Genesis 1:1 “Nang pasimula ay Diyos…
Sa paghahanap ng isang matatag na tuntungan ng pagsasaliksik at paglalakbay ng katotohanan ukol sa pananampalataya, ang pag-tuntong sa pagiging ng sarili ang isa sa pinaka-matatag. Sa pagbabasa ng mga alamat sa Bibliya makikita natin na sa mga propeta, na kung saan nagmula ang Hudaismo, nakipag-usap ang Diyos—sa tao, at sa kaysayan ng Israel ay nagkaroroon ng pagii-sang dibdib at pagiisang-isip si Jehovah sa mga taga-Israelita. Bakit natatangi si Jehovah sa mga Israelita? At bakit itinangi ni Jehovah ang mga Isarelita? Ang kaagarang sagot dito ay ang tipan, tipan sa pagitan ni Jehiovah at ng mga taga Israelita. Ang tipanang mula sa direktang pakkitungo ni Jehovah sa mga propeta bago ang tipanan ni Jacob.
Unang dapat mapansin sa relasyong Jehovah at mga Israelita ay ang papel ng Propeta. Siguro isang ligtas na sabihin na ang mga propeta ay tagapamagitan ni Jehovah sa pakikitungo niya sa mga Israelita, maliban dito ay mahirap ng ipaliwanag ang gawain nila dahil na rin karamihan sa kanila ay labas sa pag-inog ng kanilang mga pamayanan. Sila’y mga tao na may kapangyarihan ay ang kakayahang makipag-usap kay Jehovah. Sila ang mga saksi ng mga sinaunang pakikipagtipanan ng ni Jehova.
Ang pananampalataya ng mga Israelita noon ay isang pananampalataya na tunay namang nakatindig sa mga karanasan ng mga tao-- sa mga propeta. Mula sa mga hari, ang propeta ay may isang mahalagang papel na tagapayo, tagapigil, tagasingil at tagaputong. Bakit nga ba napakalaki ng kapangyarihan ng mga taong ito gayong karamihan sa kanila ay napagkakamalang mga baliw--ang alamat na ang Diyos ay kumakausap lang sa taong nahigitan ang kanyang pagkatao.
Pumapaliwanag ang pakikipagugnayan ng mga Israelita at ang pagtatangi nila sa mga propeta sa katotohanang sa tao nagmumula ang pag-hango ng pagkaunawa sa Diyos. Ano nga ba ang propeta? Sa pag-aaral ng Matandang Tipan isa lang ang hindi maipagkakaila, lalo na sa buhay ng mga makakapangyarihang mga tagapagsalita na ito ni Jehovah, sila ang mga taong tunay na nakakikilala sa sarili nila, mga baliw, mga taong nalampasan ang kanilang mga sarili, mga taong mas mataas sa anyong katinuan ng nakararami. Mula sa mga pinakatanyag na propetang sila Elija, Elias hanggang kay Juan Bautista, labas sila sa tinatawag na katinuan ng pamayanan; mga kumakain ng kulisap at mga nagsusuot ng damit na sako at mga nakatira sa mga yungib.
Magkaiba ang papel ng mga pari at ng mga propeta. Para sa propeta si Jehovah ay isang tinig sa loob ng kanilang pagkatao, isang makapangyarihang tinig na ni minsan ay di nila tinangkang ipaliwanag at akuin at alipinin at isalarawan, ipinahahayag lang nila. Isang tinig na kasama ng kanilang pagkatao at kung minsan mang tumatahimik, kasama ito ng pagtahimik ng kanilang mga saloobin. Tumahimik at nangamatay ang mga propeta ng maganap ang isang katotohanan sa kasaysayan—iyan ay ng pasimulang isalin ang kalikasan ni Jehovah sa wika ng mga Israelita. Siguro dito ko buong tapang na sa balik tanaw ay sasabihing nagsimula ang kamatayan ng tunay na pagkakilala nila kay Jehovah.
Pagpasok ng Judaismo nung panahon ni Ezra at ng pasimulan ang pagliliwat kay Jehovah mula sa saloobin ng tao sa pagsasawika niya. Dito ay nagsimula ang isang malaking nilikhang katotohanan ng mga Israelita na nahuli na nila ang isip at kaluluwa ni Jehova sa mga inliwat na mga sulatin ng mga propeta, manunulat, at mga tagaturo. Hanggang ang kaisipan at kaluluwa ni Jehova ay nailiwat sa mga batas, na binakuran ng mga batas, na binakuran pa ng mga batas. Sa huli ay naihiwalay sa mga taga-Israelita si Jehovah. Nang hubugin ng mga taga-Israelita ang anyo ni Jehovah ayon sa kanilang wangis ay tumahimik ang mga propeta dahil saan ba ngayon makikinig ang mga Israelita, sa propeta o sa aklat—karunungan. Ang naging tagalinang ng mga wangis ng Diyos para mga taga-Israelita ay ang mga pari na malaki ang naging papel sa pagkabali ng kalikasan ng Diyos bilang isang Esperitu. Siguro ligtas na sabihin na ng simulang iliwat ang mga kautusan mula sa puso ng tao patungo sa titik upang mabantayan ito, ay dito nagsimula ang napakalaking kasalanan ng mga taga-Isaraelita—ang idolatriya. Sa pagbabantay nila upang mapanatili ang kakanyahan ng Diyos ay nawaglit sa isip nila na ginawaan na nila ng wangis ang Diyos sa wangis na likha na rin ng mga kamay nila.
Nang simulang ilabas ng tao ang Diyos sa kanilang sarili ay nagsimula na ang paghahanap ng tao sa Diyos sa labas ng kanyang sarili. Umusbong ang kaisipang emperesismo na kung saan kailangang patunayan ang Diyos labas sa kasarinlan at kalikasan ng tao. Andiyan din ang mga taong naghahanap sa Diyos sa pamamagitan ng katwiran, karanasan atbp. Wala namang mali sa paghahanap sa Diyos sa mga nabanggit na pamamaraan ang katinuan lamang at ang pangngatwiran ang minsan ay bumabalakid.
Ngunit ano nga ba at sino nga ba ang Diyos? Malaki nag papel ng mga alamat sa sa pagkaunawa natin sa Diyos dahil sa mga alamat nakita ng mga tao ang walang kapaimbabawang kilos ng Diyos na ipinahahayag nila na may pag-aming ito ay di-arok ng kanilang pang-unawa. Katawa-tawa ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na kailanman ay di-maaring maganap Kamangha-mangha ang mga alamat dahil ito ay puno ng mga bagay na di kayang arukin ng katwiran. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito ay kasayasayang ng mga taong umaamin sa kanilang kapakumbabaan. Kamangha mangha ang alamat dahil ito ay kalipunan ng ugnayan ng tao at ng Diyos. Kamangha mangha ang mga alamat dahil ito lamang ang wastong panitikan na kayang ilarawan ang Diyos na walang pagkukunwari at limitasyon ng karunungan at katwiran at kasinungalingan ng pagiging maka-agham.
Ang mga alamat ang isa sa pinakamatibay na testamento ng Diyos ngunit ang alamat ay nasaisulat na rin, ibig ba sabihin ay isang narin itong idolatriya? Ang mga naisulat na mga alamat ay nag papahiwatig ng pagkamangha ng tao sa Diyos na ginamitan ng wikang hindi hiwalay sa kanyang karanasan at pagkatao di katulad ng mga batas na kung saan inihiwalay ang Diyos sa karanasan at sa pagkamangha sa Diyos at hindi mula sa kaibuturan ng kalikasan ng tao. Ang batas ay panglabas ang mga alamat ay pangloob. Ito ang hinigitan ni Kristo ang batas (Romans 10:4). Ano pat inako niya na siya ang kaganapan nito—isang tao, tunay na Diyos—ang tunay na imahe ng Diyos na hinigitan ang wangis na ginawa ng mga Israelita.
Ang kapanganakan ng isang bagong alamat! Ang bagong wangis ng Diyos na inukit ng Banal na Esperitu.
(Ang alamat po dito ay hindi iyong mga pangkaraniwang alamat na kung saan nagmula ang isang bagay. Anga lamat po na tinutukoy dito ay ang pagpapahayag ng pag-kaunawa at pananamplataya ng tao na hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang-nakasandal-sa-talinong uri ng panitikan.)
No comments:
Post a Comment