Friday, June 8, 2007

Ang Musmos na Elepante at ang Gagamba





Sa isang madawag na lugar sa paanan ng bundok ng Pinagtampuhan ay may isang gagamba na katatapos pa lamang maghabi ng kanyang gawa-gawa. Dinoble ni gagamba ang pagkakahabi upang hindi ito kaagad masisira lalo na at malalaking insekto ang nais niyang bitagin.

Namamahinga na si gagamba ng bigla niyang naramdaman ang pagyanig ng lupa, akala niya lumilindol. Habang iniindayog ng pagyanig ng lupa si gagamba sa gitna ng kanyang gawa-gawa ay nagulat siya ng makita niya ang isang musmos na elepante na nakaharap sa kanya ang malatrumpetang nguso at ang balahibo ng dulo ng buntot nito ay nakasabit sa katatapos pa lamang niyang hinabi na gawa-gawa. Hindi makakakilos ang elepante dahil ang balahibo ng kanyang buntot ay mahigpit ang pagkakakapit sa gawa-gawa at konting kilos niya ay pakiramdam niya ay parang mabubunot ito kasama ang kanyang buntot.

Dahan-dahang lumapit si gagamba at tiningnan ng walo niyang mata ang musmos na elepante. Nagulat si gagamba ng bigla na lang umiyak ang musmos na elepante. “Huwag ninyo po akong sasaktan,” makaawa ng musmos na elepante. Itinaas ni gagamba ang dalawa sa walong mabalahibo at makaliskis na mga bisig nito upang damhin ang musmos na elepante at halos maihi sa takot ang musmos na elepante. Lalong lumakas ang loob ni gagamba. Mayamaya ay pinakikita na nito ang kanyang pangil na pasipit at pinatutunog sa harap ng mata ng kawawang musmos na elepante. Nanginginig sa takot ang musmos na elepante at nagmamakaawang pakawalan siya ng gagamba.
Biglang nakarinig ng isang paungos na tunog si gagamba at ng lumingat siya ay nakita niya ang isang ibong pitpit na papalapit upang siya ay dagitin. Kitang kita ni gagamba ang takot sa mata ng elepante at inisip niya na ang takot na nararamdaman niya laban sa pipit ay maaring gayun din ang takot na nararamdaman ng elepante laban sa kanya. “Palalayain kita mula sa aking gawa-gawa,” sabi ni gagamba, “sa isang kondisyon, hatawin mo ng malatrumpeta mong ilong ang pitpit na padagit sa akin.” Pumayag dahil sa takot ang elepante. Nakita ng elepanteng musmos ang papadagit na pitpit at ng malapit na ito sa gawa-gawa ay bigla itong hinarumba ng ilong ng musmos na elepante at para bang hinog na santol na bumagsak sa kabilang ibayo ang malagihay na ibong pipit.
Tuwang-tuwa ang gagamba at sinabi kay elepante, “magaling dahil diyan ay papalayain na kita.” Akma na sanang puputulin ni gagamba ang gawa-gawa ng makita ng elepante na putol na ito dahil sa pagkakakilos niya. Lumakad ang elepante ng papatuloy, nasira ang gawa-gawa ni gagamba at ang gagamba ay natapakan na para bang isang ipot ng manok lamang.

Walang natira kay gagamba kundi ang pisarot niyang mga bisig at ang elepante ay patuloy pa rin sa paglalakad at bawat madaanang gawa-gawa ay pinaglalaruan na lamang niya at bawat makitang gagamba ay pinipisarot niya na parang ipot ng manok.

Ayan ang dahilan kung bakit ni minsan ay wala pang elepanteng nasasapot ng gagamba. He, he, he, he…

No comments: