Thursday, May 24, 2007

Kaligtasan

Ako ay naligtas sa kasalanan noong ako ay maglalabingtatlong taong gulang. Ngunit di talaga naligtas. Ganito ang pangyayari. Mayroong isang malaking pamamahayag sa simbahan ng Tiya Reed ko. Gabi-gabi, makailang linggo ay maraming pagpapahayag, pag-aawitan, pananalangin, at sigawan, at maraming maksalanang may pusong bato ang nailapit kay Kristo, at ang kasapian ng iglesya lumago. Bago matapos ang pamamahayag, nagkaroon sila ng isang pagpupulong para sa mga bata, “upang ilapit ang mga musmos na kordero sa kawan.” Ang tiyahin ko ay mga ilang araw din akong kinausap tungkol dito. Nung gabing ‘yon ay inakay ako sa unang pila ng upuan at pinaupo sa bangkuan ng mga magsisisi kasama ang ibang mga batang makasalanan na hindi pa nailalapit kay Jesus.
Sinabi ng tiyahin ko na kapag ikaw ay naligtas ay makakakita ka ng liwanag, at may magaganap sa saloobin mo! At pumasok si Jesus sa iyong buhay! At ang Diyos ay mapapasaiyo magmula nuon! Sinabi niya na makikita mo at maririnig mo at mararamdaman mo si Jesus sa iyong kaluluwa. Pinaniwalaan ko siya. Narinig ko rin ito sa maraming matatanda na nagsasasbing ganoon nga, at para sa akin ay dapat lang nila itong malaman. Kaya, mapayapa akong naupo sa mainit, punong simbahan, naghihintay kay Jesus na lumapit sa akin.
Ang mangangaral ay naghayag ng isang kahanga-hangang maindayog na mensahe, may ungol at sigaw at mga lumbay na sigaw ng isang kahindik-hindik na larawan ng impyerno, at bigla siyang umawit ng awit na patungkol sa siyam na pu’t siyam na ligtas sa loob ng kawan, ngunit may isang munting kordero ang naiwan sa lamigan. At sinabi ng mangangaral: “Di ka ba lalapit? Di ka ba lalapit kay Jesus? Mga musmos na kordero, di ba kayo lalapit?” At ibinuka niya ang kanyang mga bisig patungo sa upuan naming mga munting makasalanan. At umatungal ang mga batang babae, at ang iba sa kanila ay agad lumukso at lumapit kay Jesus. Pero karamihan sa amin ay nakaupo lang.
Maraming mga matatanda ang lumapit at lumuhod palibot sa amin at nanalangin, mga may edad ng mga kababaihan na maiitim ang mga mukha at nakapusod ang buhok, mga matatandang kalalakihan na pinudpod ng trabaho ang mga kamay. At ang buong iglesya ay umawit ng isang himig patungkol sa mga kumbabang ilaw na mga nagliliwanag, mga abang makasalanan na mga ililigtas.
Gayon paman, hinihintay ko pa ring makita si Jesus.
Sa wakas ay nagtayuan na ang mga bata at tumungo sa altar at manganaligtas, maliban sa isang batang lalaki at sa akin. Anak siya ng isang batugan, si Westley. Si Westley at ako ay napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono na nananalangin. Ang init sa loob ng simbahan, at maggagabi na. Bandang huli tumayo si Westley at sinabi sa akin: “Parusa ng Diyos! Pagod nako sa kakaupo dito. Tumayo na tayo at mangaligtas.” Tumindig siya at naligtas.
Ano pa’t nagiisa na lamang ako sa upuan ng mga magsisisi. Lumapit ang tiyahin ko at lumuhod sa may paanan ko at umiyak, habang tuloy ang awitan sa loob ng maliit na simbahan. Ang buong iglesya ay nanalangin para sa akin lamang, mga naglalakasang hinakbi at bigkas. At ako ay buong taimtim na na naghihintay kay Jesus, naghihintay, naghihintay—ngunit di siya makapunta. Nais ko siyang Makita, ngunit walang naganap sa akin. Wala! Hinahangad kong may mangyari sa akin, ngunit wala.
Narinig ko ang mga awitan at ang mangangaral na sinasabi: “Bakit ayaw mong lumapit? Mahal kong anak, bakit ayaw mong lumapit kay Jesus? Hinihintay ka ni Jesus, hinihimok ka niya. Bakit ayaw mong lumapit? Kapatid na Reed anong pangalan ng batang ito?”
“Langston, po,” hikbi ng tiyahin ko.
“Langston, bakit ayaw mong lumapit? Bakit ayaw mong lumapit at maligtas? O, Kordero ng Diyos! Bakit ayaw mong lumapit?”
Talagang gumagagabi na. Nahihiya na ako, nagpapatagal. Nagsimula akong magtaka kung ano ang sasabihin ng Diyos sa ginawa ni Westley, na talaga namang hindi nakita si Jesus, ngunit ngayon ay taas noong nakaupo sa entablado, kumukuyakoy, at nakangiti sa aking napapalibutan ng mga kababaihan at mga diyakono, nakaluhod at nanalangin. Hindi itinumba at pinaslang ng Diyos si Westley sa pamumusong sa pangalan Niya o sa pagsisinungaling sa loob ng simbahan. Kaya, nagpasya ako na upang maiwasan na ang pagtatagal, magsisinungaling na rin ako, at sabihing si Jesus ay dumating na; tumayo at maligtas.
Kaya tumayo na ako. Bigla na lamang bumaha ng sigawan ng makita nila akong tumayo. Mga alon ng pagpupuri ay pumaimbabaw sa simbahan. Nagtalunan ang mga kababaihan. Yinakap ako ng aking tiyahin. Ang mangangaral ay kinuha ang aking kamay at inakay ako sa entablado.
Nang huminahon na ang lahat, sa isang taimtim na katahimikan, binabasag ng rurok na mga “Amen,” lahat ng mga binagong kordero ay binasbasan sa pangalan ng Diyos. Ang simbahan ay nilunod ng mga masasayang awitan.
Nang gabing yun, sa huling pagkakataon sa buhay, maliban sa una—kasi ako ay isa ng mama, labing dalawang taong gulang—umiyak ako. Umiyak ako sa higaan, mag-isa, ‘di ko mapigilan. Tinabunan ko ng kumot ang aking muka, ngunit narinig ako ng tiyahin ko. Gumising siya at sinabi sa tiyuhin ko na akoy umiiyak dahil pumasok na ang Banal na Esperitu sa buhay ko, at nakita ko na si Jesus. Ngunit kaya ako lumuluha ay dahil di ko makuhang sabihin sa kanya na nagsinungaling ako, niloko ko lahat sila sa simbahan, hindi ko nakita si Jesus, at ngayon ako ay naniniwalang wala ng Jesus, mula ng hindi siya lumapit upang tulungan ako.




Langston Hughes, Salvation

No comments: