Monday, May 28, 2007

Ang Mga Taga-akay


Sa Bayan ng Pinagtampuhan ay pinagkakapitagan ang mga tinatawag nilang taga-akay. Sila ang mga taong matagal ng kilala na nagdadala sa mga deboto sa bundok ng Pinagtampuhan. Mga deboto daw ng misteryo ng buhay, mga taong nagsisipag-aral kung ano ang kahulugan ng buhay, ito ang inaari nila. Ang mga taga-akay ay mga tahimik na tao, mga walang kibo, ni hindi nagugulat sa anumang pangyayari sa kapaligiran nila. May kwento pa tungkol sa isang taga-akay na hindi man lamang tuminag ng mabagsakan ng isang patay na puno. Ito ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay—misteryo ng kapayapaan.

May mga deboto na umuuwi ng luhaan, “wala namang katoohanan ang ari ng mga taga-akay! Wala silang misteryo pagkat sila’y mga pipi!” Mayroon din gustong pagbabatuhin hanggang mamatay ang mga taga-akay. “mga bingi, mga pipi mga walang silbi!” Ni hindi man lang pumasok sa isip ng mga taong ito na ni minsan ay di sila inakit ng mga taga-akay. Sa halip ang umakit sa kanila upang umakayat sa Bundok ng Pinagtampuhan ay ang alamat na bumabalot sa mga taga-akay. Ang mga luhaang umuwi at galit sa mga taga-akay ay bumalik sa mundo nila na puno ng kasiyahan at puno ng ingay. Ngunit kahit anong galit nila sa mga taga-akay at kahit anong gusto nilang kasamaan na gawin sa mga taga-akay ay taon-taon bumabalik sila upang tikman ang katahimikan.

May mga naiiwan, tumatagal ng taon, at sa katagalan ng katahimikan ng pakikisama nila sa mga taga-akay ay namamatay na ang pandinig at bandang huli ay umuurong na ang dila. Mga taong sa huli ay nagpapatuloy sa alamat ng mga taga-akay.
-
May isang lalaki ang di tumagal sa kapulungan ng mga taga-akay. Siya ay bumalik sa kanyang dating maingay na buhay. Ngunit paminsan minsan siya ay nakikitang nakikinig sa bukas na radio pero sarado ang palakasan, nanunuod sa piping telebisyon, nagbabayad ng mga taong palausap upang tumabi sa kanya at manahimik…nagpapaandar ng mga plakang blanko… malungkot…gustong bumalik sa mundo ng taga-akay ngunit alam niyang kailanman ay di siya tatagal sa nakabibinging katahimikan.

No comments: