Isa ng kaugalian ng mga mangangalakal na Pilipino na ipangalan ang kanilang produkto sa isang sikat na palabas, siguro umaasa sa lakas ng hatak ng palabas upang makabenta, o maaring ito ay isa na ring uri ng paghanga at pagbibigay pugay katulad ng pagbibigay ng mga Pilipino ng pangalan sa kanilang mga anak at mga alagang aso mula sa mga pangalan ng mga artista.
Isang tanyag na pangalan ng ngatain nuong kamusmusan ko ang binusang mais na “Mang Kepweng”. Si “Mang Kepweng” ay isang kathang isip na albularyo na katatawanan ang mga karanasan. Ito ay isinapelikula ng noo’y sikat na komedyante na si Chiquito. May nakataling bandanna sa ulo, may bitbit na bayong na punong-puno ng mga dahon, sipsip ang tabakong hilaw na binilot at kasama ang kanyang matapat na alalay na si Palito at si Balot. Sa mga pakikipagtunggali ni Mang Kepweng ay ipinakikita na ang kabutihan ng puso at katatawanan ang maliligtas sa huli—mga karaniwan ng tema ng mga palabas noong mga panahon na iyon.
Malaki ang naging ambag ng ganitong mga uri ng mga pelikula sa pagwasak ng mga pamahiin sa mga Pilipino. Maaring wala pang mga pag-aaral na magpapatunay sa aking binitiwang pahayag, subalit kung ang pagbabasihan ay ang karanasan naming mga kabataan na nooy natutuwa sa pelikulang ganito ay masabi ko na sa limitadong pananaw ng aking henerasyon sa aking pamayanan na kung saan malaki ang papel ng telebisyon at ng mga palabas sa paghubog ng aming mga pananaw ay maari ko itong akuin. Naging katatawa ang paglapit sa isang albularyo, naging katatawa ang mga karamdamang pinagagaling ni Mang Kepweng, ang mga kulam, ang mga barang, ang mga enkanto…lahat sa pakikipagtunggali ni Mang Kepweng ay kanyang nagagapi. Ang mga orasyon ni mang Kepweng na orasyon ng katatawanan ay nagbibigay sa amin ng kaligayahan dahil sa ang kapangyarihan ng mga salitang ito nailipat sa kapangyarihang makapagpatawa. Siguro lingid sa kaalaman ni Chiquito ay unti-unti niyang nawawasak ang paghanga ng mga tao sa misteryo at kapangyarihan ng mga bulong.
Ano na ba ang tingin ng mga tao sa mga albularyo at mga manggagamot na tulad nila? Di ba sila ang mga Mang Kepweng.
Ang ngataing Mang Kepweng noon ay naging bukambibig na ng mga mahilig ngumasab. Pagsinabing “bumili ka ng Mang Kepweng” ang ibig sabihin ay bumili ka ng binusang mais maging ano man ang pangalan nito. Siguro sa kadahilanang yung mga tindahan nuong mga panahon na iyon ay puro Mang Kepweng ang itinitindang binusang mais at ng maglaon na marami ng pumasok na tatak ng binusang mais ay gayon na ang nakasanayang itawag ng mga tagasaamin. Nakatutuwang isipin na bagamat matagal ng wala ang Mang Kepweng at siguro limot na ito ng mga bagong henerasyon, ay tuloy pa rin ang nakaugaliang pagpapangalan ng mga ngatain ng mga mangangalakal na Pilipino mula sa mga sikat na palabas. Dumating ang Transformers na chiz curls, na ngayon ay isa ng magandang pelikula, ang Cedie na binusa ring mais, ang Darna at iba pa.
May ginagawa kaming mga bata noon sa Mang Kepweng na talaga namang galit na galit ang aming mga nanay. Inlulubog namin sa gaas ang balot nitong plastic at pagkatapos ay idinidikit sa puti naming kamiseta. Mababaw ang aming kaligayahan noon, madikit lang ang malabong disenyo ng balot ng Mang Kepweng sa aming puting kamiseta ay masaya na kami—may Mang Kepweng T-Shirt na kami na may kasamang palo ng aming mga nanay.
Nakakangiting isipin ang kalaliman ng kababawan ng kaligayahan ng mga bata at mga ale’t ama nuong mga panahon na iyon kumpara sa kalaliman ng kababawan ng kasiyahan ng mga bata at mga ale’t mama ngayon.
Nakakatawa dahil pagnaalala ko na pagsumosobra kami sa Mang Kepweng ay humahapdi ang aming tumbong dahil para itong liha na ginagasgas ang aming mga kuyukots.
No comments:
Post a Comment