Ngayong darating na Dec. 10 ay muli na namang ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw sa Pagkilala sa Karapatang Pantao. Dito sa Pilipinas, kung saan kinilala sa buong mundo ang kasalanan ng Armed Forces of the Philippines at ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa paglabag sa karapatang pantao, ito ay panahon ng pagkundena sa sistematiko at laganap na pamamaslang, pandurukot, at tortyur sa mga inosenteng sibilyan at mamamahayag.
Kahit kinikilala ang kalayaan sa pamamahayag sa ating Bill of Rights, hindi ligtas ang mga mamamahayag mula sa pagsupil ng rehimeng Arroyo. Naging isang malaking usapin ang nangyari sa mga miyembro ng media matapos nitong i-dokumento ang naganap na insidente sa Manila Peninsula dulot ng pag-walk-out sa Makati Regional Trial Court at pag-aaklas nina Sen. Antonio Trillanes at grupong Magdalo. Malinaw na labag sa mga karapatan ng mamamahayag ang ginawang pagtali sa kamay at pagbitbit sa mga miyembro ng media kasabay ang mga hinuling miyembro ng Magdalo at oposisyon na lumahok sa insidente.
Maging ang mga kabataang mamamahayag sa loob ng ating mga eskwelahan ay nakararanas din ng sistematikong pagsupil sa karapatan sa awtonomiyang pampinansiya at kalayaan sa pagdetermina sa magiging laman ng kanilang pahayagan. Sa Laguna State Polytechnic University at St. Mary’s College of Marinduque, pinagbabawalan ang mga manunulat ng pahayagang pang-estudyante na magsulat ng mga artikulo na patungkol sa mga polisiya ng eskwelahan at mga pambansang isyu. Dahil naman sa pagiging kritikal ng publikasyon ng The Epitome, ginawang non-compulsory ang pagbabayad ng publication fee, na nagdulot ng pagkabalam ng paglalabas ng The Epitome ng isyu nito.
Subalit kahit na busalan ang mga mamamahayag, hindi na makakayang itago pa ang kabulukan sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Sunud-sunod na nagsulputan ang mga isyu ng pangungurakot sa NBN-ZTE deal na inilantad ng anak ni House Speaker Jose de Venecia at ang panunuhol sa mga gobernador at mga kongresista na ginawa mismo sa loob ng MalacaƱang. Malaking dagok din kay Arroyo ang pagturo ni UN Special Rapporteur Philip Alston kay Arroyo at sa AFP bilang utak sa likod ng malaganap na pampulitikang pamamaslang sa bansa.
Hindi na rin kayang itanggi ang lumalalang krisis pang-ekonomiya. Sa loob lamang ng taong ito ay 16 na beses na nagtaas ang presyo ng gasolina habang 13 beses nagtaas ang presyo ng krudo. Damang-dama ito hindi lamang ng mga tsuper kundi maging ng malawak na sambayanan dahil sa kaakibat nitong pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang serbisyo.
Hindi na rin malilinlang ang mga maralitang taga-lungsod na nakakaranas ngayon ng malawakang demolisyon. Ang mga maralitang itinaboy sa mga relokasyon tulad ng Southville, Cabuyao, Laguna ay walang ibang dinaranas kundi sakit, gutom, kamatayan, at kawalan ng hanapbuhay at maayos na pasilidad. Ang pagpapatiwakal ng 12-anyos na batang si Marianet Amper ay isang manipestasyon ng depresyon ng mamamayan dahil sa kagutuman.
Para sa mga mamamayang hindi nanahimik sa nararanasang kahirapan at panunupil, kamatayan at kulungan ang tugon sa kanila ni Arroyo. Sa buong bansa, 888 na ang pinatay at 184 ang dinukot habang sa Timog Katagalugan, umabot na sa 168 ang pinaslang, 31 ang sapilitang dinukot, habang 36 ang mga bilanggong pulitikal. Kabilang dito ay dalawa sa alumni ng CEGP - si Pastor Berlin Guerrero, na dating manunulat ng Christian Chronicle ng Philippine Christian University-DasmariƱas at opisyal ng CEGP-Cavite, at pangalawa ay si Axel Pinpin, isa sa ”Tagaytay 5”, na dati ding manunulat sa Gazette, ang opisyal na pahayagan ng mga estudyante sa Cavite State University.
Sa mga kalagayang ito, ang mga mamamahayag ay nararapat na magsilbi hindi lamang bilang tagapagbalita at mata ng lipunan, kundi higit sa lahat ay gampanan ang tungkuling maging boses ng mga walang boses at maging tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
Labanan ang atake sa kalayaan sa pamamahayag!
Itigil ang pamamaslang at pandurukot sa mga aktibista at mamamahayag!