Wednesday, May 23, 2007

Nietzsche:Patay na ang Diyos, Isang Pagmumunimuni

Siguro sa mga pangkaraniwang Kristiyano, isang kabalintinuan ang isang katulad ko na naghahayag ng kanyang taimtim na pananampalataya sa Diyos na humanga at magbigay pugay sa isang di-naniniwala sa Diyos, isang laban-kay-Kristo at higit sa lahat isang galit sa relihiyon na si Friedrich Nietzsche. Bakit nga ba? Isang lang ang katwiran ko: Si Nietzsche ay isang tao na may lakas ng loob na ibulalas ng walang takot ang kamatayan ng Diyos—ang katotohanan na pinatay na o pinapatay natin ang Diyos. Siguro ang pangkariniwang tao ay titindigan ng balahibo at sasabihing, “Hindi kailanman mapapatay ang Diyos. “Ngunit iyan ba ang kamatayang tinutukoy ni Nietzsche? Sabi nga ni Tillich, “ di maaring -maging ang Diyos dahil ang Diyos ay labas sa pagiging.” Papaano mo papatayin ang Diyos na kailanaman man ay di maaring maging? Pinatay natin ang Diyos dahil nakikita at naamoy ni Nietzshe ang pagkaagnas ng Diyos mula sa institusyon-ang simbahan. Katulad ni Kierkegaard na mulat sa simbahang Luterano, nasaksihan niya ang institusyong simbahan, dahil na rin sa kalikasan nito, ay isang banta sa kasarinlan at kalayaan ng tao. Dito naghiwalay ng landas si Kierkegard at si Nietzsche; si Kierkegard ipinayagpag ang ka-sarinlan o kasarilihan ng relihiyon at ibinaba ang institusyon, samantalang si Nietzsche ay tuluyang isinuka ang institusyon, simbahan, at lakas loob na itinaas, ipinayagpag ang kasarinlan mg tao hanggang umabot sa pagpapahayag niya ng kamatayan ng Diyos.


Bilang isang nihilista o tagawasak naniniwala si Nietzsche na tao ang responsible sa tao, sa kanyang sarili. Sa paniniwala ni Nietzsche ay paulit-ulit ang kasaysayan—isang kaotohanan. Sa pag-inog ng kasayasayan ay darating ang mga taong walang takot dahil darating ang panahon na ang katapangan at kapusukan ay kikilalanin uli; bilang paghahanda sa nakakahintakot na katotohanan na darating ang panahon na wala na ang Diyos—o dumating na nga ito, siguro. Kailangan ng humigit ang tao—kailangan ng mga taong-higit. Dito ay binanggit ni Nietszche ang pangangailangan at pag-usbong ng mga taong namamagitan, Mga taong maghahanda sa pagdating ng kawakasan, ng kamatayan ng Diyos. Mga taong, “magigiting…mga taong nakatutok sa paghahanap ng mga bagay na dapat higitan; mga taong masasayahin, matiyaga, walang pagkukunwari, yamot sa lahat ng kapalaluhan, mga taong may pagpapakumbaba sa pagwawagi at mapang-unawa sa mga maliliit na kapalaluhan ng mga gapi…” Mga taong higit—mga magpapalaya.

Sa simbahan kasi nakita ni Nietzsche ang paghubog ng mga tao na maging isang mahina, alipin, at patay na mga tao, di malaya at walang katuturan ang pagiging. Nakita ni Nietzsche ang mga kasalanan ng Kristiyanismo. Kasalanan ng Kristiyanismo ngunit di kasalanan ni Kristo. Kaya ang buhos ng kapusukan ng litanya ni Nietzsche ay nakabuhos sa simbahan dahil nakikita niya ang kapangyarihan ng simbahan ng magbigay ng mga pangako at pag-asa sa mga tao na ayon na rin sa kanya ay nagreresulta sa pagiging mahina nila—kawalan ng kasarinlan at kakayahang lampasan ang kanilang sarili. Darating ang panahon magigising ang tao, magigising ang tao sa sarili niyang kasarinlan at magigising siyang patay na ang Diyos--pinatay natin. Kamatayan ng simbahan ang inaabangan, kamatayan ng Kristiyanong moralidad.

Sa paginog ng kasaysayan ay darating at darating ang panahon ng pagbabago, ang paghahari ng kaalaman. Ito ang isang kasiguruhan na ayon kay Nietzsche ay magbabadya sa kamatayan ng Diyos.”Sa wakas, ang paghahabol sa kaalaman ay maniningil: gugustuhin nitong maghari at ariin, kasama ka rin!”

Marami, maraming sinasabi si Nietzsche na makatotohanan at mapanghamon sa kaisipan lalo na kung ikaw ay isang Kristiyano. Dapat ba siyang katakutan?

Siguro isang kakitiran at kamangmangan na ituring ang mga taong katulad ni Nietzsche bilang mga alagad at kampon ni Satanas at ni Baal. Mga tao na dapat na binibigyan ng panalanging emprekatoryo upang kuhanin ng mga demonyo at sunugin ang kanilang mga kaluluwa sa walang katapusang kumukulong asupre ng impyerno. Naala ko ang sinabi ng isa kong hinahangaan, ngunit di sinasambang, teologo, “ ang mga salita at sulatin ni Nietzsche ay nagpapatunay ng malalim niyang pagkaunawa sa Diyos. Mas malalim pa sa mga taong tinatawag ang sariling mga Kristiyano…” At marami ang nagsasabi, isa na ako doon, na si Nietzsche ay may malalim na pananampalataya sa Diyos—isang pananampalatayang inihayag niya sa kabaligtaran. Dapat bang katakutan si Nietzsche? Kung ako ang tatanungin dapat siyang pakinggan pero babala rin ng isang teolog si John Hick na ang mga tulad ni Nietzsche ay dapat pakinggan, at kapakipkinig ngunit maari ring di paniwalaan.

Isa lang naman ang buto at binhi ng kaisipan ni Nietzsche—kalayaan. Kalayaan sa mga tanikala ng simbahan at ng tanikalang iginapos nito sa kaisipan ng tao. “Ang mga simbahan ay libingan ng Diyos.” Ang pananampalatanya at litanya at mga sakramento, at mga alitaktak at mga gawa at mga deklarasyon at mga interpretasyon ng simbahan na ang nagiging Diyos—mamamatay nga ang Diyos pagganito! Kitang kita ito ni Nietzsche gaya ng isang baliw na nagsindi ng ilaw sa gitna ng katanghalian!

Nakakapagilabot sa nakita ni Nietzsche ay ang kamatayan ng Diyos ngunit buhay pa rin ang simbahan.

Siguro si Nietzsche ay nanawagan lamang sa pagbabalik ng pananampalataya sa tunay at tamang tirahan nito—sa kasarinlan ng tao, mula sa Diyos. Ang pagbabalik sa pananampalatayang nakatutok at umiinog sa kasarinlan ng tao sa paghawak at pagunawa sa Diyos—pagbabalik sa panahon ng kamusmusan, bago ang pagtatatag ng mga simbahan na naging at nagiging Diyos at naging at nagiging libingan ng Diyos.

Tulad ng pananampalataya ni Kristo at ng musmos, simple at banal.

(Maaring nagtatanong ang iba kung bakit ako nagsisimba kung ako ay tumatanaw sa katwiran ni Nietzsche. Baptist po ako at naniniwala ako na kung naging Baptist si Nietzsche ay maaring maging di siya ganito kamuhi sa simbahan, pangkalahatan.)
(Hindi po yung sanga ng Baptist na makikitid tulad ng mga Pundamentlistang Baptist na ang tingin ay sila lang ang aakayat sa langit at ang Diyos ay nakakulong sa King James Bible. Patay tayo dyan sa mga yan!)

No comments: