Sa bayan ng Pinagtampuhan ay may nakatirang isang bulag na palagiang umuupo sa kanyang balcon kaharap ang isang matayog at malawak at magandang bundok. Araw-araw siyang nakaupo rito at tuwing may dumadadaan ay sinisigawan nila ang bulag, “Ang ganda po ng pwesto ninyo, nakaharap kayo sa matayog at malawak at magandang bundok.” Parang tilaok ng manok na sinasasagot sila ng bulag, “Anong bundok, anong magandang bundok! “Ala namang bundok!” Noong una ay nagugulat ang mga dumadaan dahil sa galit sa boses ng bulag. Katagalan ay nasanay na sila at naging isang kasanayan na lang sa kanila ang gayong pagbati, at naging kasanayan na rin ng bulag and ganoong pagtugon.
Sa katagalan ay tumanda na ang bulag at nakikita ng mga tao na pumuputi na ang kanyang buhok. Lagi pa rin siyang umuupo sa kanyang balcon at laging nakatanaw sa matayog at malawak at magandang bundok. Nilalanghap niya ang matamis na hanging na dumadaan sa mga batuhan, mga batis, mga, puno at mga bulaklak sa matarik na gilid na bundok. Ang hanging ito ay dala-dala ang mga samyo ng kabundukan at araw-araw ay parang pintura ito na nagbibigay kulay sa mundo bulag. Iba-iba ang kulay dahil iba-iba ang timpla. Minsan matingkad pag lamang ang amoy ng mga bulaklak, minsan basa at madilim ngunit manamis-namis pag mas nakakalamang ang samyo ng nabubulok na mga dahon at mga puno, minsan naman maaliwalas pag nilaro muna ng hangin ang mga dahon ng matatas na puno sabay hahaluan ng amoy ng tubig na galing sa mga batis. Araw araw nararamdaman ito ng bulag at pumipinta ito sa kanyang isipan, isang pintura ng maliwanag at buhay na buhay larawan.
Dumaan ang mahabang panahon at umabot na sa paghihingalo ang bulag. Hangang kamatayan ay binabanggit niya na, “Walang bundok”. Binawian siya ng buhay at inilibing ng mga tao.
“Sayang,” wika ng mga tao, “Ang ganda ng pwesto ng kanyang balcon, tapat na tapat sa paanan ng matayok at malawak at magandang bundok. Sayang at ni minsan hindi niya ito nasulyapan. Sayang dahil di siya makapaniwalang may matayog at malawak at magandang bundok sa harap niya. Sayang at di niya ito nasulyapan.”
Ang bulag ay di makapaniwalang may bundok ngunit nilalanghap niya ang matamis na hanging na dumadaan sa mga batuhan, mga batis, mga, puno at mga bulaklak sa matarik na gilid ng bundok. Ang hanging ito ay dala-dala ang mga samyo ng kabundukan at araw-araw ay parang pintura ito na nagbibigay kulay sa mundo ng bulag. Iba-iba ang kulay dahil iba-iba ang timpla. Minsan matingkad pag lamang ang amoy ng mga bulaklak, minsan basa at madilim ngunit manamis-namis pag mas nakakalamang ang samyo ng nabubulok na mga dahon, minsan naman maaliwalas pag nilaro muna ng hangin ang mga dahon ng matatas na puno sabay hahaluan ng amoy ng tubig na galing sa mga batis. Araw araw nararamdaman ito ng bulag at naipipinta niya ito sa kanyang isipan ang isang maliwanag at buhay na buhay, ang isang matayog at malawak at magandang bundok tulad ng bundok sa harap ng kanyang balcon. Hindi lamang niya alam na bundok pala ang tawag dito dahil ni minsan sa tanang buhay niya di pa siya nakakita ng bundok.
At nakahimlay ang bulag sa paanan ng bundok. Habang naghihinayang ang mga tao sa magandang luklok ng balcon. “Sayang, sa balcon ang ganda ng tanaw ng matayog at malawak at magandang bundok. Ang malas niya at bulag siya.”
No comments:
Post a Comment