Wednesday, May 30, 2007

Ang Piso-Andres Bonifacio!



Ang Piso

Naalala ko nung maliit pa ako
Ang piso paghiningi ko sa tatay ko
Di kayang tutupin ng kamay ko
Sa laki ng muka ni Rizal dito


Ngayon ang piso paghinihingi ng anak ko
Pang-asar, nilalagay sa mata niya ito
Tatawa na parang nanloloko
Kasi mas maliit pa sa eyeballs niya ito

Buweeeeeseeeet!

___________________


Andres Bonifacio!

Andres Bonifacio, A tapang a tao
A pitik a tenga, hindi a takbo
A tuntok a dibdib, hindi a takbo
A pitek a utin, a takbo a tulin.

Ang tatay ko bago naging pastor ay isang numero unong lasenggo, tirador ng mga pusa, at hari ng cha-cha. Hindi ko malilimutan itong tulang ito kasi napaiyak ako nito. May kainuman ang tatay ko kasama yung anak at pinatula itong tulang ito. Aba, ayaw padaig ng erpat ko at gusto patulain din ako. Eh, ayaw ko kasi pangbulol lang kasi ‘tong lintek na tulang ito eh. Ayaw ko talaga, inudyukan ako ng inudyukan at inasar ng inasar hanggang umatungal ako.

Andres Bonifacio, A tapang a tao
A pitik a tenga, hindi a takbo
A tuntok a dibdib, hindi a takbo
A pitek a utin, a takbo a tulin.

Medyo me pagkanaughty itong tulang ito pero nakakatuwa. Ngayon ala ng tulang alam mga bata.

Tuesday, May 29, 2007

Ang Alamat ni Dr. Bayabas/Bawang




Maaring walang maniniwala sa akin (kasi siguro naman walang magbabasa ng blog na ito kasi Filipino) pero ang pagkakaalam ko dahon lang ng Marijuana nakakaadik at ang nanay ko lang yata ang kaunaunahang kaso ng tao na naging sugapa sa dahon ng bayabas (Psidium guajava ). Oho, maniwala kayo naging malaking problema naming magkakapatid ito. ‘Pag ang nanay ko nahihilo papakuhain ako ng talbos ng dahon ng bayabas at sisinghutin niya ito na parang sugapa sa rugby. ‘Pag ang nanay ko sinikmura, ngangata ng talbos ng bayabas na parang sugapa sa brownies. ‘Pag may konting sugat, bayabas to the rescue. Hanggang ang nanay ko ay binansagan ng nasirang kong ama na Duktor Bayabas.

Buti na lang marami kaming puno ng bayabas nung mga panahon na yun. Takbuhan kami ng mga bagong tuli, at hanggang ngayon naman, kahit iisa na lang ang puno ng bayabas namin ay madalas pa ring me sumusulyap na mga nakapalda at humihingi ng dahon.

Ewan ko kung paano nawala sa sistema ng nanay ko ang talbos ng bayabas. Pero siguro, ewan ko lang ha, baka dahil nahigad ang lola ng ngatain niya ito one time.

Herbal kasi, herbal kasi.

Ewan ko kung ano naman ang trip ng nanay ko kasi nasa Baguio siya ngayon, I hope lang di naman dahon ng pine tree ano.

Super Advance Happy Mother’s Day!



------Bawang

“Ano tong mga maliliit na piraso ng bawang sa bintana?” Tanong ko sa asawa ko nung ito ay nagbubuntis pa lang sa anak namin.
“Pinanalagay ni Melda (kapatid niya) kasi daw baka may gumalaw sa baby natin. Wala naman daw masama kung susunod tayo sa pamahiin.” Sagot ng asawa ko.
Nakita ko yung bawang na inilagay niya ay yung bawang na Tagalog, yung maliliit. Ginawa ko nung bumili ako ng ulam ay bumili ako ng bawang na China o Taiwan kung tawagin, yung kasing laki ng kamatis. Inilagay ko ito sa bintana. Nung umuwi ang asawa galling sa trabaho at nakita ang bawang ay naasar at di nako pinansin. “O, diba mas powerful yang mga bawang na yan kasi malalaki!” Sinabayan ko ng tawa.

Naghapunan akong mag-isa.

Monday, May 28, 2007

Ang Mga Taga-akay


Sa Bayan ng Pinagtampuhan ay pinagkakapitagan ang mga tinatawag nilang taga-akay. Sila ang mga taong matagal ng kilala na nagdadala sa mga deboto sa bundok ng Pinagtampuhan. Mga deboto daw ng misteryo ng buhay, mga taong nagsisipag-aral kung ano ang kahulugan ng buhay, ito ang inaari nila. Ang mga taga-akay ay mga tahimik na tao, mga walang kibo, ni hindi nagugulat sa anumang pangyayari sa kapaligiran nila. May kwento pa tungkol sa isang taga-akay na hindi man lamang tuminag ng mabagsakan ng isang patay na puno. Ito ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay—misteryo ng kapayapaan.

May mga deboto na umuuwi ng luhaan, “wala namang katoohanan ang ari ng mga taga-akay! Wala silang misteryo pagkat sila’y mga pipi!” Mayroon din gustong pagbabatuhin hanggang mamatay ang mga taga-akay. “mga bingi, mga pipi mga walang silbi!” Ni hindi man lang pumasok sa isip ng mga taong ito na ni minsan ay di sila inakit ng mga taga-akay. Sa halip ang umakit sa kanila upang umakayat sa Bundok ng Pinagtampuhan ay ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay. Ang mga luhaang umuwi at galit sa mga taga-akay ay bumalik sa mundo nila na puno ng kasiyahan at puno ng ingay. Ngunit kahit anong galit nila sa mga taga-akay at kahit anong gusto nilang kasamaan na gawin sa mga taga-akay ay taon-taon bumabalik sila upang tikman ang katahimikan.

May mga naiiwan, tumatagal ng taon, at sa katagalan ng katahimikan ng pakikisama nila sa mga taga-akay ay namamatay na ang pandinig at bandang huli ay umuurong na ang dila. Mga taong sa huli ay nagpapatuloy sa alamat ng mga taga-akay.
-
May isang lalaki ang di tumagal sa kapulungan ng mga taga-akay. Siya ay bumalik sa kanyang dating maingay na buhay. Ngunit paminsan minsan siya ay nakikitang nakikinig sa bukas na radio pero sarado ang palakasan, nanunuod sa piping telebisyon, nagbabayad ng mga taong palausap upang tumabi sa kanya at manahimik…nagpapaandar ng mga plakang blanko… malungkot…gustong bumalik sa mundo ng taga-akay ngunit alam niyang kailanman ay di siya tatagal sa nakabibinging katahimikan.

Saturday, May 26, 2007

Betamax story


Nuong dekada otsenta kung saan papausbong pa lang ang aming mga hormones ay palagi na lamang kaming may naririnig na betamax. May betamax daw si Vilma Santos na nakikipagtalik kay ganire at ganito, may betamax daw si Coney Reyes na binanabanatan ni ganire ni ganito, may shower betamax daw si ganire at ganito. At dahil nung kapanahunang yaon na kaming magbabarkada ay kasalukuyang mainit pagdating sa mga usapang sekswal, ang aming kwentuhan ay umiikot sa pagpapantasya sa mga artista at siyempre kasama na rin ang aming mga dalagita pa noong mga kapitbahay. At talaga namang inaabangan naming ang mga trailer ng mga bold movies na pinangungunahan pa noong panahon na yon nina Sarsi Emmanuel, Pepsi Paloma, Coca Nicolas ang mga softdrinks beauty ng nasirang si Dr. Rey dela Cruz na hangang ngayon ay di ko alam kung bakit duktor ang tawag sa kanya at Maureen Mauricio. Sa mga hardcore na bold naman nandiyan si Vernie Sanders, si Didith Romero atbp. Sa mga kalalakihan pumapayagpag ang karera ni Gino Antonio, Ernire Reyes, at sa hardcore ay talaga namang walang makakalimot sa nasirang George Estregan. Talagang hinahangad namin ang makasulyap man lamang ng bold movies, kaya lang ang betamax nuon parang ginto kung tratuhin ng mga may-ari at lintik talaga ang kontrol ng mga magulang sa bata pagdating sa panunuod dito, kasi baka masira. Mantakin mo ang dating mo pag may betamax ka nuon, talaga namang hanggang bintana ay may nakasulyap para makinuod, kaya pagmay betamax ka noon in na in ka. Kami nuon hanggang 12” Nivico black and white TV lang.

Iba na ngayon.

Sa pag papanood ng mga programa sa TV ngayon, lalo na sa balita na dapat ay sandigan ng moralidad at di lamang ng katotohanan, ay halatang halata ang paggamit sa sex bilang pang akit. Ipinakikita sa TV ang stolen video kasama ng mala-kristo sa sabungan na pag-sasalaysay ng pangyayari kung paano nakuha ang video at kung paano pananagutin ang may sala. Ang gagawin pa ng mga balita sa TV na ito ay ihuhuli ang sex scandal para hanggang huli ay may manuod ng kanilang pagbabalita. Kinabukasan din mismo ng pagsasahimpapawid nitong balitang sex video na ito ay nandiyan na ang mga piratang naglalako at kung anuman ang naipalabas nung balita ay gayun din ang kanyang ibinebenta. Hindi na mapapansin ang umiiyak na biktima dahil sa katotohanan ay ang natulungan ay ang mga gumagawa ng sex video. Sino pa ba ang pinakamagaling na promoter kundi si Mike Enriquez.

Sa mga sex video na ito ay makikita na ang bikitima ay mga kababaihan. Karamihan ay mga kabit ng mga mapagpantasyang lalaki na gusto lang matupad ang pangarap na mapasama sa isang pronograpiya dahil na rin sa mga naitanim ng punla ng kalsawaan sa kaisipan nila (o namin). Karamihan naman ng mga biktimang babae ay sumasangayon na lamang sa ganito dahil na rin sa kapusukan ng pagkakataon at karamihan naman ay sadyang palihim na nilalasapatangan ng kanilang karelasyon. Ngunit paglabas ng video ay talaga namang wasak ang mundo ng mga biktima, may mga iba nagtangka pang magpakamatay. Pero hindi na ito nabibigyan pa ng halaga ng TV dahil wala namang gustong manuod ng mga ganitong bagay: ang mga luhaang biktima dahil walang video, walang sex. Ang paghihiwalay ng hinagpis ng mga biktima sa libog ng mga video ay dumadagdag at nagpapalakas sa pananaw na ang sex ay isang gawain na parang pampalakasan na lamang. Pero sa kababaihan ang sex ay isang bagay na hindi mahihiwalay sa pagkatao nila, sa pagiging babae nila, sa pakiramdam nila bilang tao. Di katulad ng mga kalalakihan na, lalo na yung may mga imahe na pinangangalagaan, ito ay isang uri ng palakasan. Nakagugulantang na kung papanuorin mo ang mga pornograpiya, kung papano ang hingal, ang salita, ang mga aksyon, iiisipin mo na ito ay isang normal na bagay lamang, isang pag-arte para sa mga kababaihan na kung saan game silang lahat. Pero sa isang banyagang TV magazine program kung saan ipiniture ang mga artistang babae sa pornograpiya, karamihan sa kanila ay umaatungal dahil sa labag sa kalooban nila ang gawain nila, halos lahat kaya ganuon ang arte ay dahil sabog sa droga. Si Linda Lovelace ang isa sa pinakadiyosa at nagpayanig sa mundo ng pronograpiya dahil sa kanyang pelikulang “Deep Throat” ng nakipagtalakayan sa isang tagahayag sa kanyang katandaan ay sinabing malaki ang kanyang pagsisi sa kanyang ginawa.

Siguro ang sekswalidad at ang mga pantasya at kung anuman ang ginagawa ng mag-asawa sa kanilang silid ay matatawag nating normal. Ito ay sa kadahilanang ang sex ay isang tunay na pangngailangan ng katawan. Si San Pablo mismo ay nagsabi na huwag ipagkait ang isat-isat (1 Cor 7:5). Ang paghuhusga sa moralidad ng sex ay isang bagay na napakhirap gawin dahil na rin sa panahon ngayon ang mga pamamaraan ng paghahayag ng sekswalidad ay marami na at karamihan naman ay katanggap-tanggap na rin. Ang mga hang-ups noon ay hind na hang-ups ngayon. Ultimo ang problema ng pornograpiya, dahil na rin sa kabulaksaan nito ay halos di na nanapansin. Tumigil na ang mga sensasyonal na mga sex scandal sa TV, laos na rin siguro ito.



Minsan sa panunood naming magbabarkada ng pornograpiya at matagal na natuon ang mata namin sa taas baba at labas pasok ay parang humahagip sa isip namin ang isang bagay—ang pagtaas-baba at labas pasok ng tubo ng isang poso.
-
Siguro tatapusin ko ang sanaysay na ito sa salita ni Prof. Hayakawa: “Ang pagbigay ng tuon ang sa mekanismo ng pagtatalik ay ang pagiisang tabi sa katauhan nito.”

Friday, May 25, 2007

Lakbay Diwa paukol sa mga Alamat

Genesis 1:1 “Nang pasimula ay Diyos…

Sa paghahanap ng isang matatag na tuntungan ng pagsasaliksik at paglalakbay ng katotohanan ukol sa pananampalataya, ang pag-tuntong sa pagiging ng sarili ang isa sa pinaka-matatag. Sa pagbabasa ng mga alamat sa Bibliya makikita natin na sa mga propeta, na kung saan nagmula ang Hudaismo, nakipag-usap ang Diyos—sa tao, at sa kaysayan ng Israel ay nagkaroroon ng pagii-sang dibdib at pagiisang-isip si Jehovah sa mga taga-Israelita. Bakit natatangi si Jehovah sa mga Israelita? At bakit itinangi ni Jehovah ang mga Isarelita? Ang kaagarang sagot dito ay ang tipan, tipan sa pagitan ni Jehiovah at ng mga taga Israelita. Ang tipanang mula sa direktang pakkitungo ni Jehovah sa mga propeta bago ang tipanan ni Jacob.

Unang dapat mapansin sa relasyong Jehovah at mga Israelita ay ang papel ng Propeta. Siguro isang ligtas na sabihin na ang mga propeta ay tagapamagitan ni Jehovah sa pakikitungo niya sa mga Israelita, maliban dito ay mahirap ng ipaliwanag ang gawain nila dahil na rin karamihan sa kanila ay labas sa pag-inog ng kanilang mga pamayanan. Sila’y mga tao na may kapangyarihan ay ang kakayahang makipag-usap kay Jehovah. Sila ang mga saksi ng mga sinaunang pakikipagtipanan ng ni Jehova.

Ang pananampalataya ng mga Israelita noon ay isang pananampalataya na tunay namang nakatindig sa mga karanasan ng mga tao-- sa mga propeta. Mula sa mga hari, ang propeta ay may isang mahalagang papel na tagapayo, tagapigil, tagasingil at tagaputong. Bakit nga ba napakalaki ng kapangyarihan ng mga taong ito gayong karamihan sa kanila ay napagkakamalang mga baliw--ang alamat na ang Diyos ay kumakausap lang sa taong nahigitan ang kanyang pagkatao.

Pumapaliwanag ang pakikipagugnayan ng mga Israelita at ang pagtatangi nila sa mga propeta sa katotohanang sa tao nagmumula ang pag-hango ng pagkaunawa sa Diyos. Ano nga ba ang propeta? Sa pag-aaral ng Matandang Tipan isa lang ang hindi maipagkakaila, lalo na sa buhay ng mga makakapangyarihang mga tagapagsalita na ito ni Jehovah, sila ang mga taong tunay na nakakikilala sa sarili nila, mga baliw, mga taong nalampasan ang kanilang mga sarili, mga taong mas mataas sa anyong katinuan ng nakararami. Mula sa mga pinakatanyag na propetang sila Elija, Elias hanggang kay Juan Bautista, labas sila sa tinatawag na katinuan ng pamayanan; mga kumakain ng kulisap at mga nagsusuot ng damit na sako at mga nakatira sa mga yungib.

Magkaiba ang papel ng mga pari at ng mga propeta. Para sa propeta si Jehovah ay isang tinig sa loob ng kanilang pagkatao, isang makapangyarihang tinig na ni minsan ay di nila tinangkang ipaliwanag at akuin at alipinin at isalarawan, ipinahahayag lang nila. Isang tinig na kasama ng kanilang pagkatao at kung minsan mang tumatahimik, kasama ito ng pagtahimik ng kanilang mga saloobin. Tumahimik at nangamatay ang mga propeta ng maganap ang isang katotohanan sa kasaysayan—iyan ay ng pasimulang isalin ang kalikasan ni Jehovah sa wika ng mga Israelita. Siguro dito ko buong tapang na sa balik tanaw ay sasabihing nagsimula ang kamatayan ng tunay na pagkakilala nila kay Jehovah.

Pagpasok ng Judaismo nung panahon ni Ezra at ng pasimulan ang pagliliwat kay Jehovah mula sa saloobin ng tao sa pagsasawika niya. Dito ay nagsimula ang isang malaking nilikhang katotohanan ng mga Israelita na nahuli na nila ang isip at kaluluwa ni Jehova sa mga inliwat na mga sulatin ng mga propeta, manunulat, at mga tagaturo. Hanggang ang kaisipan at kaluluwa ni Jehova ay nailiwat sa mga batas, na binakuran ng mga batas, na binakuran pa ng mga batas. Sa huli ay naihiwalay sa mga taga-Israelita si Jehovah. Nang hubugin ng mga taga-Israelita ang anyo ni Jehovah ayon sa kanilang wangis ay tumahimik ang mga propeta dahil saan ba ngayon makikinig ang mga Israelita, sa propeta o sa aklat—karunungan. Ang naging tagalinang ng mga wangis ng Diyos para mga taga-Israelita ay ang mga pari na malaki ang naging papel sa pagkabali ng kalikasan ng Diyos bilang isang Esperitu. Siguro ligtas na sabihin na ng simulang iliwat ang mga kautusan mula sa puso ng tao patungo sa titik upang mabantayan ito, ay dito nagsimula ang napakalaking kasalanan ng mga taga-Isaraelita—ang idolatriya. Sa pagbabantay nila upang mapanatili ang kakanyahan ng Diyos ay nawaglit sa isip nila na ginawaan na nila ng wangis ang Diyos sa wangis na likha na rin ng mga kamay nila.

Nang simulang ilabas ng tao ang Diyos sa kanilang sarili ay nagsimula na ang paghahanap ng tao sa Diyos sa labas ng kanyang sarili. Umusbong ang kaisipang emperesismo na kung saan kailangang patunayan ang Diyos labas sa kasarinlan at kalikasan ng tao. Andiyan din ang mga taong naghahanap sa Diyos sa pamamagitan ng katwiran, karanasan atbp. Wala namang mali sa paghahanap sa Diyos sa mga nabanggit na pamamaraan ang katinuan lamang at ang pangngatwiran ang minsan ay bumabalakid.

Ngunit ano nga ba at sino nga ba ang Diyos? Malaki nag papel ng mga alamat sa sa pagkaunawa natin sa Diyos dahil sa mga alamat nakita ng mga tao ang walang kapaimbabawang kilos ng Diyos na ipinahahayag nila na may pag-aming ito ay di-arok ng kanilang pang-unawa. Katawa-tawa ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na kailanman ay di-maaring maganap Kamangha-mangha ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na di kayang arukin ng katwiran. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito ay kasayasayang ng mga taong umaamin sa kanilang kapakumbabaan. Kamangha mangha ang alamat dahil ito ay kalipunan ng ugnayan ng tao at ng Diyos. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito lamang ang wastong panitikan na kayang ilarawan ang Diyos na walang pagkukunwari at limitasyon ng karunungan at katwiran at kasinungalingan ng pagiging maka-agham.

Ang mga alamat ang isa sa pinakamatibay na testamento ng Diyos ngunit ang alamat ay nasaisulat na rin, ibig ba sabihin ay isang narin itong idolatriya? Ang mga naisulat na mga alamat ay nag papahiwatig ng pagkamangha ng tao sa Diyos na ginamitan ng wikang hindi hiwalay sa kanyang karanasan at pagkatao di katulad ng mga batas na kung saan inihiwalay ang Diyos sa karanasan at sa pagkamangha sa Diyos at hindi mula sa kaibuturan ng kalikasan ng tao. Ang batas ay panglabas ang mga alamat ay pangloob. Ito ang hinigitan ni Kristo ang batas (Romans 10:4). Ano pat inako niya na siya ang kaganapan nito—isang tao, tunay na Diyos—ang tunay na imahe ng Diyos na hinigitan ang wangis na ginawa ng mga Israelita.
Ang kapanganakan ng isang bagong alamat! Ang bagong wangis ng Diyos na inukit ng Banal na Esperitu.

(Ang alamat po dito ay hindi iyong mga pangkaraniwang alamat na kung saan nagmula ang isang bagay. Anga lamat po na tinutukoy dito ay ang pagpapahayag ng pag-kaunawa at pananamplataya ng tao na hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang-nakasandal-sa-talinong uri ng panitikan.)

Thursday, May 24, 2007

Kaligtasan

Ako ay naligtas sa kasalanan noong ako ay maglalabingtatlong taong gulang. Ngunit di talaga naligtas. Ganito ang pangyayari. Mayroong isang malaking pamamahayag sa simbahan ng Tiya Reed ko. Gabi-gabi, makailang linggo ay maraming pagpapahayag, pag-aawitan, pananalangin, at sigawan, at maraming maksalanang may pusong bato ang nailapit kay Kristo, at ang kasapian ng iglesya lumago. Bago matapos ang pamamahayag, nagkaroon sila ng isang pagpupulong para sa mga bata, “upang ilapit ang mga musmos na kordero sa kawan.” Ang tiyahin ko ay mga ilang araw din akong kinausap tungkol dito. Nung gabing ‘yon ay inakay ako sa unang pila ng upuan at pinaupo sa bangkuan ng mga magsisisi kasama ang ibang mga batang makasalanan na hindi pa nailalapit kay Jesus.
Sinabi ng tiyahin ko na kapag ikaw ay naligtas ay makakakita ka ng liwanag, at may magaganap sa saloobin mo! At pumasok si Jesus sa iyong buhay! At ang Diyos ay mapapasaiyo magmula nuon! Sinabi niya na makikita mo at maririnig mo at mararamdaman mo si Jesus sa iyong kaluluwa. Pinaniwalaan ko siya. Narinig ko rin ito sa maraming matatanda na nagsasasbing ganoon nga, at para sa akin ay dapat lang nila itong malaman. Kaya, mapayapa akong naupo sa mainit, punong simbahan, naghihintay kay Jesus na lumapit sa akin.
Ang mangangaral ay naghayag ng isang kahanga-hangang maindayog na mensahe, may ungol at sigaw at mga lumbay na sigaw ng isang kahindik-hindik na larawan ng impyerno, at bigla siyang umawit ng awit na patungkol sa siyam na pu’t siyam na ligtas sa loob ng kawan, ngunit may isang munting kordero ang naiwan sa lamigan. At sinabi ng mangangaral: “Di ka ba lalapit? Di ka ba lalapit kay Jesus? Mga musmos na kordero, di ba kayo lalapit?” At ibinuka niya ang kanyang mga bisig patungo sa upuan naming mga munting makasalanan. At umatungal ang mga batang babae, at ang iba sa kanila ay agad lumukso at lumapit kay Jesus. Pero karamihan sa amin ay nakaupo lang.
Maraming mga matatanda ang lumapit at lumuhod palibot sa amin at nanalangin, mga may edad ng mga kababaihan na maiitim ang mga mukha at nakapusod ang buhok, mga matatandang kalalakihan na pinudpod ng trabaho ang mga kamay. At ang buong iglesya ay umawit ng isang himig patungkol sa mga kumbabang ilaw na mga nagliliwanag, mga abang makasalanan na mga ililigtas.
Gayon paman, hinihintay ko pa ring makita si Jesus.
Sa wakas ay nagtayuan na ang mga bata at tumungo sa altar at manganaligtas, maliban sa isang batang lalaki at sa akin. Anak siya ng isang batugan, si Westley. Si Westley at ako ay napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono na nananalangin. Ang init sa loob ng simbahan, at maggagabi na. Bandang huli tumayo si Westley at sinabi sa akin: “Parusa ng Diyos! Pagod nako sa kakaupo dito. Tumayo na tayo at mangaligtas.” Tumindig siya at naligtas.
Ano pa’t nagiisa na lamang ako sa upuan ng mga magsisisi. Lumapit ang tiyahin ko at lumuhod sa may paanan ko at umiyak, habang tuloy ang awitan sa loob ng maliit na simbahan. Ang buong iglesya ay nanalangin para sa akin lamang, mga naglalakasang hinakbi at bigkas. At ako ay buong taimtim na na naghihintay kay Jesus, naghihintay, naghihintay—ngunit di siya makapunta. Nais ko siyang Makita, ngunit walang naganap sa akin. Wala! Hinahangad kong may mangyari sa akin, ngunit wala.
Narinig ko ang mga awitan at ang mangangaral na sinasabi: “Bakit ayaw mong lumapit? Mahal kong anak, bakit ayaw mong lumapit kay Jesus? Hinihintay ka ni Jesus, hinihimok ka niya. Bakit ayaw mong lumapit? Kapatid na Reed anong pangalan ng batang ito?”
“Langston, po,” hikbi ng tiyahin ko.
“Langston, bakit ayaw mong lumapit? Bakit ayaw mong lumapit at maligtas? O, Kordero ng Diyos! Bakit ayaw mong lumapit?”
Talagang gumagagabi na. Nahihiya na ako, nagpapatagal. Nagsimula akong magtaka kung ano ang sasabihin ng Diyos sa ginawa ni Westley, na talaga namang hindi nakita si Jesus, ngunit ngayon ay taas noong nakaupo sa entablado, kumukuyakoy, at nakangiti sa aking napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono, nakaluhod at nanalangin. Hindi itinumba at pinaslang ng Diyos si Westley sa pamumusong sa pangalan Niya o sa pagsisinungaling sa loob ng simbahan. Kaya, nagpasya ako na upang maiwasan na ang pagtatagal, magsisinungaling na rin ako, at sabihing si Jesus ay dumating na; tumayo at maligtas.
Kaya tumayo na ako. Bigla na lamang bumaha ng sigawan ng makita nila akong tumayo. Mga alon ng pagpupuri ay pumaimbabaw sa simbahan. Nagtalunan ang mga kababaihan. Yinakap ako ng aking tiyahin. Ang mangangaral ay kinuha ang aking kamay at inakay ako sa entablado.
Nang huminahon na ang lahat, sa isang taimtim na katahimikan, binabasag ng rurok na mga “Amen,” lahat ng mga binagong kordero ay binasbasan sa pangalan ng Diyos. Ang simbahan ay nilunod ng mga masasayang awitan.
Nang gabing yun, sa huling pagkakataon sa buhay, maliban sa una—kasi ako ay isa ng mama, labing dalawang taong gulang—umiyak ako. Umiyak ako sa higaan, mag-isa, ‘di ko mapigilan. Tinabunan ko ng kumot ang aking muka, ngunit narinig ako ng tiyahin ko. Gumising siya at sinabi sa tiyuhin ko na akoy umiiyak dahil pumasok na ang Banal na Esperitu sa buhay ko, at nakita ko na si Jesus. Ngunit kaya ako lumuluha ay dahil di ko makuhang sabihin sa kanya na nagsinungaling ako, niloko ko lahat sila sa simbahan, hindi ko nakita si Jesus, at ngayon ako ay naniniwalang wala ng Jesus, mula ng hindi siya lumapit upang tulungan ako.




Langston Hughes, Salvation

Wednesday, May 23, 2007

Nietzsche:Patay na ang Diyos, Isang Pagmumunimuni

Siguro sa mga pangkaraniwang Kristiyano, isang kabalintinuan ang isang katulad ko na naghahayag ng kanyang taimtim na pananampalataya sa Diyos na humanga at magbigay pugay sa isang di-naniniwala sa Diyos, isang laban-kay-Kristo at higit sa lahat isang galit sa relihiyon na si Friedrich Nietzsche. Bakit nga ba? Isang lang ang katwiran ko: Si Nietzsche ay isang tao na may lakas ng loob na ibulalas ng walang takot ang kamatayan ng Diyos—ang katotohanan na pinatay na o pinapatay natin ang Diyos. Siguro ang pangkariniwang tao ay titindigan ng balahibo at sasabihing, “Hindi kailanman mapapatay ang Diyos. “Ngunit iyan ba ang kamatayang tinutukoy ni Nietzsche? Sabi nga ni Tillich, “ di maaring -maging ang Diyos dahil ang Diyos ay labas sa pagiging.” Papaano mo papatayin ang Diyos na kailanaman man ay di maaring maging? Pinatay natin ang Diyos dahil nakikita at naamoy ni Nietzshe ang pagkaagnas ng Diyos mula sa institusyon-ang simbahan. Katulad ni Kierkegaard na mulat sa simbahang Luterano, nasaksihan niya ang institusyong simbahan, dahil na rin sa kalikasan nito, ay isang banta sa kasarinlan at kalayaan ng tao. Dito naghiwalay ng landas si Kierkegard at si Nietzsche; si Kierkegard ipinayagpag ang ka-sarinlan o kasarilihan ng relihiyon at ibinaba ang institusyon, samantalang si Nietzsche ay tuluyang isinuka ang institusyon, simbahan, at lakas loob na itinaas, ipinayagpag ang kasarinlan mg tao hanggang umabot sa pagpapahayag niya ng kamatayan ng Diyos.


Bilang isang nihilista o tagawasak naniniwala si Nietzsche na tao ang responsible sa tao, sa kanyang sarili. Sa paniniwala ni Nietzsche ay paulit-ulit ang kasaysayan—isang kaotohanan. Sa pag-inog ng kasayasayan ay darating ang mga taong walang takot dahil darating ang panahon na ang katapangan at kapusukan ay kikilalanin uli; bilang paghahanda sa nakakahintakot na katotohanan na darating ang panahon na wala na ang Diyos—o dumating na nga ito, siguro. Kailangan ng humigit ang tao—kailangan ng mga taong-higit. Dito ay binanggit ni Nietszche ang pangangailangan at pag-usbong ng mga taong namamagitan, Mga taong maghahanda sa pagdating ng kawakasan, ng kamatayan ng Diyos. Mga taong, “magigiting…mga taong nakatutok sa paghahanap ng mga bagay na dapat higitan; mga taong masasayahin, matiyaga, walang pagkukunwari, yamot sa lahat ng kapalaluhan, mga taong may pagpapakumbaba sa pagwawagi at mapang-unawa sa mga maliliit na kapalaluhan ng mga gapi…” Mga taong higit—mga magpapalaya.

Sa simbahan kasi nakita ni Nietzsche ang paghubog ng mga tao na maging isang mahina, alipin, at patay na mga tao, di malaya at walang katuturan ang pagiging. Nakita ni Nietzsche ang mga kasalanan ng Kristiyanismo. Kasalanan ng Kristiyanismo ngunit di kasalanan ni Kristo. Kaya ang buhos ng kapusukan ng litanya ni Nietzsche ay nakabuhos sa simbahan dahil nakikita niya ang kapangyarihan ng simbahan ng magbigay ng mga pangako at pag-asa sa mga tao na ayon na rin sa kanya ay nagreresulta sa pagiging mahina nila—kawalan ng kasarinlan at kakayahang lampasan ang kanilang sarili. Darating ang panahon magigising ang tao, magigising ang tao sa sarili niyang kasarinlan at magigising siyang patay na ang Diyos--pinatay natin. Kamatayan ng simbahan ang inaabangan, kamatayan ng Kristiyanong moralidad.

Sa paginog ng kasaysayan ay darating at darating ang panahon ng pagbabago, ang paghahari ng kaalaman. Ito ang isang kasiguruhan na ayon kay Nietzsche ay magbabadya sa kamatayan ng Diyos.”Sa wakas, ang paghahabol sa kaalaman ay maniningil: gugustuhin nitong maghari at ariin, kasama ka rin!”

Marami, maraming sinasabi si Nietzsche na makatotohanan at mapanghamon sa kaisipan lalo na kung ikaw ay isang Kristiyano. Dapat ba siyang katakutan?

Siguro isang kakitiran at kamangmangan na ituring ang mga taong katulad ni Nietzsche bilang mga alagad at kampon ni Satanas at ni Baal. Mga tao na dapat na binibigyan ng panalanging emprekatoryo upang kuhanin ng mga demonyo at sunugin ang kanilang mga kaluluwa sa walang katapusang kumukulong asupre ng impyerno. Naala ko ang sinabi ng isa kong hinahangaan, ngunit di sinasambang, teologo, “ ang mga salita at sulatin ni Nietzsche ay nagpapatunay ng malalim niyang pagkaunawa sa Diyos. Mas malalim pa sa mga taong tinatawag ang sariling mga Kristiyano…” At marami ang nagsasabi, isa na ako doon, na si Nietzsche ay may malalim na pananampalataya sa Diyos—isang pananampalatayang inihayag niya sa kabaligtaran. Dapat bang katakutan si Nietzsche? Kung ako ang tatanungin dapat siyang pakinggan pero babala rin ng isang teolog si John Hick na ang mga tulad ni Nietzsche ay dapat pakinggan, at kapakipkinig ngunit maari ring di paniwalaan.

Isa lang naman ang buto at binhi ng kaisipan ni Nietzsche—kalayaan. Kalayaan sa mga tanikala ng simbahan at ng tanikalang iginapos nito sa kaisipan ng tao. “Ang mga simbahan ay libingan ng Diyos.” Ang pananampalatanya at litanya at mga sakramento, at mga alitaktak at mga gawa at mga deklarasyon at mga interpretasyon ng simbahan na ang nagiging Diyos—mamamatay nga ang Diyos pagganito! Kitang kita ito ni Nietzsche gaya ng isang baliw na nagsindi ng ilaw sa gitna ng katanghalian!

Nakakapagilabot sa nakita ni Nietzsche ay ang kamatayan ng Diyos ngunit buhay pa rin ang simbahan.

Siguro si Nietzsche ay nanawagan lamang sa pagbabalik ng pananampalataya sa tunay at tamang tirahan nito—sa kasarinlan ng tao, mula sa Diyos. Ang pagbabalik sa pananampalatayang nakatutok at umiinog sa kasarinlan ng tao sa paghawak at pagunawa sa Diyos—pagbabalik sa panahon ng kamusmusan, bago ang pagtatatag ng mga simbahan na naging at nagiging Diyos at naging at nagiging libingan ng Diyos.

Tulad ng pananampalataya ni Kristo at ng musmos, simple at banal.

(Maaring nagtatanong ang iba kung bakit ako nagsisimba kung ako ay tumatanaw sa katwiran ni Nietzsche. Baptist po ako at naniniwala ako na kung naging Baptist si Nietzsche ay maaring maging di siya ganito kamuhi sa simbahan, pangkalahatan.)
(Hindi po yung sanga ng Baptist na makikitid tulad ng mga Pundamentlistang Baptist na ang tingin ay sila lang ang aakayat sa langit at ang Diyos ay nakakulong sa King James Bible. Patay tayo dyan sa mga yan!)

Tuesday, May 22, 2007

Si Prometheus at ang Karpintero


Nahabag ang dambuhalang si Prometheus sa mga taong namumuhay na parang mga hayop. Nakita niya ang karimlan na nakasukob sa daigdig nila, kadiliman na likha na rin ng kasalanan ng kanilang ninuno na Lupa, si Adamo. Ayon sa alamat ng mga tao, ang Lupa, na binigyang hugis at kaluluwa kasama ang kanyang maybahay na si Inang Itlog, o si Eba, na ukit na pirasong lupa galing sa tagiliran ng Lupa, ay sumuway sa kanilang Manlalalang ng angkinin nila ang karunungan na nagmulat sa kanilang kahubaran. Nang makita nila ang kanilang kahuburan, nakita nila ang kanilang kamatayan, at ng makita nila ang kanilang kamatayan, sinukuban ng kadiliman ng kasalanan ang kanilang daigdig. 


Upang tulungan ang mga tao kumuha si Prometheus ng apoy mula sa kabundukan ng mga diyos. Sa altar na kinalalagyan ng banal na apoy na kahit kailanman ay di namamatay--ang apoy ng mg diyos. Hindi alintana ng dambuhalang si Prometheus na magagalit sa kanya ang mga diyos at mga higante. “Ano ba naman ang mga diyos? Anak lamang namin silang mga dambuhala ng mundo. Ano ba naman ang mga higante kundi anak lamang ng mga diyos. ” Ito ang bulong sa sarili ni Prometheus ngunit alam niya na matagal ng nagkakaubos ang mga dambuhala. 

Matagal na silang kinakain ng mga diyos. Matagal na silang pinapinaslang ng mga higante. Ang laki nila ang kanilang kahinaan. Di nila nasabayan ang talino ng mga diyos at di nila nakayanan ang liksi ng mga higante. Iilan na lang silang dambuhalang natitira, mga laruan ng mga diyos. Si Prometheus ay kakaiiba sa ibang dambuhala dahil may kaalaman siya na pinagkait sa ibang dambuhala, may talino at damdamin siya, ngunit dambuhala pa rin siya. Natutunan na siyang igalang ng mga diyos at ng mga higante dahil sa kanyang karunungan.

Iniabot ni Prometheus ang sulo na may apoy na di namamatay sa mga tao, at ng malaman ng mga diyos at ng mga higante ang ginawa niya, siya ay iginapos ng tanikalang adamanyo sa batuhan ng Caucasus.



Itinakbo ng mga tao ang sulo. May alinlangan silang itinusok ang sulo sa gitna ng kanilang kapulungan. Sa unang pagkakataon ay naramdaman nila ang init nito. Init na tumatagos sa buto. Anuman ang dilim ng gabi, anuman ang init ng araw, ang init at liwanang ng sulo ay nanunuot, nagbibigay sa mga tao ng init hanggang kalooban ng kanilang katauhan. Parang isang sandok na humamahalo sa isang lutuin, nahalukay ang kalooban ng tao, naluto ang kanyang pagkatao.

Nakalikha sila ng mga tula at natutong mag-awitan. Dahil sa liwanag na dulot ng apoy, bumukas ang mga mata ng pagkamalikhain nila, nakalikha sila ng mga ukit, mga larawan at mga imahe. Natuto silang gumawa ng mga tahanan na una’y mga ukit sa mga gilid ng bundok lamang, ngunit dahil naging malikhain sila, ang mga yungib ay naging dampa, ang dampa ay naging kubo, ang kubo ay naging adobeng tahanan at ang adobeng tahanan ay naging pamayanan at gobyerno.

Dumating ang pagkakataon na ang sulo sa gitna ng kanilang kapulungan ay nagmistulang lampara na lamang. Parang lumiit sa laki ng iniunlad ng kanilang pamayanan. Napansin nila na ang dila ng apoy ay tinatangay, nagngangalit itong tinatangay, parang bulak lamang na nilalabanan and ihip ng hangin. Sa loob ng init at kaligtasan ng kanilang tahanan, nagsimulang mag-isip ang mga tao.

Nagtalaga ang pamayanan ng tagabantay sa sulo, sa apoy na di namamatay. Nagpagawa ng harang na salamin gawa sa mga susong dagat upang maisalag sa hangin na tumataboy sa apoy. Magarang salaming gawa sa susong dagat ang itinakip sa sulo. Maganda at nakakaakit, maraming ukit na hugis at maraming kulay. Naglalapitan ang mga tao at di maiwasang hawakan ito. Ang tagabantay ay nag-alala at ipinag-utos na bigyang galang ang salamin. Ito ay banal at walang sinumang dapat humawak dito ng wala niyang pahintulot. Nag-ulat ang tagabantay, “Ang salamin ay banal. Wag nyo tong hahawakan dahil pingangalagaan nito ang apoy na inihandog sa atin ni….” Nakalimutan na nila si Prometheus.

Nagpulong ang pamayanan kasama ang tagabantay ng salamin. “Mga mahal na pinuno, mula po ng ipagsabi kong banal ang salamin ay lalong nagdagsaan ang mga tao. Kailangan na po nating magpagawa ng maliit na kublihan para sa banal na salamin.” At nagpagawa sila ng maliit na kubli para sa salamin.

Dumating ang panahon na ang maliit na kublihan ng salamin kinaiipunan ng tao upang magdasal sa salamin. May mga nag-aalay at may mga nagdadasal. Huminig uli ng pulong ang tagabantay ng salamin. “Mga mahal na namumuno, kailangan na nating magpagawa ng isang gusali upang maikulong ang kublihan.” Kailngan na ring nating dagdagan ang tagapamahala ng gusali.” Nagtayo ang mga tao ng gusali at dumami ang tagapamahala.
Dahil sa kabanalan ng gusali, itinalaga ng mga tao na mas mataas na pinuno ang mga tagapamahala ng gusali, bantay ng kaligtasan—simbolo ng kapangyarihan.

Nagkaroon ng mga digmaan likha ng mga namumuno ng gusali, dahil sa mga taong tagapamahala ng gusali, dahil sa mga tagasunod ng mga tagapamahala, nagkahatihati ang mga bansa, nag karoon ng tagutom at mga panaghoy.

Nagkaroon ng himagsikan laban sa mga bantay ng gusali. Mga laban laban ng mga tagapamahala. Dumanak ang dugo ngunit walang nagtagumpay maliban sa isang karpintero. Dahil sa kamatayan niya natibag ang gusali, lumitaw ang kublihan, nagliwanag ang salamin at sa unang pagkakataon ay nasulyapan ang sulo. Hindi nangyari ito sa digmaan, kundi sa kamatayan ng isang karpintero. Dahil ipinako sa krus ang karpintero katulad ng nangyari kay Prometheus. Sa kamatayan ng karpintero namalasan ang tunay na laman ng gusali.

Nagdiwang ang mga tao. Nasulyapan ang apoy at naramdaman ang init at liwanag nito. Ngunit nakita nila ang nangyari sa karpintero. Nahabag sila at inilibing siya at pagkalipas ng maraming taon, nagulat na lamang ang mga tao ng makitang ang libingan ng karpintero ay isang napakalaking magulong palengke na kung saan ibinebenta ang kaligatasan. Hati hati ng puwesto kanya kanyang luto, kanya kanyang turo. Itinuturo ang kaligtasan sa pamamagitan ng karpintero at nawalang halaga ang apoy—matagal ng nalimutan ang apoy na inialay ni Prometheus sa mga tao. Napabalitang minsan isang katanghalian ay may isang baliw na may dala-dalang lamparang may sindi ang nagsisigaw sa gitna ng palengke ngunit pinagtawanan lamang siya.

Hanggang dumating ang panahon na sinabi ng mga barbero at nagdadama na darating muli ang buhay na karpintero upang wasakin ang palengke. May nagsasabi rin na malapit ng bumalik si Prometheus dahil panay panay na ang lindol—nagpupumiglas na ang dambuhala. Ngunit lalong lumalaki ang palengke…

Ang apoy na kailanman ay di namamatay ay natabunan na ng palengke at ni minsan ay dina naramdaman ng mga tao ang init at liwanag nito.

Muling nagdilim ang paligid at nahabag uli si Prometheus ngunit anong magagawa niya, matagal nang napalitan ang kadenang adamanayo ng kadena ng kaalaman… 

Monday, May 21, 2007

Apoy at Yelo

May nagsasabi na ang mundo ay magugunaw sa apoy,
May nagsasabi sa yelo,
Ngunit mula sa tikim ko ng pagnanasa
Sa mga sang ayon sa apoy ako sasama
Ngunit kung ako ay pumanaw ng makaulit
Sa tingin ko tama lang ang alam ko sa galit
Na sabihin sa pagunaw sa yelo
Ay higit
At sasapat din

--Robert Frost, Fire and Ice

Sunday, May 20, 2007

Si Harry Potter at si Voltes V

“Bwa ha ha ha….bwa ha ha ha!” Halos mayanig ang buong Palasyong Bungo sa katatawa ni Prinsipe Zardos. “Yari ka ngayon Voltes V…bwa ha ha ha, yari ka ngayon!” Matagal ng nagtitinginan ang mga alipores ni Prinsipe Zardos. Nakikitawa sila ngunit hindi nila alam kung bakit gayon na lamang ang halakhak ng kanilang prinsipe. Halos trenta anyos na silang nakikipaglaban kay Voltes V. pumuti buhok ng iba sa kanila ngunit di pa rin sila nagwawagi. 

Ano kaya ang nadiskubre ni Prinsipe Zardos? “May sex video kaya si Jamie Robinson para pangblack mail upang makuha ang secret ng electro magnetic power ni Voltes V? Bakla kaya si Steve o si Mark? Si Big Bert ba ay may small bird? O si Little John ay isang unano? Halos lahat ng teknolohiya ay sinubukan na nilang ibato kay Voltes V ngunit lahat ay di umubra. Desperado na sila at lahat ay handing subukan ni Prinsipe Zardos magapi lang si Voltes V.


“Maaring nagtataka kayo mga alipores ko kung bakit ako nagsasaya. Magagapi na natin si Voltes V. Nakipagsanib puwersa ako sa pinuno ng Death Eaters, si Lord Valdemort at ibinigay niya ang secret weapon para magapi si Voltes V. Bwa ha ha ha!” Heto ang ating bagong beast fighter si Garapatabot. Nalalag ang isang kurtina na nagkukubli sa isang higanteng robot na garapata. “Ehhh…Prinsipe Zardos, wala naming ipinagkaiba sa ibang beast fighters natin yan ah.” Korus ng kanyang mga alipores. “Tumahimik kayo! Ipamamalas ko ang secret weapon ni Garapatabot!” Sigaw ni Prinsipe Zardos, “Garapatabot ipakita ang secret weapon!” Bumuka ang likod ni Garapatabot at lumabas ang isang bulaklaking pakpak at itoy animo parang gamu-gamong pumahimpapawid. Maya maya pay may biglang lumitaw na wand sa kamay ni garapabot. Sa dulo ng wand ay may kumikinang na bituin. “Palabasin ang isang beast fighter upang kalabanin si Garapatabot!” Pinakawalan si Namazukan ang beast fighter na pinaghalong kalabasa at ahas at sinugod nito si Garapatabot. Nagulantang ang lahat ng saksi ng itaas ni Garapatabot ang wand na may bituin sa dulo, itinapat kay Namazukan, sabay bigkas ng “rigor mortiz” at biglang nanigas si Namazukan na parang bangkay.


“Bwa…ha ha ha," halakhak ni Prinsipe Zardos. Pinakita sa akin ni Lord Valdemort ang paggawa ng magic wand at tinuruan din niya ako ng Latin spells. Inangkat ko pa sa Bozania ang mga buhok ng unicorn na ginamit ko para diyan. "Bwa..hahahha…sugudin mo na ang Camp Big Falcon Garapatabot. Sugod!” Sigaw ni Prinsipe Zardos.

“Dr Smith, Dr. Smith! May paparating na beast fighter!” Humaharurot ang wheel chair kasunod ang isang Pinay caregiver ni Dr. Smith papunta sa operation center ng Camp Big Falcon. “Red Alert! Ito si Dr. Smith. Voltes Team ihanda ang Voltes Machine 
at salubungin niyo ang beast fighter.



“Steve! Gamitin mo ang bazzoka!” Sigaw ni Mark. “Uuugghhhh….Steve tinamaan ang Voltes Lander bilisan mo ang pakikipaglaban,” Iyak ni Jamie. “Ultraelectromagnetic top…” Ngunit nakailag si Garapatabot. “Steve si Dr. Smith ito. Huwag mo ng patagalin ang laban! Gamitin mo na ang Laser Sword! Nirarayuma na ang leeg ko tititig sa screen. Tapusin na yan” “Ok!”

“Lay…………..zzzzzzz..eeeeeeer..rrrrrrrrr.S….wwwwww..oooorrrrrrdddddd”. Nagdilim ang langit ng higupin ng laser sword ang lahat ng enerhiya sa kalawakan. Akma ng i-v-cut ni Voltes V ang beast fighter ngunit nagulantang sila ng bigla na lang may lumabas na magic wand sa kamay ni Garapatabot. “Ano yon?” Sigaw ni Little John. “Mukang Magic wand,” Sagot ni Big Bert. “Hiiiii,hi,hi,hi…May magic wand ang beast fighter…hi hi hi..”Tawa ni Mark. Ngunit nag-iba nag ihip ng hangin ng sumigaw si Garapatabot ng “itchtum lubutum” bigla na lang mag-iba ng kulay ang bituin sa dulo ng magic wand at sabay may sumambulat na kidlat galing sa dulo nito at muntik ng tamaan si Voltes V. “Ano yun?” Sigaw ng Voltes Team dahil kakaiba ang impak ng pwersa nito. “Voltes Team umuwi kayo sa Camp Big Falcon. Mapanganib ang bagong sandata ng kaaway!” Babala ni Dr. Smith. "Magmimiting muna tayo!"

“Steve ginagamitan kayo ng mahika ng mga Bozanian. Tumawag sa akin ang Ministry of Magic at binalaan ako. Napagalaman nilang si Valdemort ay may relasyon kay Prinsipe Zardos…wag kang mag alala tumawag na ako kay Professor Dumbledore…” “Hindi ba patay na siya?” singit ni Little John. “…hindi, nagtago lamang siya dahil nagpaface lift siya kay Dr. Vicky Bello. Parating na ang Order of the Phoenix upang tulungan tayo.” 

“Dr. Smith umalis na ang beast fighter!” Pagod na sabi ng radarman. “Maghanda kayo at tiyak babalik yan,” babala ni Dr. Smith.

“Dr. Smith may paparating na unidentified flying object!” “Ipakita sa screen!” Nakita nila si Harry Potter na nakasuot ng wizard’s robe na sakay ng Nimbus 5000.

“Bat isa ka lang?” Tanong ni Dr. Smith. “Nagtanan ang anak ni Ron at ang anak ni Hermoine kaya di sila pwede. Abala sila sa pamamanhikan. “Ok, “ ani Dr. Smith, “magplano na tayo.”
“Ganito ang gagawin natin Voltes team,” Sabi ni Harry Potter, “Ako bahala sa magic ng kalaban basta protektahan nyo lang ako sa atomic bomb at hydrogen bomb ni Garapatabot. Di kasi uubra magic sa Atomic at hydrogen bomb eh…”

“Red Alert! May parating na beast fighter!” Pulasan ang Voltes Team at si Harry Potter upang salubungin ang kaaway.

“Boooooommm inabot si Voltes ng atomic bomb…gumanti si Voltes V gamit ang Bazooka…wazzziiinngg pinauulanan ng acid si Voltes V ngunit di umobra sa armor ang acid….Ultraelectromagnetic top….booommm wasak ang pakpak ni Garapabot…Steve! Nawalan ng malay si Jamie….Booommmm waanggggg…Voltes Team ilabas na ang pang-ending natin…ilabas na ang laser sword!

“Laser Sword!” Akamang tatagain na ni Voltes V si Garapatabot ng bigla nitong inilabas ang magicwand sabay sigaw ng “rigor mortiz” at biglang nanigas si Voltes V na parang bangkay. “Ano nangyari….” Sigaw ng Voltes Team. Nang Makita ito ni Harry Potter, bigla ito lumabas sa likod ng poste at iniamba ang kanyang wand sabay sigaw ng “rectum factotum patronius” at biglang nagpaikot-ikot si Garapabot at sumuka ng asul na likido hanggang mamatay. Nang masaksihan ito ni Prince Zardos, agad na luymipad papalayo ang kastilyong bungo.

Sa hangar ng Camp Big Falcon ay nakatayo si Harry Potter kasama ang Voltes Team. Nakita ni Harry Potter si Jamie at nabighani siya sa tight fitting na suot nito. Medyo nagblush si Harry ng makita niya na ulbok na ulbok ang dibdib ni Jamie. “Maraming salamat Harry Potter,” Wika ni Dr. Smith. “Naguusap na ang Earth Defense Force at ang Ministry of Magic. Ibang level na ang laban. Inaasahan naming di aabot sa ganito ngunit sadyang maitim ang mga balakin ng kalaban at hindi sila titigil hanggat hindi nagagapi ang daigdig. 

Ikumusta mo na lang ako kay Albus Dumbledore, kasama ko siya dati sa Boy Scout kaya nahilig sa magic ang loko. Gustong masterin ang pagluluto ng itlog sa typewriting at ng di makayanan nag file ng application sa Hogwarts, magmamagic na lang daw siya.” Tawa ni Dr. Smith sabay alis na sakay ng wheel chair kasunod ang Pinay caregiver.


Kinamayan ni Steve, Mark, Big Bert, at Little John si Harry Potter. Si Jamie ay dahan dahang lumapit kay Harry at binigyan niya ito ng isang halik sa labi. Namula si Harry Potter. “Aalis napo ako at hinahanap na ako sa Hogwarts. May klase pa ako sa PhD ko sa wizardry.” Sabi ni Harry.

Bumukaka si Harry Potter at biglang hinablot ang nakausling hawakan sa pagitan ng kanyang hita sabay sigaw ng “Nimbus 5000 sa Hogwarts!” Nagulat si Harry Potter ng di siya lumipad. Maymaya ay lumapit si Little John at bumulong, “Harry Potter, ayun ang Nimbus 5000 oh, nakasandal sa dingding.” Tumingin si Harry Potter sa dingding at nakita niya ang nimbus 5000, tumingin din siya sa hawak niya at bigla siyang namula sa hiya. “Sa susunod kasi Harry Potter magbrief ka naman…” bulong ni Little John.

At muling napatunayan ni Voltes V at ni Harry Potter na ang kabutihan kailanman ay di magagapi ng kasamaan.

Saturday, May 19, 2007

Ang Bundok at ang Bulag

Sa bayan ng Pinagtampuhan ay may nakatirang isang bulag na palagiang umuupo sa kanyang balcon kaharap ang isang matayog at malawak at magandang bundok. Araw-araw siyang nakaupo rito at tuwing may dumadadaan ay sinisigawan nila ang bulag, “Ang ganda po ng pwesto ninyo, nakaharap kayo sa matayog at malawak at magandang bundok.” Parang tilaok ng manok na sinasasagot sila ng bulag, “Anong bundok, anong magandang bundok! “Ala namang bundok!” Noong una ay nagugulat ang mga dumadaan dahil sa galit sa boses ng bulag. Katagalan ay nasanay na sila at naging isang kasanayan na lang sa kanila ang gayong pagbati, at naging kasanayan na rin ng bulag and ganoong pagtugon.

Sa katagalan ay tumanda na ang bulag at nakikita ng mga tao na pumuputi na ang kanyang buhok. Lagi pa rin siyang umuupo sa kanyang balcon at laging nakatanaw sa matayog at malawak at magandang bundok. Nilalanghap niya ang matamis na hanging na dumadaan sa mga batuhan, mga batis, mga, puno at mga bulaklak sa matarik na gilid na bundok. Ang hanging ito ay dala-dala ang mga samyo ng kabundukan at araw-araw ay parang pintura ito na nagbibigay kulay sa mundo bulag. Iba-iba ang kulay dahil iba-iba ang timpla. Minsan matingkad pag lamang ang amoy ng mga bulaklak, minsan basa at madilim ngunit manamis-namis pag mas nakakalamang ang samyo ng nabubulok na mga dahon at mga puno, minsan naman maaliwalas pag nilaro muna ng hangin ang mga dahon ng matatas na puno sabay hahaluan ng amoy ng tubig na galing sa mga batis. Araw araw nararamdaman ito ng bulag at pumipinta ito sa kanyang isipan, isang pintura ng maliwanag at buhay na buhay larawan.

Dumaan ang mahabang panahon at umabot na sa paghihingalo ang bulag. Hangang kamatayan ay binabanggit niya na, “Walang bundok”. Binawian siya ng buhay at inilibing ng mga tao.

“Sayang,” wika ng mga tao, “Ang ganda ng pwesto ng kanyang balcon, tapat na tapat sa paanan ng matayok at malawak at magandang bundok. Sayang at ni minsan hindi niya ito nasulyapan. Sayang dahil di siya makapaniwalang may matayog at malawak at magandang bundok sa harap niya. Sayang at di niya ito nasulyapan.”


Ang bulag ay di makapaniwalang may bundok ngunit nilalanghap niya ang matamis na hanging na dumadaan sa mga batuhan, mga batis, mga, puno at mga bulaklak sa matarik na gilid ng bundok. Ang hanging ito ay dala-dala ang mga samyo ng kabundukan at araw-araw ay parang pintura ito na nagbibigay kulay sa mundo ng bulag. Iba-iba ang kulay dahil iba-iba ang timpla. Minsan matingkad pag lamang ang amoy ng mga bulaklak, minsan basa at madilim ngunit manamis-namis pag mas nakakalamang ang samyo ng nabubulok na mga dahon, minsan naman maaliwalas pag nilaro muna ng hangin ang mga dahon ng matatas na puno sabay hahaluan ng amoy ng tubig na galing sa mga batis. Araw araw nararamdaman ito ng bulag at naipipinta niya ito sa kanyang isipan ang isang maliwanag at buhay na buhay, ang isang matayog at malawak at magandang bundok tulad ng bundok sa harap ng kanyang balcon. Hindi lamang niya alam na bundok pala ang tawag dito dahil ni minsan sa tanang buhay niya di pa siya nakakita ng bundok.

At nakahimlay ang bulag sa paanan ng bundok. Habang naghihinayang ang mga tao sa magandang luklok ng balcon. “Sayang, sa balcon ang ganda ng tanaw ng matayog at malawak at magandang bundok. Ang malas niya at bulag siya.”

Friday, May 18, 2007

Ang Baliw

Hindi niyo narinig ang ukol sa isang baliw na nagsindi ng lampara sa kaliwanagan ng katanghalian, tumakbo sa pamilihan, at walang humpay na nagsisigaw, “Nasaan ang Diyos! Hinahanap ko ang Diyos!” Sa mga marami na nakatindig sa paligid na hindi naniniwala sa Diyos, nakakuha siya ng halakhak at tawa. Bakit, naligaw ba siya? Sabi ng isa. Naligaw ba siya tulad ng isang musmos na paslit? Sabi din ng isa. O baka nagtatago? Takot ba siya sa atin? Baka may pinuntahan? O nangibang bayan? Sigaw at at tawa nila. Ang baliw ay tumalon sa kalagitnaan nila at tinitigan niya sila ng matatalim at nanlilisik.

“Nasaan ang Diyos?” Piyaok niya. “Sasabihin ko sa inyo. Pinatay natin siya—ikaw at ako. Lahat tayo ay mamatay niya. Ngunit papaano natin ito nagawa? Papaano natin nahigop ang dagat? Sino ang nagbigay sa atin ng basahan upang burahin ang buong kalawakan? Papaano natin kinalas ang tanikala nitong mundo mula sa araw? Saan ito patungo ngayon? Saan tayo patungo ngayon? Papalayo ba sa mga araw? Hindi ba tayo patuloy na bumubulusok” Paatras, patagilid, pasulong, sa lahat ng direksyon? May roon pa bang pababa at pataas? Hindi ba tayo papaligaw sa walang hangang kawalan? Hindi ba natin nararamdaman ang hininga ng kawalan? Hindi ba malamig na? Hindi ba ang gabi at mas marami pang gabi ang dumarating? Hindi ba dapat magsindi ng lampara sa katanghalian? Hindi ba natin naririnig ang mga sepulturero na naglilibing sa Diyos? Hindi pa ba natin naamoy ang pagkaagnas ng Diyos? Naagnas din ang mga Diyos. Patay na ang Diyos. At nanatiling patay ang Diyos. At pinatay natin siya. Papaano, tayo na mga mamamatay ng mga mamamatay, kakalamayin ang ating mga sarili? Papaano na ang pinakabanal at pinakamakapangyarihan na naging ari ng mundo ay naubusan ng dugo sa ilalim ng ating mga patalim. Sino ang mgapupunas ng dugo? Anong tubig ang nandiyan na maghuhugas sa ating mga sarili? Anong kapistahan ng pag lilinis, mga banal na palaro ang kailangan nating kathain? Hindi ba ang kapalaluan ng gampaning ito ay sadyang napakabigat para sa atin? Hindi ba kailangan na tayo ay maging diyos upang maging karapat-dapat dito? Hindi pa nagkakaroon ng mas higit na ganapin; at sinumang mga ipanganganak paglipas natin—para sa kapararakan ng ganaping ito ay magiging kasalo ng isang mas mataas na kasaysayan sa lahat ng kasayasayan.”

Dito nanahimik ang baliw at muling tinitigan ang kanyang mga tagapakinig; sila ay nanahimik at tumitig sa kanya sa kamanghaan. Sa wakas ibanalibag niya ang lampara sa lupa, nabasag ito at namatay. “Napaaga ako ng dating,” wika niya; “di pa dumadating ang aking panahon. Itong kagimbal-gimbal na pangyayari ay paparating pa lamang, malayo pa at nagliliwaliw—di pa nito nararating ang pandinig ng tao. Kidlat at kulog ay nangangailangan ng oras, ang kinang ng mga bituin ay nangangailangan ng oras, ang mga gawa ay nangangailangan ng oras kahit na tapos na ito, bago ito masaksihan at marinig. Itong ganaping ito ay mas malayo pa kaysa sa pinakamalayong mga bituin—pero naganap na nila ito.”

Napagalaman ng araw ding yaon na ang baliw ay pumasok sa ibat-ibang mga simbahan at doon inawit niya ang awit para sa yumaon para sa Diyos. Hinila palabas at pinapaapanagot, sinabing ang kanyang palaging tugon ay, “Ano ba itong mga simbahan na ito ngayon kung hindi mga libingan at sepulturo ng Diyos?”


--Friedrich Nietszche

Thursday, May 17, 2007

Ang Tamang Pagpatay ng Lamok

Ang nasirang ama ko ay sadyang makalokahan. Siguro sa kanya ko namana ang aking kakaibang sense of humor. Andiyan yung ilalagay sa supot yung utot niya at biglang pakakawalan sabay tatawa, andiyan yung ang himbing himbing ng tulog ko at biglang akong magigising dahil mahapdi ang mukha dahil sapul na sapol ito ng nagngangalit na sinag ng katanghaliang araw. ‘Yun pala binuhat ako ng loko-loko ng tulog kasama unan at kumot at inilapag sa kahoy na tulay na dadaanan ng tao tuwing tag-ulan at baha. Sus maryanong garipones, basang basa ng panis na laway ang mukha ko at balot ng mapanghing kumot sa gitna ng daang tulay…sarap pumatay ng tatay. Ganyan ang tatay ko, maloko. Siguro sa iba tatawaging may diperensya ama ko, maaring yung iba, lalo na sa panahon ngayon eh ipahuli ang tatay ko sa DSWD at ipaampon kami sa mga Amerikanong bulok. Pero yung kalokohan ng tatay ko eh masasabi kong iyon ang isang bagay na nagpamahal sa aming magkakapatid sa kanya. Kaya lang patay na ang kumag at kahit papaano eh hinahanap hanap ko rin ang pagpapatawa niya at ang magic supot niya na pag naghagis ka ng imbisibol na bola ay paglumagpak sa supot ay talaga namang ang lakas ng impak, lumalagutok yung supot. Tagal din akong nauto ng magic supot na to, grabe tanga ko. Ginawa ko yun nung umakyat sa Baguio. Ipinakita sa pamangkin kong si Ycoi yung magic supot. Hawak hawak ko ang supot at ipinakita sa kanya na walang laman ang aking kamay ngunit ng hinagis ko ang imbisibol na bola, lumalagapak pag lumalanding sa supot. (Tumulong ang anak ko na si Bebang at ang pinsan ni Yoci sa ama na si Vi, pagkaisahan namin si Ycoi.) Tuwang –tuwa ang inosenteng mokong at pinagod ako sa kahahagis ng imbisibol na bola. Ilang taon kayang dadalin ni Ycoi ang magic supot at pagtanda niya sasabihin niya siguro, “Loko loko si tito George a, nauto ako ng magic supot!” Yan ang pamana sakin ng nasirang Bentot, ang tatay ko, kalokohan.

Hindi ko to makakalimutan isang beses. Ako ay nilalamok at panay ang hataw ko sa braso, sa paa, sa mukha at kung saan man dumapo ang mga makukulit na lamok. Hanggang ngayon natatawa ko sa erpat ko eh. Ang sabi niya, “Anak hindi ganyan ang pagpatay ng lamok. Ganito: “Una, busugin mo muna ang lamok hangang mabunggang. Tingnan mo to”, sabay turo sa lamok sa braso niya na lumobo na sa dami ng dugo na nasipsip. Aba, hindi na makalipad ang insekto dahil sa hatak ng gravity sa tiyan nito. “Pagbusog na ang lamok at halos hindi na makalipad, pitikin mo”. Ay, talaga namang sumasambulat ang dugo pagpitik ng tatay ko. “Tay bakit naman kailangan ko pang gawin yan?” tanong ko. “Kasi pag hinataw mo yan lalong babaon yung karayom na panipsip ng dugo niyan. Eh pagpinitik mo, sabog ang loko kasama karayom”

May katwiran ang kumag, may katwiran.

Wednesday, May 16, 2007

Si Mrs. Gonzaga

Lahat kaming magkakapatid ay nagtapos sa Mababang Paaralan ng San Juan Yunit 1. Mula sa ate ko, sa kuya ko, sa diche ko, sa akin (sangko), kay Daday, hanggang sa dalawa naming ampon na si Rolanado, at kay Beng na aming bunso.

Isang tanghali ay mat tumatawag sa gate naminn. Pupungas pungas ako at nagtatanggal pa ng mutang lumabas at nabigla ako dahil si Mrs. Gonzaga ang nasa gate kasama si Mrs. Perez. Si Mrs. Gonzaga y naging guro naming lahat nung kami ay nasa unang baitangg pa lamang. Kaya medyo alamat na siya sa akin at para sa akin ay isa siyang immortal—di tumatanda at di mamamatay.

Kinumusta niya kaming lahat, nagkaroon ng konting balik tanaw at maraming ala-ala ang bumalik sa akin. Naalala ko na itong si Mrs. Gonzaga ang titser na madalas kaming hubuan sa harap ng klase. Huhubuan niya kaming magugulo at pagkatapos ay kukuha siya ng ruler at susukating ang aming mga birdie. Pagkatapos ipapalista nito sa mga kaklase ko ang mga sukat at saka magtatawanan pag isinigaw kung kanino ang pinamaliit na bird. Kami naman, habang nagtatawanan sila ay kumekembot pa! Ni minsan ang ganitong klaseng parusa ni Mrs. Gonzaga ay di nagtatak ng anumang kabuktutan sa aming isipan. Di namin ito nabigyan ng anumang masamang kulay. Siguro pag may gumawa nito ngayon eh kulong, pero noon masaya kami, nagkakatuwaan lang. Di namin, kailanman mairereklamo si Mrs. Gonzaga. Miski mga magulang namin nakikitawa lang.

Pero iba yung nagyari ng ihataw ng isang titser yung chart sa ulo ko at sa iba kong kaklase. Aba, talagang sinumbong ko sa nanay ko. Ang tapang mo ha, sabi ko sa sarili ko, pahataw hataw ka pa ulo namin ng chart ha, eto katapat mo—ang nanay kong waray, ratatat, ratatat, ratatat.

Tiklop ang almoranas ng lola. Eh di pa nasiyahan ang nanay ko eh tinawag lahat ng mga nanay at pinulong sabay buong pwersang pumunta sa opisina ng prinsipal. Talagang ang nanay ina talaga.

Nakakatuwa lang na sa tagal ng panahon kilala pa rin kaming lahat ni Mrs. Gonzaga sa pangalan.

Tuesday, May 15, 2007

Talagang Hirap Ako

Matagal na akong nagpipilit magsulat sa English. Ito po ay aking ginagawa dahil karamihan ng nababasa kiong libro ay sa English at madalas pati pakikipagusap ko sa aking sarili ay English na rin. Wala akong pangarap maging manunulat, gusto ko lang magsulat. Catharsis yata tawag don, pang tanggal ng sakit ng muka sa mga bagay-bagay na nakikita at naririnig ko sa paligid at sa aking buhay at sa aking mga katanungan.

Katulad ng aking blog na That Strange Feeling na talaga namang that strange ang english, ang blog na ito ay para lang may magawa ako pag ako'y natutulala. Halo-halo din itong blog na 'to. Baka kasi kaiimbento ng english makalimutan ko na ang Filipino.