Saturday, June 30, 2007

Tango in D ni Albeniz


Halos dalawang lingo ko nang pinag-aaralan ang Tango in D ni Isaac Albeniz at talaga namang ako ay nahihirapan. Mahirap, kasi ang nakuha kong piyesa sa internet, pang-Piano tapos ang CD ko sa bahay ay pang duet—iba yung pinakikinggan sa binabasa. Hindi ako bihasa sa pagbasa ng nota at hindi rin naman ganoon katalas nag tenga ko para apain ang isang klasikal na piyesa ng gitara, kaya ang ginaganawa ko ay konting tingin sa piyesa, konting pakinig, at may konting apa na rin kasi nga magkaiba ang piyesa, para sa piyano; iba ang cd, duet for guitar kaya kotakotakot na diskarte and kailangan. Bakit ako nagpapahirap? Ang Tango in D kasi ni Albeniz ay, kung pakikinggan ng pinoy, ay pinoy na pinoy ang dating. Sabi ng kumpare ko ay, “Ano yan pare, Kundiman?” Kasi nga tunog kundiman itong piyesang ito. Two fourth ang beat tapos altyernate ang bass, parang ‘O Ilaw.”

Maganda ang piyesa kaya pinopondo ko sa aking apat na pirasong klasikal gitar na repertorya.

Bakit nga ba ako nagtitiyaga sa sariling pag-aaral ng klasikal na gitara?

Dumalaw ang bayaw ko sa bahay at narinig niya ang pagpaparaktis ko ng piyesa in Bach at ni Fernando Carulli at tuwang-tuwa ang bayaw ko, akala niya ang galling galling ko, di niya alam halos isang buwan ko itong pinag-aralan. “Parang panghotel George ah,” Sabi ni bayaw. “Ay nako kuya, ang tagal kiong pinag-aralan yan’” Sagot ko naman. “Ok lang. fulfilling naman pag narinig.” Sagot niya.

Oo nga naman fulfilling ang classical guitar kahit na namimilipit ang matitigas ko nang mga daliri. Para akong muling nagsisimulang mag-aral ng gitara.

Maganda kasi itong Catharsis, ang klasikal guitar, outlet baga ng frustration ko sa music…hay buhay…ok lang kasi may edad na naman ako. Kaysa naman mag rock en roll pa ako sa edad kong ito,,,muka na akong tanga para doon, parang si….parang si…Pepe Smith at si Mike Hanopol, baduy na.
-
-
Sa baba ay ang video ng piyesa. Hindi ganito ka komplikado nung areglo ng pinipilit kong pag-aralan.

Isaac Albeniz - Tango -Played by Nelson Amos

Friday, June 29, 2007

Tao Te Ching


Naglalakad ng Payapa

Ngunit may isa, sabi nila,
Nakatitiyak sa buhay,
Iyong mga kuko ng tigre,
Ang sungay ng toro,
Ang tulis ng espada
Ay hindi siya matagpuan
At Bakit?
Dahil siya ay naglalakad
ng may kapayapaan sa buhay
At sa kamatayan.


-Tao Te Ching

Wednesday, June 27, 2007

Transformers at Voltes V

Nung high school pa lang kami ay lokong loko na kami sa Transformers, yung kartoons na tungkol sa mga sasakyan na nagtatransform sa humanoid robot. Sinusundan naming namin ito nuon sa channel 5, nalipat sa channel 4 at hanggang sa nalibot nito ang buong free TV ng Pinas. Nakakabilib kasi ang mga karakter nito sina Optyimus Prime pinuno ng Autobots laban kay Megatron na pinuno ng decepticons.

Nagmula angf kwento ng mga transformers ng magkaroon ng digamaan sa Cybetron, ang tahanang planeta ng mga transformers. Dahil sa digmaan ay nagunaw ang Cybetron at sakay ng mga dambuhalang sasakyan ay pumailanlang ang autobots at decepticons upang makaligtas hanggang sa makarating sila sa daigdig. Dito ay nabuhay uli sila at nabigyan ng hugis ng mga mekanikal na sasakyang panglupa, ang mga Autobots; at sasakyang pamhimpapawid, ang mga decepticons. Tinuloy nilsa sa Daigdig ang kanilang naudlot na labanan sa Cybetron.
Pinag-uusapan na naming noon talaga namang magiging kahang-hanga kung maisasapelikula ang Transformers, hindi na guhit lamang kundi mabibigyan ng larawan ng tunay na emosyon at kilos at larawan na makatotohanan ang mga bida rito. Hindi pa sikat ang mga kompyuters noong huling bahagi ng dekada 80. May manakanaka ng computer animation at computer na palabas tulad ng Tron, Automan, Knight Rider at RALPH--mga palabas na kung ikukumpara ngayon ay mga panahon ng bato ang mga effects. Sabi nga ni Jesse Faith ang anak ko eh, “Bulok ‘alang budget.”

Iniisip namin ang magiging hitsura ng Transformer the Movie.

Makalipas ang halos dalawampung taon ay ginawa ni Steven Spielberg ang aming hinaghangad. Ipapalabas na ang Transformer the movie. Hindi ko alam kung inabot pa ng ngayong henerasyon ang orihinal na bersyon nito dahil ang nakikita ko sa TV ngayon ay ang 3d bersyon na malayong malayo ang kuwento at ang dating sa orihinal na bersyon. Pero, sa tingin ko, karamihan ng manunuod ng Transformer the Movie ay aming henerasyon, mga bata noon, mga matatanda na ngayon na gustong balikan ang pagkabata, mga matatanda na naghahangad ng pangmatandang bersyon ng pambatang palabas.

Kailan kaya gagawin ang Voltes V the Movie? Sana naman basahin itong post ko na ito ni Spielberg kasi matagal ko na ring pangarap na Makita si Steve, Mark, Little John, Jamie at Big Bert sa pinilakang tabing na ginaganapan ng tunay na tao. Ganun din si Voltes V, gusto kong Makita na nakikipaglaban na mga tunay na bakal at bato ang pinasasabog at hindi mga drawing.

Kailan ba Pareng Spielberg? Pare…yohoooooo…Voltes V naman dyan oh. Request lang.

Tuesday, June 26, 2007

Existentialismo at Anime



“Buti pa ang mga ibon Malaya”
“Malaya ba sila? Kalayaan ba kung wala silang patutunguhan? Isusumpa nila ang kanilang mga pakpak.” --Saiyuki (Filipino Version)

Kagagaling ko lang sa klase ng ako ay tumabi sa aking anak na may ubo. Dalawang araw na siyang may karamdaman at di pumapasok sa eskwela, sa higaan lamang siya, nagpapahinga at nanunuod ng mga anime o mga kartoons na Hapon.

Habang ako ay nakaidlip ay nagigising ako sa ingay ng digmaan sa telebisyon. Mga salitang mapang-away mula sa mga tauhan sa palabas. May labanan ng kapangyarihan ng mahika at tungayawan ng mga panlilibak ng kasamaan at kahinahunan ng katwiran ng kabutihan. Biglang lumiwanag ang aking isipan ng marinig ko ang katagang nasa itaas. Sinabi ka sa aking sarili na ito ay hindi kataga ng isang palabas na pang musmos (hindi sa sinasasabi kong may masama dito). Ang mga katagang ito ay lumalabas sa mga taong may hinahanap, may tinatanong, may hinihingi. Ito ang kadalasang napapansin ko sa mga anime o kartoons ng mga Hapon lalo na yung mga bayolente--ang mga kartoons na ito ay may temang existentialista.

Nakakagulat na ang mga dating palabas na mga naghahabulang mga kuneho, nagbabarilang mga koboy, mga super bayaning simple ang pakikipaglaban sa kasamaan—mga kartoons ng mga Amerikano na walang kapupulutan ng anumang leksyon kundi ang mgapupukpukan sa ulo, o ang tumalon sa lamesa na may tapis na tuwalya sa leeg—ngayon ang mga kartoon na ito ay binigyang lalim ng mga Hapon. Masasabing nagkaroon ng malalim na ekspressyon ng pilosopiya at relihiyon ang mga kartoons na ito.

Napapansin mo ba ang pagkakaiba ng robot na kartoon ng mga hapon sa robot ng mga Amerikano?

May kaluluwa ang mga robot ng Hapon, tanda ng malalim na pangunawa sa buhay ng relihiyong Hapon. Ang mga Robot ng mga Amerikano ay material lamang—tanda ng pananaw na materyalismo.

Ngunit ngayon ay nakaikita na ang unti-unting pagpasok ng impluwensya ng mga anime o kartoong Hapon sa mundo ng kartoons ng kanluran.

Malalalim na ang mga kartoons ngayon, nagpapatunay lang na lumalalim na ang kaligayahan, may hinanahanap na…may ibinibigay na ang mga manunulat…

Mabuti ba ito o masama?

Nakita ko ang aking walong taon gulang kong anak na nakatulala sa telebisyon habang ang mga dayalogo ng mga tauhan sa kartoon ay palalim ng palalim…

Ano kaya ang nasa-isip ng anak ko?

Thursday, June 21, 2007

Dalawang Palaka ng Rizal (Pinagbasehan ng Pabulang Hapon)


Sa bayan ng Cainta ay may nakatirang isang palakang petot na ang pangalan ay Denzel Wahington. Ito ang pinangalan ng kanyang ina dahil nakita niya si Denzel Washington na kausap ni Kermit the Frog, angTV show host love na love ng kanyang nanay at pinapantasya ng nanay ni Denzel na palaka na si Denzel na tao ay isang frog na naging tao. Isang kiss lang at magiging gwapong palaka ang negro at pangkakapangit na nilalang na ito.
Sa tagal ng paninirahan ng pamilya ni Denzel sa Cainta ay naghahangad ito na makalabas man lamang ng bayan. Kaya siya ay tumalon-talon patungong Taytay.

Lingid sa kaalaman ni Denzel ay may isa namang palaka sa bayan ng Taytay na nagngangalang Morgan Freeman. Si Morgan Freeman ay pinangalan ng kanyang ama sa isang artistang negro na nung maliit pa siya ay napapanood niya sa “The Electric Company.” Tuwang tuwa ang tatay ni Morgan Freeman sa negrong artistang si Morgan Freeman kaya ang pinangalang niya sa kanyang anak ay Morgan Freeman din.
Si Morgan Freeman ay naiinip na sa bayan ng Taytay kaya isang araw ay nagpasya itong magpunta sa Taytay. Tumalon-talon ito patungo ng Taytay.

Habang tumatalon-talon si Denzel patungong Taytay si Morgan naman ay tumatalontalon papuntang Cainta. Napagod ang dalawang palakang petot at nagkita sila sa isang tambak ng basura sa lugar na kung tawagin ay Istasyon. Ang istasyon ay ang lugar na namamagitan sa bayan ng Taytay at Cainta. Namahinga ang dalawang palakang petot at di sinasasadyang nakatanungan ang dalawa. “Sang bang puntang mo kabigang palakang petot,” Wika ni Morgan na taga Taytay. “Buwayang-buwaya rine sa Cainta, nakakainip. Ako ay pupunta ng Taytay” Sagot naman ni Denzel na taga Cainta. “Pareho pala tayo ng pakay” Sabay na bulalas ng dalawang palakang petot.

Ngunit pagod na sila sa katatalon-talon kaya nagpasya sila na silipin muna ang kanilang patutunguhan upang malaman nila ang layo pa ng tatalunin nila. Tumuntong sila sa mataas na tambak ng basura at nagyapusan upang makatayo. Natural, ang mga mata ng dalawang palaka ay nasa likod nila kaya ang nakikita ni Denzel na taga Taytay ay Taytay rin at ang natatanaw ni Morgan na taga Cainta ay Cainta rin.

Kundi ba naman engot ang dalawang kumag eh.

Sumigaw si Denzel, “Aba ang Cainta pa lang e tulad na tulad lamang ng Taytay!” “Anak ng buwa ng niyog! Ang buwayang Taytay pala ay Caintang Cainta!”

(Dito sa bersyon ng mga Hapon ay umuwi ang dalawang palaka sa kanilang bayan at di na lumuwas. Ngunit ang bersyon ng mga Hapon ay malayong malayo sa mga tunay na pangyayari sa buhay ng dalawang palakang petot na ito.)

Ang ginawa ng dalwang palaka ay humulagpos sa kanilang pagkakayapos nag beso-beso at patuloy na tumalon-talon. Ngunit di alam ng bawat isa sa kanila na si Morgan na taga Taytay ay napunta sa Cainta! At si Denzel na taga Cainta ay napunta naman sa Taytay.”

Tuliro ang dalwang palaka. “Nasaan na ba ako,” Iyak ng dalawang palakang petot. “Bakit biglang nabago…ang tanawin….na saan na ba ako….” Paikot-ikot ang dalawa, patalon talon hanggang si Morgan ay masagasaan ng Tricycle samantalang si Denzel naman ay nagulungan ng G-liner.

Yan ang dahilan kung bakit ang mga palaka ay takot sa sasakyang de-gulong.


Thursday, June 14, 2007

Ang Lakas ng Isang Ama


Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lapad ng kaniyang mga balikat.
Ito ay nadarama sa higpit ng kanyang mga yakap.

Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lagong at lakas ng kaniyang boses.
Kundi sa marahan niyang tinig.

Ang lakas ng isang ama ay hindi sa dami ng kaniyang mga kabarkada.
Ito’y kung paano siya iginagalang sa tahanan.

Ang Lakas ng isang ama ay hindi sa kung paano siya tinitingala ng kaniyang mga ka-opisina.
Ito’y sa kung paano siya iginagalang sa tahanan.

Ang lakas ng isang ama ay hindi sa kung gaano siya katindi sumuntok. Ito’y sa mapagmahal niyang haplos.

Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lago ng buhok sa kanyang dibdib. Ito’y sa laki ng pusong tinitibok ay pag-ibig.

Ang lakas ng isang ama’y hindi sa bigat ng kaniyang binubuhat. Ito’y sa mga kabigatang kaya niyang bathin.

Ang lakas ng isang ama ay hindi sa dami ng babaeng kanyang pina-ibig. Ito’y kung gaano siya katapat magmahal sa kaniyang natatanging kabiyak.


Ito ang tulang iniialay ng mga anak bilang pagpupugay sa mga tatay ng ECBC nung araw ng mga ama.Galing ito sa DZAS. (Salamat kay Chayay Calderon sa kopyang ito.)

Wednesday, June 13, 2007

Debosyonal para sa Kabataan ng Evangelical Christian Baptist Church

1 Pedro 2:2-3 Gaya ng sanggol, kayoy manabik sa gatas na esperitwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. Sapagkat tulad ng sinasabi sa kasulatan: “Nalasap na ba ninyo ang kabuitihan ng Panginoon.”

A. Mga kailangan ng isang Kristiyano upang lumago.
1. Pagkaing Esperitwal
2. Tahanang Esperitwal
3. Pamamahaging Esperitwal


1. Pagkaing Esperitwal

Sa panonood natin ng telebisyon ay makakakita tayo ng samot-saring patalastas o propaganda tungkol sa ibat-ibang uri ng pagkaing pampalusog at mga gatas ng sanggol. May mga umaako na ang produkto nila ay nagpapatalino ng mga sanggol. Ngunit wala namang pagsasaliksik na nagpapatunay sa ganitong uri ng pag-ako, kaya upang maging ligtas sila sa kanilang mga patalastas ay sinasabi na rin ng mga gumagawa ng mga produktong ito na ang pampatalinong kakayahan ng kanilang produkto ay isa lamang tulong sa tamang pag-aaruga at tamang nutrisyon ng sanggol. Ngunit kung susuriin mo ang lata ng mga gatas na ito ay halos pare-pareho lamang ng laman ang kanilang mga produkto.

Siguro walang makakalimot sa sikat na salitang gifted child. Ang isang gumagawa ng gatas na pansanggol ay pinangangalandakan ang sangkap ng kanilang gatas ay may kakayahang mag-patalino ng mga sanggol na umiinom nito. Sino ba ang makakalimot kay Junior Saraza?

Nakakatawa na isipin na ang isang gatas ay may kakayahang magpatalino. Ngunit mas nakakatawa kung iisipin natin na siguro kung hindi matalino itong mga batang ito ay hindi sila kukuning modelo ng gatas. Ni hindi natin alam kung nung sanggol pa lamang itong mga batang ito ay talagang ganitong uri na ng gatas ang iniinom nila.

May mga produkto ng mga pagkaing pangsanggol na ipingamamalaki ang kakayahan nitong magpalakas ng buto, magpalakas ng resistensya at iba pa. Ngunit wala pa ring tatalo sa gatas ng ina. Sa sustansya ng pagmamahal ng ina, at ng ama, at ng pamilya.

Katulad ng isang sanggol ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng tamang nutrisyon na katulad ng gatas. Pampalakas ng buto, pampatalas ng isip, pampalakas ng resistensya at iba pa. Isang katotohanan na ang pagkain ng isang kristiyano ay ang:

Pagbabasa at pag-aaral ng salita ng Diyos o ang Bibliya
Pagdadasal

Patuloy nating bubusugin ang ating mga kagutumang esperitwal. Ngunit ang tamang pag-aaral at pagdarasal, upang maging kabusog-busog ay dapat laging nakatuon sa pag-ibig ng Diyos, kay Kristo, sa patnugot nga Banal na Esperitu.

Sa ganitong paraan ay tatalino tayo sa pamamaraan ng Diyos, lalakas ang resistensya natin sa paglaban sa udyok ng kaaway at dahan-dahang mabubuo ang pagkatong espiritwal, an gating kaluluwa, na maging katulad ng kay Kristo.

2. Tahanang Esperitwal

Siguro mahihirapang umunlad o lumaki ang isang sanggol bilang isang malusog at matatag na tao kung ang wala siyang malusog na tahanan. Ano mang sustansya ng kanyang kinakain kung walang init ng pagmamahal, kung walang kaagapay, kung walang magdadagdag sa kalungkutan ng pag-iisa. Siguro alam naman natin na ng likhain ng Diyos si Adam ay ang unang hiniling niya sa Diyos ay isang kapiling—isang pamilya, tahanan. Ganun din sa buhay esperitwal, lalo na sa mga sanggol o yung mga umuusbong pa lamang sa pagkakakilala sa Panginoong Hesu Kristo, madaling mapapabagsak sila kung walang kaagapay, kung walang magpapa-alala sa pag-ibig ng Diyos na ating ugat at pundasyon (Eph. 3:17). Ang pagkakaroon ng isang tahanan ay isang pangangailanagn sa paglagong esperitwal. Ano ba itong mga tahanang ito? Tayo, ikaw, ako, si kuya, si ate, ang iglesya natin, lahat tayo na nagtutulungan, lahat tayo na patuloy na nagbibigayan ng pag-ibig ng Diyos.

Sa bansang India nuong panahon ng mga Britano ay may mga natalang mga “batang lobo”. Sila yong mga sanggol na sinabing inampon at pinalaki ng mga lobo. Sa mga tala ng Britano ay napatunayang ang mga batang lobo ay asal lobo rin. Sa katunayan ng mabitag nila ang isang batang lobo at inaral ng pamamaran ng tao ay kamangha manghang namatay ito dahil hindi niya nakaya ang mga pagbabago sa kanya—mula sa pamamaraan ng lobo sa sibilisasyon ng tao. Dahil ang mga batang lobo ay lumaki sa tahanan ng mga lobo ay parang mga lobo na rin sila, ito ang kapangyarihan ng tahanan—kapangyarihang humubog.

Kaya ang patuloy na magpapalago sa naitanim na binhi ng pag-ibig ng Panginoong Hesu Kristo ay ang patuloy na pakikihalubilo ng bawat isa, mula sa mga nagsisimula pa lamang o mga sanggol, hanggang sa mga kuya, ate, at abot na rin sa mga tito at tita, tatay at nanay sa tahanang esperitwal.

Napakahalaga ng pagkakaroon ng ganitong uri ng relasyon sa tahanan nating mga anak ng Diyos dito sa lupa.

Sa tahanang ito ay mayroong:

1. Proteksyon—an gating sama-samang pagsamba at pakikihalubilo ay nagbibigay ng pagkakaisa at pagbabantay sa isat-isa. Maalalayan ang mga nanghihina, mapapayuhan ang nalilito, mapupunan ng bawat isa ang bawat isa. Ito ay isang matatag na proteksyon sa gawain ng kaaway para pabagsakin ang bawat isa.

2. Bukas na pinto-Maaring may maligaw, may lumayo, may bumitaw ngunit hanggang may tahanan na puno ng pag-ibig ng katulad ng pag-ibig ng gating Panginoong Hesu Kristo ay may tahanang uuwian. Katulad ng panibughong anak na bukas ang pinto na tinanggap sa kanyang pagbabalik na para bang walang nangyaring pagkasira ng tiwala ng ama sa kanyang panibughong anak. Iyan ang tahanang esperitwal—bukas ang pinto sa mga nalito, nalansi, naligaw, nawala, nagtampo…pag-ibig ni Kristo sa kanyang anak…may mga ligwa na tupa na uuwi at uuwi…at ang pintuan ng tahanang esperitwal ay dapat lagging bukas at mainit na tatanggap sa mga kapatid na minsan ay nagliwaliw.


3. At higit sa lahat ang tahang ito ay puno ng pagsamba at pagpupuri sa Diyos. Habang sinasamba at pinupuri ng tahanan natin o ng ating iglesya ang Diyos ay patuloy rin tayong pinanalago ng Diyos.


4. Pamamahaging Esperitwal

Siguro kung patuloy na napupunan natin (di naman ito maaring tumigil ) ang pangangailangan ng kalakasang esperitwal tulad ng pagkain ng mga salita ng Diyos at ng pananalangin at ng taimitim na paghahanap ng ninanais sa atin ng Diyos, kung patuloy rin nating nalalasap ang pagmamahal ng Diyo sa ating tahang esperitwal ay may isa pa dapat tayong gawin upang patuloy na tayo ay lumago sa pag-ibig n gating panginoong Hesu Kristo—ito ay ang pamamahagi.

Ano nga ba ang pamamahagi? Ang pamamahagi ay ang pagpapahayag ng kabutihan ng Diyos sa ibang tao. Ito ay isang pangangailangan upang umunlad ang buhay Kristiyano.

Sabi sa 1 Cor. 9:22-23

Sa piling ng mahihina, ako’y nagging mahina upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibahagi sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang balita, upang makabahagi ako sa pagpapala nito.

Ang pagpapahayag ay pagpapala.

Tuesday, June 12, 2007

Ang Mamang baluktot ang braso


Noong ako ay nasa grade 3 ay naala ko itong kuwentong ito, nakalimutan ko na ang sumulat.

May isang mama ang naglalakad na nakabaluktot ang braso. Ang kanyang mga braso ay nakadikit sa kanyang tagiliran ngunit nakausli ang dalawang niyang mga kamay. Para siyang isang manikin na naglalakad dahil pagliliko siya ay nakaturo ang dalawang nakausling kamay niya. Nung naglalakad siya ay pinagtitinginan siya ng mga tao. “Kawawa ang mama o, naistroke yan,” bulong ng ibang nakakasulubong niya. Ang iba nama’y napagkakamalan siyang namatanda o nanuno.


Papasakay ang mama ng isang bus ng makita siya ng konduktor. Pinatabi ng konduktor ang bus at bumaba pa ito upang tulungan sa pag-akyat ng bus ang mamang baluktot ang kamay. Tumayo ang isang ale upang paupuin ang mama, “Mama dito na po kayo baka po kayo mauntog pa.” Awang-awa ang ale dahil ni hindi makahawak sa estribo ang mama. Umupo ang mama at ang kanyang kamay ay nakatigil na nakapatong sa kanyang mga hita. Para itong magkatapat na letrang L na hindi nagbabago ang pagitan.


Lumapit ang konduktor at tinanong kung saan patungo ang mamang may baluktot na kamay. “Sa Marikina po. Pakikuha na lang po ng bayad sa bulsa ng polo ko,” Wika nito. Pinagtitinginan ng mga nakasakay sa bus ang mama, karamihan ay habag na habag dito. Lumapit ang isang bata at pinunasan pa ang pawis sa noo ng mama. “Salamat iha,” nakangiting pasalamat ng mama. Pagdating sa Marikina ay pumara ang mama. Ingat na ingat na ibinababa siya ng nagmamaneho. Kinawayan pa siya ng mga nakasakay sa bus na sinagot naman ng ngiti ng mama.
Pumasok ang mamang nakabaluktot ang mga braso sa isang tindahan ng sapatos. Nang makita bantay ang kanyang kalagayan ay agad itong kumuha ng upuan at inpinaupo ang mama, binigyan ng tubig at tinanong. “Ano pong maipaglilingkod namin sa inyo,” magalang na tanong ng tagabantay ng tindahan ng sapatos na halos maluha sa kalagayan ng mama. ‘Bibili sana ako ng sapatos,” Sabi ng mamang nakabaluktot ang mga braso. “Ano po ang sukat?” Tanong ng tagabantay ng tindahan ng sapatos.

Itinaas ng mama ang dalawa nitong braso na nakabaluktot sabay wika ng, “Ganito ang haba o.”

Saturday, June 9, 2007

Eleksyon ng mga bahagi ng Katawan


Nagkaroon ng pagpupulong ang mga bahagi ng katawan upang maghalal ng mamumuno sa kanila. Nangunguna si utak sa mga malalakas na kandidato.



UTAK: Ako ang dapat mamuno dahil ako ang nag-iisp ng lahat ng bagay.
Humalakhak si Puso.
PUSO: Ha, Ha, Ha, utak, kahit matalino ka kung di kita dadalhan ng dugo wala ka.
Ngunit mariing kinontra sila ni mata.
MATA: Ako ang dapat na maumuno dahil kung wala ako bangga kayong lahat.
Sumabat naman si Braso.
BRASO: Ako ang dapat mamuno dahil ako ang bumubuhay sa inyo Kung wala ako, walang magpapakain sa inyo.
Di pumayag si paa.
PAA: Baka nalilimutan nyong ako ang nagdadala sa inyo kung saan man kayo tutungo. Ako ang dapat mamuno.
Mayamaya’y sumagot ang mahinahong si puwet.
PUWET: Pwede ba akong makisali.
Nagtawanan lahat ng parte ng katawan. Puwet ka lang! Hanggang dumi lang ang hawak mo!


Nasaktan ang damdamin ni mahinahong Puwet at isang linggo itong hindi naglabas kahit kaunting hangin man lang.

Taas kamay na sumuko lahat mula kay utak, puso, mata, braso, paa, lahat sila.

Napatunayang ang mahinahong Puwet ay may karapatang mamuno rin.

(Salamat kay Kasmot sa kuwentong ito. May mga leksyon sa mga kwentong ito, tiyagain nyo lang hanapin.)

Friday, June 8, 2007

Ang Musmos na Elepante at ang Gagamba





Sa isang madawag na lugar sa paanan ng bundok ng Pinagtampuhan ay may isang gagamba na katatapos pa lamang maghabi ng kanyang gawa-gawa. Dinoble ni gagamba ang pagkakahabi upang hindi ito kaagad masisira lalo na at malalaking insekto ang nais niyang bitagin.

Namamahinga na si gagamba ng bigla niyang naramdaman ang pagyanig ng lupa, akala niya lumilindol. Habang iniindayog ng pagyanig ng lupa si gagamba sa gitna ng kanyang gawa-gawa ay nagulat siya ng makita niya ang isang musmos na elepante na nakaharap sa kanya ang malatrumpetang nguso at ang balahibo ng dulo ng buntot nito ay nakasabit sa katatapos pa lamang niyang hinabi na gawa-gawa. Hindi makakakilos ang elepante dahil ang balahibo ng kanyang buntot ay mahigpit ang pagkakakapit sa gawa-gawa at konting kilos niya ay pakiramdam niya ay parang mabubunot ito kasama ang kanyang buntot.

Dahan-dahang lumapit si gagamba at tiningnan ng walo niyang mata ang musmos na elepante. Nagulat si gagamba ng bigla na lang umiyak ang musmos na elepante. “Huwag ninyo po akong sasaktan,” makaawa ng musmos na elepante. Itinaas ni gagamba ang dalawa sa walong mabalahibo at makaliskis na mga bisig nito upang damhin ang musmos na elepante at halos maihi sa takot ang musmos na elepante. Lalong lumakas ang loob ni gagamba. Mayamaya ay pinakikita na nito ang kanyang pangil na pasipit at pinatutunog sa harap ng mata ng kawawang musmos na elepante. Nanginginig sa takot ang musmos na elepante at nagmamakaawang pakawalan siya ng gagamba.
Biglang nakarinig ng isang paungos na tunog si gagamba at ng lumingat siya ay nakita niya ang isang ibong pitpit na papalapit upang siya ay dagitin. Kitang kita ni gagamba ang takot sa mata ng elepante at inisip niya na ang takot na nararamdaman niya laban sa pipit ay maaring gayun din ang takot na nararamdaman ng elepante laban sa kanya. “Palalayain kita mula sa aking gawa-gawa,” sabi ni gagamba, “sa isang kondisyon, hatawin mo ng malatrumpeta mong ilong ang pitpit na padagit sa akin.” Pumayag dahil sa takot ang elepante. Nakita ng elepanteng musmos ang papadagit na pitpit at ng malapit na ito sa gawa-gawa ay bigla itong hinarumba ng ilong ng musmos na elepante at para bang hinog na santol na bumagsak sa kabilang ibayo ang malagihay na ibong pipit.
Tuwang-tuwa ang gagamba at sinabi kay elepante, “magaling dahil diyan ay papalayain na kita.” Akma na sanang puputulin ni gagamba ang gawa-gawa ng makita ng elepante na putol na ito dahil sa pagkakakilos niya. Lumakad ang elepante ng papatuloy, nasira ang gawa-gawa ni gagamba at ang gagamba ay natapakan na para bang isang ipot ng manok lamang.

Walang natira kay gagamba kundi ang pisarot niyang mga bisig at ang elepante ay patuloy pa rin sa paglalakad at bawat madaanang gawa-gawa ay pinaglalaruan na lamang niya at bawat makitang gagamba ay pinipisarot niya na parang ipot ng manok.

Ayan ang dahilan kung bakit ni minsan ay wala pang elepanteng nasasapot ng gagamba. He, he, he, he…

Wednesday, June 6, 2007

Eulohiya para sa isang Rottweiler





Ikaw ay mamahaling tuta
Na sa amin ay ibinigay
Ilang buwang ka naming nakasama
Ngunit Ngayon Ikaw ay pumanaw na

San ka man naroroon
Alexis pasalamat ka
Nakatikim ka ng dog food
Napaliguan ka ng mamahaling sabon
Nagkataon lamang na wala kaming pangospital
Sa mga tulad mong animal

Nakakasama lang ng loob
Ginastos ng kapatid ko
Sa mga antivirus at anti rabies mo


Pasalamat kami sayo at nakapiling ka ng matagal
Sa langit ng mga aso sigurado ko punta mo
Dahil ay ikaw ay isang mabait na aso
Kahit na si Hitler ay kalahi mo

Tuesday, June 5, 2007

Luha



Huwag asahan na ang bato ay lumuha,
Huwag asahan na ang bundok ay manumpa,
Huwag asahan na ang tala ay bumaba sa lupa,
May mga bagay na di magagawa,
Kailangang tanggapin na lang may pagpapakumbaba.
Katulad ng mga presyo ng bilihing patuloy ang pagtaba
Lumuha na lang tayo ng lumuha
Hanggang mapuno muta
Ang ating mga mata

Monday, June 4, 2007

Si Maria Malukong, si Dra. Vicky Bello, ang mga Ghostbuster at ang alamat ng Talong


Marami ng naiulat na mga kababalaghan sa bundok ng Pinagtampuhan. May mga nagsasabi na marami daw maligno, diwata, dwende, tikbalang, at iba pang mga nilalang na nakikisama sa mga tao sa bundok ng bayan ng Pinagtampuhan. Isa sa pinakilalang diwata sa bundok ay si Maria Malukong. Si Maria Malukong ay sinasasabing kapatid ng diwata ng bundok sa Laguna na si Maria Makiling ng bundok Makiling.

Sa pagkakaalam ng matatanda sa Pinagtampuhan si Maria Malukong ay anak ng ama ni Maria Makiling, isang lalaking kilalang makisig na mangangaso. Ang mangagaso daw na ito ay kilala sa kanyang kakisigan at sa kanyang pamamaraan sa kababaihan. Pangalawang diwata ang ina ni Maria Malukong na nabighani ng mangangaso at iniwanan. Nang magkaulayaw ang dalawang diwata ay nalaman nilang sila ay napaglalangan ng isang tao lamang. Sinasabi sa mga alamat na lahat ng diwata sa buong kapuluan ay binigyan babala upang siluin ang mangangaso upang hwag ng makabitag ng iba pang mga birheng diwata. Sinasabing ang mangagaso ay isinumpa ng mga diwata, ikinulong ito at binulungan at isinumpang maging isang halaman na naayon sa kanyang kalikasan—siya ay naging isang masustansyang gulay na kinalaunan ay tinawag na “Talong.”



Ang ugali ni Maria Malukong ay sinasabing kabaligtaran ng ugali ni Maria Makiling. Ayon sa mga matatanda ay dahilan na rin ito ng sinapit ng kanyang ina ng wasakin ng mangangaso ang puso nito. Maliit pa lang ang diwata ay naturuan na ng ina na huwag magtiwala sa mga mapagkunwaring mga tao, maging maingat sa pakikitungo dito dahil makapangyarihan ang kanilang mga dila.

 Kalalakihan ang kadalasang nakakalasap ng kanyang mga pagbibiro. May isang lalaki ang ikakasal sa isang magandang dilag at ng malaman ito ng diwata ay nabalitaang tinubuan ng sandamukal na kulugo ang binata sa muka. Isang dayuhan na manliligaw sa isang dilag na taga Pinagtampuhan ang kanyang iniligaw at ng matagpuan ng mga tao na paikot-ikot sa isang burol ay sinabi nito na may isang babae ang nagturo sa kanya ng daan. Maraming kwento ng pagbibiro si Maria Malukong na hanggang ngayon ay nagpapasaya sa mga taga Pinagtampuhan, kasi naman kahit papaano ay natuturuan sila ng aral ng kanilang diwata.



Isang araw ay may mag-asawang taga-Maynila ang nagbakasyon sa Pinagtampuhan. Mga malakihang mangangalakal ang mga ito kitang-kita na rin sa mga dala-dala nilang mga mataas na uri ng teknolohiyang mga gamit tulad ng celphone, laptop at iba pa. Nagbakasyon ang mag-asawa dahil na rin gusto nilang makapagpahinga kahit sandali lamang mula sa magulong buhay ng pangangalakal sa Maynila. Ngunit ang mag-asawang ito ay madalas magtalo sa pananalapi. Madalas silang magsigawan ukol sa pagpapatakbo ng kanilang mga kalakal.

Sanay sa katahimikan ang mga taga-Pinagtampuhan at ng maulinigan ni Maria Malukong ang pagsasagutan ng taga-Maynila ay biglang pinasok ng mapagbirong isip nito ang kanyang ulo. Si Maria Malukong ay biglang tumambad sa harap ng dalawa. “Alam ba ninyo na ginugulantang ninyo ang aming tahimik na pamahinga!” Pagalit na sabi ni Maria Malukong. Ngunit tiningnan lamang siya ng dalawa at nagpatuloy pa rin ng pagsisigawan patungkol sa salapi. “Upang matahimik kayo ay bibigyan ko kayo ng tatlong kahilingan. Kahit ano basta tumahimik lang kayo!” Sabi ni Maria Malukong (alam ni Maria Malukong na hindi magkakasundo ang mag-asawa kaya ang motibo ni Maria Malukong ay lalong paguluhin ang buhay ng dalawa.)

“Hoy, kung sino ka man manahimik ka at may mahalaga kaming pinaguusapan, kung kahilingan ang ibibigay mo ‘sana mapunta sa mukha ng asawa ko ang celphone niya’ ang hirap niya kasing kausap.” Sigaw ng babae. Laking gulat ng mag-asawa ng biglang na lang dumikit ang celphone sa mukha ng asawa at ano mang pilit nilang tanggalin ay ayaw sumama nito. “Wala kang kwentang asawa!” Sigaw ng lalaki. “Sana dumikit sa ulo mo yang laptop!” Nagulat na lang sila ng biglang lumipad ang Laptop, dumapo sa ulo ng babae na nakatayo at parang kuntil na umusbong sa ulo nito.” Di nila ito matanggal.

 Manga ilang minuto bago pumasok sa isipan nila ang sinabi ni Maria Malukong. Si Maria Malukong ay nakangisi at nakabukas ang mga palad. “Paano yan naubos na ninyo ang dalawang kahilingan.” Nagisip ang mag-asawa. Naawa ang babae dahil sa nadikit sa mukha ng kanyang asawa ang celphone na parang isang malaking elektronikong pigsa at kapag may nagtetext ay talaga namang nangingilo ito dahil nakavibrate ang celphone. Gayundin naman si lalake naawa sa asawa dahil sa ulo ng asawa ay may nakadikit na nakatayong laptop na parang libro nakapatong rito tulad ng isang nag-aaral pa lang na modelo. Nag-usap sila at marahang nagpasya. “Bigyan mo kami ng isang toneladang Ginto!” Sabay na bigkas ng mag-asawa.

Katulad ni Maria Makiling na sinasabing alipin lamang ang mga ginto sa kabundukan ay inutusan ni Maria Malukong ang mga mamahaling metal na umahon mula sa lupa at lumapit sa mag-asawa. Nakangising biglang naglaho si Maria Malukong. “Mga gahamang tao! Di nila nakita na ano pa ang magiging saysay ng kayamanan gayong ang hitsura nila ay kasukasuka dahil nakadikit sa kanila ang kanilang materyalismo, mga gahaman!”



Kinabukasan ay palihim na lumisan sa bayan ng Pinagtampuhan ang mag-asawa sakay ng isang dumptruck at may kasamang limang sasakyang may mga guwardiya. Unang ginawa ng mag-asawa ay palihim na nagtungo kay Dra. Vicky Bello upang ipaopera ang kanilang mga kalagayan. Binigyan nila ng ilang milyon si Dra. Bello at isang lihim na kontrata upang hwag ipamalita ang kanilang naging kalalagayan. Si Dra. Bello ay nagwika, “Wala yan.Si Jinky Pacquiao nga ay nagawa naming magmukhang tao, iyan pa. Nakakapagpalit na ang aking mga duktor ng kasarian yan pa kayang celphone sa muka at laptop sa ulo. !” Patawang wika ni Dra. Bello.



Makalipas ang ilang araw ay nagdatingan ang mga helicopter at mga magagarang sasakyan na may magagarang mga kagamitan. Napag-alamang sila ang mga Ghostbusters na inarkila ng mag-asawang taga Maynila upang gapiin si Maria Malukong.


Isang madaliang operasyon ang ginanap ng mga Ghostbusters. Si Maria Malukong ay nagapi kasama ng mga alamat sa mga kabundukan, kasama ng mga kwento, ng mga paghanga sa kalikasan, ng pagkatakot sa kalikasan, kasama ng lahat ng mga dwende, tikbalang, diwata at ng kamusmusan.






Ngayon ang Ghostbusters ay may bagong cartoon series na.

Sunday, June 3, 2007

Si Mang Kepweng at ang kamiseta

Isa ng kaugalian ng mga mangangalakal na Pilipino na ipangalan ang kanilang produkto sa isang sikat na palabas, siguro umaasa sa lakas ng hatak ng palabas upang makabenta, o maaring ito ay isa na ring uri ng paghanga at pagbibigay pugay katulad ng pagbibigay ng mga Pilipino ng pangalan sa kanilang mga anak at mga alagang aso mula sa mga pangalan ng mga artista.

Isang tanyag na pangalan ng ngatain nuong kamusmusan ko ang binusang mais na “Mang Kepweng”. Si “Mang Kepweng” ay isang kathang isip na albularyo na katatawanan ang mga karanasan. Ito ay isinapelikula ng noo’y sikat na komedyante na si Chiquito. May nakataling bandanna sa ulo, may bitbit na bayong na punong-puno ng mga dahon, sipsip ang tabakong hilaw na binilot at kasama ang kanyang matapat na alalay na si Palito at si Balot. Sa mga pakikipagtunggali ni Mang Kepweng ay ipinakikita na ang kabutihan ng puso at katatawanan ang maliligtas sa huli—mga karaniwan ng tema ng mga palabas noong mga panahon na iyon.

Malaki ang naging ambag ng ganitong mga uri ng mga pelikula sa pagwasak ng mga pamahiin sa mga Pilipino. Maaring wala pang mga pag-aaral na magpapatunay sa aking binitiwang pahayag, subalit kung ang pagbabasihan ay ang karanasan naming mga kabataan na nooy natutuwa sa pelikulang ganito ay masabi ko na sa limitadong pananaw ng aking henerasyon sa aking pamayanan na kung saan malaki ang papel ng telebisyon at ng mga palabas sa paghubog ng aming mga pananaw ay maari ko itong akuin. Naging katatawa ang paglapit sa isang albularyo, naging katatawa ang mga karamdamang pinagagaling ni Mang Kepweng, ang mga kulam, ang mga barang, ang mga enkanto…lahat sa pakikipagtunggali ni Mang Kepweng ay kanyang nagagapi. Ang mga orasyon ni mang Kepweng na orasyon ng katatawanan ay nagbibigay sa amin ng kaligayahan dahil sa ang kapangyarihan ng mga salitang ito nailipat sa kapangyarihang makapagpatawa. Siguro lingid sa kaalaman ni Chiquito ay unti-unti niyang nawawasak ang paghanga ng mga tao sa misteryo at kapangyarihan ng mga bulong.


Ano na ba ang tingin ng mga tao sa mga albularyo at mga manggagamot na tulad nila? Di ba sila ang mga Mang Kepweng.

Ang ngataing Mang Kepweng noon ay naging bukambibig na ng mga mahilig ngumasab. Pagsinabing “bumili ka ng Mang Kepweng” ang ibig sabihin ay bumili ka ng binusang mais maging ano man ang pangalan nito. Siguro sa kadahilanang yung mga tindahan nuong mga panahon na iyon ay puro Mang Kepweng ang itinitindang binusang mais at ng maglaon na marami ng pumasok na tatak ng binusang mais ay gayon na ang nakasanayang itawag ng mga tagasaamin. Nakatutuwang isipin na bagamat matagal ng wala ang Mang Kepweng at siguro limot na ito ng mga bagong henerasyon, ay tuloy pa rin ang nakaugaliang pagpapangalan ng mga ngatain ng mga mangangalakal na Pilipino mula sa mga sikat na palabas. Dumating ang Transformers na chiz curls, na ngayon ay isa ng magandang pelikula, ang Cedie na binusa ring mais, ang Darna at iba pa.

May ginagawa kaming mga bata noon sa Mang Kepweng na talaga namang galit na galit ang aming mga nanay. Inlulubog namin sa gaas ang balot nitong plastic at pagkatapos ay idinidikit sa puti naming kamiseta. Mababaw ang aming kaligayahan noon, madikit lang ang malabong disenyo ng balot ng Mang Kepweng sa aming puting kamiseta ay masaya na kami—may Mang Kepweng T-Shirt na kami na may kasamang palo ng aming mga nanay.

Nakakangiting isipin ang kalaliman ng kababawan ng kaligayahan ng mga bata at mga ale’t ama nuong mga panahon na iyon kumpara sa kalaliman ng kababawan ng kasiyahan ng mga bata at mga ale’t mama ngayon.

Nakakatawa dahil pagnaalala ko na pagsumosobra kami sa Mang Kepweng ay humahapdi ang aming tumbong dahil para itong liha na ginagasgas ang aming mga kuyukots.

Saturday, June 2, 2007

Ang Alamat ng Sayaw ng Patpat


Sa bayan ng Pinagtampuhan ay may kakaibang uri ng sayaw na ginagawa tuwing kapistahan nila, ito ay ang sayaw ng patpat. Ang sayaw na patpat ay isang simpleng sayaw na kung saan ang isang bata na may bitbit na mahabang patpat ay hahakbang patungo sa isa namang magulang na may hawak na maikling patpat at pagnatapatan sila ay magtitinginan at pagkatapos ay hihikbi, yuyuko, at lalakad palayo sa isat-isa. Bawat bata at matanda na nagdidiwang ng sayaw na ito ay nakabihis ng lumang damit, naglalagay ng uling sa muka at sumasasabay sa tugtog ng isang gitarang wala sa tono at mga mangaawit na ang himig na binibigkas ay mga hikbi lamang.
Dinadayo ng mga turista mula sa ibat ibang lugar ng Pilipinas at paminsan minsan ay sa ibang bansa ang pagdiriwang ng sayaw na ito, karamihan sa mga dayuhang nanunuod ay luhaang umuuwi dahil sa di nila maipaliwanag na kalungkutan na nadarama nila habang pinanunuod nila ang sayaw. Ang mga mga taga Pinagtampuhan naman kahit na taun taon na nila itong ginagawa ay may mga naluluha pa rin.

Isa na lamang ang nakakaalam ng kwento kung paano nagmula ang sayaw na ito at ito ay isang magsasaka na kung tawagin nila ay si ulilang magsasaka.

Ito ang naipasang kuwento ni ulila:

Nuong panahon ng Hapon ay may isang mag inang may dalang tig-isang patpat ang naglalakbay sa bayan ng Pinagtampuhan. Si ina ay tuwang tuwang hawak ang isang maliit na patpat at pinakikita sa anak, “Anak ganito ka liit o”. Habang ipinapantay ng ina ang patpat sa ulo ng bata. “Inay, pagkaganito na ako kalaki o, hindi na kayo maglalakbay kung saan saan upang maghanap ng mapupukutang bukid. Ako na magaasikaso sa inyo.” Hawak ng bata ang patpat na kasingtaas ng kanyang ina na ginagamit nito pang habas sa mga damong dinaraanan nila--pangbugaw sa ahas.

Matagal ng ulila sa ama ang bata. Lumaki siya na ang nanay lang niya ang kasama niya at madalas siyang sumasama dito sa pagpupukot o sa pagtutulong saa mga magbubukid sa pagtatanim o pag-aani. Ni minsan an ay di sila nakapagbulsa ng pera dahil na rin sa nasanay na silang mamuhay sa kalikasan, sa kabundukan kung saan naibigay naman ang pangangaliangan nila maliban sa pananamit at iba pang mga gamit na sa bayan lamang makukuha sa pamamgitan ng pangangalakal kaya buwanan lamang sila bumababa dito.

Matagal ng may digmaan ngunit ang Pinagtampuhan ay nalalampasan nito dahil ang bayan ay nasa pusod ng bundok. Ngunit isang tanghali ay bigla na lamang nagdatingan ang mga Hapon na sakay ng mga bakal na kabayo at ginulo ang bayan ng Pinagtampuhan. Pinagsusunog ang mga kubo at pinaslang ang mga kalalakihang di nakapagtago at nakatakbo at ang masakit pa nito ay pinagkukuha ang mga batang musmos. Ang iba ay binayoneta at ang iba ay pinutukan ng baril at ang iba naman ay dinala ng mga Hapon sa kanilang pag atras sa kabilang ibayo. Napagalaman na hinahabol pala ng mga magpapalayang Amerikano ang pulotong ng Hapon na ito. Isa sa nakuhang bata ay ang batang may mahabang patpat.


Nagkukumahog na hinanap ng ina ang kanyang anak. Paikot ikot siya sa bayan ng Pinagtampuhan, dahil na rin iyon lang naman ang alam niyang bayan, dala dala ang patpat na kasing haba ng kanyang anak at piangtatanong ang mga tao roon, “Nakita niyo ba ang isang batang ganito kalaki?” Karamihan ng mga taga Pinagtampuhan ay kilala lamang sa muka ang ina dahil ito ay madalas na nasa kaniyang kubo lamang sa may bandang itaas ng bundok; namumukaan din nila ang anak nito na kasama niya palagi sa pamumukot. Walang makapagsabi na isa sa mga batang kinuha ng mga Hapon ang anak niyang musmos. Sino nga ba ang maglalakas loob dahil karamihan ng tagaroon ay nawalan din?


Umabot na ang limang taon at palibot libot pa rin ang ina na daladala ang patpat na kasing haba ng kanyang anak. Hikbi na lamang ang maririnig sa kanya.


Umabot ang sampung taon at ang ina ay daladala pa rin ang patpat na kasing haba ng kanyang anak. Bawat tao at bata na madaanan niya ay sinusukat niya sa patpat, habang humihikbi siya, hikni ng hikbi habang bitbit ang patpat at tinatapat sa mga taong dumadaan.
Walang makapagsabi na sa tagal ng panahon ay malaki na ang bata, wala ring makapagsabi na sa tagal ng panahon ay baka matagal ng patay ang bata, walang makapagsabi dahil ang hikbi ng ina ay ni minsan di nila kayang basagin.


Umabot din ng dalawampung taon na paikto-ikot ang ina sa bayan ng pinagtampuhan. Ang mga tao ay naman sa bayan ay nagging maalalahanin sa kanya at di naman siya pinabayaan. Masasabi rin na namang walang pagkukulang sa isip ang ina dahil maayos naman siya sa pakikitungo sa mga taga bayan at ni minsan ay walang binigay na kaguluhan doon maliban lamang sa paglalakad niya at pagsukat sa mga dumadadaan. Alam na ito ng mga tagaroon at alam din nila na wala na silang magagawa kundi ang unawain ang ina. Binawian ito ng buhay at inilibing ng mga taong bayan ng may pagpupugay. “Sa tagal ng panahon at sa tagal ng paghihirap, nawalan na sa kanyang sarili ngunit di pa rin nawawala sa puso niya ang kanyang anak. Sumalangit ka nawa na tulad ng ina ng Diyos.” Basbas ng pari sa manipis na kabaong ng ina habang ito ay ibinababa sa hukay.

Friday, June 1, 2007

Tanong?



Sino? Sino, ang hahanapin?
Saan? Saan, ang tutuntunin?
Bakit? Bakit, ang iispin?
Ano? Ano, ang gaganapin?

Sino man ang makapiling
Saan man makarating
Makita man ang usapin
Maging ano man ganapin

Ang sagot sa lahat ng katanungan
Kung sa tao lang ang pinagmulan
Bandang huli’y wala ring katuturan
Dahil ito babasaging kaalaman

Bandang huli, lahat itoy palipad hangin
Pagkat ang sagot sa tanong ay tanong rin
Pagkat ang tanong ay sagot din