Hindi niyo narinig ang ukol sa isang baliw na nagsindi ng lampara sa kaliwanagan ng katanghalian, tumakbo sa pamilihan, at walang humpay na nagsisigaw, “Nasaan ang Diyos! Hinahanap ko ang Diyos!” Sa mga marami na nakatindig sa paligid na hindi naniniwala sa Diyos, nakakuha siya ng halakhak at tawa. Bakit, naligaw ba siya? Sabi ng isa. Naligaw ba siya tulad ng isang musmos na paslit? Sabi din ng isa. O baka nagtatago? Takot ba siya sa atin? Baka may pinuntahan? O nangibang bayan? Sigaw at at tawa nila. Ang baliw ay tumalon sa kalagitnaan nila at tinitigan niya sila ng matatalim at nanlilisik.
“Nasaan ang Diyos?” Piyaok niya. “Sasabihin ko sa inyo. Pinatay natin siya—ikaw at ako. Lahat tayo ay mamatay niya. Ngunit papaano natin ito nagawa? Papaano natin nahigop ang dagat? Sino ang nagbigay sa atin ng basahan upang burahin ang buong kalawakan? Papaano natin kinalas ang tanikala nitong mundo mula sa araw? Saan ito patungo ngayon? Saan tayo patungo ngayon? Papalayo ba sa mga araw? Hindi ba tayo patuloy na bumubulusok” Paatras, patagilid, pasulong, sa lahat ng direksyon? May roon pa bang pababa at pataas? Hindi ba tayo papaligaw sa walang hangang kawalan? Hindi ba natin nararamdaman ang hininga ng kawalan? Hindi ba malamig na? Hindi ba ang gabi at mas marami pang gabi ang dumarating? Hindi ba dapat magsindi ng lampara sa katanghalian? Hindi ba natin naririnig ang mga sepulturero na naglilibing sa Diyos? Hindi pa ba natin naamoy ang pagkaagnas ng Diyos? Naagnas din ang mga Diyos. Patay na ang Diyos. At nanatiling patay ang Diyos. At pinatay natin siya. Papaano, tayo na mga mamamatay ng mga mamamatay, kakalamayin ang ating mga sarili? Papaano na ang pinakabanal at pinakamakapangyarihan na naging ari ng mundo ay naubusan ng dugo sa ilalim ng ating mga patalim. Sino ang mgapupunas ng dugo? Anong tubig ang nandiyan na maghuhugas sa ating mga sarili? Anong kapistahan ng pag lilinis, mga banal na palaro ang kailangan nating kathain? Hindi ba ang kapalaluan ng gampaning ito ay sadyang napakabigat para sa atin? Hindi ba kailangan na tayo ay maging diyos upang maging karapat-dapat dito? Hindi pa nagkakaroon ng mas higit na ganapin; at sinumang mga ipanganganak paglipas natin—para sa kapararakan ng ganaping ito ay magiging kasalo ng isang mas mataas na kasaysayan sa lahat ng kasayasayan.”
Dito nanahimik ang baliw at muling tinitigan ang kanyang mga tagapakinig; sila ay nanahimik at tumitig sa kanya sa kamanghaan. Sa wakas ibanalibag niya ang lampara sa lupa, nabasag ito at namatay. “Napaaga ako ng dating,” wika niya; “di pa dumadating ang aking panahon. Itong kagimbal-gimbal na pangyayari ay paparating pa lamang, malayo pa at nagliliwaliw—di pa nito nararating ang pandinig ng tao. Kidlat at kulog ay nangangailangan ng oras, ang kinang ng mga bituin ay nangangailangan ng oras, ang mga gawa ay nangangailangan ng oras kahit na tapos na ito, bago ito masaksihan at marinig. Itong ganaping ito ay mas malayo pa kaysa sa pinakamalayong mga bituin—pero naganap na nila ito.”
Napagalaman ng araw ding yaon na ang baliw ay pumasok sa ibat-ibang mga simbahan at doon inawit niya ang awit para sa yumaon para sa Diyos. Hinila palabas at pinapaapanagot, sinabing ang kanyang palaging tugon ay, “Ano ba itong mga simbahan na ito ngayon kung hindi mga libingan at sepulturo ng Diyos?”
--Friedrich Nietszche
No comments:
Post a Comment