Ang nasirang ama ko ay sadyang makalokahan. Siguro sa kanya ko namana ang aking kakaibang sense of humor. Andiyan yung ilalagay sa supot yung utot niya at biglang pakakawalan sabay tatawa, andiyan yung ang himbing himbing ng tulog ko at biglang akong magigising dahil mahapdi ang mukha dahil sapul na sapol ito ng nagngangalit na sinag ng katanghaliang araw. ‘Yun pala binuhat ako ng loko-loko ng tulog kasama unan at kumot at inilapag sa kahoy na tulay na dadaanan ng tao tuwing tag-ulan at baha. Sus maryanong garipones, basang basa ng panis na laway ang mukha ko at balot ng mapanghing kumot sa gitna ng daang tulay…sarap pumatay ng tatay. Ganyan ang tatay ko, maloko. Siguro sa iba tatawaging may diperensya ama ko, maaring yung iba, lalo na sa panahon ngayon eh ipahuli ang tatay ko sa DSWD at ipaampon kami sa mga Amerikanong bulok. Pero yung kalokohan ng tatay ko eh masasabi kong iyon ang isang bagay na nagpamahal sa aming magkakapatid sa kanya. Kaya lang patay na ang kumag at kahit papaano eh hinahanap hanap ko rin ang pagpapatawa niya at ang magic supot niya na pag naghagis ka ng imbisibol na bola ay paglumagpak sa supot ay talaga namang ang lakas ng impak, lumalagutok yung supot. Tagal din akong nauto ng magic supot na to, grabe tanga ko. Ginawa ko yun nung umakyat sa Baguio. Ipinakita sa pamangkin kong si Ycoi yung magic supot. Hawak hawak ko ang supot at ipinakita sa kanya na walang laman ang aking kamay ngunit ng hinagis ko ang imbisibol na bola, lumalagapak pag lumalanding sa supot. (Tumulong ang anak ko na si Bebang at ang pinsan ni Yoci sa ama na si Vi, pagkaisahan namin si Ycoi.) Tuwang –tuwa ang inosenteng mokong at pinagod ako sa kahahagis ng imbisibol na bola. Ilang taon kayang dadalin ni Ycoi ang magic supot at pagtanda niya sasabihin niya siguro, “Loko loko si tito George a, nauto ako ng magic supot!” Yan ang pamana sakin ng nasirang Bentot, ang tatay ko, kalokohan.
Hindi ko to makakalimutan isang beses. Ako ay nilalamok at panay ang hataw ko sa braso, sa paa, sa mukha at kung saan man dumapo ang mga makukulit na lamok. Hanggang ngayon natatawa ko sa erpat ko eh. Ang sabi niya, “Anak hindi ganyan ang pagpatay ng lamok. Ganito: “Una, busugin mo muna ang lamok hangang mabunggang. Tingnan mo to”, sabay turo sa lamok sa braso niya na lumobo na sa dami ng dugo na nasipsip. Aba, hindi na makalipad ang insekto dahil sa hatak ng gravity sa tiyan nito. “Pagbusog na ang lamok at halos hindi na makalipad, pitikin mo”. Ay, talaga namang sumasambulat ang dugo pagpitik ng tatay ko. “Tay bakit naman kailangan ko pang gawin yan?” tanong ko. “Kasi pag hinataw mo yan lalong babaon yung karayom na panipsip ng dugo niyan. Eh pagpinitik mo, sabog ang loko kasama karayom”
May katwiran ang kumag, may katwiran.
No comments:
Post a Comment