Tuesday, May 22, 2007

Si Prometheus at ang Karpintero


Nahabag ang dambuhalang si Prometheus sa mga taong namumuhay na parang mga hayop. Nakita niya ang karimlan na nakasukob sa daigdig nila, kadiliman na likha na rin ng kasalanan ng kanilang ninuno na Lupa, si Adamo. Ayon sa alamat ng mga tao, ang Lupa, na binigyang hugis at kaluluwa kasama ang kanyang maybahay na si Inang Itlog, o si Eba, na ukit na pirasong lupa galing sa tagiliran ng Lupa, ay sumuway sa kanilang Manlalalang ng angkinin nila ang karunungan na nagmulat sa kanilang kahubaran. Nang makita nila ang kanilang kahuburan, nakita nila ang kanilang kamatayan, at ng makita nila ang kanilang kamatayan, sinukuban ng kadiliman ng kasalanan ang kanilang daigdig. 


Upang tulungan ang mga tao kumuha si Prometheus ng apoy mula sa kabundukan ng mga diyos. Sa altar na kinalalagyan ng banal na apoy na kahit kailanman ay di namamatay--ang apoy ng mg diyos. Hindi alintana ng dambuhalang si Prometheus na magagalit sa kanya ang mga diyos at mga higante. “Ano ba naman ang mga diyos? Anak lamang namin silang mga dambuhala ng mundo. Ano ba naman ang mga higante kundi anak lamang ng mga diyos. ” Ito ang bulong sa sarili ni Prometheus ngunit alam niya na matagal ng nagkakaubos ang mga dambuhala. 

Matagal na silang kinakain ng mga diyos. Matagal na silang pinapinaslang ng mga higante. Ang laki nila ang kanilang kahinaan. Di nila nasabayan ang talino ng mga diyos at di nila nakayanan ang liksi ng mga higante. Iilan na lang silang dambuhalang natitira, mga laruan ng mga diyos. Si Prometheus ay kakaiiba sa ibang dambuhala dahil may kaalaman siya na pinagkait sa ibang dambuhala, may talino at damdamin siya, ngunit dambuhala pa rin siya. Natutunan na siyang igalang ng mga diyos at ng mga higante dahil sa kanyang karunungan.

Iniabot ni Prometheus ang sulo na may apoy na di namamatay sa mga tao, at ng malaman ng mga diyos at ng mga higante ang ginawa niya, siya ay iginapos ng tanikalang adamanyo sa batuhan ng Caucasus.



Itinakbo ng mga tao ang sulo. May alinlangan silang itinusok ang sulo sa gitna ng kanilang kapulungan. Sa unang pagkakataon ay naramdaman nila ang init nito. Init na tumatagos sa buto. Anuman ang dilim ng gabi, anuman ang init ng araw, ang init at liwanang ng sulo ay nanunuot, nagbibigay sa mga tao ng init hanggang kalooban ng kanilang katauhan. Parang isang sandok na humamahalo sa isang lutuin, nahalukay ang kalooban ng tao, naluto ang kanyang pagkatao.

Nakalikha sila ng mga tula at natutong mag-awitan. Dahil sa liwanag na dulot ng apoy, bumukas ang mga mata ng pagkamalikhain nila, nakalikha sila ng mga ukit, mga larawan at mga imahe. Natuto silang gumawa ng mga tahanan na una’y mga ukit sa mga gilid ng bundok lamang, ngunit dahil naging malikhain sila, ang mga yungib ay naging dampa, ang dampa ay naging kubo, ang kubo ay naging adobeng tahanan at ang adobeng tahanan ay naging pamayanan at gobyerno.

Dumating ang pagkakataon na ang sulo sa gitna ng kanilang kapulungan ay nagmistulang lampara na lamang. Parang lumiit sa laki ng iniunlad ng kanilang pamayanan. Napansin nila na ang dila ng apoy ay tinatangay, nagngangalit itong tinatangay, parang bulak lamang na nilalabanan and ihip ng hangin. Sa loob ng init at kaligtasan ng kanilang tahanan, nagsimulang mag-isip ang mga tao.

Nagtalaga ang pamayanan ng tagabantay sa sulo, sa apoy na di namamatay. Nagpagawa ng harang na salamin gawa sa mga susong dagat upang maisalag sa hangin na tumataboy sa apoy. Magarang salaming gawa sa susong dagat ang itinakip sa sulo. Maganda at nakakaakit, maraming ukit na hugis at maraming kulay. Naglalapitan ang mga tao at di maiwasang hawakan ito. Ang tagabantay ay nag-alala at ipinag-utos na bigyang galang ang salamin. Ito ay banal at walang sinumang dapat humawak dito ng wala niyang pahintulot. Nag-ulat ang tagabantay, “Ang salamin ay banal. Wag nyo tong hahawakan dahil pingangalagaan nito ang apoy na inihandog sa atin ni….” Nakalimutan na nila si Prometheus.

Nagpulong ang pamayanan kasama ang tagabantay ng salamin. “Mga mahal na pinuno, mula po ng ipagsabi kong banal ang salamin ay lalong nagdagsaan ang mga tao. Kailangan na po nating magpagawa ng maliit na kublihan para sa banal na salamin.” At nagpagawa sila ng maliit na kubli para sa salamin.

Dumating ang panahon na ang maliit na kublihan ng salamin kinaiipunan ng tao upang magdasal sa salamin. May mga nag-aalay at may mga nagdadasal. Huminig uli ng pulong ang tagabantay ng salamin. “Mga mahal na namumuno, kailangan na nating magpagawa ng isang gusali upang maikulong ang kublihan.” Kailngan na ring nating dagdagan ang tagapamahala ng gusali.” Nagtayo ang mga tao ng gusali at dumami ang tagapamahala.
Dahil sa kabanalan ng gusali, itinalaga ng mga tao na mas mataas na pinuno ang mga tagapamahala ng gusali, bantay ng kaligtasan—simbolo ng kapangyarihan.

Nagkaroon ng mga digmaan likha ng mga namumuno ng gusali, dahil sa mga taong tagapamahala ng gusali, dahil sa mga tagasunod ng mga tagapamahala, nagkahatihati ang mga bansa, nag karoon ng tagutom at mga panaghoy.

Nagkaroon ng himagsikan laban sa mga bantay ng gusali. Mga laban laban ng mga tagapamahala. Dumanak ang dugo ngunit walang nagtagumpay maliban sa isang karpintero. Dahil sa kamatayan niya natibag ang gusali, lumitaw ang kublihan, nagliwanag ang salamin at sa unang pagkakataon ay nasulyapan ang sulo. Hindi nangyari ito sa digmaan, kundi sa kamatayan ng isang karpintero. Dahil ipinako sa krus ang karpintero katulad ng nangyari kay Prometheus. Sa kamatayan ng karpintero namalasan ang tunay na laman ng gusali.

Nagdiwang ang mga tao. Nasulyapan ang apoy at naramdaman ang init at liwanag nito. Ngunit nakita nila ang nangyari sa karpintero. Nahabag sila at inilibing siya at pagkalipas ng maraming taon, nagulat na lamang ang mga tao ng makitang ang libingan ng karpintero ay isang napakalaking magulong palengke na kung saan ibinebenta ang kaligatasan. Hati hati ng puwesto kanya kanyang luto, kanya kanyang turo. Itinuturo ang kaligtasan sa pamamagitan ng karpintero at nawalang halaga ang apoy—matagal ng nalimutan ang apoy na inialay ni Prometheus sa mga tao. Napabalitang minsan isang katanghalian ay may isang baliw na may dala-dalang lamparang may sindi ang nagsisigaw sa gitna ng palengke ngunit pinagtawanan lamang siya.

Hanggang dumating ang panahon na sinabi ng mga barbero at nagdadama na darating muli ang buhay na karpintero upang wasakin ang palengke. May nagsasabi rin na malapit ng bumalik si Prometheus dahil panay panay na ang lindol—nagpupumiglas na ang dambuhala. Ngunit lalong lumalaki ang palengke…

Ang apoy na kailanman ay di namamatay ay natabunan na ng palengke at ni minsan ay dina naramdaman ng mga tao ang init at liwanag nito.

Muling nagdilim ang paligid at nahabag uli si Prometheus ngunit anong magagawa niya, matagal nang napalitan ang kadenang adamanayo ng kadena ng kaalaman… 

No comments: