Monday, June 4, 2007

Si Maria Malukong, si Dra. Vicky Bello, ang mga Ghostbuster at ang alamat ng Talong


Marami ng naiulat na mga kababalaghan sa bundok ng Pinagtampuhan. May mga nagsasabi na marami daw maligno, diwata, dwende, tikbalang, at iba pang mga nilalang na nakikisama sa mga tao sa bundok ng bayan ng Pinagtampuhan. Isa sa pinakilalang diwata sa bundok ay si Maria Malukong. Si Maria Malukong ay sinasasabing kapatid ng diwata ng bundok sa Laguna na si Maria Makiling ng bundok Makiling.

Sa pagkakaalam ng matatanda sa Pinagtampuhan si Maria Malukong ay anak ng ama ni Maria Makiling, isang lalaking kilalang makisig na mangangaso. Ang mangagaso daw na ito ay kilala sa kanyang kakisigan at sa kanyang pamamaraan sa kababaihan. Pangalawang diwata ang ina ni Maria Malukong na nabighani ng mangangaso at iniwanan. Nang magkaulayaw ang dalawang diwata ay nalaman nilang sila ay napaglalangan ng isang tao lamang. Sinasabi sa mga alamat na lahat ng diwata sa buong kapuluan ay binigyan babala upang siluin ang mangangaso upang hwag ng makabitag ng iba pang mga birheng diwata. Sinasabing ang mangagaso ay isinumpa ng mga diwata, ikinulong ito at binulungan at isinumpang maging isang halaman na naayon sa kanyang kalikasan—siya ay naging isang masustansyang gulay na kinalaunan ay tinawag na “Talong.”



Ang ugali ni Maria Malukong ay sinasabing kabaligtaran ng ugali ni Maria Makiling. Ayon sa mga matatanda ay dahilan na rin ito ng sinapit ng kanyang ina ng wasakin ng mangangaso ang puso nito. Maliit pa lang ang diwata ay naturuan na ng ina na huwag magtiwala sa mga mapagkunwaring mga tao, maging maingat sa pakikitungo dito dahil makapangyarihan ang kanilang mga dila.

 Kalalakihan ang kadalasang nakakalasap ng kanyang mga pagbibiro. May isang lalaki ang ikakasal sa isang magandang dilag at ng malaman ito ng diwata ay nabalitaang tinubuan ng sandamukal na kulugo ang binata sa muka. Isang dayuhan na manliligaw sa isang dilag na taga Pinagtampuhan ang kanyang iniligaw at ng matagpuan ng mga tao na paikot-ikot sa isang burol ay sinabi nito na may isang babae ang nagturo sa kanya ng daan. Maraming kwento ng pagbibiro si Maria Malukong na hanggang ngayon ay nagpapasaya sa mga taga Pinagtampuhan, kasi naman kahit papaano ay natuturuan sila ng aral ng kanilang diwata.



Isang araw ay may mag-asawang taga-Maynila ang nagbakasyon sa Pinagtampuhan. Mga malakihang mangangalakal ang mga ito kitang-kita na rin sa mga dala-dala nilang mga mataas na uri ng teknolohiyang mga gamit tulad ng celphone, laptop at iba pa. Nagbakasyon ang mag-asawa dahil na rin gusto nilang makapagpahinga kahit sandali lamang mula sa magulong buhay ng pangangalakal sa Maynila. Ngunit ang mag-asawang ito ay madalas magtalo sa pananalapi. Madalas silang magsigawan ukol sa pagpapatakbo ng kanilang mga kalakal.

Sanay sa katahimikan ang mga taga-Pinagtampuhan at ng maulinigan ni Maria Malukong ang pagsasagutan ng taga-Maynila ay biglang pinasok ng mapagbirong isip nito ang kanyang ulo. Si Maria Malukong ay biglang tumambad sa harap ng dalawa. “Alam ba ninyo na ginugulantang ninyo ang aming tahimik na pamahinga!” Pagalit na sabi ni Maria Malukong. Ngunit tiningnan lamang siya ng dalawa at nagpatuloy pa rin ng pagsisigawan patungkol sa salapi. “Upang matahimik kayo ay bibigyan ko kayo ng tatlong kahilingan. Kahit ano basta tumahimik lang kayo!” Sabi ni Maria Malukong (alam ni Maria Malukong na hindi magkakasundo ang mag-asawa kaya ang motibo ni Maria Malukong ay lalong paguluhin ang buhay ng dalawa.)

“Hoy, kung sino ka man manahimik ka at may mahalaga kaming pinaguusapan, kung kahilingan ang ibibigay mo ‘sana mapunta sa mukha ng asawa ko ang celphone niya’ ang hirap niya kasing kausap.” Sigaw ng babae. Laking gulat ng mag-asawa ng biglang na lang dumikit ang celphone sa mukha ng asawa at ano mang pilit nilang tanggalin ay ayaw sumama nito. “Wala kang kwentang asawa!” Sigaw ng lalaki. “Sana dumikit sa ulo mo yang laptop!” Nagulat na lang sila ng biglang lumipad ang Laptop, dumapo sa ulo ng babae na nakatayo at parang kuntil na umusbong sa ulo nito.” Di nila ito matanggal.

 Manga ilang minuto bago pumasok sa isipan nila ang sinabi ni Maria Malukong. Si Maria Malukong ay nakangisi at nakabukas ang mga palad. “Paano yan naubos na ninyo ang dalawang kahilingan.” Nagisip ang mag-asawa. Naawa ang babae dahil sa nadikit sa mukha ng kanyang asawa ang celphone na parang isang malaking elektronikong pigsa at kapag may nagtetext ay talaga namang nangingilo ito dahil nakavibrate ang celphone. Gayundin naman si lalake naawa sa asawa dahil sa ulo ng asawa ay may nakadikit na nakatayong laptop na parang libro nakapatong rito tulad ng isang nag-aaral pa lang na modelo. Nag-usap sila at marahang nagpasya. “Bigyan mo kami ng isang toneladang Ginto!” Sabay na bigkas ng mag-asawa.

Katulad ni Maria Makiling na sinasabing alipin lamang ang mga ginto sa kabundukan ay inutusan ni Maria Malukong ang mga mamahaling metal na umahon mula sa lupa at lumapit sa mag-asawa. Nakangising biglang naglaho si Maria Malukong. “Mga gahamang tao! Di nila nakita na ano pa ang magiging saysay ng kayamanan gayong ang hitsura nila ay kasukasuka dahil nakadikit sa kanila ang kanilang materyalismo, mga gahaman!”



Kinabukasan ay palihim na lumisan sa bayan ng Pinagtampuhan ang mag-asawa sakay ng isang dumptruck at may kasamang limang sasakyang may mga guwardiya. Unang ginawa ng mag-asawa ay palihim na nagtungo kay Dra. Vicky Bello upang ipaopera ang kanilang mga kalagayan. Binigyan nila ng ilang milyon si Dra. Bello at isang lihim na kontrata upang hwag ipamalita ang kanilang naging kalalagayan. Si Dra. Bello ay nagwika, “Wala yan.Si Jinky Pacquiao nga ay nagawa naming magmukhang tao, iyan pa. Nakakapagpalit na ang aking mga duktor ng kasarian yan pa kayang celphone sa muka at laptop sa ulo. !” Patawang wika ni Dra. Bello.



Makalipas ang ilang araw ay nagdatingan ang mga helicopter at mga magagarang sasakyan na may magagarang mga kagamitan. Napag-alamang sila ang mga Ghostbusters na inarkila ng mag-asawang taga Maynila upang gapiin si Maria Malukong.


Isang madaliang operasyon ang ginanap ng mga Ghostbusters. Si Maria Malukong ay nagapi kasama ng mga alamat sa mga kabundukan, kasama ng mga kwento, ng mga paghanga sa kalikasan, ng pagkatakot sa kalikasan, kasama ng lahat ng mga dwende, tikbalang, diwata at ng kamusmusan.






Ngayon ang Ghostbusters ay may bagong cartoon series na.

No comments: