ay hiniwa ng mas maliliit pa at inihalo sa menudo at yung adobo naman ay ginawang binagoongan. Kinuha ni Heidi and karton ng sigarilyo at pinalitan ang menu ng “Binagoongan at Menudo.”

Magsasara na sila Aling Elsie ng masilip niya ang mga kaldero. Ang sampung kilong karne na binili niya kay Mang Paeng ay hindi pa rin nauubos at naghihnayang siyang itapon ito dahil gusto niyang makabawi ng malaki sa puhunan sa kanyang pagtitinda. Nakita niya na marami pang binagoongan at menudo. Kinwenta niya at maari pa itong bumenta ng isang araw kaya muli niyang inutusan si Heidi na hanguin ang mga karne at ihalo naman sa menu nilang Bicol Express at paksiw. Hinugasan uli ni Heidi ang mga karne at yung binagoongan ay niluto niya bilang Bicol express at yung menudo naman ay hinalo niya sa paksiw na letson para pampadagdag laman.
-
Maggagabi na ng masilip ni Heidi ang kaldero ng Bicol Express at napansin niyang may tatlong order pang natitira ditto. Tinanong niya kay Aling Elsi kung ano gagawin ditto, “Hate hanung gagawin ko dito sa tirang Bicol Express, ‘indi na atang pwedeng irecycle to kasi limang araw na nating naipapalit-palit at saka medyo maanta na.”

“Hayaan mo lang yan dyan.” Ngiti ni Aling Elsi. “Biyernes ngayon at mag-iinuman si Pareng Paeng tiyak mamaya lang ay bibili yun ng Bicol Express. Alam mo naman ang mga Bicolano pag dating sa pulutan ay kailangan maanghang. Kahit na nagmamagaan ang mga tumbong sa almuranas ay gusto pa rin nila ang sili.’ Natatawa si Heidi sa mga pinagsasabi ng amo niya. Pero alam naman niya na mayamaya lang ay magpupuntahan na yung mga magkukumpare na may dala-dalang mga mangkok at papakyawin na yong Bicol Express at iba pang mga tinda niya na mapupulutan.


“Wow Bicol express.” Tuwang tuwa ang mga barkada ni Mang Paeng na matadero. “Alam mo naman na da best magluto si Mareng Elsie dahil yung mga karne na niluluto niya ay minamarenate pa niya kaya ang Bicol express niya ay da best.” Dighay ni Rico habang hawak-hawak ang tagayang Nescafe. “Pareng Paeng,” Singit ni Mang Amado,”naibenta mo ba yung pinadidispose na karne nung Lunes. “Oo, ilang kilo ba iyon inihalo nating double dead na baboy sa tinda natin pareng Amado.” Tanong ni Mang Paeng. “Tigbebente kilo lang tayo, Ibig sabihin walang puhunan yung bente kilo na yun. Bale yun yung dagdag natin kaya lang double dead yon. Malinis naman yun pare kasi oras lang ang nabilang ng mamatay yung mga baboy.” Sabi Mang Amado. “Yung sampung kilo napunta kay Mareng Elsie muntik ngang mahalata yung selyo eh.” Ngiti ni Mang Paeng. “Sigurado ko ubos na yong mga karneng yon noon Miyerkules pa kaya safe tong pulutan natin.” Sabay subo sa Bicol Express.

No comments: